
Inggit na Inggit ang Babaeng Ito sa Katrabaho Niyang Laging Napupuri ng Kanilang Boss; Ito ang Gagawin Niya nang Pagsamahin Sila sa Isang Proyekto
Hindi nakaligtas sa kasamahan at kaibigan ni Giselle na si Rhea ang pag-ikot ng mga mata niya nang makitang pinupuri ng kanilang boss ang kasamahan nilang si Therese. Ito kasi ang laging nakakapagpasa ng mga kinakailangan nila sa opisina nang mas maaga sa itinakdang oras ng pagpapasa nito. Lagi itong napupuri.
Ayaw niya nang ganoon. Gusto niya, siya ang mapuri.
“Nahuli kita! Umiikot na naman ang mga mata mo. Talaga namang magaling kasi siya at mabilis magtrabaho. Balita ko nga wala pa siyang late at absences,” sabi ni Rhea kay Giselle.
“Sabihin mo, bida-bida siya! Palapad-papel. Siguro may namamagitan sa kanila ng boss natin, siguro inilalako niya ang katawan niya,” inis na inis na saad ni Giselle.
Naitutop ni Rhea ang kaniyang kanang kamay sa bibig.
“Huwag kang maingay at baka may makarinig sa iyo. Wala ka namang matibay na ebidensya para sabihin iyan. Alam mo kasi Giselle, i-real talk kita ha. bawas-bawasan mo kasi ang good time mo tuwing uwian. Diretso uwi ka na kaagad! Magpahinga ka, matulog ka. Hindi iyong lagi ka na lang umiinom at naglalasing kasama ang mga kaibigan mo. Lagi ka tuloy bangenge kapag papasok ka, o kaya antok na antok,” payo ni Rhea sa kaibigan.
Umikot na naman ang mga mata ni Giselle. Sa ngayon, para naman kay Rhea.
“Friend, puwede ba huwag mo akong pakialam sa mga ganap ko sa buhay. Ikaw ba, pinakikialaman ko ba ang pakikipaglampungan mo kay Jeric na may asawa na? Hindi naman, ‘di ba?”
Natahimik na si Rhea. Tama naman si Giselle. Si Jeric ay isa sa kanilang mga kasamahan sa trabaho.
“N-Nagpapayo lang naman ako bilang kaibigan mo. Ako na nga lang ang kaibigan mo rito sa opisina.”
“Puwes, salamat sa pagkakaibigan, pero kaya kong mag-isa!” pahayag ni Giselle, sabay tayo at alis.
Nagtungo na lamang siya sa kanilang pantry. Magkakape na lamang siya. Tamang-tama naman at hindi niya inaasahang maaabutan niya roon ang kinaiinisan at kinaiinggitang katrabaho na si Therese. Nginitian siya nito, subalit hindi siya nagbigay ng sukli.
Makalipas ang ilang oras, ipinatawag ng kanilang boss si Giselle.
“Bakit kaya?” naisaloob niya.
Pagtungo sa tanggapan nito, natigilan siya nang makita rin sa loob nito ang kinaiinggitang si Therese.
“Miss Fuentes, have a seat,” aya ng kanilang boss.
Pagkaupo niya, inilahad sa kanila ng boss na magkakasama sila sa iisang proyekto ni Therese. Malaki ang proyektong ito kaya sa kanila ipinagkatiwala.
“I’m rooting for you, Miss Fuentes. Alam kong makakasabay ka sa galing ni Ms. Therese Sandeja, kaya ikaw ang pinili kong ipareha sa kaniya,” saad ng boss.
Pagkatapos ng kanilang pagpupulong, kinamayan siya ni Therese.
“Looking forward ako na makatrabaho kita nang personal, Miss Fuentes. Kahit na sinungitan mo ako kanina,” nakangiting sabi ni Therese.
“Ah wala ‘yon, ganoon lang talaga ako. Let us be professional here. Gawin natin ang proyektong pinagagawa ni boss,” saad ni Giselle.
At nagsimula na nga ang pagsasama sa trabaho nina Giselle at Therese. Nasaksihan mismo ni Giselle ang kakaibang sipag, liksi, at galing ni Therese, kaya pala ito nakatatanggap ng parangal. Nakita niya ang dedikasyon nito sa trabaho. Nagagawa nito ang mga dapat gawin batay sa itinakdang panahon. Kapag trabaho, trabaho.
Kaya naman tuwang-tuwa ang kanilang boss nang makita ang napakagandang resulta ng team up nila ni Therese. Hindi niya rin inaasahang pupurihin siya nito.
“Mahusay pong katrabaho si Giselle. Masaya po ako na nakasama ko siya sa proyektong ito,” papuri ni Therese kay Giselle habang sila ay nasa harapan ng kanilang boss, nang ipinatawag na sila.
“Deserve na deserve naman po ni Therese ang lahat ng mga komendasyong natatanggap niya, kasi marami po akong natutuhan sa kaniya. Nakita kong nagagawa niya ang trabaho nang episyente at epektibo,” saad naman ni Giselle.
Matapos iyon, kinausap ni Giselle si Therese.
“Therese, maraming salamat sa oportunidad na makatrabaho ka. Napatunayan kong mahusay ka ngang talaga. Patawarin mo ako kung noon, kinaiinggitan kita at pinag-iisipan nang masama,” sinserong paghingi ng tawad ni Giselle kay Therese.
Tinapik siya nito sa kaliwang balikat.
“Naku wala iyon, maliit lang ang mundo natin lalo na’t nasa isang kompanya lamang tayo nagtatrabaho. Trabaho lang, walang personalan. Saka, magaling ka naman talaga,” nakangiting pagbati ni Therese kay Giselle.
Simula noon ay naging magkaibigan na sina Giselle at Therese.
Pinagbuti naman ni Giselle ang kaniyang trabaho. Inihinto na niya ang paggimik tuwing gabi pagkatapos ng trabaho. Diretso uwi na kaagad siya upang makapagpahinga kaagad at magkaroon ng sapat na lakas at enerhiya upang magawa nang mahusay ang trabaho kinabukasan.
Hindi naglaon, isa na rin si Giselle sa mga pinupuri ng kanilang boss dahil sa kaniyang husay at dedikasyon. Salamat kay Therese sa pagbibigay sa kaniya ng inspirasyon na mas galingan pa sa trabaho, at siyempre ay salamat sa kaniyang pagpupursigeng magbago upang mas mapaunlad pa ang kaniyang sarili.