Kinutya ng Ginang ang Batang Babae at ang Nanay Nitong Tindera ng Burong Isda; Napatulala Siya nang Mabalitaang Mas Mayaman na ang mga Ito sa Kaniya

Kinutya ng Ginang ang Batang Babae at ang Nanay Nitong Tindera ng Burong Isda; Napatulala Siya nang Mabalitaang Mas Mayaman na ang mga Ito sa Kaniya

InspiringStoriesSuccess

Taong 1994

Dumagsa ang mga magulang ng mga estudyante sa Mababang Paaralan ng Sitio Cabangan. Araw kasi iyon ng pamimigay ng report card ng mga bata.

Sa pinakamataas na section sa ika-apat na baitang ay kumpleto na ang mga magulang na nasa loob ng classroom. Naroon na rin ang guro na si Mrs. Carmelo para ibigay sa mga pumuntang nanay at tatay ang mga report card ng mga anak.

Isa si Jackie Lou sa mga nanay na dumating doon. Siyempre, papahuli ba naman siya? Kilala ang babae na pabida at sipsip sa mga guro lalo na kay Mrs. Carmelo na adviser ng kanyang anak. Mahilig din siyang magbigay ng regalo sa mga guro gaya ng cake, tsokolate, mga prutas, kakanin at iba pa. Tuwang-tuwa siya dahil nanguna sa klase ang anak niyang si Jaclyn. First honor ba naman kaya mas lalo siyang nagyabang.

“Ang galing-galing talaga ng unica hija ko! Biruin niyo, top 1 na naman si Jaclyn ko sa klase. Siya na lang ba palagi ang una sa honor? Wala na bang iba? ‘Di ko naman masisisi dahil kanino ba magmamana ‘yan kundi sa akin,” sabi niya sa mga kasamang magulang.

“Ang talino talaga ni Jaclyn, ano? Pangalawang beses na siyang first honor tapos siya pa ang humakot ng special awards. Iba talaga ang anak mo, mareng Jackie Lou,” wika ng kaibigan niyang nanay na si Bechay na nanlaki pa ang mga mata nang tingnan ang report card ng anak niya. Puro line of 9 at hindi bababa sa 91 ba naman ang grado nito.

Inggit na inggit tuloy ang ibang mga magulang kay Jackie Lou dahil mayroon siyang matalinong anak. Bukod sa magaling talaga sa academics si Jaclyn ay napakabibo rin nito kaya gustung-gusto at paborito ng mga guro. Sikat na sikat ang mag-ina sa kwartong iyon nang biglang dumating ang isa pang nanay na kasama ang anak nitong babae. Napaismid siya nang makilala ang mga bagong dating.

“Hay naku, masaya na sana ang araw ko, eh mukhang masisira dahil dumating ang mag-inang ‘yan,” wika niya sa katabi niyang nanay na namamaypay dahil mainit sa loob ng classroom. Dalawang electric fan lang ang gumagana at sira pa ang isa.

Napansin ni Mrs. Carmelo ang nanay na si Lenlen na kasama ang anak nito na estudyante rin niya na si Linet. Tulad ng anak ni Jackie Lou ay nasa top 10 din ang bata. Matalino at masipag din si Linet na mahusay naman sa paggawa ng mga tula at sanaysay.

“O, Mrs. De Dios, buti at dumating ka. Heto ang report card ng anak mong si Linet. Natutuwa ako diyan sa batang ‘yan. Napakagaling sa pagsusulat at hindi rin nagpapatalo sa iba niyang mga kaklase, kaya nga siya ang naging top 3,” nakangiting bungad ng guro.

“Talaga ma’am? Narinig mo iyon, Linet? Magaling ka raw sabi ng teacher mo,” masayang tugon ni Lenlen saka hinimas ang pisngi ng anak. “Pasensya na po ma’am, kung isinama ko rito ang anak ko. Sabi niya kasi mga magulang lang ang pwedeng pumunta rito kaso mapilit ang batang ito, gusto raw niyang sumama para tulungan akong magbenta nitong paninda kong burong isda,” hayag ng babae na inilabas ang paninda na nakalagay sa mga garapon.

