Mahigpit na Pinagbawalan ng Anak ang Ina na Makihalubilo sa mga Kaibigang Taga-Iskwater; Labis Pala Nitong Daramdamin ang Ginawa Niya

Mahigpit na Pinagbawalan ng Anak ang Ina na Makihalubilo sa mga Kaibigang Taga-Iskwater; Labis Pala Nitong Daramdamin ang Ginawa Niya

HeartbreakingInspiringStories

Biyuda, retirado at may kaya sa buhay si Mrs. Dela Riva. Mag-isa lamang siyang nakatira sa ancestral house niya sa Valenzuela. Mayroon siyang tatlong anak na may kanya-kanya nang mga trabaho at pamilya. Mga propesyunal din ang mga ito gaya niya ngunit kahit titulado ay payak na buhay ang pinili niya sa maliit na pamayanan sa lugar na iyon. Mahilig din siyang makipagkaibigan sa mga simpleng taong nakapaligid sa kanya.

“Magandang umaaga po, Mrs. Dela Riva,” masayang bati ng mga kapitbahay niyang sina Aling Lagring at Aling Melba nang maabutan siyang nagdidilig ng mga halaman sa labas. Ang dalawang ale ang malalapit niyang kabigan.

“Good morning din sa inyo,” nakangiting sagot ng mabait na matanda.

“Yayayain po sana namin kayong magsimba, Mrs. Dela Riva. Baka gusto niyong sumabay sa amin,” wika ni Aling Lagring.

“Aba, oo naman. Sandali at magpapalit lang ako ng damit,” sagot niya.

“Sige po, aantayin ka po namin dito sa labas,” sabi naman ni Aling Melba.

“Naku, hindi! Tumuloy kayo sa bakuran ko at pumasok sa loob ng bahay. Hindi ko kayo papayagan na maghintay diyan sa labas,” wika ng matanda na inasistehan ang dalawang ginang at pinaupo sa sala.

Kahit nakakaangat sa buhay ay nananatiling mapagkumbaba si Mrs. Dela Riva. Malapit siya at palaging sumasama’t nakikipag-usap sa mga mahihirap niyang kapitbahay.

“Natutuwa ako’t may loob kayong makasama ako sa mga lakad niyo,” sambit niya.

“Hindi na po iba ang pagturing namin sa inyo, Mrs. Dela Riva. Isa po kayo sa mababait naming kapitbahay at mahusay makisama. Masaya rin po kayong kausap kaya palagi namin kayong gustong kasama at kakuwentuhan,” tugon ni Aling Melba.

“Alam po kasi namin na kailangan niyo rin pong malibang lalo na’t mag-isa lang kayong nakatira rito sa bahay niyo. T-teka, bakit ba hindi man lang kayo kumuha ng kasambahay para kahit paano ay may kasama kayo sa malaki niyong bahay?” tanong naman ni Aling Lagring.

“Naku, hindi na kailangan. Malakas pa ako sa kalabaw at kayang-kaya ko pa ang mga gawain dito,” sagot ng matanda.

Pagkagaling nila sa simbahan ay muling inimbitahan ni Mrs. Dela Riva ang dalawang kaibigan sa bahay niya para magmeryenda ngunit nadatnan nila roon ang anak na si Daniela na hindi nito inasahan na bumisita.

“A-anong kailangan sa iyo ng mga taong ito, mama? Bakit mo kasama ang mga mahihirap na ‘yan?” inis na tanong ng babae.

“D-Daniela! Mga kaibigan ko sila. Watch your mouth, anak, nakakahiya sa kanila,” saway niya.

Para hindi na magtalo pa ang mag-ina ay kusa nang nagpaalam ang dalawang ale. Hiyang-hiya naman si Mrs. Dela Riva sa inasal ng anak.

Panganay sa tatlong magkakapatid si Daniela. Isang mahusay na abogada. Kinasangkapan ang talino’t ganda para makarating sa antas ng lipunang kinalalagyan nila ngayon kaya hindi ito makakapayag na may ibang pumasok sa mundo nila.

