Palaging Kinagagalitan ng Among Babae ang Kaniyang Katulong; Isang Trahedya ang Nagpabago sa Kaniyang Masamang Pag-uugali
Nang magbitiw sa trabaho ang kasambahay ni Margie ay kinailangan niyang maghanap ng bagong empleyado. Napaka-abala niya sa kaniyang mga negosyo kaya’t kailangan niya ng taong maaring magbantay sa kaniyang anak sa araw-araw.
“Good morning po Ma’am Margie, ako po yung katulong na padala ng agency, eto po pala ang papeles ko,” wika ni Dina.
“Anong good morning? Alas onse na, kanina pa kita hinihinta! Hindi tuloy ako makaalis.”
“Pasensya na po, nahirapan po kasi akong hanapin ang bahay niyo.”
Pasinghal na pinapasok ni Margie ang bagong katulong at ipinakilala ito kay Denver, ang kaniyang pitong taong gulang na anak.
“Denver this is your new yaya, you can call her Yaya Dina.”
“Hello, Yaya Dina.” kumakaway na bati ng bata.
“Hello, Denver.”
Matapos ipakilala ang dalawa ay inilibot niya si Dina sa malaki niyang bahay. Namangha naman ang katulong sa napakagarang mga muwebles ni Margie.
“Ang ganda po ng bahay niyo ma’am.”
“Salamat, aalis na ako Dina. Ikaw na ang bahala kay Denver. Nga pala, yung isang katulong ko ay namamalengke lang. Pabalik na ‘yon, magpakilala ka na lang,” mataray na paalam ni Margie.
Inilapag ni Dina ang kaniyang bagahe sa maliit na kwartong itinuro ni Dina at nagbihis na ng kaniyang uniporme. Maya-maya pa’y dumating na si Aling Dulce, ang katulong ni Margie na taga-pangasiwa sa kusina.
“Magandang tanghali ho, ako si Dina.”
“Ay nariyan ka na pala, ako si Dulce, nakilala mo na ba si Denver? Siya ang aalagaan mo.”
“Ah opo, nakilala ko na siya. Kailangan niyo po ba ng tulong?”
“Hindi na hija, baka malaman ni Ma’am Margie na tumutulong ka sa kusina magagalit yun. Wala kang dapat gawin kundi bantayan si Denver,” wika ng matanda.
Agad namang nagtungo si Dina sa silid ni Denver upang samahan ito. Pagpasok niya ay nagulat siya sa napakalaking silid ng bata, tila mas malaki pa ang kwarto ni Denver kesa sa kaniyang tahanan sa probinsya.
“Wow Denver, ang laki naman ng room mo,” wika niya.
“Thank you yaya, pero malungkot dito eh, lagi lang naman ako mag-isa.”
“Wag ka mag-alala, simula ngayon palagi ka ng may kasama. Ano, gusto mo bang maglaro tayo?”
Agad namang tumango si Denver na tuwang-tuwa sa pangako ni Dina. Kinuha niya ang isang kahon sa ilalim ng kaniyang kama na punong-puno rin ng mga laruan. Maghapon na walang sawang naglaro ang dalawa hanggang sa nakatulog na ang bata sa sobrang pagod.
“Good evening ma’am,” bati niya kay Margie pagdating nito sa bahay.
“Si Denver ba tulog na?” tanong niya.
“Opo, napagod po kasi kakalaro kanina kaya madaling nakatulog.”
Ipinaghain ni Dulce ng hapunan ang amo habang nasa gilid sila ni Dina at tahimik na naghihintay na matapos ito. Habang kumakain ay napansin ni Margie ang nakalugay na buhok ni Dina.
“Dina, mag-ipit ka nga! Napakahaba ng buhok mo, baka sumabit yan sa mga antigo ko.”
“Ma’m sorry po, sige po mag-iipit na po ako.”
Sa unang buwan ng pamamalagi roon ni Dina ay nakasanayan niya na ang pagiging masungit ni Margie, napansin niyang hindi lang sa kaniya ito nagtataray kundi maging sa anak nito.
