Ayaw Papasukin ng Gwardiya ang Madungis na Binata sa Takot na Baka Mawalan Sila ng Kustomer; Nag-Iwan Ito ng Salitang Magpapaiyak sa Kaniya

Ayaw Papasukin ng Gwardiya ang Madungis na Binata sa Takot na Baka Mawalan Sila ng Kustomer; Nag-Iwan Ito ng Salitang Magpapaiyak sa Kaniya

HeartbreakingInspiringStories

“Naku ‘tol, hindi ka talaga pwedeng pumasok sa gan’yang itsura mo. Kung ako lang sana ang masusunod ay pababayaan kitang pumasok at kumain sa loob. Ang kaso’y istrikto ang manager namin e,” ani Alfred, gwardiya ng isang kainan.

“Magbabayad naman po ako, kuya, saka hindi po ako manggugulo sa loob, kakain lang po talaga ko,” nakikiusap nitong sambit.

Naaawa man si Alfred sa binatang mukhang nagugutom na talaga’y hindi niya pwedeng papasukin ito at baka mandiri rito ang ibang kustomer at magsialisan sa kainan nila. Nilingon ni Alfred ang loob ng kainan at muli’y kaniyang nilingon ang binatang nakakaawa ang mukha.

“Ganito na lang, ‘tol, umupo ka rito sa upuan ko at dito ka na mismo kumain. Ano ba ang gustong kainin at ako na ang kukuha no’n sa’yo,” aniya.

Ang malungkot na mukha ng binata ay agad na umaliwalas sa kaniyang sinabi. Agad nitong sinabi ang gustong kainin at may pahabol pa itong order na pinapa-take-out para naman daw sa nanay nitong naghihintay sa bahay. Matapos iabot ang limang daang piso ay pumasok si Alfred sa loob upang orderin ang sinabi ng binata.

Nang maihanda ang pagkaing para sa binatang madungis at mukhang palaboy ay agad niyang iniabot rito ang makakain. Maganang kumain ang binatang nakilala niya sa pangalang Denis, na ayon rito’y nagtatrabaho bilang mekaniko kaya sobrang dungis ng kaniyang itsura.

“Gutom na gutom na kasi ako, p’re, kaya naisip kong lumabas na’t maghanap ng makakain,” anito sa pagitan ng pagnguya. “Ang kaso ayaw akong papasukin sa lahat ng kainang napuntahan ko,” dugtong nito at bahagyang tumawa.

“Dahil sa itsura mo,” ani Alfred.

“Oo,” sang-ayon naman nito. “‘Di ko rin naman sila masisisi, kasi sa itsura ko ba naman mukha akong snatcher at wala pang kr*meng nangyayari ay ako na agad ang suspek,” anito saka humagalpak ng tawa.

“Alam mo kahit nga sa simpleng karinderya d’yan sa may kanto, ayaw akong pakainin, kasi natatakot silang mandiri sa’kin ang mga kustomer nila at baka mawalan ng ganang kumain,” patuloy nito sa pagkukuwento.

Ang totoo’y gano’n din naman ang naisip niya kanina kaya hinarangan niya ito. Pero dahil na rin sa awa ay naisip niyang may paraan naman upang makakain ang lalaki na hindi kinakailangang pumasok sa loob, at iyon na nga ang kaniyang ginawa.

“Ikaw ang bukod tanging tao na hindi ako hinusgahan sa araw na ito,” ani Denis saka malapad na ngumiti.

“Hinarang rin naman kita kanina,” aniya.

Tumawa ito saka tuluyang tinapos ang pagkain. Hinarang niya nga ito, pero hindi naman niya ito minata gaya ng pagtataboy ng iba sa lalaki. Para kasi kay Alfred, kahit ano pa man ang itsura ng isang tao, basta matino mo itong nakakausap ay kailangan mo itong irespeto, dahil hindi naman ito hayop na pwedeng basta-basta na lamang itataboy.

At matino naman niyang nakausap kanina si Denis kaya walang rason para itaboy niya ito na animo’y taong may nakakahawang sakit. Pare-pareho silang tao na nabubuhay sa mundo, ang kaibihan nga lang kanina’y malinis at maaliwalas ang itsura niya, samantalang ito’y mukhang dugyutin.

Matapos kumain ni Denis ay tumayo ito upang ligpitin ang pinagkainan.

“Salamat p’re ah,” ani Denis kay Alfred, saka may hinugot sa bulsa nito. “Tip ko sa’yo, p’re,” anito sabay abot ng dalawang daang piso.

“Naku! Hindi mo na kailangang mag-abala pa, ‘tol. Ginawa ko lang ang trabaho ko,” aniya. Tinatanggihan ang dalawang daang pisong tip.

Ngunit nagpumilit si Denis na tanggapin niya ang maliit na halagang nais nitong ibigay kaya wala siyang nagawa kung ‘di tanggapin na lamang iyon.

“Ipagpatuloy mo lang ‘yong ginagawa mo p’re at pagpapalain ka niyan ng ating Diyos Ama,” ani Denis. “Napakalaking bagay na iyong hindi mo ako itinaboy kanina habang nakikiusap ako sa’yo na gustong-gusto ko nang kumain at gutom na gutom na ako. Sa halip na pandirihan mo ako at itaboy na parang hayop na may masangsang na amoy, humanap ka ng paraan para maibsan ko ang gutom ko. Kaya sobrang maraming salamat talaga, pare,” dugtong pa nito ng madamdamin na salita saka marahang tinapik ang kaniyang balikat.

Mangiyak-ngiyak na tumango ang gwardiyang si Alfred. Nakakataba ng puso ang mga salitang itinatanim ni Denis sa kaniya at alam niya sa sariling tama ito. Sa mundong mas maraming mapanghusga, sobrang mahalaga ang taong pantay ang tingin sa lahat.

“Kakain ulit kami rito ng pamilya ko, p’re, sana sa pagbalik ko nandito ka pa. Maliligo na muna ako’t magbibihis nang maayos para naman makapasok na ako sa loob!” ani Denis sabay halakhak.

“Kapag hindi ko day-off, ‘tol, malamang magkikita pa rin tayong dalawa,” sagot ni Alfred saka sabay silang nagtawanan na dalawa.

Gasgas na ang katagang don’t judge the book by its cover

More Stories