
Minaliit ng Dalaga ang Lalaking Mahirap; Ngunit Bakit Natameme Siya sa Muli Nilang Pagkikita?
Sa pagmamadali ay hindi sinasadyang mabangga ni Daffodale ang bisikletang nasa kaniyang unahan. Inis na pinindot niya ang busina at bumaba upang pagalitan ang lalaking nakatayo sa harapan ng kaniyang kotse ngayon.
“Ikaw pa ang may ganang magalit gayong ikaw ang nag-over-take at bumangga sa’kin,” mahinahong wika ng lalaking siklista. “Nasa bike-lane ka madam, baka hindi mo nakikita,” dugtong nito sabay turo sa daanan.
“Wala akong pakialam,” mataray nitong wika.
May hinugot sa loob ng bag saka iniabot sa lalaking nabangga.
“Pera, sapat na ba iyan para pambili mo ng bagong bike? Mukhang luma at may sira na rin naman ang bisikleta mo, mister, kaya magpasalamat ka dahil sa wakas mapapalitan na iyan ngayon dahil sa pagkakabangga ko sa’yo. What a blessing in disguise ‘ika nga,” nang-uuyam na wika ni Daffodale.
Isang ismid at hindi makapaniwalang tingin naman ang ibinigay sa kaniya ng lalaki, at maya maya ay panay ang iling saka inabot ang nasirang bisikleta.
“Alam mo madam, hindi lahat ng tao ay kailangan ng pera. Simpleng paghingi ng pasensya ay sapat na. Hindi mo kailangang manuhol at mang-insulto dahil lang sa tingin mo’y nasa mababang bahagi lamang ako ng mundo at nasa itaas ka,” seryosong wika ng lalaki. Salubong ang kilay at nanghahamon ang tinging ipinupukol nito sa kaniya.
“Bakit? Nakakabili ba ng bagong bisikleta ang salitang pasensya, mister?” aniya. Hindi pa rin nababawasan ang pagiging inggrata at mataray na boses.
Manipis na ngumiti ang lalaki na mas maihahambing mo sa pang-uuyam na mukha, kaysa ngiting masaya.
“Bakit, madam, nababayaran ba ng pera ang insulto?” balik tanong nito.
Ibubuka na sana ni Daffodale ang bibig upang sagutin ang lalaki nang muli itong magsalita.
“Masyadong malaki ang limang libo, madam, tatlong daan lang yata ang bayad sa pagpapa-repair ng gulong nito,” anito. “Barya-barya na lamang sa umaga,” dugtong nito na may nang-uuyam na ngiti sa labi.
Antipatiko! Iyon ang deskripsyon na naisip niya sa mayabang na lalaki. Muli niyang kinuha ang wallet at hinugot ang limang daan.
“Keep the change,” aniya.
Hindi na hinintay ang sagot nito, nagmartsa na siya pabalik sa loob ng kaniyang sasakyan. Bago tuluyang minani-obra ang sasakyan ay sinilip niya muna ang relong pambisig at inis na nagmaktol. Alas-dyes na ng umaga… sana maabutan pa niya si Mr. Sanchez, ang kanilang big client kung bansagan ng kaniyang ama.
Nagmamadali na siyang nagpapatakbo ng sasakyan. Alas dyes-trenta, dapat naroroon na siya sa meeting place dahil kapag hindi niya nagawa iyon ay katakot-takot na sermon na naman ang maririnig niya sa bunganga ng kaniyang ama.
Nakahinga lamang siya nang maluwag nang makarating nga siya sa hotel na sinabi ng ama bago mag-alas dyes-trenta. Agad niyang inayos ang sarili upang hindi halatang ngarag na siya sa kakamadali bago marating ang lugar. Agad niyang napansin ang isang matandang lalaki sa gitnang bahagi ng restawran. Hinala niya’y iyon na nga yata ang sinasabi ng amang si Mister Sanchez.
