Labis ang Galit ng Babae sa Kaniyang Ina Dahil Iniwan Siya Nito Upang Mangibang Bansa; Isang Pangyayari Pala ang Babago ng Lahat ng Iyon

Grade 2 si Luna nang unang beses na umalis ang kaniyang ina upang mangibang bansa. Hindi niya lubusang maintindihan noon ang dahilan kung bakit kailangan lumisan at magpakalayo-layo ng kaniyang ina.

“Nanay, puwede po bang ‘wag ka na lang umalis? ‘Wag mo po akong iwan dito na mag-isa,” pagmamakaawa ng bata sa kaniyang ina.

“Ginagawa ko ito para sa kinabukasan n’yo, anak. Lahat ng ito ay ginagawa ko para sa inyo ha? Lagi mong tatandaan yan,” maluha-luhang sagot naman ng babae.

“’Nay! Nanay!” sigaw muli na bata habang nagpupumiglas upang sundan ang ina na nagtutulak ng mga gamit papasok sa paliparan.

Grabeng kalungkutan ang naramdaman ng bata. Ano nga ba ang alam niya sa magandang kinabukasan? Ang alam lamang niya noon ay gusto silang iwan ng kanilang ina.

Noong elementarya ay naranasan niyang maging tampulan ng tukso. Pinagkakaisahan siya ng mga kaklase habang pinagtatawanan at paulit-ulit na tinutukso.

“Ah walang nanay! Walang nanay!!!” sigaw at tawanan ng mga kaklase.

Walang ibang magawa si Luna kundi ang umiyak at isipin ang ina na nagtratrabaho sa malayong lugar. Paano nga naman siya makakapagsumbong gayong malayo ito sa kaniya?

Advertisement

Dumating ang araw ng pagtatapos ni Luna sa elementarya. Labis ang pagpipilit niya sa ina na umuwi upang umakyat kasama niya sa entablado upang magsabit ng medalya at kumuha ng parangal.

“’Nay, uuwi po ba kayo sa graduation ko? Kahit ilang linggo lang. Para makasama naman kita. Sige na ‘nay, please?” pakiusap ng batang babae.

“Anak, susubukan ko ha?” tugon naman ng ina sa telepono.

Lumipas ang ilang buwan, dumating ang araw ng pagtatapos subalit walang “nanay” na dumating upang samahan si Luna sa entablado. Umakyat si siya na mag-isa at walang kahit sinong kasama.

Nang makauwi mula sa pagtatapos ay tumawag ang kaniyang ina upang maka-video call siya saglit. Malamig ang mga naging tugon ng bata habang nakatingin sa ina na buhat ang batang inaalagaan.

“Congratulations, anak! Proud na proud ako sa’yo!” masiglang bati ng ginang.

“Proud? E hindi mo nga nagawang umuwi dito para sabitan ako ng medalya. Isipin mo ‘nay, unang beses akong ga-graduate tapos wala ka? Wala naman din akong aasahan sa kay tatay, kasi matagal na niya tayong inabandona,” galit na sabi ng batang babae.

“Sorry, anak ha? Para sa’yo naman lahat ng sakripisyo na ‘to ni nanay. At saka walang mag-aalaga dito sa anak ng amo ko kasi nasa bakasyon pa sila,” paliwanag ng babae habang ipinapakita ang batang alaga.

Advertisement

“Anak ng iba inaalagaan mo, tapos sarili mong anak pinabayaan mo dito. Salamat ha?” pagtataas ng boses ng anak sabay ibinaba ang tawag.

‘Di man gustong gawin iyon, ngunit labis na inggit ang nadama ni Luna sa mga batang arabo na alaga ng kaniyang ina. Imbis na siya ang kasama, ibang bata ang inaaruga nito.

Pinagdamutan at pinagkaitan ng pagmamahal, ganoon ang naitatak sa isip ni Luna hanggang sa makatapos siya ng hayskul. Napuno ng galit ang puso niyang nangungulila lang naman sa pagmamahal ng isang ina.

Noong kolehiyo na siya, nagkaroon sila ng rekoleksyon kung saan ang mga magtatapos ay kinakailangang dumalo. Pinapaalala sa programa ang magagandang alaala kasama ang mga magulang ng estudyante.

“Ano naman kayang magandang memorya ang maaalala ko tungkol sa nanay, e musmos pa lang ako, iniwan na ako. Ngayon ngang magtatapos na ako ng kolehiyo naroon pa rin sa Middle East e,” nakangising sambit ng dalaga.

Isang bidyo ang ipinalabas sa mga dumalo kung saan ang bawat magulang ay nagbibigay ng mensahe sa kanilang mga anak. Hindi naman ito pinansin ni Luna, dahil wala namang alam ang ina niya tungkol doon.

Biglang siyang natigilan nang marinig ang boses na pamilyar sa kaniya, mula sa bidyo ay nakita niya ang mukha na kilalang-kilala niya, ang mukha ng kaniyang nanay.