“Mga taga-iskwater sila, mama… Hindi ka dapat nakikipagkaibigan at nagtitiwala sa kanila,” wika ni Daniela sa ina.

“Kasalanan sa Diyos ang gawaing humusga sa kapwa, anak. Sila’y mabubuting tao at mapagkakatiwalaan. Sila’y mga kaibigan ko,” tugon ni Mrs. Dela Riva.

“Pero mama, hindi natin sila kauri. Kung sinu-sino na lang ang nakatira sa lugar na ito kaya pwede ba? Ibenta mo na itong ancestral house na ito at pumisan ka na sa akin o kay Ate Cecilia,” sambit pa ng anak.

“Hindi maari. Dito namin kayo pinalaking lahat ng papa ninyo. Pamana pa ito ng lolo at lola ninyo sa akin. Dapat ay mahalin ninyo ang naiwang alaala nila,” mariing sagot ng ina.

Napaismid si Daniela.

“Hmp! Sentimental reason na naman! Pero hindi pa rin ako papayag na makipagmabutihan sa mga pat*y gutom na iyon si mama,” bulong niya sa isip.

Pinuntahan niya ang isa sa mga kaibigan ng kanyang ina na si Aling Lagring sa bahay nito at kinompronta.

“Didiretsahin na kita, Aling Lagring. Anuman ang hangad niyo kay mama ay kalimutan niyo na dahil hahadlangan ko kayo sa masama niyong balak,” matapang niyang sabi sa ginang.

Ikinagulat ni Aling Lagring ang pagiging prangka ng anak ni Mrs. Dela Riva.

“W-wala po kaming ginagawang masama sa kanya at wala kaming binabalak na kung anuman. Inaaliw lamang namin ang mama mo, hija,” sagot nito.

“I-inaaliw?” naguguluhang tanong ni Daniela.

“Hindi ka siguro maniniwala, pero sa aming mga kaibigan niya madalas ihinga ng iyong mama ang mga sentimyento niya sa buhay. Mahirap ang mag-isa sa malaking bahay ninyo, nakakalungkot. Mabuti rin na may nakakausap siya at nakakakuwentuhan na ibang tao. Kaya namin siya palaging niyayayang mamasyal o lumabas gaya kahapon, pinuntahan namin siya para isamang magsimba,” paliwanag ni Aling Lagring.

Ngunit matigas pa rin si Daniela at ayaw pa ring makihalubilo ang ina sa mga kapitbahay nitong iskwater.

“Pwes, kung napapayag niyo siyang sumama sa inyo kahapon, ayoko nang mauulit na yayayain niyo siyang lumabas. Hindi ko kayo gustong maging kaibigan ng mama ko. Wala akong tiwala sa inyong mga taga-iskwater,” pagmamaliit niya sa kausap.

Nalaman ng ina ang ginawa niyang pagsugod sa bahay ni Aling Lagring.

“Hindi mo dapat hinamak ang mga taong walang tanging hangad kundi ang pakikipagkapwa, anak,” sabi nito.

“Ang ginawa ko’y magagawa rin ng ibang anak para sa kapakanan ng kanilang ina, mama,” tugon niya.

Mula nang pagbawalan ni Daniela na lumabas ng bahay at makihalubilo sa mga mahihirap ang kanyang ina ay bigla ang pananamlay nito. Kung dati ay palagi itong masaya at masigla, ngayon ay tahimik na lang itong nagkukulong sa kwarto.

Makalipas ang ilang linggo ay may natanggap siyang tawag.

“Hello? Sino ito?” tanong niya sa kabilang linya.

“Magandang hapon po. Si Melba po ito, isa sa malapit na kaibigan ni Mrs. Dela Riva. Kayo po ba ang anak niyang si Atty. Daniela Dela Riva-Castillo?” tanong ng babae.

