Inday TrendingInday Trending
Pinagsalitaan ng Magkakapatid ang Kuya Nilang Inutil, Nakakaiyak Pala ang Dahilan Kaya Na-Baldado Ito

Pinagsalitaan ng Magkakapatid ang Kuya Nilang Inutil, Nakakaiyak Pala ang Dahilan Kaya Na-Baldado Ito

Nakapagtapos ang magkakapatid na sina Danilo, Genesis, Aubrey at Fatima sa kolehiyo at mayroon ng kanya-kanyang mga trabaho. Tanging ang nakatatanda nilang kapatid na si Albert ang hindi nakatapos ng pag-aaral dahil sa kapansanan nito, isa itong baldado. Dahil palagi itong nasa bahay at walang ginagawa ay kinaiinisan ito ng kanyang mga kapatid.

“Buti pa si Kuya Albert ‘no, ang sarap ng buhay. Pahiga-higa lang sa kama at naka-aircon pa,” sabi ni Aubrey.

“Samantalang tayo, maghapong nagtatrabaho para kumita ng pera,” wika naman ni Danilo.

“Pabigat naman iyang si Kuya, e! Perhuwisyo pa!” gatong pa ni Genesis.

Narinig ni Aling Betty ang reklamo ng mga anak.

“Akala niyo, hindi ko naririnig ang mga sinasabi niyo sa Kuya ninyo! May kapansanan ang kapatid ninyo, baldado na siya. Hindi na siya maaaring makapatrabaho.”

“E, bakit ba kasi nagkaganyan si Kuya?” tanong ni Fatima.

“Mahabang kuwento kaya puwede ba, tigilan niyo na ang pagsasalita ng hindi maganda sa Kuya ninyo.”

Gaya ng dati, kapag napagsasabihan ng kanilang ina ay nakasimangot lang ang magkakapatid. Sa isip ng mga ito ay kinakampihan pa ng ginang ang kapatid nilang batugan.

Isang gabi, nagkaroon ng kasiyahan sa bahay nila. Kaarawan ni Danilo at nagpapunta siya ng mga bisita. Mga kaibigan, kakilala, mga katrabaho. Ipinakilala niya sa mga ito ang kanyang ina, amang si Mang Delfin at mga kapatid.

Napansin ng isa sa mga bisita na nakabukas ang pinto ng kuwarto ni Albert.

“Danilo, sino naman iyong nakahiga sa kama?” tanong ng babaeng katrabaho ng binata.

“Ah,wala. Malayong kamag-anak lang namin. Dito lang nakikituloy. Wala na kasing pamilya kaya kinupkop na lang namin.”

Hindi niya alam na narinig palang lahat ni Albert ang mga sinabi niya. Lihim na napaluha ang lalaki. Hindi nito akalaing darating sa punto na itatatwa siya ng sariling kapatid.

Hindi rin iyon nakaligtas sa pandinig ni Mang Delfin at agad na pinagsabihan ang anak.

“Danilo, halika nga dito!”

“Bakit po, itay?”

“Anong sinasabi mong malayong kamag-anak natin ang Kuya Albert mo? Hindi mo man lang ipinakilala ang kapatid mo sa mga bisita mo? Bakit kailangan mong magsinungaling?”

“Tay, nakakahiya sa mga kaibigan at katrabaho ko. Ayokong malaman nila na may kapatid akong baldado at walang silbi!”

Sa galit ay nasampal ni Mang Delfin ang anak.

“Hindi namin kayo pinalaki ng nanay niyo na maging bastos! Hindi ka na naawa sa Kuya mo itinatwa mo na, ininsulto mo pa!”

Sa sobrang sama ng loob ay nagkulong sa kuwarto ang binata. Pinauwi na ni Mang Delfin ang mga bisita at sinabing hindi na sila mahaharap ng anak. Nagdahilan na lang ito na sumama ang pakiramdam ni Danilo.

Napansin ni Albert na wala na ang mga bisita ng kapatid kaya hindi nito napigilang magtanong kay Aling Betty.

“Nay, nasaan na po ang mga bisita ni Danilo?”

“Wala na sila anak, umuwi na.”

“Maaga pa ah! Madali bang natapos ang party?”

“Huwag mo nang intindihin iyon, anak. Mabuti pa ay magpahinga ka na at gabi na.”

Nang makatulog na ang anak ay hindi napigilan ni Aling Betty na maluha sa kalagayan nito.

“Ang kaawa-awa kong anak..”

