Pinag-iinitan ng Guro ang Estudyante na Madalas Mahuli ng Dating sa Klase; Halos Manghina Siya nang Malaman ang Dahilan Nito
Sa tagal ng panahon ng pagtuturo ni Sheila sa mababang paaralan ng Del Farro Elementary School ay madali na niyang makilala kung sino sa kaniyang mga estudyante ang mga masisipag at tamad mag-aral. Sa taong ito ay isang bata ang madalas na nagpapa-init ng kaniyang ulo dahil sa madalas nitong pagiging late sa klase.
“You’re late again Harvey! 15 minutes kang late kahapon at ngayon 10 minutes naman.” sigaw niya sa bata.
“Sorry po ma’am, aagahan ko na po bukas,” sagot ni Harvey.
“Aba dapat lang, kung ayaw mong mag-aral ay huwag ka nang pumasok sa klase ko.”
Napayuko na lamang si Harvey sa sobrang kahihiyan at dumiretso sa kaniyang upuan. Gustuhin man niyang ipaliwanag sa guro ang dahilan ng kaniyang pagiging late ay palagi na itong inuunahan ng galit ni Shiela.
Gayunman ay tinupad niya ang pangako na maagang papasok kinabukasan.
“Good morning po ma’am,” bati niya sa guro.
Ngunit hindi siya pinansin ni Shiela at patuloy lamang ito sa pagsusulat sa kaniyang lesson plan. Malungkot na umupo si Harvey at nagbasa ng kaniyang mga libro. Sa loob ng linggong iyon ay hindi na late si Harvey sa kaniyang klase, ngunit nang dumating ang araw ng Lunes ay inabot ng tatlumpong minuto ang kaniyang pagkahuli.
“No Harvey! Hindi ka papasok sa klase ko, absent ka sa akin sa araw na ito,” wika ni Sheila nang dumating ang estudyante.
“Pero ma’am…” naiiyak na wika ni Harvey.
“Walang pero pero Harvey, sinabihan kita na kung ayaw mong mag-aral ay huminto ka na! hindi yung dadating ka Rito kung kailan mo gusto,” sabay sarado niya ng pintuan.
Nanatili pa rin si Harvey sa labas ng silid aralan at pilit pa rin niyang pinapakinggan ang mga itinuturo ni Shiela sa kaniyang mga kaklase.
Nang dumating ang araw ng mga guro ay napakaraming regalo ang natanggap ni Shiela mula sa kaniyang mga estudyante, nariyan ang mga rosas, mga tsokolate, maliliit na teddy bear at mga personal na gamit. Ngunit ang regalo ni Harvey ang pinaka-naiiba.
“Ano ‘to Harvey? Sampaguita lang?” wika niya.
“Ma’am, yan lang po kasi kaya ko eh, tsaka po itong sulat ko,” sagot ng bata.
“Hay nako! Sige, salamat,” sagot ni Shiela.
Kinuha niya ang sampaguita at isinabit ito sa isang maliit na pigurin sa kaniyang la mesa, ngunit ang sulat ay nilagay niya lamang sa kaniyang maliit na drawer at hindi na pinagkaabalahang basahin pa.
Isang umaga bago magsimula ang kaniyang klase ay may dalawang pulis na biglang dumating sa kaniyang silid.
“Good morning Ms. Shiela? Kayo po ba ang adviser ni Harvey?” tanong ng isa.
“Ah opo, kaso wala pa siya ngayon sa klase eh, lagi naman kasi siyang late dumating.”
“Nais po sana naming hingin ang tulong niyo. Kasalukuyan siyang nasa ICU dahil nabangga siya ng isang kotse. Hinahanap na rin namin ang kinaroroonan ng kaniyang pamilya ngunit mas malapit kasi ang paaralan niyo kaya naisipan naming tanungin kayo.”
“Naku, wala rin ho kasi akong contact sa mga magulang ni Harvey, pasensya na kayo.”
Halos hindi naman makapagsalita si Sheila sa kaniyang mga narinig, ayon sa dalawang pulis ay nagmamadaling tumakbo si Harvey sa kalsada papasok sa kanilang paaralan ngunit nabundol siya ng isang kotse, pagkaalis ng dalawa ay naupo muna siya sa kaniyang la mesa dahil biglang nanghina ang kaniyang mga tuhod.
Bigla niyang naalala ang liham na ibinigay sa kaniya ng kaniyang estudyante.
“Dear ma’am,
Sorry po kung lagi akong late sa school, nagtitinda pa po kasi ako ng sampaguita sa umaga para may pambaon at pangkain ako, hindi po ako makaalis sa pwesto ko sa simbahan hanggat hindi nauubos ang sampaguita. Eto po bibigyan ko kayo ng isa bilang regalo. Happy Teacher’s Day ma’am!”
Labis na nakonsensya si Shiela dahil sa hindi niya pakikinig sa mga paliwanag ni Harvey. Inihabilin niya ang kaniyang klase sa kapwa guro at nagtungo sa ospital na kinaroroonan ni Harvey. Wala pa ring malay ang bata kaya’t hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na ito ay makausap.
Araw-araw pagtapos ng klase ay dumadaan siya sa ospital upang dalawin ang paslit. Sa ika-apat na pagdalaw niya ay himalang nagising na si Harvey.
“Hi Harvey.”
“Ma’am,” mahinang sagot ng bata.
“Wag ka na munang magsalita. Magpagaling ka ha? Pagbalik mo sa school ay ituturo ko sa’yo ang lahat ng mga naging lesson namin. Okay?”
Nakangiting tumango si Harvey at nagpaalam na si Shiela sa kaniya pati sa kaniyang mga magulang. Paglipas ng isang buwan ay muling nakabalik si Harvey sa eskwelahan. Marami siyang mga bagay na dapat pag-aralan kaya’t naglaan si Shiela ng oras upang matutukan ang napag-iwanang estudyante.
“Harvey, simula ngayon ay hindi ka na magtitinda ng sampaguita ha? Dadalhan na lang kita ng baon tapos ako na ang bahala sa pamasahe mo,” wika ni Shiela.
“Talaga po ma’am? Thank you po,” masayang sagot ni Harvey.
Mula noon ay naging mas maintindihin na si Shiela sa kalagayan ng kaniyang mga estudyante. Nang matapos ang taon na iyon ay isa-isa nang nagpaalam ang kaniyang mga mag-aaral sa huling araw, ngunit nagpaiwan si Harvey upang iabot sa kaniya ang isang regalo.
“Ma’am, eto po, nabilan ko na kayo ng rosas, maraming salamat po sa lahat ma’am, mag-aaral po akong mabuti. Pangako.”
Mangiyak-ngiyak naman si Shiela sa pamamaalam ng kaniyang estudyante. Masaya siya na kahit papano ay nabigyan siya ng pagkakataon na itama ang maling pakikitungo niya noon kay Harvey.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.