Sampung Milyon ang Napanalunan ng Mag-Asawa sa Lotto, Nganga Sila nang Maubos rin Iyon sa Sugal
“Labas, labas kayo! Pati itong mga basura niyo, dalhin niyo rin!”
“Pakiusap, Aling Laura, huwag niyo naman itong gawin sa amin! Baka naman puwede pa nating pag-usapan,” pagmamakaawa ni Olivia.
“Pasensya na, pero wala na tayong pag-uusapan. Kaya lumayas na kayo mga balasubas, mga hindi marunong mabayad ng renta!”
Pinalayas si Olivia at kanyang mga anak sa nirerentahang apartment dahil ilang buwan na silang hindi nakakabayad ng upa. Naabutan pa ng asawa niyang si Milo ang pagpapalayas sa mag-iina.
Dahil sa maagang nagka-ibigan sina Olivia at Milo ay pareho silang hindi nakapagtapos sa pag-aaral. Ang resulta ay hindi sila nakahanap ng magandang trabaho at patuloy na naghihirap.
Nagtitinda ng banana cue si Olivia at tindero naman ng taho si Milo. Isa na lang ang nakakapag-aral sa kanilang tatlong anak at nanganganib pang huminto dahil sa kakapusan sa kanilang pang-araw araw na kita. Isa lang talaga ang inaasahan nila. Ang pagtaya sa lotto.
“Violy, sana nama masuwerte ka ngayon, para buwenasin naman ako at tumama itong numero ko,” sabi ni Olivia sa babae.
“Alam mo kung may tiyaga, may nilaga at kung may pusta, may pa-fiesta kaya taya lang ng taya. Kapag nanalo ka, huwag mo akong kalimutang balatuhan ha?” anito.
“Oo naman. Kapag nanalo ako, magpapa-fiesta ako at hindi ko kakalimutan ang balato ko sa iyo.”
Kahit alam ni Olivia na tila imposible ang manalo sila sa lotto sa dami ng tumataya ay nakakapit pa rin siya sa pag-asang mananalo rin siya.
“Huwag kang mag-alala, mahal. Malalampasan din natin ‘to. Pasasaan ba at susuwertehin din tayo,” wika ni Milo.
“Pinapanalangin ko rin iyan, mahal,” aniya.
Isang umaga, narinig ng mag-asawa na nagsisisigaw si Violy sa labas ng bahay ng kaibigan ni Milo na si Carlito. Dahil walang mapupuntahan ay nakituloy muna sila sa kaibigan. Inialok kasi ni Carlito ang maliit na silid kung saan sila nagsisiksikang mag-anak. Puwede na iyon kaysa sa wala silang matuluyan.
“Olivia, nanalo ka, nanalo ka!” sigaw ng babae.
Nagmamadaling lumabas si Olivia at hinarap si Violy.
“O, umagang-umaga ay nagsisisigaw ka riyan!”
“Nanalo ka, Olivia, iyong numerong tinayaan mo nanalo ng isandaang milyong piso!
“Ano, nanalo ako?” gulat niyang sabi.
Dahil sa narinig na hiyawan ay nagsilabas din ng bahay ang kanyang mag-aama.
“Isandaang milyong piso? Milyonaryo na tayo!”
Nagtatalon sa tuwa ang mag-anak sa suwerteng biglang dumating sa kanila.
Sa napanalunang malaking halaga ay agad silang bumili ng malaki at magandang bahay. Nagpamudmod din sila ng pera sa mga kapitbahay.
“O, Violy iyan ang balato mo. Tinupad ko ang pangako ko sa iyo ha!”
“Naku, salamat Olivia, ang laki nito!”
Hindi lang nagpamudmod ng pera ang mag-asawa, nagpa-fiesta rin sila sa buong barangay.
Binalikan din ni Olivia ang lugar kung saan sila walang awang pinalayas. Nang makita siya ni Aling Laura ay para itong maamong tupa na bait-baitan sa kanya.
“Uy, Olivia balita ko milyonarya ka na!” bati ng babae.
“Oo nga e, kaya nga ako narito para bayaran ang utang namin sa renta. Magkano ba?” aniya sa mapag-mataas na tono.
“Sampung libo lang naman, Olivia.”
Dumukot ng tig-iisang libo si Olivia sa bag at ibinigay sa babae.