Kilalang tindera ng burong isda si Lenlen sa palengke. Rumaraket ang ginang sa pagtitinda sa eskwelahan na pangdagdag kita. Tinutulungan siya ng anak na si Linet na magbenta sa mga guro at kapwa estudyante.

“Naku, napakabait na bata talaga nitong si Linet. Sige, pagbilhan niyo nga ako ng dalawang garapon ng buro,” wika ng guro.

Sa narinig ay nabwisit si Jackie Lou at pinaringgan ang mag-ina.

“Diyos ko, hindi ba meeting ito ng mga magulang at bigayan ng report card? Eh, bakit parang naging talipapa ang classroom nang dumating ang mag-inang gusgusin na ‘yan?”

Agaw-pansin kasi ang kupas na T-shirt at shorts na suot ng batang babae na siguradong ilang taon nang ginagamit at hindi napapalitan ng bago. Pati ang suot nitong tsinelas na pudpud na at nanlilimahid. Pakiramdam nga ni Jackie Lou ay ilang hakbang na lamang ay mabubutas na ang ilalim noon.

Matapos tingnan mula ulo hanggang paa si Linet, ang ina naman nitong si Lenlen ang pinagmasdan niya. At gaya nga ng anak nitong parang pinabili lang ng suka sa kanto ay mukhang dugyot din ito na halatang nagtitinda nga sa palengke. Napangisi pa nga siya nang mapansing may mga butas ang suot na T-shirt ng ginang at nakabota pa. Mas lalo siyang nandiri nang buksan nito ang isang garapon na may lamang burong isda at pinaamoy sa mga kasamahan nilang nanay.

“Ano ba ‘yan? Nakakasulasok naman ang amoy! Pwede ba, kung gusto mong magpa-free taste ay doon kayo sa labas! Nakakadiri ‘yang buro mo, sa uulitin ay huwag ka nang magdala o magtinda niyan dito! Nakakahiya, ang baho!” wika niya.

Biglang napahiya si Lenlen at itinago sa dala niyang plastic bag ang mga paninda.

“P-pasensya na,” tangi nitong nasabi.

Pinagtinginan ng mga magulang si Lenlen at nagbubulungan pa ang mga ito. Nakaramdam ng panliliit ang ginang na napayuko na sa sobrang pagkapahiya ngunit nawala iyon nang hawakan siya sa kamay ng kanyang anak na si Linet.

“Wala ka pong dapat ikahiya, inay. Marangal po ang pagtitinda at proud po ako sa inyo,” bulong nito sa kanya.

Napangiti si Lenlen at lumakas ang loob sa tinuran nito ngunit panay pa rin ang pangmamaliit ni Jackie Lou.

“Bagay ngang mag-nanay ang dalawang ‘yan. Parehong gusgusin at amoy buro,” bulong niya sa kaibigang si Bechay na tumango-tango naman sa kanya.

Kahit narinig ang pangungutya ni Jackie Lou ay hindi na lamang ito pinansin ng mag-ina. Kahit pinagtatawanan sila ng babae habang nag-aalok ng paninda nilang burong isda sa mga magulang ay ipinagkibit-balikat na lang nila, ang mahalaga ay nakabenta sila sa araw na iyon at may dagdag na kita pambili nila ng masarap na ulam kinagabihan.

Makalipas ang maraming taon

Present na naman si Jackie Lou sa bigayan ng report card sa Mababang Paaralan ng Sitio Cabangan. Kukunin niya ang report card ng apo niyang si Carlo na anak ng anak niyang si Jaclyn na matapos maka-gradweyt ng kolehiyo ay nag-asawa na agad at nagpabuntis sa lalaking ang trabaho ay sekyu sa isang maliit na bangko sa bayan. Ang naging bunga ay ang cute na cute niyang apo na ubod naman ng kulit.

