May Huling Pabor na Hiningi ang Mayamang Negosyante sa Tapat Niyang Manggagawa; Nakakaiyak Pala ang Dahilan

Halos dalawampung taon nang nagtatrabaho si Alberto bilang isang manggagawa sa kompanya ng isang tanyag na businessman na kilala bilang Mr. O. Matagumpay ito dahil napakaraming pabahay at subdivision ang kaniyang napagawa. Sa lahat ng naging trabahador sa kompanyang iyon ay tanging si Alberto lamang ang siyang nagtagal.

Ang matanda na ang pinaka-pinagkakatiwalaan ng mayamang businessman sa mga proyektong kanilang ginagawa. Sa taglay na galing ni Alberto sa paggawa ng matibay na bahay, labis itong ikinatutuwa ng kanilang mga kostumer, kaya’t sunod-sunod ang proyektong pumapasok sa kompanya.

Dahil sa trabahong iyon, napagtapos ng lalaki ang kaniyang apat anak sa kolehiyo. Lahat ng iyon ay dahil sa kaniyang pagiging matiyaga.

“Mr O… nais ko na po sanang magpaalam sa inyo. Gusto ko na po sanang magretiro sa pagkakarpintero at pag konstruksyon upang makasama ko na nang matagal ang aking pamilya.

Gusto ko lamang din pong ipaabot ang malaking pasasalamat ko sa inyo sa dalawampung taon na pagkupkop ninyo sa akin sa kompanya,” pagpapaalam ni Alberto.

“Nakakalungkot naman po, Ka Alberto, at magreretiro ka na pala. Ano na po ang gagawin ninyo niyan kapag tumigil na kayo sa paggawa ng bahay?” tanong naman ni Mr. O.

“Nais ko po sanang magpatayo ng maliit na negosyo, upang mayroong pagkaabalahan kahit papaano. Nakapagtapos naman na po ang mga anak ko, kaya’t ang tindahang akin ipapagawa ang pagkukunan namin ng pagkakakitaan ng asawa ko,” nakangiting tugon naman ng lalaki.

“Ganun po ba, Ka Alberto? Kung ganoon po ay mukhang hindi ko na rin kayo mapipigilan. Kung buo na po ang desisyon ninyo ay irerespeto ko po ito at hindi ko na kayo kokontrahin pa,” mahinahong sagot naman ng amo.

Advertisement

“Maraming salamat po talaga, sir, sa oportunidad na ibinigay ninyo sa akin sa mahabang panahon,” nakangiting saad naman ng matanda.

“Kaso Ka Alberto, kung papayagan ninyo sana, hihingi sana ako ng malaking pabor bago kayo tuluyang magretiro?” pahabol pa ng mayamang amo.

“Ano po iyon, sir?”

“May malaking kliyente kasi ako, nais nila ng isang malaki at magandang bahay. Nais ko sana na ikaw ang humawak nito. Ikaw lamang ang pwede kong pagkatiwalaan sa ganoon kalaking proyekto,” pakiusap pa ni Mr. O.

Napaisip naman ang may edad na karpintero, “kailan po ba ito sisimulan, boss?” tanong nito.

“Sa lalong madaling panahon sana. Huwag kang mag-alala, malaki ang matatanggap mo sa proyektong ito. Pandagdag pa ito para sa nais mong negosyo,” alok pa ng amo.

“Kung huling proyekto ko naman na ito sa kompanya ninyo, ibibigay at gagawin ko na ang lahat upang mapaganda ito,” nakangiting tugon pa ni Alberto.

“Mas malaki pa ito sa mga nahawakan mong proyekto Ka Alberto, kaya ikaw lamang ang may kakayanan na tapusin ang ganoon kalaking bahay. Pero salamat po. Maaasahan ko talaga kayo sa lahat ng pagkakataon.”

Advertisement

“Oo naman, sir. Naging malaking parte ng buhay ko na ang kompanyang ito, kaya’t gagawin ko ang lahat upang mapaganda natin ito para sa inyong kliyente.”

Agad na sinumulan ang plano ng bahay na Kanilang kinuha ang isang tanyag na engineering at arkitekto upang idesenyo ang malaking bahay.

