Nang Dahil sa Siopao

Siopao. Siopao na lang ang natitirang baon ni Paco nung araw na iyon. Siopao na binili niya pa kagabi sa halagang bente pesos para sana kainin bilang meryenda sa hatinggabi. Mabuti na lamang at nakatulugan na niya ang panonood sa Youtube bago pa niya maalalang may binili nga pala siyang siopao at nakatago iyon sa kaniyang bag. Kung ‘di ay wala siyang babaunin ngayon kung hindi pamasahe lang!

“Delayed na naman ang sahod, nakakabw*sit!” Kakamot-kamot si Paco sa kaniyang ulo habang naglalakad sa kahabaan ng kalsada kung saan naroon ang building ng pinagtatrabahuhan niyang kompaniya.

Isa siyang empleyado sa IT Department ng isang cosmetics company. Tatlong taon na siyang nagtatrabaho roon at tatlong taon na rin siyang bw*sit sa kanilang tamad na finance manager na si Ma’am Joy. Paano’y laging late kung ito’y magpasahod dahil may personal na galit ito sa kanilang department lalo na sa kaniya. Malaki kasi ang pagkagusto ng babae sa kaniya noon ngunit hindi niya ito pinatulan dahil may asawa na ito. Ngayon tuloy ay pinag-iinitan siya!

“Pahingi po! Pahingi po!”

Natigilan si Paco nang makasalubong ang isang matanda habang nakalahad ang kamay at paulit-ulit na sinasabi ang mga salitang iyon sa kaniya. Napapikit naman siya sa pagkainis hindi para sa matanda kung ‘di para sa kaniyang sarili!

“Pigilan mo, pigilan mo!” Lihim na pinagagalitan ni Paco ang sarili dahil alam niyang ito ang kahinaan niya. Sa tuwing mayroon kasing nakakaawang pulubi, bata, matanda, lalaki o babaeng nanghihingi sa kaniya ng tulong ay hindi niya mahindian. Palagi na lang niyang pinipiga ang sarili kahit pa siya’y walang-wala na!

“Pahingi po!” muli na namang pagsasalita ng matanda habang nakalahad ang kamay.

“Bahala na nga!” nasabi na lang ni Paco sabay abot ng siopao niya rito.

Advertisement

“Pasensiya ka na, tay, ha? Wala na kasi akong pera, eh. Iyan na lang ang natitirang mayroon ako. Pero may sampung piso pa akong pamasahe rito. Ibibili ko na lang ng tubig ninyo dahil baka naman ho mabulunan kayo riyan.” Halos mapalunok si Paco sa pagtitig sa matanda habang nilalantakan nito ang siopao na binigay niya. Bagama’t natatakam ay masaya si Paco dahil mayroon na naman siyang nabusog na nangangailangan.

Bumili ng tubig si Paco. Hinintay niya munang maubos ng matanda ang siopao bago niya iniabot ang mineral water na kaniya pang binili sa tindahang malapit sa kanilang building pagkatapos ay inalalayan niya ring uminom ang matanda.

“Tay, maiwan ko na ho kayo, ha? Ako ho kasi, eh, male-late na. Baka ho matanggal ako sa trabaho kapag nagtagal ako rito. Sana nabusog kayo,” nakangiting pagpapaalam na sana ni Paco noon sa matanda nang isang tinig ang bigla na lang tumawag sa kaniyang pangalan.

“Paco Santilian!”

“Sir?” Biglang kinabahan si Paco nang makilala kung sino ang tumawag sa kaniya, ang CEO ng pinagtatrabahuan niyang kompaniya.

“Sir, good morning po!” agad na bati ni Paco nang tuluyan na itong makalapit sa kaniya.

“Kilala mo ba siya?” Itinuro ng kaniyang boss ang matandang kanina lang ay pinakain niya ng siopao. “Ay naku, sir, hindi po. Pero ako po ang nagpaupo sa kaniya sa tapat ng building niyo, sir. Pinakain ko ho kasi sa kaniya iyong baon kong siopao dahil mukhang nagugutom ho si tatay, eh. Pasensiya na po, sir. May ginawa po ba siyang kasalanan?” kinakabahang tanong ni Paco sa kaniyang boss na noon ay kunot na kunot ang noo. Baka mapagalitan pa siya nang ‘di oras.

“Wala. Wala siyang ginawang kasalanan. I’m actually looking for him. Kanina pa. So you don’t have any idea na itong matandang pinakain at pinainom mo ng tubig ay ang tatay ko?” tanong ng CEO.

Advertisement

Bumakas ang labis na pagkagulat sa mukha ni Paco. Nagulantang ang kaniyang sistema sa narinig.

“Po?” Nalintikan na! Ama pala ng kaniyang boss ang matandang pinakain niya ng tigbe-bente pesos na siopao!

“Sir, patawarin po ninyo ako kung pinakain ko siya ng siopao na tigbe-bente pesos! Wala na ho kasi akong pera, sir! Delayed ho ang sahod namin!” halos maglumuhod na sa paghingi ng paumanhin ni Paco sa kaniyang boss.

“Tumayo ka nga riyan, Santilian! Ano ba ang ihinihingi mo ng tawad? Aba’y dapat nga ako pa ang magpasalamat sa’yo dahil tinulungan mo ang tatay ko. He’s suffering from Alzheimer’s disease at mahirap siyang i-please ng kahit na sino pero ikaw nagawa mo. Maraming salamat sa’yo!” saad ng CEO.

Tulala si Paco nang kamayan siya ng kaniyang boss lalo na nang ipatawag pa siya nito sa opisina nung araw ding iyon para sabihing ipino-promote siya nito bilang bagong manager ng IT Department lalo pa’t kare-resign lang pala ng dati nilang manager.

Napagalitan din ang salbahe at maharot nilang finance manager na si Ma’am Joy dahil sa pagdi-delay nito sa kanilang sahod.

Grabeng biyaya ang kapalit ng pamimigay ni Paco ng siopao sa isang matandang ‘di naman niya akalaing ama pala ng kaniyang boss. Talagang likas lamang siyang matulungin kaya naman tunay na gantimpala rin ang ganti sa kaniya ng Panginoon.