Inggit na Inggit ang Dalagita sa Mayayamang Kaklase Kaya’t Pinilit Niya ang Ina na Sundin din ang Kaniyang Luho; Nagsisi Siya nang Mayroong Matuklasan Tungkol sa Magulang

Sa ekslusibo at kilalang paaralan nag-aral ng kolehiyo si Mina. Bagama’t simple lamang ang pamumuhay ng kanilang pamilya ay pilit na iginagapang ng kaniyang mga magulang na maipasok siya sa isang magandang paaralan.

Ang makatungtong sa isang kilalang paaralan ay isa sa napakaraming bagay na sana ay pinagpapasalamat ng dalaga, subalit kabaligtaran pa ang naramdaman niya rito. Madalas kasing ikinukumpara ni Mina ang kaniyang sarili sa mga may kaya at mayayamang kaklase.

Labis ang inggit niya sa tuwing nakikitang hatid-sundo at sakay ng magagarang kotse ang kaniyang mga kamag-aral. Samantalang isang bisikleta lamang ang kayang gamitin ng kaniyang ama sa tuwing bumibisita ito sa kanya.

Sa tuwing magpapayabangan ang mga kaklase tungkol sa mga mamahaling damit, sapatos, cellphone at iba pang mga luho ay tahimik na lumalayo si Mina. Hindi kasi kaya ng magulang niyang bilhan siya ng kahit ano sa mga iyon. Kung hindi pa dahil sa iskolarsyip, hindi siya makakapag-aral doon.

Tanggap naman niya na hindi niya kailangan ikumpara ang buhay sa mga kaklaseng mayayaman, pero minsan hinihiling niya na sana ay iniluwal na lamang siyang mayaman. Baka sakaling hindi pinaglumaang sapatos at paulit-ulit na damit ang kaniyang isinusuot.

“Balang-araw, yayaman din ako,” determinadong sabi ng dalaga sa kaniyang sarili.

Pero sa tuwing tinitingnan niya ang kung gaano sila sa ka-salat sa buhay ay tila ba napakahirap abutin ng pangarap niyang iyon, dahil pito silang magkakapatid, kinailangan maghigpit sa pera ng kaniyang mga magulang.

Bagama’t alam niyang wala pang kakayanan ang magulang na mabilhan siya ng mga branded na damit ay nagsubok pa rin siyang makiusap sa ina.

Advertisement

“’Nay, natatandaan ninyo pa po ba iyong mga damit na nakita po natin sa department store noong nakaraan? Kailan n’yo kaya ako mabibilhan ng ganoon?” pasimpleng tanong ni Mina sa kaniyang ina.

“E, anak, talaga bang kailangang-kailangan mo na ng mga iyon?” pabalik na tanong naman ng kanyang ginang.

“Opo sana, ‘nay. Pinagtatawanan na kasi ako ng mga kaklase ko minsan sa tuwing nakikita nilang paulit-ulit ang damit kong suot, kaya baka puwedeng bilhin na natin, ‘nay?” pagpapaawa naman ng dalaga.

Tumango at ngumiti lamang ang ginang, “sige na nga. Dahil masipag ka naman sa eskwela, bibilhin ko ang mga iyon para sa’yo,” nakangiting tugon nito.

Ligayang-ligayang nagsukat ng mga bagong damit si Mina sa fitting room ng mall. Nang lumabas siya’y nakita niyang nakatitig ang ina sa isang napakagandang bestida.

“’Nay, gusto din po ba ninyong bilhin iyan? Napakagandang bestida po niyan at talagang bagay sa inyo!” saad ng dalaga.

Ngumiti lamang ang ginang sa kaniya at sinabi, “Nako, hindi anak, marami akong mga bagong damit sa kabinet. Hindi ko lang talaga nagagamit, dahil wala naman importanteng okasyon pa. Ikaw nakapili na ba?”

“Ay, opo ‘nay, ang gaganda po nitong napili ko o,” wika ni Mina habang ipinapakita ang mga nag mamahaling mga damit, “bagay na bagay, ‘di po ba ‘nay?”

Advertisement

“Bagay na bagay nga sa’yo ang mga iyan. Halika at bayaran na natin iyan pati yung sapatos at tsinelas,” wika naman ng babae.

