Inday TrendingInday Trending
Dating Siga at Bulakbol daw ang Kaniyang Kuya kaya Niya Ito Iniidolo; Ngunit Paano Kapag Nalaman Niya ang Tunay Nitong Kwento?

Dating Siga at Bulakbol daw ang Kaniyang Kuya kaya Niya Ito Iniidolo; Ngunit Paano Kapag Nalaman Niya ang Tunay Nitong Kwento?

“Hiro, lagot ka, nandiyan na naman ang kuya mo!”

Agad na nangatog ang mga tuhod ni Hiro nang marinig ang sinabing iyon ng kaibigan. Nakaistambay sila noon sa bilyaran nang bigla siyang sunduin ng kaniyang Kuya Joseph.

Namataan pa lamang niya ito sa entrance ng bilyaran ay halos maihi na siya sa salawal. Alam niyang gulpi na naman ang aabutin niya rito dahil sa ginagawa niyang pagbubulakbol!

“Hindi ba at sinabi ko na sa ʼyong tigilan mo na ang pagbubulakbol mo? Ano ba’ng problema mo, Hiro?! Bakit ba ganiyan kang bata ka?!” ang sunod-sunod na tanong ni Joseph sa kapatid na si Hiro habang sinisinturon niya ito nang nakadapa, kahit pa nga nasa second year highschool na ito.

“Alam mo namang ikaw ang idol ko, kuya, hindi ba? Kaya sinusundan ko ang yapak mo,” maya-maya ay sagot naman ni Hiro sa kaniya.

Agad na nangunot ang noo ni Joseph sa narinig na sinabi ng kapatid.

“Ano kamo?!”

“Kuya, hindi ba’t kilala kang siga at bulakbol noon? Nalaman ko ’yon sa eskuwelahan…” pag-uulit pa ni Hiro sa kaniyang tinuran.

Natigilan si Joseph sa narinig na sinabi ng kapatid. Napakunot ang kaniyang noo at tila ba muling nanumbalik ang mga alaala ng nakaraan sa kaniyang isip.

“Bakit gusto mong maging katulad ko, ha, Hiro? Gusto mo rin bang makulong?” madilim ang mga matang diretsahang tanong naman ni Joseph sa kapatid na ngayon ay siya namang hindi makasagot.

Tama ang sinabi ng kapatid niyang si Hiro. Si Joseph ay isang kilalang siga sa kanilang campus noon. Siya ay kinatatakutan. Isa siyang dakilang bulakbol na walang pakialam sa kaniyang mga magulang. Isang sakit sa ulo at animo walang patutunguhan ang buhay. Ngunit hindi lang doon natatapos ang kuwento.

Dahil kilalang siga si Joseph ay marami rin siyang kaaway. Mga kaaway na walang ibang hangad kundi ang maitumba siya, sa kahit anong paraan.

Isang gabi, habang pauwi noon si Joseph galing sa inuman, hindi inaasahang tinambangan siya ng tatlong kalalakihang pawang mga nakaaway niya noon sa ibang eskuwelahan. May dala silang patalim at alam ni Joseph noon na hindi lang simpleng pambubugb*g ang gusto nilang gawin sa kaniya.

Sa madaling sabi, si Joseph ay sinugod ng tatlong lalaki at pinagtangkaan nila ang kaniyang buhay. Ngunit dahil sa pagtatanggol niya sa kaniyang sarili, dalawa sa mga ito ang hindi niya sinasadyang bawian ng buhay.

Kahit self-defense ang nangyari ay hindi pa rin pinanigan ng korte si Joseph dahil sa kaniyang reputasyon. Iyon ang dahilan kung bakit siya nakulong ng halos labing isang taon, at ngayon pa lamang muling nakalalaya.

Ang pangyayaring iyon sa kaniyang buhay ang siyang dahilan naman kung bakit ayaw na ayaw niyang tumulad sa kaniya ang kapatid na si Hiro. Ayaw niyang pagdaanan pa nito ang kaniyang mga napagdaanan na noon, dahil siya mismo ang buhay na patotoo kung gaano kahirap ang buhay sa piitan.

“Kapag siga ka, marami kang kaaway. Maraming magagalit sa ’yo at gugustuhing bumagsak ka, sa anumang paraan. Handa ka bang lumaban, Hiro? Handa ka bang ipagtanggol ang sarili mo hanggang sa ikaw na mismo ang siyang makasira ng pangarap mo’t kinabukasan?” tanong pa ni Joseph kay Hiro na noon ay nayuyukod matapos marinig nang buo ang tunay na kuwento sa likod ng kaniyang pagiging siga.

“Hiro, astig lang ang pagiging siga at bulakbol kapag wala kang pangarap sa buhay. Astig lang ’yan kapag isip bata ka. Astig lang ’yan kapag nasa labas ka pa ng piitan… pero kapag natauhan ka na, mawawalan ng saysay ang lahat ng ’yan dahil hindi mo ’yan pakikinabangan,” patuloy pa ring pangangaral ni Joseph sa kapatid na noon ay taimtim namang nakikinig sa kaniya.

“Kuya, sorry,” maya-maya ay sambit nito. “Tama ka, kuya. Tama ang lahat ng sinabi mo. Hindi ko na dapat ulitin pa ang pagkakamaling nagawa mo na noon,” malungkot pang sabi ni Hiro matapos niyang mapaisip.

Tinapik naman ni Joseph ang balikat niya. “Hiro, brad, huwag mong sayangin ang kinabukasan mo. Huwag mo akong gayahin. Hindi ko kayang pati ikaw, makulong sa nakaraan kong ngayon ay gusto ko nang kalimutan. Sana nga ay wala nang kabataan ang mapariwara katulad ng nangyari sa akin noon.”

Tango ang isinagot ni Hiro sa sinabing iyon ni Joseph bago siya nito binigyan ng yakap. Lubos niyang naiintindihan ang lahat ng sinabi ng kaniyang kuya. Simula ngayon, magsisikap na siya at magbabagong buhay para sa kanilang dalawa ng kaniyang pinakamamahal na kapatid.

Advertisement