“Denver! I told you to stay away from my desk! Hindi laruan ang mga dokumento riyan!” sabay palo sa bata.
“Mommy sorry, don’t palo me.” pakiusap ng umiiyak na bata.
“Dina! Dina, nasaan ka ba?! Kunin mo si Denver dito! Doon kayo sa labas,” sigaw ni Margie.
Kumaripas naman ng takbo si Dina upang salubungin ang umiiyak na paslit, pilit niya itong pinatahan at kung ano-anong kalokohan na ang kaniyang ginawa upang mabaling ang atensyon nito.
“Don’t cry na Denver, tingnan mo si yaya sasayawan kita,” sabay yugyog ni Dina ng kaniyang katawan na tila ginagaya ang galaw ng isang unggoy.
“Wow yaya ang galing mo sumayaw,” wika ni Denver.
Matapos niya mapakain ng hapunan ang bata ay dinala niya na ito sa kaniyang silid upang linisan at bihisan, nang makatulog si Denver ay bumaba na siya sa kaniyang silid upang magpahinga. Ngunit isang makapal na usok ang gumising sa kaniya.
“Aling Dulce, gumising kayo! Mukhang may sunog. Tumawag ho kayo ng tulong kukunin ko si Denver.”
“Dalian mo, Dina! Tatawag na ako ng bumbero.”
Dali-daling tumakbo si Dina sa silid ni Denver, hindi pa lumalaki ang apoy ngunit nababalot na ng usok ang buong bahay. Binuhat niya ang batang natutulog at halos madapa na siya sa kakatakbo upang makalabas ng bahay. Paglabas niya ay naroon na si Aling Dulce.
“Si Ma’am Margie!” sigaw niya ng maalalang hindi niya nadaanan ang silid ng amo.
“Mag-ingat ka Dina, ako na ang bahala kay Denver.”
Buong tapang na sinuong ni Dina ang mausok na bahay, bagaman wala na siya halos makita ay kinapa niya ang hagdan paakyat at binuksan ang kwarto ni Margie, sa kaniyang pagbukas ay narinig na niya ang tunog ng bumbero. Kasabay nito ay ang sunod-sunod na pagubo ni Margie habang gumagapang sa sahig.
“Ma’am, kumapit po kayo sakin.”
“Dina! Tulungan mo ako.”
Inakay ni Dina ang amo at muling sinuong ang umuusok na kabahayan. Sa kanilang paglabas ay nakasalubong nila ang mga bombero na mag-aapula ng apoy. Iniupo ni Dina si Margie sa isang upuan at ibinigay dito ang suot niyang jacket.
Makalipas ang tatlong oras ay naapula na ang apoy na nanggagaling sa kanilang kusina.
“Sa tingin ho namin ay napabayaang sigarilyo ang nagumpisa ng apoy, mabuti na lamang at naagapan ninyo.”
“Kasalanan ko iyon, nakalimutan ko ang sigarilyong iniwan ko sa may la mesa nung kumuha ako ng tubig.” wika ni Margie.
Laking pasasalamat ni Margie kay Dina, dahil kung hindi dahil sa kaniya ay malamang na nalagay silang lahat sa kapahamakan. Magmula noon ay naging mabuti na ang pakikitungo niya sa kaniyang mga kasambahay pati na rin kay Denver.
“Ma’am, nakahanda na po ang tanghalian niyo,” wika ni Dulce.
“Dulce, Dina, kumuha kayo ng mga plato niyo. Magmula ngayon ay sabay sabay na tayong kakain.”
“Naku ma’am nakakahiya naman po, okay na po kami sa kusina,” ayon kay Dina.
“Hindi, eto ang pasasalamat ko sa inyo para sa mahabang pasensya niyo sa ugali ko noon. Maraming salamat, lalo na sayo Dina at pagkatapos niyong kumain ay magbihis kayo, mamamasyal tayo kasama si Denver.”
Pumalakpak naman si Denver dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng pagkakataon namakapamasyal sa labas kasama ang kaniyang ina at paboritong yaya na si Dina.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.