Ang Hatol Ng Karma

Bata pa lamang sina Christine ay talagang nakaranas na sila ng labis-labis na kahirapan. Tanging pagtitinda lang ng kung anu-anong pagkain ang ikinabubuhay nila ng kaniyang ina at kapatid.

Isang kahig, isang tuka ang kanilang buhay at halos mas mahirap pa sila sa daga. Minsan nga ay talagang nakaranas silang kumain ng isang beses lang sa isang araw. Iyon ay mula nang mawala ang kanilang ama, na anak sa labas ng isang mayamang lalaki.

Noon ay sinubukan nilang lumapit sa kanilang lolo na siyang ama ng kaniyang yumaong papa, ngunit itinaboy lamang sila nito. Dahil na rin sa sulsol ng kanilang tiyahin dito, na sila raw ay mga manggagantso lamang!

“Hindi ko kayo apo! Magsilayas kayo sa pamamahay ko!” ang sigaw ng kaniyang lolo noon habang lulan ito ng wheelchair na tulak-tulak ng kanilang Tiya Puring.

“Mga manggagantso lamang ang mga iyan! Mga taong gusto lang kayong huthutan, Papa!” singit pa ng malupit na tiya.

Simula noon ay ipinangako ni Christine sa sarili na kailan man ay hinding-hindi na siya aasa sa tulong ng kahit na sino at magsisikap siyang iangat ang buhay nila ng ina at ng kaniyang kapatid kahit gaano man kahirap. Sinimulan niya sa paghahanap ng part time job, habang siyaʼy nag-aaral noon bilang first year highschool upang may pangtustos siya sa kaniyang pag-aaral at pandagdag sa gastusin nila sa kanilang bahay. Nang makatapos si Christine ng highschool at nakuha ang pinakamataas na karangalan para sa mga nagsipagtapos ay agad siyang nag-apply ng isang full scholarship sa isang unibersidad.

Hindi pa rin naging madali ang kanilang buhay, ngunit nanatiling matatag si Christine sa kabila ng mga iyon, dahil na rin sa kaniyang pamilya.

“Proud ako sa iyo, anak. Ano man ang mangyari, lagi mo sanang tatandaan na narito lang kami ng kapatid mo para sa ʼyo. Lagi ka naming aalalayan kahit saan,” natatandaan niya na palaging paalala sa kaniya ng kanilang ina na talaga namang isa sa pinakapinaghugutan ni Christine ng lakas ng loob.

Advertisement

“Salamat, ma. Hayaan mo, kapag nagtagumpay ako rito, sinisigurado ko na iaalis ko kayo sa mahirap nating buhay. Pangako ko po iyan,” may halong panunumpang pahayag naman minsan ni Christine.

Iyon ang naging umpisa ng kaniyang unti-unting pagtatagumpay sa buhay, simula sa unti-unti niya ring pagkamit noon ng ibaʼt ibang academic at extra curricular activity awards. Talentado kasi, lalo na sa sining, at talagang matalino si Christine kaya naman marami sa kaniyang mga guro ang hindi na nagtaka pa roon. Hanggang sa humakbang nang humakbang si Christine pataas upang marating ang pinakaprayoridad niya sa ngayon… ang makatapos.

Ilang taon pa ang lumipas, isa na ngayong matagumpay na fashion designer si Christine. Hindi lang basta matagumpay, kundi matagumpay na matagumpay dahil ang halos lahat ng kaniyang mga gawang damit ay kinikilala bilang obra ng karamihan!

Marami na siyang nabihisang mga celebrity, hindi lang locally kundi pati internationally na talaga namang iniidolo at hinahangaan ng nakararami! Pinarangya talaga ng kaniyang talento ang buhay nila ng kaniyang pamilya.

Samantala, nooʼy hindi inaasahang balita ang kanilang natanggap tungkol sa kanilang Tiya Puring. Ang kaparehong taong nagmalupit sa kanila noon sa pamamagitan ng panunulsol sa kanilang lolo upang hindi sila nito tulungan.

Nakatanggap sila ng tawag mula sa anak nitong humihingi ng tulong upang mailabas siya sa kulungan! Nang pumanaw na kasi ang mayaman nilang lolo ay halos nalugi na rin si Tiya Puring dahil hindi naman ito marunong magpatakbo ng negosyo. Isabay pa ang pagkalulong nito sa sugal at ang patung-patong na utang na naging dahilan upang siyaʼy makulong.

“Pasensiya ka na, hindi namin kayo matutulungan,” ang tanging sinabi ni Christine sa kausap bago niya ibinaba ang telepono.

Hindi nangibabaw ang awa sa kaniyang puso ngayon, para sa taong naging dahilan ng kanilang paghihirap noon. Para sa kaniyaʼy iyon ang hatol ng karma at dapat lang iyong kaharapin ng kanilang Tiya Puring.

Advertisement

“Anak, pangibabawin mo ang pag-unawaʼt awa sa iyong puso. Huwag mong hayaang lamunin ka ng galit mo. Matuto kang magpatawad, dahil anuʼt ano pa man ay kapatid pa rin siya ng iyong ama,” ang biglang pangangaral noon ng kaniyang ina sa kaniya na mabilis namang nakapagpabago sa kaniyang isip.

“Tama kayo, Mama!” Sabay yakap niya sa ina.

Noon din ay muli niyang tinawagan ang kaniyang pinsan upang sabihing tutulungan na niya sila, ngunit huli na pala ang lahat.

Umiiyak ang boses na sumagot sa telepono. “W-wala na si Mama! Inatake siya sa loob ng selda…”

Laking pagkabigla ni Christine sa nalaman. Talagang humatol na ang karma para sa kaniyang Tiya Puring at wala na siyang magagawa pa roon. Ang tanging kaya na lamang niyang tulungan ngayon ay ang kawawa nilang pinsang naiwang pumapasan sa lahat ng problemang iniwan ng kaniyang Tiya Puring sa mundo.