Ilang Araw na ang Nakalipas ay Hindi pa Rin Daw Makalakad ang Pasyente ng Doktor na Ito; Iba Pala ang Sakit Nito

Ilang Araw na ang Nakalipas ay Hindi pa Rin Daw Makalakad ang Pasyente ng Doktor na Ito; Iba Pala ang Sakit Nito

HeartbreakingMysteryStories

“Mabuti na lang at mabait ang nakabangga sa inyong magkapatid kasi kung ‘yung ibang tao ‘yun ay hindi na kayo pananagutan. Nasaan ba mga magulang niyo?” tanong ni Doktor Eric habang hinahanda ang ituturok na gamot sa kaniyang batang pasyente.

“Wala po, mga palaboy lang po kami,” mahinang sagot ni Dino na sampung taong gulang na.

“Ano pong nangyari sa kapatid kong si Teng? Matagal pa po ba siyang magigising? Marami po ba kaming gamot na kailangan bilhin? May iniwan po bang pera ‘ yung nakabangga sa amin?” sunod-sunod na tanong nito sa kaniya.

“Huwag kang mag-alala, nagpaunang bayad naman na siya pero sabi niya ay babayaran daw niya lahat ng magagastos dito sa ospital hanggang sa makalabas kayo. Sa ngayon ay umalis muna siya, hayaan mo kapag nandito na ‘yun ay sasabihin ko agad na puntahan ka at ang kapatid mo,” sagot ng doktor saka hinawakan ang buhok ni Dino para guluhin ito nang bahagya.

“Natingnan na rin naman ang kapatid mo at wala namang nangyari sa kaniya na dapat nating ipag-alala. Nagamot na rin ang mga sugat niyo kaya hihintayin na lang nating magising siya,” dagdag pa ng doktor sa bata saka siya umalis.

“Dok, narinig ko po ‘yung sinabi niyo doon sa pasyenteng si Dino. Dok, maulit ko lang po, wala naman pong iniwang pera ‘yung lalaking nagdala dito sa mga ‘yan. Tanging calling card lang ang iniwan nung mokong tapos nung tinawagan na namin ay hindi na makontak,” paliwanag ni Jef, ang nurse na nag-aasikaso sa dalawang bata.

“Hayaan mo na, Jeff, sa akin mo na lang i-charge ‘yung magagastos nila. Wala naman masyadong problema ‘yung kapatid niya ayon sa mga test na nagawa. Hintayin na lang nating magising at gumaling yung mga sugat nung dalawa. Pero ituloy niyo pa rin ang pagkontak sa nakabangga sa kanila para kung ano man ay magkaroon man lang ‘yun ng pananagutan sa mga bata,” sagot ng doktor sa lalaki at tumango lamang ang nurse sa kaniya.

Makalipas ang tatlong araw ay hindi pa rin matawagan ng ospital ang lalaking nakabangga sa magkapatid na si Dino at Teng ngunit ang mas pinagtatakahan ng doktor ay hindi pa rin daw makalakad ang batang si Teng kaya naman hindi pa nila ito mapauwi.

“Teng, bakit daw hindi ka makalakad? Ano ang masakit sa’yo?” si Erik na mismo ang lumapit sa bata nang mabalitaan niyang hindi ito makatayo.

“Hindi raw po makatayo ang kapatid ko, dok. Wala pa po ba ‘yung nakabangga sa amin?” si Dino ang sumagot para sa kapatid.

“Naku, Dino, wala pa. Ang totoo nga niyan ay hindi na siya matawagan pa,” malungkot na sagot ng doktor sa bata.

“Ho? Sino ho ang magbabayad ng mga gastusin namin dito?!” gulat na tanong ni Dino sa lalaki.

“Ang totoo niyan ay ako na ang nagbayad dahil naawa ako sa inyo. Kaya nagtataka ako na hindi pa rin makalakad si Teng dahil wala naman akong nakitang nabali sa mga buto ng kapatid mo. Teng, pwede mo bang subukan na tumayo ulit?” tanong ng doktor at inalalayan ang bata ngunit kaagad itong bumagsak sa sahig.

Hindi nagsalita si Eric at inobserbahan lamang ang magkapatid. Hanggang sa pinaupo niya si Teng at hinatak ang kurtina upang kausapin nang masinsinan ang dalawa.

“Dino, alam mo ba na natutuwa ako sa’yo dahil kahit palaboy kayo napakakagalang niyo sa mga tao rito? At sa totoo lang ay magaan ang loob ko sa’yo dahil kamukha mo ang kapatid ko nung bata pa kami. Pero kailangan kong sabihin na walang problema kay Teng. Alam ko na nagkukunwari lang si Teng,” malungkot na siwalat ni Dok Erik sa dalawa.

“Hindi kayo pwedeng magtagal dito sa ospital dahil bukod sa lumalaking gastusin ay masisita ako ng mga mas mataas sa akin. Kung hinihintay niyo ‘yung taong nakadisgrasya sa inyo ay baka hindi na ‘yun bumalik pa. Sana, Dino, naiintindihan niyo,” seryosong wika ni Dok Eric sa dalawa.

Kaagad na napayuko si Dino at hiwakan ang kamay ni Teng.

“Aalis na po kami, dok, pasensya na po kayo. Pero sa totoo lang po, hindi naman po namin hinihintay ‘yung nakasag*sa sa amin dahil sanay na po kami na laging tinatakbuhan,” malungkot na sagot ni Dino.

“Sa totoo lang din po ay sinasadya na lang namin magpasag*sa o ‘di naman kaya magpa-aksidente para mapunta po sa ospital. Dahil dito, may natutulugan kami, may tubig na malinis, may libreng pagkain at may aircon pa. Hindi naman po namin intensyon na kumuha o mangoyo ng pera ng iba. Habol lang po talaga namin ay ang may matuluyan, sobrang hirap na hirap na po kasi kami sa daan,” nahihiyang umamin din si Teng sa doktor sabay punas ng luha nito.

“Pero maraming salamat po dahil kayo lang ang nag-iisang doktor na trumato sa amin na parang isang normal na tao. Kaya pasensya na po at maraming-maraming salamat,” naiiyak na sabi muli ni Dino sa kaniya.

“Naiintindihan kong mahirapan ang buhay pero sana matutunan niyong huwag manloko ng kapwa sa kahit anong pagkakataon. Dino at Teng, dahil may awa ang Diyos, palalampasin ko ang insidenteng ito pero ayaw ko nang gawin niyo ang kung anumang ginagawa niyo para lamang may matuluyan dahil baka sa susunod ay hindi na kayo swertehin pa,” bilin ng doktor sabay yakap sa dalawang bata.

Gustuhin man ni Erik na matulungan ang dalawa ay hanggang doon lamang ang kanyang kakayahan. Buong akala niya ay ang modus ng pagpapas*ga ay para lamang sa mga taong gustong makakuha ng pera kaya naman labis na nasasaktan ang lalaki dahil sa murang edad ni Dino at Teng ay ito na ang kanilang paraan upang may matutuluyan.

Hindi nagtagal ay hinanapan ni Erik ang dalawa ng bahay-ampunan kung saan pwedeng manirahan ang mga ito. Idinaan na lamang ng lalaki ang lahat sa dasal na nawa’y maging mabuti na ang kalagayan ni Dino at Teng at hindi na niya ito mabalitaan pa na mapuntang muli sa ospital.

More Stories