Nang makauwi ay tuwang-tuwa na pinagsusukat ni Mina ang mga bagong biling damit. Habang abalang nagsusukat ay napansin niya ang lumang aparador na ginagamit pa rin ng mga magulang.

“Marahil dito rin siguro nakatago ang mga bagong damit na sinasabi ni nanay. Tingnan ko nga kung gaano talaga kaganda,” bulong ng dalaga habang hinihila ang luma at maganit na cabinet.

Ang mga ngiting abot hanggang tainga ay biglang napalitan ng mga luha. Hindi niya inaasahan ang nakita.

Dalawang lumang blusa, kupas na pantalon, butas na mga shorts at pudpod na sapatos ang nakita niya. Iyon ang mga gamit na paulit-ulit na sinusuot ng kaniyang mga magulang. Hindi totoong mayroong bagong bestida ang kaniyang ina, wala rin itong matinong mga panglakad at pang-okasyon na mga damit.

“Labis ang tuwa ko nang masunod ang mga luho ko, pero hindi pala magawang bumili nila nanay at tatay ng bagong mga gamit para sa sarili nila para lamang matustusan ang gastos sa aming magkakapatid. Lahat ng pinaghirapan nila, ako lamang pala ang nagwaldas,” umiiyak na bulong ni Mina sa kaniyang sarili.

Dahil sa pangyayaring iyon, itinigil ni Mina ang pagkukumpara ng sarili niya sa ibang tao. Hindi naman doon masusukat ang kaniyang katauhan at katangian dahil lamang ipinanganak siyang mahirap.

Nang sumapit ang anibersaryo ng mga magulang ay masayang inihanda ni Mina ang kanyiang regalo para sa mga ito.

Advertisement

“’Nay, ‘tay! May ahas sa kabinet ninyo! Diyos ko, pat*yin n’yo dali!” tili ng dalaga.

Agad naman pumunta ang mag-asawa dala ang pamalo at itak. Nang kanilang buksan ang loob ng lumang kabinet ay nagulat ang dalawa sa nakita. Mga bagong damit at sapatos na regalo sa kanila ni Mina.

Sa kabilang banda naman ay bagong mga kabinet na binili ng dalaga para sa mga magulang. Nang kanilang buksan iyon, tumambad ang napakaraming award at certificates ni Mina na napalunan sa mga patimpalak sa paaralan. Alay niya ito para sa sakripisyo ng mga magulang sa kanila.

“Salamat sa lahat ng sakripisyo ninyo, nanay at tatay! Sana ay napasaya ko kayo sa munting regalong pinag-ipunan ko. Mahal na mahal ko po kayong dalawa,” maluha-luhang sabi ng dalaga.

Nagsumikap pa si Mina sa pag-aaral. Nakapagtapos siya na Magna Cum Laude sa kursong Electronics Engineering. Nang makapasa sa board exam ay agad na lumipad ang dalaga upang magtrabaho sa ibang bansa.

Ngayon ay may up-and-down na silang bahay, maliit na negosyo at hindi na rin problema ang pagkaing kakainin pati na ang mga damit na susuotin. Nakaluwag-luwag na sila at masasabing maginahawa na rin ang kanilang buhay. Maging ang dating bisikleta ay tatlong motor at dalawang kotse na rin ngayon!

Madalas nating na ikinukumpara ang sarili sa estado ng buhay ng iba kaya’t nakakalimutan natin tingnan at ipagpasalamat ang mga bagay na mayroon din tayo.

Hindi natin kailangan ang mamahaling mga bagay sa mundo upang maging masaya. Tunay ngang marami tayong mabibili at magagawa kapag tayo ay nakahiga sa pera, subalit hindi kailanman mabibili ng pera ang tunay na kaligayahan. Minsan, para maging tunay na masaya ay kailangan nating makuntento sa mga pagpapalang ipinagkaloob sa atin.Isang importanteng aral pa na sa buhay na ito, ang tagumpay ay nakakamit sa taong marunong magtiis, magsakripisyo at higit sa lahat, determinadong makausad mula sa kahirapang kinasasadlakan.