
Kulang na Lang ay Pakyawin ng Payat na Binata ang Lahat ng Paninda sa Karinderyang Iyon; Natsismis Tuloy Siyang Miyembro ng Masamang Loob
Ikinagulat ni Nanay Flore nang um-order ng napakaraming pagkain ang isang patpating binata sa kaniyang karinderya. Halos hindi ito magkamayaw sa pagtuturo ng ibaʼt ibang putahe.
“Aba, Totoy, saan mo ba kasi dinadala ang mga pagkaing binibili mo rito sa amin? Hindi ka naman tumataba, lalo ka pa ngang namamayat pero napakarami mo laging bumili ng putahe rito?” Hindi na napigilang magtanong ni Nanay Flore sa binata.
Hindi naman sumagot ang binata, bagkus ay ngumiti lang. Agad nitong binayaran ang lahat ng kaniyang binili saka ito lumabas ng karinderya.
Nang mawala na sa kanilang paningin ang binata ay saka naman unti-unting nagsipulong ang ilan sa mga tsismosa na noon ay kumakain din sa karinderya ni Nanay Flore.
“Hindi ba kayo nagtataka kung saan dinadala ni payatot ang mga ipinamimili niya? Aba’y ke payat-payat na bata’y napakaraming um-order!” komento ni Aling Teresita tungkol sa kanilang paksa.
“Nagtataka nga rin ako, e. Aba, baka mamaya’y may itinatagong sindikato ’yan sa kanila kaya gan’on karami um-order ng pagkain,” singit naman ng beking si Kitkat na ikinataas ng kilay ni Nanay Flore.
“Aba, oo nga, ano! Tingnan mo’t ayaw niyang sabihin kung para kanino ’yong mga pagkain!”
Isang linggo na rin kasing maingay ang balita tungkol sa isang sindikatong nangunguha raw ng bata sa kanilang lugar. Iyon ang naging basehan nina Aling Teresita at Kitkat sa konklusyon nila tungkol sa binatang payat.
“Aba’t napakamapanghusga ninyong dalawang tsismosa kayo, a!” kunot-noong sita ni Nanay Flore sa dalawang tsismosa. “Mas mukha pa nga kayong miyembro ng sindikato kaysa doon sa bata! Aba, wala namang ginagawang masama sa inyo, ginaganiyan ninyo?!”
“Grabe kang makatanggol kay payatot, ’Nay, a. Kamping-kampi ka,” natatawa namang pambubuska ng dalawa sa may-ari ng karinderya.
“Kung ikukumpara kasi sa inyong dalawa, masasabi kong talagang napakabuting tao ’yang payatot na tinatawag n’yo. Abaʼy kahit kailan, hindi siya nanghamak ng kahit sino, ʼdi gaya ninyo! Isa pa, imbes na dito kayo nagtsi-tsismisan sa tindahan ko, bakit hindi n’yo na lang alamin kung saan talaga dinadala n’ong binata ’yong mga pagkain. Tutal mga tsismosa naman kayo, hindi ba?!”
“Bakit naman kami pa ang gagawa n’on kung p’wede namang ang mga tanod? Baka mamaya, sindikato talaga ang pinagdadalhan niya ng mga ’yon, ikapahamak pa namin!”
Imbes na panghinaan ng loob, tila nakaisip pa ng ideya ang dalawang tsismosa sa tinurang iyon ni Kitkat!
Hindi na napigilan pa ni Nanay Flore ang dalawa nang sabay na mag-ayaan ang mga ito na magpunta sa tanggapan ng kanilang barangay upang isuplong ang kahina-hinalang binatang iyon na palagi na lang marami kung bumili ng pagkain sa karinderya.
Dahil doon ay agad namang naalerto ang mga tanod, lalo pa at napaka-OA kung magkuwento ng dalawang tsismosa.
Pinuntahan nila ang bahay ng payat na binata na napag-alaman nilang nagngangalan palang Sol. Naabutan ito ng mga tanod na nagpapakain ng napakaraming bilang ng mga asong gala, kasama ang dalawang katulong nito.
“Ito pala ang ginagawa niya sa mga pagkaing ino-order niya sa karinderya. Mayroon kasing nag-report sa amin na kahina-hinala raw ang kilos ni Sir Sol, kaya kami nagpunta rito. Napakapayat nga naman kasi niya, pagkatapos ay napakarami niya kung um-order ng pagkain araw-araw,” paliwanag ng tanod sa isa sa mga katulong ni Sol, na napag-alaman din nilang anak pala ng pinakamayaman negosyante sa kanilang barangay.
“Ganoon po ba? Ang totoo po n’yan ay nagustuhan kasi ng mga asong ito ang luto sa karinderya ni Nanay Flore. Sinubukan na namin silang pakainin ng mas mamahaling pagkain pero ayaw naman nila, kaya palagi na lang bumibili si sir doon. Therapy na kasi niya ang pagpapakain sa maraming aso dahil nare-relax daw siya kapay ginagawa niya ito. Nagkaroon kasi ng sakit si Sir Sol kaya ganiyan siya kapayat,” paliwanag pa ng katulong sa tanod.
Ipinatawag sa barangay sina Aling Teresita at Kitkat upang pagsabihan tungkol sa wala naman pala nilang basehang sumbong. Nadamay pa tuloy ang barangay sa kanilang katsismosahan.
Sising-sisi naman ang dalawa at hindi magkandaugaga sa pagtatago ng kanilang mukha habang pinagagalitan sila ng kanilang punong barangay. Halos hilingin na nilang lamunin sila ng lupa ng mga oras na iyon.
Ipinangako nila sa barangay na hindi na nil uulitin pa ang kanilang ginawa. Bukod pa roon ay sinadya nila si Sol sa bahay nito upang personal na humingi ng kapatawaran sa pagkakalat nila ng maling tsismis ukol dito.