Iniwan at Sumama sa Iba ang Babae nang Maparalisado ang Kinakasamang Lalaki; Hindi Siya Makapaniwala nang Bigla na Lang Itong Yumaman

Limang taon na rin na mag live-in partner sina Junie at Lanie. Isang makisig na sundalo ang lalaki habang kahera naman ang babae sa isang fast food restaurant. Hindi pa sapat ang ipon nila kaya’t hindi pa sila nakakapagpakasal. Hindi rin kasi posible dahil sa sobrang higpit at abalang iskedyul ng sundalong lalaki.

Madalas, uuwi panandalian si Junie, ngunit kinakailangang umalis na naman kaagad makalipas ang ilang linggo upang magtungo sa panibagong misyon. Kapag ganoon ay matinding reklamo ang tinatamo ni Junie mula sa babae. May pagkaswapang at masama kasi ang ugali ni Lanie, pero dahil mahal siya ni Junie, nagtitiis na lamang ito at pinapakisamahan pa rin siya.

Ipinagkasundo na noon si Junie na ipag-isang dibdib sa marikit na dalagang nagngangalang Julia. Nais kasi ng mga magulang ng dalawa na pag-igtingin pa ang relasyon ng dalawang pamilya lalo na’t sosyo sa negosyo ang mga ito. Ngunit mariin na tumanggi ang lalaki.

“Si Lanie ang tunay kong minamahal. Hindi ko kayang magpakasal sa isang babae na hindi ko naman tunay na iniibig. Patawad, pero hindi ko papakasalan si Julia!” saad ni Junie sa kanyang magulang noon.

“Pero anak, magandang binibini si Julia, masipag at matalino. Sigurado ako na magiging masaya ang pagsasama ninyo. Malaking tulong din ito para sa negosyo ng ating pamilya dahil kilalang mga negosyante ang kaniyang mga magulang,” paliwanag naman ng kanyang ina.

“Patawad po, pero ipaglalaban ko ang pagmamahal ko kay Lanie. Wala na po akong pakialam kung itakwil ninyo ako bilang anak, pero magpapakalalaki ako sa desisyon kong ito. Papanindigan ko ang pag-ibig ko para kay Lanie,” pagpupumilit ni Junie.

Wala naman nang nagawa ang kaniyang mga magulang noon kundi pagbigyan ang anak sa naisin nito. Nakakahiya man, ngunit kinansela nila ang nalalapit na sanang kasal nila Junie at Julia.

Bumukod ang lalaki at nagsama sila ni Lanie kahit na wala silang basbas ng magulang at hindi pa kasal. Nangako naman si Junie na papakasalan niya ang kinakasama sa muli niyang pagbalik pagkatapos ng isang napakalaking misyon.

Advertisement

“Pangako, sa aking pagbabalik, magpapakasal na tayo at magsisimulang bumuo ng sariling pamilya. Magiging legal na ang ating pagsasama at pangako ko sa’yo na magsasama tayo nang masaya,” pahayag ni Junie sa kinakasama.

“Ayoko nang umasa. Pero sige, hihintayin ko ang iyong pagbabalik. Sana nga lang mapanindigan mo iyang pangako mo. Kung puwede lang humanap ka na ng ibang propesyon pagkatapos niyan. Ayoko sa asawang palaging wala sa pamamahay!” pagtataray na sagot naman ni Lanie.

Sumabak sa giyera ang lalaki at pinalad namang buhay na nakaligtas sa nakakatakot na misyon. Bago umuwi ay tinawagan niya ang live-in partner upang humingi ng isang malaking pabor mula rito.

“Lanie, sa awa ng Diyos ay nakaligtas ako mula sa malaking pagsubok. Napagtagumpayan namin ang misyon at sa wakas matutupad ko na rin ang pangako ko sa’yo,” masayang pagbungad ni Junie.

“Mabuti naman kung ganoon. Sana lang ay hindi ka na muling umalis pa pagkatapos niyan!” sagot naman ni Lanie.

