Banal ang Tingin ng Lahat sa Pari, ang Di Nila Alam ay May Baho Itong Itinatago
“Huwag po, parang awa niyo na po. May asawa po ako!”
“Sandali lang ito!”
“Maawa po kayo, huwag po!”
Nagising si Amelia, pawis na pawis at takot na takot. Nanaginip na naman siya.
“Amelia, nanaginip ka na naman ba ng masama?” nag-aalalang tanong ng asawa niyang si Basilio. “Ilang araw ka nang binabangungot ah. Palagi mong binabanggit ang pangalan ni Padre Frias.”
Hindi nakasagot ang babae at sa halip ay isang malalim na buntong-hininga lang ang pinakawalan niya.
Kinaumagahan ay nagpaalam si Basilio na pansamantala itong aalis para magtrabaho sa sakahang pagmamay-ari ng simbahan sa kabilang bayan. Tinanggap nito ang trabahong ibinigay ng kanilang Kura Paroko para mas malaking halaga ang maiuuwi para sa kanyang pamilya.
“Babalik ako, mahal ko. Ikaw na muna ang bahala sa anak natin.” anito sa naglalambing ng tinig.
“Mag-iingat ka dun, mahal. Alagaan mo ang sarili mo. Hihintayin ko ang pagbabalik mo!” aniya.
Pinagsaluhan nila ang huling mahigpit na yakap bago sila tuluyang naghiwalay ng landas. Hinabol pa ng tingin ni Amelia si Basilio bago ito sumakay ng bus.
Kung abala ang kanyang asawa sa sakahan ay nagtatrabaho naman siya sa simbahan bilang tagalinis at tagapagsilbi sa Kura Paroko.
Dumaan ang dalawang Linggo at nagulat na lamang si Amelia sa balitang nagkasakit ang kanyang asawa, kailangan niya itong puntahan para dalawin. Sa puntong iyon ay kailangan niyang magdesisyon.
“Diyos ko, kayo na po ang bahala sa akin!” bulong niya sa sarili.
Nang umaga ding iyon ay pinuntahan niya ang simbahang pinaglilingkuran para magpaalam sa Kura Paroko na si Padre Frias na dadalawin niya ang may sakit na asawa sa sakahan.
Bago siya tumuloy sa silid ng pari ay malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Sa oras na iyon ay grabe ang kaba ni Amelia ngunit mas mahalagang makita niya ang asawa kaya kahit masikip sa dibdib ay nilakasan niya ang loob at kinausap ang pari.
“Padre, maaari po ba kayong makausap?”
“Amelia, anong kailangan mo?” wika ng pari sa mapagmataas na tono.
“Narito po ako para magpaalam. Pupuntahan ko po ang asawa ko sa sakahan dahil nabalitaan ko po na may sakit siya at kailangan niya ako dun. Pakiusap, Padre payagan niyo po akong lumiban muna sa aking trabaho dito sa simbahan kahit isang araw lang.”
“Mas mahalaga ba ang asawa mo kaysa ang paglingkuran ang tahanan ng Diyos?”
“Kaya nga po nakikiusap ako, Padre. Kahit ngayon lang po. Maawa naman po kayo.”
“Paano kung hindi ako pumayag sa hiling mo?”
“Parang awa niyo na po. Kahit magtrabaho ako pitong beses sa isang Linggo gagawin ko, Padre. Pagbigyan niyo lang ang aking kahilingan.” pagmamakaawa ni Amelia sabay luhod sa harapan ng Kura Paroko.
“Bueno, hindi naman ako masamang tao. Sige, humayo ka! Saka na lang kita sisingilin pagbalik mo dito.”
Agad siyang gumayak para puntahan ang asawa ngunit nadatnan niya ito na wala ng buhay. Sinabi ng mga kasamahan nito sa trabaho na napagkamalan daw itong tulisan ng mga sundalo kaya pinagbabaril.
“Ikinalulungkot namin ang nangyari misis!” sabi ng isang kasamahan ng lalaki.
Niyakap niya nang mahigpit ang malamig na bangkay ng asawa at humagulgol ng iyak.
“Basilio, asawa ko! Patawarin mo ako kung nahuli ako ng dating!”
Iniuwi sa kanilang bayan ang labi ni Basilio. Ilang araw lang itong pinaglamayan at inilibing rin kaagad.
Ngayong wala na siyang katuwang sa buhay ay kailangan niya ng mas malaking pagkukunan ng pang araw-araw nilang gastusin na mag-ina. Ang kinikita niya sa simbahan ay hindi sasapat kaya napagdesisyunan niyang tanggapin ang alok ng kanyang kaibigan na magtrabaho sa panaderya nito bilang kahera.
Nalaman ni Padre Frias ang ginawa niyang pag-alis sa simbahan ng hindi nagpapaalam kaya ipinatawag siya nito.
“Bakit mo ito nagawa sa akin, Amelia? Nung nagmakaawa ka sa akin para payagan kita na puntahan ang asawa mo ay pinayagan kita, tapos ngayon ay malalaman kong may iba ka ng trabaho na hindi man lang nagpaalam sa akin!” anito sa galit na boses.
