Sa Kaniya Isinisisi ng Nobyo ang mga Bagay na Hindi Nito Nagawa Mula Noong Naging Sila; Pero Bakit kay Bilis lang Nitong Nakahanap ng Iba?

Sa Kaniya Isinisisi ng Nobyo ang mga Bagay na Hindi Nito Nagawa Mula Noong Naging Sila; Pero Bakit kay Bilis lang Nitong Nakahanap ng Iba?

HeartbreakingLoveStories

“Gano’n-gano’n na lang ba talaga, Vern? Handa kang itapon ang ilang taon nating pinagsamahan? Siyam na taon na sa’yo lang umikot ang mundo ko tapos ngayon basta-basta mo na lang akong iiwan sa ere dahil ayaw mo na sa’kin. Sa anong dahilan, Vern? Anong dahilan para saktan mo ako nang ganito?” umiiyak na wika ni Andy sa nobyo.

Makalipas ang siyam na taon ng kanilang relasyon, ngayon ay nais na nitong putulin ang mayroon sila sa dahilang gusto na muna nitong hanapin ulit ang sarili at napagod na ito sa relasyon nila. Bakit? Naligaw ba ito kaya kailangan nitong hanapin ang sarili? Ano bang ginawa nila para mapagod ito? Ang babaw ng mga dahilan nito at nahihirapan siyang tanggapin iyon.

“Babae ba, Vern? May iba ka na ba kaya gusto mo nang tapusin ang mayroon tayo?” muli niyang tanong.

Umiling-iling ito at tila nahihirapang isinuklay ang mga daliri sa sariling buhok.

“Hindi babae, Andy, hindi ibang babae ang dahilan kaya gusto kong makipaghiwalay sa’yo. Wala akong ibang babae, kaya hindi iyon ang dahilan ko,” ani Vern.

“Ang totoo’y naisip ko lang na ang dami ko palang hindi nagawa at naranasan mula noong naging tayo, Andy,” anito. Mangiyak-ngiyak saka mariing pumikit. Kitang-kita sa mukha nito ang pagkalito at hirap sa pagdedesisyon.

“Siyam na taon na sa’yo lang umikot ang buong mundo ko. Kinalimutan ko ang iba, mga kamag-anak, mga kaibigan, dahil ginawa kitang sentro sa buhay ko, Andy. Ang dami kong hindi nagawa, kasi palagi kitang isinasama sa lahat ng gagawin ko. Palagi kong isinasaalang-alang ang mararamdaman mo, kaya mas pinipili kong huwag gawin ang mga bagay na gusto ko kasi kailangan ko muna ang opinyon mo bago ko gawin ang isang bagay,” anito.

“Ang dami kong hindi nagawa, ang daming hindi naranasan. Pakiramdam ko ang daming kulang sa’kin, dahil sa’yo, Andy. Kaya hinihingi ko ang kalayaang ito, hindi dahil may iba akong babae. Walang ibang babae, wala akong ibang minahal kung ‘di ikaw lang, kaya pwede bang hayaan mo muna akong mahalin ko muna sa ngayon ang sarili ko, pwede bang isipin ko muna sa ngayon ang sarili ko?” humihibing wika ni Vern.

Hindi napigilan ni Andy ang paghagulgol dahil sa sinabi ni Vern. Isinisisi nito sa kaniya ang lahat ng kulang sa pagkatao nito, hindi man lang ba nito naisip na kagaya nito’y marami rin siyang hindi nagawa dahil sa labis na pagmamahal niya rito? Marami siyang isinantabi, dahil palagi niyang iniisip ang mararamdaman ni Vern.

Hindi niya naranasang uminom kasama ang barkada dahil ayaw ni Vern ng gano’ng klaseng babae. Hindi niya naranasang magbakasyon kasama ang mga kaibigan dahil ayaw siyang payagan nito. Marami rin siyang hindi nagawa mula noong naging sila, pero hindi niya inisip na kakulangan iyon sa pagkatao niya, dahil ginusto niyang gawin iyon, dahil mahal niya ang nobyo.

“Sige, pinapalaya na kita,” sagot ni Andy.

Wala na siyang lakas na makipag-debate pa sa nobyo. Hindi niya kailangang isa-isahin pa rito ang mga hindi din niya naranasan at nagawa dahil sa siyam na taong relasyon nila. Kung kasalanan niya ang lahat para rito ay sige… aakuin niya.

Lumipas ang tatlong buwan mula noong nagkahiwalay si Vern at Andy. Ngayon ay masaya na si Andy kasama ang mga kaibigang hindi siya iniwan noong panahong labis siyang nasasaktan sa paghihiwalay nila noon ni Vern.

Pinalaya niya si Vern upang hayaan itong gawin ang mga bagay na hindi nito nagawa noong naging sila, ngunit labis ang insultong naramdaman niya noong nalamang wala pang isang buwan ay may bago na itong nobya. Ang dami pa nitong sinabi at sinumbat sa kaniya, iyon naman pala ay gusto lang nito ng bagong nobya.

“Odivaaah! Kaya nga huwag kang nagpapaniwala sa linyahan ng mga lalaking iyan na… I need to find myself, it’s not you, it’s me. Tsee! Ang daming drama sa buhay, hindi na lang aminin na ayoko na sa’yo, sawa na ako sa’yo, pakiramdam ko kailangan ko nang maghanap ng ipapalit sa’yo, ganorn!” inis na litanya ni Alexis, ang isa sa matalik niyang kaibigan.

“Tama! Isang malaking halimbawa ang echoserang palaka mong nobyo d’yan, Andy,” sang-ayon naman ni Mia. “Tingnan mo, hanggang tainga ang ngiti ng dem*nyo, pero noong nakikipaghiwalay sa’yo, akala mo talaga aping-api! Nanumbat pa, sarap paluin ng tubo,” gigil nitong dugtong.

Isang malapad na ngiti na lamang ang isinagot ni Andy sa inis na mga kaibigan. Sa totoo lang ay wala na sa kaniya ang nangyayari ngayon kay Vern. Napagtanto niyang ang laki pala ng mundo noong naghiwalay silang dalawa. Ang dami niya pa lang pwedeng gawin at makita, na hindi niya nagawa noong sila pang dalawa, dahil masyado siyang nag-pokus noon kay Vern.

May maganda ring naidulot sa kaniya ang paghihiwalay nila ni Vern, dahil mas minahal niya ang sarili at mas nalaman niya ang tunay niyang halaga. Kaya may parte ng puso niya ang gustong pasalamatan ang lalaki.

More Stories