Isang Hindi Kilalang Tao ang Nagpapadala ng Mensahe sa Dalaga; Malaking Rebelasyon Pala ang Dala-Dala Nito

Isang malakas na tunog mula sa cellphone ang gumising sa mahimbing na tulog ni Carla. Nagmulat siya ng mga mata at bahagyang bumangon mula sa pagkakatulog at kinapa ang cellphone. Umihip ang malamig na hangin noon at nahawi ang kaniyang kurtina. Ramdam na ramdam ng balat niya ang sariwang hanging mula sa bukang-liwayway.

Tahimik ang paligid at madilim pa ang kalangitan at tila ba nagbabadyang bumuhos ang malakas na ulan. Muling umihip ang hangin habang yumayakap ang lamig sa malambot niyang balat.

Tiningnan ni Carla ang cellphone na gumising sa kaniyang pagkakahimbing. “Napakaaga naman nitong mambulabog,” sambit ng dalaga habang nakatitig sa oras. Alas kuwatro ng madaling pa lamang.

Binuksan niya ang mensahe, “Kumusta? Sana ay maayos ka,” ang nakalagay sa mensahe.

Hindi kilala ang numerong nagpadala sa kaniya ng mensahe, kaya’t minabuti niyang hindi na lamang ito pansinin. Umismid na naman siya at saka binura ang mensahe. Bakit niya naman pag-aaksayahan ng panahon ang text na hindi naman niya kilala kung kanino galing.

Sinubukan niyang muling ipikit ang mga mata upang matulog, pero isang katanungan ang pilit na gumigising sa inaantok niyang diwa. Kagaya ng biglaang pagbabago ng panahon, bakit kaya ganoon na lamang din ang panlalamig sa kaniya ng kasintahan niyang si Edgar?

Bakit nga ba biglang nagbago ito? Halos isang beses sa isang linggo na lamang ito kung tumawag sa kaniya. Bihira na itong magpakita at hindi na makausap pa nang maayos. Wala naman silang pinagtatalunan at wala rin naman silang hindi magandang pagkakaintindihan, pero bakit kaya parang lumalayo ito sa kaniya?

Bukod sa mga magulang ni Carla, tanging si Edgar lamang ang lalaking pinaglaanan niya ng buong puso at pagmamahal. Wala na rin siyang ibang gustong makasama sa buhay na ito kundi si Edgar lamang.

Advertisement

Huminga nang malalim ang dalaga at saka sinubukan ipahinga muli ang isip sa dami ng tumatakbo rito, subalit muling tumunog ang kaniyang cellphone, dahilan para muli siyang mapabangon at magising.

Galing na naman ang mensahe sa hindi kilalang numerong nagtext sa kaniya kanina lamang.

“Ang inaakala mong matino at mala-anghel na mukha ay may nagkukubling nakakatakot na pagkatao pala. ‘Wag kang bulag! Imulat mo ang iyong mga mata! Hindi dahil nasa ’yo, tapat na. Sa likod ng maskarang anghel na suot niya ay nagtatago ang isang halimaw. Pinapaalalahanan lang kita, Carla!” saad sa mensahe.

Napaisip si Carla at tila ba nabahala sa nabasa. “Sino ka ba? Kung ang kasintahan ko ang tinutukoy mo, pasensiya ka na, malaki ang tiwala ko sa kaniya. Pinanghahawakan ko ang pangako niya sa akin at alam kong hindi niya ako lolokohin. Sino ka ba at bakit ka nanggugulo?!” tugon ng dalaga.

Nakatitig lamang ang dalaga sa mga mensahe sa kaniyang cellphone. Ayaw man niyang magpadala sa negatibong hatid nito, ngunit tila ba may ipinaparating ang taong nagpapadala sa kaniya ng text message.

Ilang minuto lamang ang lumipas, nakatanggap siya ng sagot, “Gaano mo ba siya kakilala para masabi mong katiwa-tiwala talaga siya? May tiwala ka nga, pero sigurado ka bang wala siyang ginagawang masama?” sagot naman nito sa kaniya.

“Sino ka ba? Kilala mo ba ako? Ano bang alam mo sa relasyon naming dalawa ha?” muling tanong naman ni Carla.

“Higit pa sa alam. May alam ako tungkol sa kaniya na hindi mo pa nalalaman, kaya pakiusap ko lang sa’yo, mag-ingat ka!” tugon naman ng hindi kilalang numero.

Advertisement

Napatulala na lamang si Carla at nakaramdam ng pagkabalisa sa mensahe ng hindi niya kilalang tao. Lumapit siya sa may bintana at pinagmasdan ang pumapatak nang ulan. Ano nga kaya ang ibig sabihin ng mga ito? Tanong na gumugulo sa kaniyang isip.

Naalala niya yung araw na tinanong niya si Jerome kung nais siya nitong pakasalanan, ngunit hindi niya inaasahan ang masakit na tugon ng kasintahan sa kaniya. Hindi iyon ang inaasahan niyang sagot at hindi rin naman niya alam kung bakit ganoon na lamang ang pagbabago ng pakikitungo ng binata sa kaniya.

“Ed, anong gusto mong theme kapag ikinasal tayo?” nakangiting tanong ni Carla.

“K-kasal? Ano ka ba naman. Wala pa sa isip ko yung ganiyang bagay. At saka na iyon. Kapag handa na ako,” tugon naman ni Edgar.

Habang naglalakbay ang isipan ay biglang tumunog muli ang cellphone ng dalaga. Napabalikwas siya ay muling tiningnan ito. Nakalagay rito ang oras at lokasyon ng isang hotel.

“4:00pm Happy Tower – unit 205 .”

Naging mahigpit ang hawak ni Carla sa cellphone kasabay ang malakas na kabog ng kaniyang dibdib. May nais bang iparating itong taong ito sa kaniya?