“Hello, ikaw po ba si Mr. Sanchez?” nakangiting kausap ni Daffodale.
Magalang niyang kausap sa lalaking may edad na pero matipuno pa rin at kahit papaano’y masasabi niyang may asim pa. Tinanggap ng lalaki ang pakikipagkamay niya.
“Ikaw na po ba ang anak ni Mr. Cervantes na si Miss Daffodale?” tanong nito na agad niyang tinanguan. “Ako po si Enrile Natividad, sekretarya ni Mr. Sanchez, pasensya ka na kung medyo mahuhuli sa pagdating si Mr. Sanchez, katatawag lang niya kanina at ang sabi niya’y biglang nagkaroon ng problema sa opisina kaya kung maaari lang ay hintayin na lang muna natin siya, baka malapit na rin iyon,” paliwanag ni Mr. Natividad.
Trenta minutos din ang lumipas bago nagsalita si Mr. Natividad na naroroon na ang amo nitong si Mr. Sanchez, agad siyang tumayo upang salubungin ng masiglang pagbati ang big client na ipinagmamalaki ng kaniyang ama. Agad ding mawala ang ngiti sa labi nang makita kung sino ang tinutukoy ni Mr. Natividad na si Mr. Sanchez.
“I-ikaw si Mr. Sanchez?” nauutal niyang tanong.
Lihim niyang nahiling na sana’y bumuka na lang ang lupa sa mga oras na iyon at lamunin na siya. Ang Mr. Sanchez na big client nila’y siya ring lalaking nabangga niya kanina na binansagan niyang antipatiko at mayabang.
“Small world, madam,” anito na muli’y may nang-uuyam na ngiti sa labi.
Natapos naman sa maayos na usapan ang meeting nila, pero hindi niya talaga kayang salubungin ang malagkit na tingin ng lalaki. Nahihiya siya at wala siyang mukhang maihaharap dito, matapos niyang isipin na isang lamang itong dukha na gamit ay bisikletang panahon pa ni kopong-kopong.
“I’m sorry kung ininsulto kita kanina, hind ko gustong gawin iyon. Sadyang bad trip lang talaga ako kanina, kasi nagmamadali na ako’t natatakot akong baka ma-late ako sa meeting natin. Again, I’m sorry,” hinging paumanhin ni Daffodale.
Matamis na ngumiti si Mr. Sanchez. Sa pagkakataong ito’y totoong ngiti na ang nakikita niya, hindi kagaya kaninang may halong pang-uuyam ang ngiting ibinibigay nito sa kaniya.
“Kung talagang nag-sosorry ka’y makipag-date ka sa’kin ng tatlong beses, sa ganoong paraan at kwits na tayong dalawa, madam,” anito.
“Ano? Nahihibang ka na ba?” salubong ang kilay niyang sambit.
Pero makalaunan ay pumayag na rin siya sa deal na ibinigay nito. Wala namang mawawala sa tatlong date. Ngunit imbes na tatlong date lang ay nadagdagan pa iyon hanggang sa nagkamabutihan na sila ng loob.
Nang manligaw sa kaniya si Mr. Sanchez ay hindi na nagdalawang-isip si Daffodale na sagutin ito at mas kilalanin pa nang mas maigi. Kumpara sa una nilang pagkikita’y napagtanto niyang mali pala ang unang deskripsyon niya sa binata. Dahil ito na yata ang pinakamaalalahanin, maasikaso, at mapagmahal na lalaking nakilala niya.
“I love you, madam,” malambing na bulong nito sa punong tainga niya.
“I love you too, mister,” sagot niya.
Hindi na nila binago ang una nilang tawagan, dahil doon naman talaga sila unang nagkakilala. Si Mister Antipatiko, at si Madam Insultador!

Ayaw Papasukin ng Gwardiya ang Madungis na Binata sa Takot na Baka Mawalan Sila ng Kustomer; Nag-Iwan Ito ng Salitang Magpapaiyak sa Kaniya