Hindi natupad ang pangarap niya kay Jaclyn na maging doktor dahil ilang beses itong bumagsak sa board exam kaya sumuko na ito at nagtrabaho na lang sa munisipyo. Nanghihinayang nga siya dahil hindi nito ginamit ang talino para mas umasenso sa buhay sa halip ay mas inuna ang pagpapamilya.

Dahil pumanaw na rin ang mister niya ay nakikipisan na lamang siya sa anak at sa asawa nito sa inuupahan nilang maliit na apartment.

Maya maya ay humihingal na pumasok sa classroom ang isang nanay at may ibinalita ito.

“Uy, nagbigay na naman ng donasyon sa eskwelahan ‘yung mayamang babae! Kahon-kahong school supplies, mga libro, classroom chairs at iba pa. Balita ko’y may iniabot ding tseke sa principal,” wika ng ginang.

“Talaga? Wala talagang mintis kung magbigay ‘yung maperang babae na ‘yon, ano? Dito rin kasi siya gumradweyt, eh, kaya malapit sa puso niya ang eskwelahang ito,” sabi naman ng isa pang ginang.

“Napakasuwerte rin daw nung babae at ‘yung nanay niya na dating tindera lang sa palengke ng burong isda. Nagsimula sila sa hirap tapos ngayon ay ubod na ng yaman, nakakainggit,” wika ng isang lalaki na isa sa mga tatay na naroon.

Dahil sa narinig ay nakiusyoso rin si Jackie Lou sa mga nag-uusap.

“Ehem, ehem, ano itong narinig ko na may mayamang nagbigay ng donasyon? At kailan pa nagkaroon ng mayamang donor ang eskwelahang ito? Hindi ko yata alam ‘yan, a!” sabad niya.

“Aba, hindi mo ba alam? Hirap kasi sa iyo mula nang makipisan ka sa anak mo’y hindi ka na nakikipagtsismisan sa amin, eh, iyan tuloy nahuhuli ka na sa balita. Matagal nang nagbibigay ng donasyon dito sa eskwelahan ‘yung magandang babae na palaging nakasakay sa magarang kotse kapag nagpupunta rito. Ang sabi nung isang teacher na nakusap ko, dahil matalino ay nakakuha ng scholarship at nakapag-aral sa abroad ‘yung babae at doon nakapagtapos ng kolehiyo. Isa raw itong sikat na fashion designer sa abroad na buwan-buwang umuuwi sa Pilipinas para magbigay ng donasyon dito. Doon na rin nakatira ‘yung nanay niya na dating nagtitinda ng buro sa palengke. Teka, ang pangalan nung nanay ay Lenlen, Lenlen De Dios at ‘yung mabait na babae ay ang anak niyang si Linet De Dios,” wika ng ginang.

“Ka suwerte naman nung nanay sa anak, dinala siya sa abroad, sa U.K yata ‘yon. Nakakatuwa ang mga ganoong anak at ‘yung nanay kakainggit talaga, donyang-donya na,” segunda naman ng isa pa.

“A-ano? A-ang Lenlen na ‘yon na tindera ng buro at ‘yung anak niya….”

Hindi na niya naituloy ang sasabhin sa sobrang pagkagulat. Ang mag-inang minata-mata niya noon ay asensado na pala ngayon.

Nang biglang naputol ang pag-uusap nila nang tawagin na ng guro ang mga magulang para ibigay ang report cards.

Naiwang nakatunganga si Jackie Lou. Hindi makapaniwala sa nalaman. Para siyang sinampal sa magkabila niyang pisngi. Tumalbog sa mukha niya ang pamimintas niya sa mag-ina noon.

Parang gusto niyang maiyak sa sobrang inggit sa kinasapitan ng mag-inang mahirap noon na mayaman na ngayon. Samantalang siya na nakakaangat noon ang naghihirap at kawawa ngayon. Saan napunta ang pagiging first honor ng anak niya at pagiging pabida niya? Tsk, tsk… bilog talaga ang mundo, ‘di ba?

Kaya huwag mawawalan ng pag-asa kapag nasa ilalim, huwag ding maging mapagmataas sa kapwa kapag nasa ibabaw dahil ang buhay ay weather, weather lang.

More Stories