“Hindi… Baka kung may mangyaring masama sa akin kapag pumunta ako doon,” bulong ng dalaga sa kaniyang sarili.

Advertisement

“Lahat ng kasagutan sa katanungan sa isipan mo ay makikita mo sa lugar na ibinigay ko sa’yo. Nasa sa’yo na lamang kung nais mong masiwalat ang katotohanan,” sabi ng hindi nakikilalang mensahero sa huling text nito.

Pupunta ba siya? Paano kung mapahamak siya? Pero may parte sa kaniya na parang bang itinutulak siyang magtungo doon. Sa dami ng kaniyang iniisip ay hindi niya namalayang muli siyang nakatulog. Nagising lamang siya ulit dahil sa ampiyas ng malakas na buhos ng ulan.

Alas tres ng hapon ay dumating siya sa lokasyong sinabi ng hindi kilalang numero. Nakatayo siya sa harap ng pintuan ng unit 205 ng Happy Tower. Huminga siya ng malalim at ikinalma ang sarili. Nanginginig na kamay siyang kinatok sa pintuan.

Ilang saglit lamang ay bumungad sa kaniya ang isang morenang babae na may magandang ngiti, “Hi! Para sa clubhouse sandwich na ba ‘yan?” tanong nito sa kaniya.

Maya-maya ay narinig niya ang isang pamilyar na boses ng lalaki, “Babe, yan na ba yung pagkain natin?” tanong ng lalaki habang papalapit sa may pintuan.

Gulat na gulat si Carla nang makita ang nobyo na nakasuot lamang ng boxer shorts kasama ang isang babae na para bang katatapos lamang sa isang nakakapagod na gawain.

“E-Edgar? Ano ito?” naluluhang tanong ng babae, “Kailan pa? Kailan mo pa ako niloloko?”

“Carla?” gulat na tanong ni Jerome.

Advertisement

“Bakit mo nagawa sa akin ‘to, Ed? Kailan mo pa ako niloloko ha?!” pasigaw na tanong ni Carla.

“8 months ago, Carla. Pasensiya ka na, pero hindi na kasi ako masaya, sawa na ako sa relasyon natin,” malamig na tugon ng lalaki.

Walong buwan? Walong buwan na pala siyang pinagmumukhang t*nga ng kasintahan! Buong-buo ang tiwala niya sa nobyo at ibinigay niya ang lahat-lahat dito, pero lolokohin lamang pala siya nito.

Hindi na nakapagsalita pa si Carla at kaagad na tumakbo palabas ng hotel. Hindi niya akalaing magagawa iyon ng pinagkakatiwalaang kasintahan.

Umupo siya saglit sa may gilid ng kalsada sa labas ng hotel. Napakasakit ng pangyayaring ito sa kaniya. Bumuhos ng malakas pa ang ulan, ngunit hinayaan na lamang niyang takpan ng ulan ang mapapait na luha na pumapatak mula sa kaniyang mga mata.

Lumuha siya nang lumuha hanggang sa maubos na ang kahuli-hulihang patak ng luha sa kaniyang mata. Patuloy pa rin sa pagbuhos ang ulan subalit laking pagtataka niya nang hindi na siya nababasa. Dahan-dahan niyang ibinaling pataas ang tingin at laking gulat niya nang makita ang ina na nakatayo habang nilulukuban siya sa dala-dala nitong payong.

“Minsan hindi lahat ng akala mong kilala ay kilala mo nang talaga. May pagkakataon na ang mga masasamang tao ay nakasuot ng maskarang hitsurang anghel,” malungkot na saad ng kaniyang ina.

“’N-nay.. kayo po ang nagpapadala ng mensahe sa akin?” naluluha pang tanong ni Carla.

Advertisement

“Oo, anak. Ako nga ang hindi kilalang numerong nagpapadala ng mensahe sa’yo.

“Pero paano ninyo po nalaman ang tungkol doon, nay?”

“Madalas kasi akong tinatawagan ng hotel na ito upang mag part time na taga-luto at taga deliver ng pagkain sa mga kwarto, nagkakataon na ako ang nagdadala ng pagkain sa kanila. Madalas kong nakikita ang nobyo mo na mayroong kasamang iba.

Patawad anak, hindi ko alam kung paano sasabihin sa iyo ang katotohanan noon. Ayokong masaktan ka, pero mas masakit sa akin na makitang niloloko ka habang ikaw ay walang kamalay-malay sa kataksilang ginagawa sa’yo,” paliwanag pa ng ginang.

“’Nay…” napaluha si Carla at tumayo. Kahit na basang-basa ang damit ay niyakap niya nang mahigpit ang ina.

“Nawala man siya sa iyo, pero hindi siya nararapat sa mga luha mo. Isang walang kwentang tao ang nawala sa’yo, pero ikaw, anak, sobrang halaga mo at nararapat sa’yo ang tunay at tapat na pagmamahal, hindi sa katulad ng kaya niyang ibigay,” nakangiting pahayag pa ng ginang.

Tumango lamang si Carla at pinunasan ang mga matang basa ng luha. Alam niyang ngayon lamang ang sakit na ito. Ngayon lamang magiging mapait ang lahat ng ito, pero darating ang araw na makakausad din siya at muling babalik ang matatamis na ngiti sa kanyang mga labi.

Dahil sa kaniyang ina, nasagip si Carla sa mas matinding sakit na puwede pa niyang maranasan sa hinaharap. Agad na iminulat ng kaniyang ina ang mga mata niya sa reyalidad na hindi lahat ng mabuti ay tunay na mabuti, mayroong mga taong nagkukubli sa likod ng maganda maskara ang nakakatakot na katauhan.