Agad namang umorder ng pinakamatitibay na materyales si Alberto upang makasiguro sa kalidad ng gagawing malaking proyekto. Matapos ang ilang araw ay agad nang sinimulan ang paggagawa ng bahay.

Naggugol sila ng maraming panahon para rito. Ginawa talaga itong magarbo at hindi pangkaraniwan. Hindi na alintana ang mainit na sinag ng araw, basta makasigurong matutuwa lamang ang kliyente nila.

Palaging dumadalaw si Mr. O sa lokasyon upang silipin ang mga pagbabago sa ginagawang bahay. Hindi rin maiwasan na malungkot siya habang tinitingnan si Alberto habang ginagawa ang huli nitong proyekto. Isa kasi ito sa mga naging malapit at pinagkakatiwalaang kaibigan niya sa kompanya.

“Iba talaga ang talento at husay mo, Ka Alberto! Akalain mo iyon, parang kailan lang pina-plano lang simulan itong bahay, pero ngayon ay malapit na itong matapos? Bilib na talaga ako sa’yo!” papuri ng boss sa matandang manggagawa.

“Lahat ng ito ay para sa minamahal nating kompanya, sir. Sinisiguro ko sa inyo na sobrang matutuwa ang kliyente dito. Napakaganda, sir!” tugon naman ni Alberto.

Napangiti lamang si Mr. O habang minamasdan ang mataas na bahay. Kaunting ayos na lamang at matatapos na rin ito. Muling bumalik si Alberto sa ginagawang trabaho at saka ipinagpatuloy ang gawain.

Advertisement

Lumipas ang ilang buwan at sa wakas natapos na rin ang isang napakagandang bahay. Moderno at talagang napapanahon ang disenyo. Lahat ng makakita, hindi maiwasang mamangha sa pagkakagawa nito.

Agad na ipinatawag ni Mr. O si Alberto sa opisina upang kausapin ito bago tuluyang umalis sa kompanya. Pinasama nito ang buong pamilya ng karpintero upang ilibre niya ng tanghalian bilang pasasalamat at huling pagdiriwang sa matagal na serbisyo ng matandang lalaki.

“Napakaganda ng ginawa ninyo Ka Alberto! Iba talaga ang husay mo. Nakakalungkot na walang pumantay sa galing mo sa mga naiwan rito,” malakas na papuri ni Mr. O, “Eto ang bonus ninyo,” iniabot ng amo ang isang makapal na sobre.

Napangiti lamang ang matanda at magalang na tinanggihan ito, “nako, huwag na po Mr. O. Sapat na sa akin ang ginawa ninyong pagtulong sa akin at sa pamilya ko sa mahabang panahon.”

“Nako, Ka Alberto, kayo nga po ang mas malaki ang naitulong sa akin, kaya tanggapin ninyo sana ito,” inilapat ng amo ang sobre sa kamay ng karpintero at saka ngumiti, “buksan mo Ka Alberto. Galing din iyan sa kliyente ko na ginawan mo ng bahay kaya sigurado akong matutuwa ka.”

“Maraming salamat po talaga, sir! Napakabait ninyo sa amin,” maluha-luhang tugon ng lalaki.

Kumuha naman ng isang maliit na puting kahon si Mr. O at saka ipinatong sa harapan ng pamilya ni Alberto. Regalo raw ito dahil sa kabaitan at katapatang ipinamalas ng haligi ng tahanan. Napaluha na lamang ang buong pamilya nang nang makita ang laman ng sobre at kahon.

“Titulo iyan ng bahay na itinayo ninyo Ka Alberto, at ang mga susi sa kahon ay ang susi sa bago ninyong tahanan. Ikinagagalak kong makatrabaho kayo nang matagal na panahon, kaya regalo ko iyan sa lahat ng ginawa ninyong sakripisyo para sa aking kompanya,” nakangiting wika ng matagumpay na negosyante.

Advertisement

Gulat na gulat ang matandang karpintero at napaluha. Tila ba panaginip ang nangyayari. Napakaganda at napakalaking regalong hindi niya inaasahang makukuha sa buong talambuhay niya.

Ngayon, may simpleng negosyo na si Alberto at ang asawa niya. Nagpapahinga siya sa malaking bahay na regalo ng kaniyang amo at ngayo’y masaya sa piling ng mga anak at ilang apo.