“Mukhang ito na nga ang aking magiging huling misyon. Pero bago ako tuluyang umuwi ay may pabor sana akong hihilingin sa’yo.”

“Ano naman iyon aber?” mataray na sagot ng babae.

“Mayroon kasi akong kasamahan dito na nais sanang sumama sa akin sa pag-uwi diyan. Ayos lamang ba sa’yo?” balik na tanong naman ng lalaki.

Advertisement

“Wala namang kaso sa akin iyon. Mabuti nga at makikilala ko ang mga kasamahan mo sa serbisyo,” tugon naman ng kinakasama ni Laniee.

“Pero bago iyon ay may nais sana akong malaman mo. Nagtamo ng malalang pinsala sa katawan ang kasamahan ko. Aksidenteng tinamaan siya ng bala sa likurang buto ay ngayo’y paralisado na ang katawan mula baywang hanggang paa.

Wala na siyang ibang pwedeng tuluyan dahil paniguradong hindi na rin siya magagawang tanggapin pa ng kaniyang pamilya,” paliwanag naman ng sundalo.

“Nakakaawa pala ang nangyari sa kasamahan mo. Pero Junie, baka naman makakahanap pa tayo ng ibang lugar na pwede tumanggap diyan sa kasamahan mo,” sagot ni Lanie.

“Nais ko sana kasi na kupkupin siya upang mayroon din tumulong at mag-alaga sa kaniya,” pagpipilit pa ni Junie.

“Hindi kasi madali iyang gusto mo. Napakabigat na obligasyon pa ang iuuwi mo. Aba, paano na lang ‘pag may anak na tayo? Napakahirap mag-alaga ng lumpo at walang silbi! May sarili tayong buhay na dapat nating pagtuunan ng pansin.

Huwag mo sanang mamasamain ang sasabihin ko, pero ayoko namang mag alaga ng baldado. Hindi natin responsibilidad iyan!” nagsimula nang magtaas ng boses ang babae.

“S-sige. Kung iyan ang nais mo. Mag-iingat ka palagi. Nalalapit na ang ating muling pagkikita,” malungkot na tugon ng sundalo.

Advertisement

Hindi naman na sumagot si Lanie at agad na ibinababa ang tawag. Labis ang inis na nadarama ng babae sa pakiusap ng kinakasama.

“Ano bang tingin niya sa bahay namin? Bahay-ampunan ng mga paralisado? Nako! Tigilan niya ako,” iritableng bulong ng babae sa sarili.

Makalipas ang ilang araw ay nakauwi din si Junie. Laking gulat ng kaniyang maybahay dahil may ilang kasamahan ito na bitbit pag-uwi. Hindi naman makapaniwala ang babae sa nakikita niya.

“J-Junie? Anong ibig sabihin nito?” gulat na tanong ng babae.

“Patawad mahal, matatanggap mo pa rin ba ako?” tanong naman ng lalaki.

“Bakit nakaupo ka sa wheelchair? Bakit kailangan buhatin ka pa ng mga kasama mo? Bakit lumpo ka na?” di makapaniwalang tanong ng babae.

“A-ako, yung tinutukoy kong kaibigan na tinamaan ng bala. Patawad kung nagsinungaling ako, gusto ko lamang marinig ang iyong magiging sagot, kung sakaling malaman mo na may makakasama tayong baldado na,” mahinang sagot ng sundalo.

“Diyos ko po! Ano bang nangyari sa’yo? Paano ka pa niyan makakapaghanap buhay ha? Ano na lang mangyayari sa pamumuhay natin niyan?” naguguluhang tanong naman ng babae.

Advertisement

Hindi makapaniwala si Lanie sa nakikita. Kung anu-anong mga masasamang bagay ang tumatakbo sa kanyang isipan. Noong una’y inalagaan pa niya ang sundalong lumpo kahit na madalas siyang mag reklamo at galit na nag-aasikaso, subalit hindi nagtagal ay iniwan din niya ito.

