Inday TrendingInday Trending
Nagsasawa na ang Kaibigan ng Babaeng Ito sa Kaniyang Nobyo Dahil sa Pagiging Kuripot Nito; Ipagpalit Kaya Niya Ito sa Iba?

Nagsasawa na ang Kaibigan ng Babaeng Ito sa Kaniyang Nobyo Dahil sa Pagiging Kuripot Nito; Ipagpalit Kaya Niya Ito sa Iba?

“Parang gusto ko nang hiwalayan si Ross.”

Nagitla ang matalik na kaibigan ni Blessie na si Patty sa sinabi nito. Kagaya ng dati, kapag ganoong nabubugnot ang kaibigan, nagpupunta ito sa kaniyang condo. Nagpapalamig. Doon nakikitulog.

Magkaibigan na sila noong hayskul kaya masasabing alam na nila ang likaw ng bituka ng isa’t isa.

“Heto na naman ba tayo? Bakit na naman? Kasi hindi ka na naman pinagbigyang kumain sa paborito mong restaurant? O kaya naman, hindi ka na naman binilhan ng damit?”

Si Ross ang nobyo ni Blessie. Kaklase nila si Ross noong hayskul sila. Unang nagkakilala sina Patty at Ross, at itinago-tago niya ang umuusbong na damdamin para sa lalaki.

Subalit ang gusto ni Ross ay si Blessie. Niligawan, hanggang maging sila.

Pagpaparaya. Pagpaparaya ang ginawa ni Patty magmula noon hanggang ngayon.

“Wala lang… siguro nasa punto na ako ngayon ng relasyon namin na parang… na parang nakakaramdam na ako ng sawa? Siguro dahil matagal na rin kami. Saka… parang ang kuripot niya. Parang hindi niya ako kayang buhayin.”

Natahimik na lamang si Patty.

“Alam mo, mahal na mahal ka ni Ross. Kaya sana huwag kang mag-isip nang ganyan tungkol sa kaniya. Unfair para sa kaniya,” sabi ni Patty. Nasasaktan siya sa kaniyang mga naririnig hinggil kay Ross.

“Parang hindi pa niya ako nadala sa mamahaling restaurant. Ni hindi pa nga kami nakapag-travel sa kahit na alinmang lugar dito sa Pilipinas, at syempre, lalo na sa ibang bansa.”

“Iyan lang ba ang minahal mo kay Ross? Hindi mo ba siya tunay na mahal kaya ganyan na lamang ang nararamdaman mo tungkol sa kaniya?” untag sa kaniya ni Patty.

“Mahal naman… kaya lang bilang babae, may mga materyal na bagay rin naman akong nais na makuha. Hindi ko lang alam kung maibibigay niya, lalo na kapag ikinasal na kami. Ngayon pa nga lang na magnobya kami, hindi niya maiparamdam sa akin na ako ang magiging reyna ng kaharian niya.”

Labis na nalulungkot si Patty sa mga naririnig niya mula kay Blessie. Kung alam lang ng kaibigan kung ano ang nararamdaman niya ngayon. Gusto niyang sabihin ngayon dito na kung siya ang tatanungin, nais niyang siya ang lumugar sa puwesto nito ngayon sa buhay ni Ross.

Kaya lang, hindi siya ang mahal ni Ross.

“Blessie, kung ako sa iyo, unawain mo na lamang si Ross. Baka ganoon lang talaga siya pagdating sa pera. Malay mo, pinaghahandaan niya ang magiging kasal ninyo,” pahayag ni Patty.

Hindi niya alam kung nahalata ba ni Blessie na parang sinaks*k ng kutsilyo ang puso niya nang sabihin ang mga pahayag na iyon.

“Tingnan natin… eh hindi pa nga siya nagsasabi kung nais ba niya akong pakasalan eh.”

Makalipas ang dalawang buwan, isang masamang balita ang ikinagulat ng lahat, lalo na nina Blessie at Patty. Sumakabilang-buhay si Ross dahil may iniinda pala itong malalang sakit na hindi ipinaalam kahit kanino, lalo na kay Blessie.

Walang kahit na sinumang kaanak si Ross, kaya ang nag-asikaso ng burol ay si Blessie, katuwang si Patty. Hindi na sila namroblema dahil may kinuha na pala itong plano sa isang insurance company.

At ang mas nakakagulat, may dalawa pa palang life insurance plan na kinuha si Ross, at dahil wala naman siyang ibang kaanak at ulilang lubos na siya, ang naging benepisyaryo ay si Blessie.

Halos gumuho ang mundo ni Blessie.

Durog na durog naman ang puso ni Patty.

“Kaya pala napakatipid niya. Kaya pala madalang lamang siyang lumabas. Akala ko napakakuripot niya. Iyon pala, pinaghahandaan niya ang kinabukasan niya, kinabukasan namin,” umiiyak na sabi ni Blessie kay Patty matapos ang pagkakalibing kay Ross.

“Alam mo bang mapalad ka kay Ross, Blessie? Mahal na mahal ka niya. Ngayong wala na siya, gusto kong maging tapat sa iyo. Bago pa kayo magkakilala ni Ross noong hayskul pa tayo, minahal ko na siya. Naging magkaibigan kami, at akala ko, masusuklian niya ang nararamdaman ko para sa kaniya. Hindi pala, dahil ikaw ang mahal niya,” pag-amin ni Patty.

Gulat na gulat naman sa nalamang rebelasyon si Blessie. Hindi siya makapaniwala.

“Huwag kang mag-aalala, dahil kinimkim ko ang nararamdaman ko para sa kaniya, lalo na noong nakikita kong masayang-masaya ka sa kaniya. Kaya nalulungkot ako nang malaman ko na nagsasawa ka na sa kaniya. Kung alam mo lang kung gaano ako umasam na sana ako na lang…”

Hindi nasira ang pagkakaibigan nina Blessie at Patty sa kabila ng pag-amin ng huli tungkol sa nararamdaman niya para kay Ross.

Nagpatuloy sa kaniyang trabaho si Blessie. Dalawang taon ang nakalipas bago siya nakatagpo ng kaniyang bagong kasintahan, na pinakasalan naman siya.

Si Patty naman ay hindi na nakapag-asawa pa. Para sa kaniya, si Ross lamang ang lalaking una at huling mamahalin niya. Sa pagkakalibing kay Ross, isinama na niya ang puso niya.

“Balang araw Ross… ako naman… ako naman… magkikita rin tayo sa langit,” usal ni Patty habang nakatingin sa mangasul-ngasul na papawirin.

Advertisement