“Ako nga. Oo, natatandaan kita, ikaw ‘yung isa sa kaibigan ng mama ko na taga-iskwater. Paano mo nalaman ang numero ko sa opisina?”

“Pasensya na po. Dinalaw kasi namin ang mama niyo kanina sa bahay dahil nag-aalala na kami sa kanya. Mula nang pagbawalan niyo siyang makipagkita sa amin ay hindi na siya lumalabas kaya naisip naming dalhan siya ng mga prutas kahit alam naming ikagagalit niyo ngunit nang makita namin siya ay bigla na lamang siyang nahilo at nawalan ng malay. Dinala namin siya sa ospital at ang sabi ng doktor ay may sakit daw siya. Nakuha namin ang numerong ito sa wallet ng mama niyo,” sabi ni Melba.

“What?! May sakit si mama? Sige, pupunta ako diyan. Saan bang ospital ‘yan?”

Nang makarating sa pagamutang sinabi sa kanya ni Melba ay agad niyang kinumusta ang lagay ng ina sa doktor at nalaman niya ang totoong kundisyon nito.

“She got what we called emotional and mental stress, hija. Masamang-masama ang loob ng mama mo,” wika ng doktor.

“Pero Doc, lahat naman ng luho sa buhay ay ibinibigay na naming magkakapatid sa kanya, pero siya ang tumatanggi. At ano pa bang ikaka-stress niya, eh nasa kanya na nga ang lahat – pagiging matagumpay, matalino at pagkakaroon ng tituladong mga anak. Ano pa ba ang kulang?” aniya.

“May mga taong hindi lamang materyal na bagay ang ikinasisiya ng loob, hija. Sa obserbasyon ko, kulang kayo sa personal at human touch sa pagmamahal sa kanya,” paliwanag ng kausap.

Nakaramdam tuloy ng pangongonsensya si Daniela sa nalaman niya.

“P-posible kayang dahilan ang pagpigil ko sa kanya na sumama at pakikihalubilo sa mga kaibigan niyang iskwater?” tanong niya.

“That’s it! Siguro’y iginigiit mo sa kanya ang mga kilala at kauri mo sa lipunan? Bagay na hindi niya matatanggap sapagkat hindi ito ang lipunang kanyang nakagisnan o gustong pakisamahan,” tugon ng doktor.

Ang payo nito sa kanya ay pagbigyan niya ang kagustuhan ng mama niya kaya naisip niya na magbigay daan para sa mga kinikilalang kaibigan ng kanyang ina. Nang bumuti ang lagay nito at nakalabas sa ospital ay inimbitahan niya sa bahay ng ina ang mga kaibigan nito. Nang makita ni Mrs. Dela Riva ang mga kaibigan ay umaliwalas ang mukha ng matanda at biglang sumigla. Siya man ay naantig nang makitang masayang-masaya ang ina habang nakikipagkuwentuhan sa mga dumalaw nitong kaibigan.

“Parang iisang pamilya sila na nagkalayo nang matagal…nagkasabikan sa isa’t isa. Nagsisisi na ako nang ilayo ko sila kay mama, iyon pala ay sila ang dahilan kung bakit puno ng kaligayahan ang puso ni mama. Ang mga taong ito ay mga tunay na kaibigan na kahit mahihirap ay mga totoong tao na walang pagkukunwari. Napatunayan ko na abot-kamay na pala ni mama ang langit na ‘di na kailangang ilapit sa kanya,” makahulugang sabi ni Daniela habang naluluhang pinagmamasdan ang magkakaibigan.

Humingi siya ng tawad sa ina at sa mga kaibigan nitong sina Aling Lagring at Aling Melba sa mga masasakit na sinabi niya. Nangako siya na hindi na siya muling manghahamak sa kanyang kapwa.

Pakatandaan na ang pakikipagkaibigan ay hindi nasusukat sa estado ng pamumuhay, ang importante ay totoo at tapat ang pakikitungo sa isa’t isa.

More Stories