Inday TrendingInday Trending
Mahilig Mag-post ng Agaw-Atensyong mga Larawan ang Babaeng Ito sa Social Media; Hindi Pala Kumportable Roon ang Kaniyang Nobyo

Mahilig Mag-post ng Agaw-Atensyong mga Larawan ang Babaeng Ito sa Social Media; Hindi Pala Kumportable Roon ang Kaniyang Nobyo

Pose dito, pose doon. Kanina pa nagpi-pictorial si Tisay sa sariling banyo nang mag-isa. Naghahanap kasi siya ng magandang anggulo upang may mai-post na naman siyang litrato mamaya sa social media.

Nakasuot ng manipis na two piece si Tisay na siyang nagpapahantad sa kaniyang kaputian. Bukod pa ang mala-perpekto na niyang katawan na siguradong pagpapantasyahan na naman ng karamihan.

Maya-maya pa ay nakapili na si Tisay ng litratong ipo-post niya, at ilang pindot lang ay okay na ang lahat.

Malawak na namang ang pagkakangiti ni Tisay habang siya ay nagpe-Facebook. Paano ay umani na naman ng napakaraming likes at reactions ang huling litratong i-p-in-ost niya roon.

Idagdag pa ang napakaraming papuring natatanggap niya mula sa ibang tao, lalong-lalo na sa mga kalalakihan. Halos sambahin na kasi ng mga ito ang kaniyang katawan.

Biglang nagambala si Tisay sa kaniyang ginagawa nang mapansing nakahiga na sa kanilang kama ang kaniyang nobyong si Rence. Ni hindi man lang ito nagpaalam sa kaniya. Dahil doon ay galit ang tinging ipinukol niya rito, ngunit tila hindi naman nito iyon iniinda.

“Rence, may problema ba tayo?” tanong ni Tisay sa kaniyang nobyo ngunit hindi siya nito pinansin.

Tumagal na ng isang linggo ang ganoong pagtrato ni Rence sa kaniya. Animo siya hindi nakikita nito. Tila ba ayaw siyang tingnan man lang nobyo.

“Rence, alam mo, kung may problema tayo, p’wede nating pag-usapan ’yan,” isang araw ay pangungompronta ni Tisay sa nobyo, nang magsawa siya sa hindi magandang pagtrato nito sa kaniya.

“Para saan pa? Hindi ka rin naman makikinig,” sagot naman ni Rence.

Doon pa lang ay may ideya na si Tisay sa patutunguhan ng kanilang pagtatalo.

“Tungkol na naman ba ’to sa sexy pictures ko sa social media?” Napabuntong-hininga si Tisay. “Rence naman, pwede bang huwag ka na lang makialam? Wala namang naha-harm sa ginagawa ko, e. Wala akong naaapakang tao!” katuwiran pa niya, ngunit muli ay hindi na naman ito sumagot sa kaniya, bagkus ay dumiretso ito sa banyo upang maligo.

Hindi maintindihan ni Tisay ang biglaang galit ni Rence, gayong okay naman na rito ang tungkol sa pagpo-post niya ng seksing larawan noon. Hindi niya alam kung ano ang gusto nitong gawin niya. Magpakamanang ba?

Talagang naiinis na si Tisay sa kaniyang nobyo. Tila ba katulad ito ng mga mapanghusgang tao sa social media na kung tawagin pa nilang magbabarkada ay nagbabanal-banalan.

Ayaw niya ng biglaang panlalamig sa kaniya ni Rence. Pakiramdam niya kasi ay napakababaw ng noon upang maging dahilan ng pagkakaganoon ng kaniyang nobyo.

Dahil doon ay naisip niya pa nga na baka kaya ito nanlalamig sa kaniya bigla ay may babae na ito.

Naisipan niyang buksan ang Facebook ng kasintahan, tutal ay alam niya naman ang password nito.

Napakunot ang noo ni Tisay. Wala naman kasi siyang makitang pakikipag-usap ni Rence sa babae. Sa katunayan nga ay puro na lang lalaki ang narito’t kausap nito sa Messenger.

Lalong nagtaka ang dalaga. Sinubukan niyang magbukas ng isa sa mga messages doon at nagulat siya sa nakita!

Isang lalaki ang mag-send ng edited na larawan niya kay Rence at napakalaswa n’ong tingnan!

Sinubukan pang magbukas ni Tisay ng iba pang mensahe at ganoo pa rin ang kaniyang mga nakikita. Napakaraming lalaking bumabast*s sa kaniya at sa kaniyang boyfriend dahil lang mahilig siyang mag-post ng seksing larawan sa social media!

Iyon pala ang dahilan kung bakit noon pa man ay hindi na kumportable si Rence tungkol sa ginagawa niya. Siya lang pala ang inaalala nito.

“Hon? Ano’ng ginagawa mo?”

Nang makalabas sa banyo ay takang tinanong siya ni Rence dahil nakita nitong natulala siya sa kaniyang cellphone.

“Hon… nakita ko ’yong mga chat nil sa ’yo,” sagot naman ni Tisay sa nobyo.

“Ano?!” Nagmadali itong lapitan siya. “A-anong nakita mo?”

“Lahat…” Biglang tumulo ang luha ni Tisay. “Matagal mo na bang tinitiis ’yan, Rence? Kaya pala ayaw mo sa ginagawa kong pagpo-post ng ganoon sa social media,” sabi pa ng dalaga na ngayon ay humihikbi na.

“Gusto lang kasi kitang protektahan.”

Tumango si Tisay sa sinabi ng nobyo. Ngayon ay mas naiintindihan na niya kung bakit siya nito hinihigpitan noon pa man. Gusto lamang pala ng kaniyang nobyo na malayo siya sa kahihiyan. Sana pala ay noon pa siya nakinig sa kaniyang nobyo.

Advertisement