“Pagod na ako! Maghiwalay na tayo. Ayokong maging katulong buong buhay ko para lamang arugain at buhayin ang isang lumpong tulad mo!” sigaw ni Lanie.

“P-patawad… Hindi ko naman ninais na maging ganito ang aking kalagayan,” malungkot na sagot ni Junie.

“Maghiwalay na tayo. Hindi na kita kayang alagaan pa!” sigaw ng babae.

Tuluyan ngang lumisan si Lanie noong araw na iyon. Napabalita pa na sumama na raw ito sa manager ng pinagtratrabahuhang fast food restaurant noon. Si Junie naman ay nabalik sa pangangalaga ng kaniyang mga magulang.

Labis ang pag-aalala ng mga magulang ng dating sundalo sa kondisyon nito dahil parang nawalan na ng ganang mabuhay ang lalaki. Ayaw na nitong kumain at madalas na lumuluha habang kinakaawaan ang sarili.

Nang kumalat ang balita ay agad na nagtungo ang dalagang si Julia upang bisitahin at kumustahin ang lalaki.

“Wala na akong silbi. Isang baldado at walang pakinabang,” saad ng lalaki.

Advertisement

“Huwag kang mag-isip ng ganiyan. May plano ang Diyos kung bakit niya pinahintulutang mangyari ito. Huwag kang mawalan ng pag-asa at lakasan mo lamang ang loob mo,” nakangiting sabi ni Julia.

Halos araw-araw ay dumadalaw si Julia upang bigyang ngiti ang lalaki. Napansin ng mga magulang ni Junie na nagkakaroon ito ng paunti-unting pagbabago sa sarili. Hindi na ito nagmumukmok tulad ng dati at muling sumisilay na ang mga ngiti mula sa labi nito.

Isang nars si Julia kaya’t nagpresinta siya na mag-alaga na lamang kay Junie. Nang sa ganoon pati ay hindi na muli pang malungkot ang lalaki.

Hindi naman nagtagal at natutunan din ni Junie na mahalin si Julia. Ganoon din namang nahulog ang loob ng dalaga sa kaniya. At kahit pa may kapansanan ang lalaki ay buong puso itong tinanggap ng dalaga.

Sa pamamagitan ng ilang therapy session at matinding pagsuporta ni Julia, himalang nagkaroon ng malaking pagbabago sa kalagayan ni Junie. Nakakatayo na ito at paunti-unti nang nakakalakad.

‘Di naman naglaon ay nagpakasal din ang dalawa. Masaya silang nagtagpo sa altar at nagsumpaan na magsasama sa hirap at ginahawa, maging sa sakit man o kalusugan.

Nabibiyayaan sila ng tatlong supling at naging matagumpay na negosyante naman si Junie magmula nang hawkaan ang kanilang negosyo. Nagkaroon sila ng grupo na tumutulong sa mga taong may kapansanan at nagbibigay pag-asa sa mga ito upang makapamuhay nang masaya.

Sa isang banda, kumalat ang tsismis na hiwalay na si Lanie sa bago nitong kinakasama at labis ang pagsisisi nang malaman ang estado ng buhay ng dating kasintahan na iniwan. Nilait-lait niya noon ang lalaki, subalit ngayon ay isa nang mayamang negosyante ito. Isang malaking pagkakamali niya na hindi niya pinagsumikapang alagaan ang dating kinakasama.

Advertisement

Minsan sa buhay ay madalas nawawalan na tayo ng pag-asa. Dumarating tayo sa punto na pinanghihinaan tayo ng loob at nawawalan na ng lakas na lumaban pa. May mga taong tatalikod sa atin at pilit tayong hihilahin pababa, pero maging matatag lamang tayo at patuloy na lumaban sa hamon ng buhay.

Mawala man ang mga importanteng tao sa buhay natin sa oras na humarap tayo sa matinding pagsubok, pero umasang may darating na bagong tao na tutulong sa atin at muling magbibigay liwanag sa lahat ng madilim na ating pinagdaraanan.