“O, isaksak mo sa baga mo! Siguro naman ay matatahimik ka na dahil nabayaran ko na ang utang ko sa iyo. Sige, alis na ako, baka magkasakit pa ako lugar na ‘to!”
Napahiya ang babae sa ginawa ni Olivia. Napag isip-isip nitong bumalik lang sa kanya ng pamamahiyang ginawa noon sa pamilya nito.
Habang nakahiga sa malambot na kama ay pinag-iisipan ni Milo kung paano pa nila mapapalago ang limpak-limpak nilang pera. Naisip nito na palaguin ang kanilang pera sa pamamagitan ng pagsusugal sa casino. Inilihim niya kay Olivia ang ginagawa. Sa una ay nananalo siya ngunit ng sumunod na araw ay sunud-sunod na ang talo niya sa casino. Napansin ni Olivia na malaki na ang nababawas sa bank account nila kaya kinompronta na niya ang asawa.
“Umamin ka nga, nagwi-withdraw ka ng pera?”
“Bakit mo naman naitanong?”
“E, kasi hindi na aabot sa limandaang libo itong pera natin sa bank account. Saan mo ba ginagastos ang pera?”
Napilitan nang umamin si Milo sa asawa.
“S-sinubukan ko kasing palaguin ang pera natin, nung una nananalo, e. Akala ko palaging panalo, dumating sa punto na sunud-sunod na din akong minalas, ayun natalo sa sugal ang pera.”
“Ano ka ba, Milo. Sa dinami-dami ng puwedeng paraan para mapalago ang pera, sugal pa ang naisip mo?”
“Akala ko kasi tuluy-tuloy na ang suwerte natin, e.”
“Ano, iaasa mo na lang ba sa suwerte ang kinabukasan ng pamilya natin?”
“Di ba sa suwerte naman nanggaling ang lahat ng ito? gumawa ako ng paraan para palaguin ang pera, di gaya mo na puro luho lang ang alam!” sumbat ng lalaki.
“At ano, napalago mo ba? Di ba hindi, natalo ka lang! Huwag na huwag mo nang bawasan ito, ha? Dahil kapag naubos ito ay hindi ko alam kung saan tayo pupulutin!” inis na wika ni Olivia.
Hindi sinunod ni Milo ang asawa at nagsugal pa rin siya sa casino, ngunit laking perhuwisyo niya ng matalo ulit ang perang ipinusta niya.Nagkabaon-baon din siya sa utang kasusugal.
Dahil sa naipatalo sa sugal ang lahat ng natitira nilang pera ay wala silang nagawa kundi ibenta ang mga mamahalin nilang gamit pati na ang malaki at magandang bahay ay ibinenta rin nila para makabayad lang sa utang.
“Di ba sinabi ko sa iyo, itigil mo na ang pagsusugal? Hindi ka nakinig sa akin kaya ito naubos ang suwerte natin!” galit na wika ni Olivia.
“Patawarin mo ako, mahal. Hindi ko sinasadya. Kung alam ko lang na matatalo ako ay hindi ko na isinugal ang natitira nating pera.”
“Paano iyan, walang-wala na talaga tayo. Sa kangkungan ulit tayo pupulutin?”
“Nay, tay, may pera pa po tayo!” sabi ng bunso nilang anak na si Kressia.
Ipinakita ng dalagita ang naipong tatlumpung libo sa alkansya. Hindi makapaniwala ang mag-asawa na mas nakapag-ipon pa ang kanilang anak kaysa sa kanila.
“Ito na ang karma natin. Hindi kasi natin pinahalagahan ang dumating na suwerte kaya agad din binawi sa atin.” pagsisisi ni Olivia.
“Kasalanan ko ito, mahal. Hayaan mo at babawi ako.” sabi ni Milo.
Ginamit nila ang naipong pera ng kanilang anak sa pagtatayo ng maliit na karinderya sa labas ng bago nilang inuupahang bahay. Balik upa ulit sila matapos nilang maibenta ang malaki nilang babay. Maliit na negosyo lang, pero okay na iyon kaysa wala silang naipundar kahit isa. Plano nilang palaguin iyon hangga’t mapalaki nila.
Simula noon ay natuto nang mag-ipon ang mag-asawa at iniwasan na rin ni Milo ang pagsusugal na imbes na nakatulong sa pagpapalago ng kanilang milyon-milyong pera ay nauwi pa sa wala.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!