“Ipagpaumanhin mo, Padre pero kailangan ko ng mas malaking kita para sa akin at sa aking anak!”
“Aba, at mas mahalaga pa talaga sa iyo ang pera kaysa magsilbi sa Panginoon?”
Hindi nakapagpigil si Amelia at sinagot na ang Kura Paroko.
“Hindi po ibig sabihin na hindi na ako nagtatrabaho sa simbahan ay titigil na ako sa pagsisilbi sa Panginoon. Maraming paraan, Padre para magsilbi sa Kanya.”
Nagulat na lang si Amelia nang lumapit sa kanya ang pari at hinawakan siya nito sa balikat.
“Kilala mo ako, Amelia. Baka pagsisihan mo ang pag-alis mo sa poder ko.” anito sa nagbabantang tono.
Ikinuyom ni Amelia ang palad at pinigilan ang nagpupumiglas na emosyon.
“Wala akong pagsisisihan, Padre!” sabay alis sa harapan ng pari.
Ang hindi alam ni Amelia ay isang matinding ganti ang matatanggap niya mula kay Padre Frias.
Ipinasunog nito ang panaderya kung saan siya nagtatrabaho at ang mas matinding ganti ay mas lalo niyang ikinalugmok.
Nang umuwi si Amelia sa bahay nila ay halos ikapugto ng kanyang hininga nang makita ang sampung taong gulang niyang anak na si Martin na nakahandusay sa sahig, duguan at wala ng buhay. May tama ng bala sa dibdib ang walang kamuwang-muwang na anak. Natagpuan din niya ang bangkay ng babaeng pamangkin na kasama ng bata sa bahay. May tama rin itong ng bala.
“Diyos ko, bakit pati ang anak ko! Hayop ka, Padre Frias, wala kang kasing sama!” galit niyang sigaw habang yakap-yakap ang bangkay ng anak.
Sa tindi ng galit ay sinugod niya ang pari na may dalang itak. Nang makita siya ni Padre Frias ay nahintakutan ito at nagbanta na tatawag ng pulis.
“Bitawan mo iyan Amelia. Matakot ka sa Diyos sa gagawin mo!” sigaw ng pari.
“Tumigil ka, Padre. Ikaw ang dapat matakot sa Diyos sa lahat ng kademonyohang ginawa mo sa akin at sa anak ko. Hindi ka na nakuntento sa panghahalay mo sa akin. Nagawa mo pang ipasunog ang panaderya kung saan ako kumukuha ng ikabubuhay. Hindi pa iyon, at ipinapaslang mo pa ang anak ko! Bakit, Padre ano bang kasalanan ko sa iyo para gawin mo ‘to sa akin, ano?!”
“D-dahil matagal na kitang gusto, Amelia. Noon pa man ay nahuhumaling na ako sa kagandahan mo kaya nang makakuha ako ng pagkakataon ay inalis ko na sa aking landas si Basilio,” pagbubunyag nito.
“Ano, p-pati ang asawa ko pinapatay mo?” Napakahayop mo!”
Hindi na napigilan ni Amelia ang matinding galit na matagal na inipon sa kanyang dibdib at inundayan ng saksak ang pari gamit ang hawak na itak nugnit nakaiwas ito at nagtatakbo. Nahabol niya ito hanggang sa hagdan ngunit nawalan ng balanse ang pari at nahulog ito sa mataas na hagdan ng simbahan. Humandusay ang katawan nito na wala ng buhay.
Sa sobrang takot ay nagmamadaling umalis si Amelia ngunit nakasalubong niya ang katiwala ng simbahan na si Choleng at nakita ng babae ang nangyari kay Padre Frias.
“Umalis ka na, Amelia. Alam kong matagal ka nang naghihirap sa poder ni Padre Frias. Ako na ang bahala dito!” anito.
“Maraming salamat, Choleng. Tatanawin kong malaking utang na loob ang pagtulong mo sa akin!”
Dahil sa kilala si Choleng bilang pinakamatapat na katiwala sa simbahan ay naniwala rito ang mga pulis na may mga taong nanloob sa simbahan at pinaslang ang pari. Ang totoo ay malaki rin ng galit ng babae sa Kura Paroko dahil minsan na rin pinagtangkaan ni Padre Frias ang pagkababae nito.
Nagpakalayu-layo si Amelia at hindi na bumalik sa bayang iyon. Hindi hinayaan ng Diyos na madungisan ang kanyang mga kamay sa halip ay ito ang gumawa ng paraan para singilin si Padre Frias sa mga kasalanan nito sa kanya.
Makalipas ang isang buwan ay nalaman ni Amelia na nagdadalantao pala siya. Dinadala niya ang pangalawang anak nila ni Basilio. Sa nangyaring iyon ay muling nabuhay ang kanyang pag-asa na magkaroong muli ng masayang pamilya kapiling ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!