Isinalaysay sa bidyong iyon ang sakripisyong ginawa at tiniis ng kaniyang ina upang mabigyan siya ng maganda kinabukasan.

Advertisement

Biglang bumalik sa alaala niya noong kinder siya, sa sobrang abala ng kanyang ina ay nakalimutan siya nitong sunduin sa paaralan. Isang oras siyang nag-intay noon. Iyak siya nang iyak dahil akala niya ay hindi na siya pupuntahan ng kaniyang ina.

Nakita niyang tumatakbo ng mabilis ang kaniyang ina habang dala-dala ang kakaubos lang na kakanin na ibinenta noon. Puno ng pagsisisi siyang hinalikan upang mapawi ang takot sa kaniyang isipan.

Naalala din niya noong minsang inihatid siya ng ina sa paaralan nang maabutan sila ng malakas na ulan. Nabasa ang kaniyang uniporme at medyas, ngunit ang kanyang ina ay halos basang-basa na ‘wag lamang siya ang mabasa.

Pagkahatid ay agad na umuwi ang ginang noon. Pagbalik nito ay may dala nang bagong plantsang uniporme at bagong pares ng medyas. Ramdam na ramdam niya ang pagdampi ng bagong plantsang tela sa kaniyang balat. Kasing init ito ng pagmamahal ng kanyang ina sa gitna ng maulan na panahon.

Naalala rin niya noon nang minsan siyang mawala sa palengke. Siksikan ang mga tao noon at lahat ay abala sa pamimili. Nabitawan siya ng sariling ina at nawala. Natangay siya ng mga nagmamadaling mga mamimili, pero hindi siya nataranta. Hindi siya umiyak, dahil sa itinuro sa kaniya ng kaniyang ina.

“Kapag nawala ka anak, ‘wag kang aalis sa pwesto mo ha? Antayin mo lamang ako. Hahanapin kita kahit na ano ang mangyari.”

Ang lahat ng iyon ay bumalik sa kaniyang alaala. Ang mga magagandang bagay tungkol sa sa ina na natapalan ng kapaitan at sama ng loob.

Umiyak nang umiyak si Luna. Parang kinukurot ang kaniyang puso dahil kahit na galit siya sa ina, nag-uumapaw pa rin ang pagmamahal niya rito. Sadyang sabik na sabik lang siyang makasama muli ito.

Advertisement

Nagulat ang dalaga nang may isang kamay ang humaplos sa kaniyang balikat, hawak ang puting panyo.

Marahang dumampi ang panyo sa kaniyang mukha na basang-basa ng mga luha. Isang pakiramdam na matagal din niyang inaasam-asam. Isang mainit na haplos na nagbibigay katahimikan sa nangungulila niyang puso.

“Nandito na si nanay, tahan na…” mahinang sambit ng malambing na boses sa tumatagos hanggang sa kaniyang puso, “patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakabalik, anak.”

“’Nay.. nanay…” napatayo ang dalaga sa kinauupan habang mahigpit na niyayakap ang kaniyang ina.

Isang mas mahigpit na yakap naman ang isinukli ng ginang sa anak habang hinahaplos ang likod nito. Humahagulgol ang dalaga sa naghahalong galak at lungkot na nadarama.

“Naandito na ulit ako para pawiin ang mga luha sa mga mata mo. Nandito na si nanay, anak,” umiiyak din na pahayag ng ginang.

“Patawad nanay. Patawarin mo ako,” sambit ni Luna, “ngayon ko lamang naisip na ikaw pala dapat ang iniintindi ko. Kalahati man ng buhay ko ay wala ka sa tabi ko, pero kahit kailan ay hindi mo ipinadama na mag-isa ako.

Patawad ‘nay sa mga araw na hindi kita naintindihan. Patawad sa mga kaarawan mo na piniling kong kalimutan at palagpasin. Patawad sa mga panahong nagtanim ako ng galit. Nabulag ako noon sa konsepto ng ang pamilya natin ay hindi buo.

Advertisement

Pero ang totoo pala, nanatili tayong buo kahit dalawa lamang tayo, at nabubuhay ng disente dahil sa mga sakripisyo mo. Maraming salamat sa mga pagtitiis mo. Pangako, simula ngayon ay ako naman ang mag-aalaga sa’yo,” lumuluhang sabi ng dalaga.

“Patawarin mo rin si nanay sa mga panahong kailangan mo ako, pero wala ako sa tabi mo. Pero kahit kailan anak, ay hindi ka nawala sa isipan ko. Ilan taon akong nagtiis at umiiyak dahil sa sobrang sabik na sabik akong makasama kang muli.

Pinili ko lamang maging matapang at matatag upang maitaguyod kita. Mahal na mahal kita anak,” tugon naman ng kanyang ina.

Magmula noon ay pinilit nilang palitan ang lungkot ng kahapon at lasapin ang panibagong saya na dala ng ngayon. Araw-araw ay ipinapakita at pinaparamdam nila sa isa’t isa na kaya nilang pawiin ang mga ninakaw na panahon ng kahapon.