Nang muling sumapit ang gabi ay umuwi namang lasing si Genesis. Pasuray-suray ito at halos hirap makalakad.

“Be my lady..lalala..” anito sa kumakantang tono.

Tulog na ang mga kasama sa bahay kaya walang nakarinig sa pagkanta ng binata. Napansin nito ang ilaw na nakabukas sa kuwarto ni Albert. Nakaawang din ang pinto kaya agad itong pumasok sa loob. Nakita niya ang kapatid na nagbabasa ng libro. Napansin din nito ang presensiya niya.

“O, bro bakit ngayon ka lang?” tanong nito.

“Ako dapat ang magtanong sa iyo, Kuya, hik! Bakit ba hindi ka makatayo o makapaglakad? Bakit wala kang silbi sa pamamahay na ito?” wika ng binata.

Dahil lasing ay naunawaan ni Albert ang kapatid kaya malumanay niya itong kinausap.

“Lasing ka, bro. Magpahinga ka na.”

“Wala kang karapatan na utusan ako kung ano ang dapat kong gawin, ha! hik! Ako ba inutusan kitang bumangon sa higaan mo at sabihan kang magbanat ka ng buto?”

“Tama na, lasing ka na, e. Itulog mo na iyan,” pagpipigil pa rin ni Albert.

Hindi na napigilan ng binata ang bugso ng damdamin at sinuntok ng ubod lakas sa mukha ang kapatid.

“O, ayan siguro naman magkakaroon ka na ng kahit konting hiya!’ sigaw ni Genesis.

Sa lakas ng boses ng binata ay nagising ang mag-asawa at iba pang kapatid.

“Anong ibig sabihin nito, Genesis, gabing-gabi na at nagsisisigaw ka?” inis na tanong ni Mang Dindo.

Nakita ni Aling Betty ang duguang mukha ni Albert.

“Bakit may dugo ang mukha mo, anak, sinong may gawa niyan?”

“Sige, kaya mas kumakapal ang mukha niyan e. Kasi palagi niyong bine-baby!”

“Tumigil ka, Genesis, wala kang alam!” sigaw ni Mang Delfin.

“Totoo naman po ang sinabi ni Kuya Genesis, kung ituring niyo si Kuya Albert ay parang bata kaya nagiging tamad.” sabad ni Aubrey.

“Magsitigil kayo! Hindi niyo alam ang sakripisyong ginawa ng Kuya Albert niyo!” mangiyak-ngiyak na sabi ni Aling Betty.

“Nay, tama na iyan. Kalimutan na natin.” sabi ni Albert.

“Hindi anak, siguro ay kailangan na nilang malaman ang katotohanan.”

“At ano naman po iyon, ano ang kailangan naming malaman?” tanong ni Fatima.

“Na nagkaganyan ang kapatid niyo dahil sa inyo! Dahil sa pagliligtas niya sa inyo!” bunyag ni Aling Betty.

Nagkatinginan ang magkakapatid. Hindi naiintindihan ang sinabi ng ina.

“Anong ibig niyong sabihin, nay?” tanong ni Danilo.

“Mga bata pa kayo noon. Sabay-sabay kayong tumatawid sa kalsada nang may biglang dumating na humaharurot na sasakyan. Muntik na kayong masagasaan ngunit itinulak kayo ng Kuya Albert niyo. Siya ang nahagip at nakaladkad ng sasakyan. Ipinagamot namin siya sa ospital ngunit ang sabi ng mga doktor ay wala ng pag-asa na makatayo at makalakad ang kapatid niyo. Habangbuhay na siyang magiging baldado,” paliwanag ng ina.

Habang nakukuwento si Aling Betty ay hindi na rin napigilan ng magkakapatid na maiyak sa totoong nangyari sa kanilang nakatatandang kapatid. Hindi pala biro ang ginawa ni Albert. Isinakripisyo nito ang sariling buhay at pangarap para mailigtas sila.

Agad na nilapitan ng mga kapatid si Albert at humingi ng tawad sa lahat pangungutya at pangmamaliit na ginawa ng mga ito.

“Wala akong pinagsisisihan sa ginawa ko, dahil mahal ko kayong mga kapatid ko!” wika ni Albert.

Mula noon ay naging maayos na pakikitungo nila kay Albert. Nalaman nila kung gaano sila kamahal ng kanilang Kuya. Kung dati ay pinagmamasungitan nila ito, ngayon ay tulung-tulong na sila sa pag-aalaga sa lalaki.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement