Naawa ang Dalaga sa mga Kunehong Gagawing Ulam Kaya Pinakawalan Niya ang mga Ito sa Gubat; Pag-ibig Pala ang Naghihintay sa Kaniya Roon

Naawa ang Dalaga sa mga Kunehong Gagawing Ulam Kaya Pinakawalan Niya ang mga Ito sa Gubat; Pag-ibig Pala ang Naghihintay sa Kaniya Roon

InspiringLoveStories

Umiiyak na nilapitan ng batang si Faye ang inang si Beatriz.

“O, bakit ka umiiyak? “ nag-aalalang tanong ng babae sa anak.

“Si Ricky po kasi, eh, ang salbahe! Ibinigay niya sa tatay niyang matadero ‘yung isa sa mga alaga niyang kuneho tapos sabi niya kakat*yin daw para gawing pulutan. Kawawa naman po ‘yung kuneho, mama,” humihikbing sabi nito na ang tinutukoy ay ang kalarong kapitbahay.

“Ano kamo? Gagawing pulutan ni Mang Andoy ang kuneho? Naku, kahit naman ako ay hindi ko magagawang kumain ng kuneho,” wika ng ina.

“Ayoko pong pinapat*y nila ang kuneho, mama. Ang mga kuneho ay pet at dapat na inaalagaan at minamahal, kaya nga po love na love ko si Peanut. Ayokong gawin sa kanya ‘yung ginagawa nila sa mga kalahi niya,” patuloy na sabi ni Faye na ang tinutukoy naman ay ang alaga rin nitong kuneho.

“Huwag ka nang umiyak, anak. Hindi mangyayari kay Peanut ang nangyari dun sa kuneho ng kalaro mo dahil kapag may nagtangkang manakit sa alaga mo’y ililigtas siya ni ‘Bunny Girl’ na tagapagtanggol ng mga kunehong inaapi,” sambit ni Beatriz sa anak.

Biglang huminto sa pag-iyak ang bata at napangiti.

“Mama, ikuwento mo ulit ‘yung story ni Bunny Girl. Bilis na, mama! Isa ‘yon sa mga paborito kong kuwento mo, eh.”

“Ilang beses ko nang ikinuwento ‘yon sa iyo. Hindi ka pa ba nagsasawa?” tanong niya.

“Hindi, mama. Gustung-gusto ko nga ang kuwentong iyon, kaya ikuwento mo na ulit,” pamimilit ni Faye.

Ngumiti muna si Beatriz. Bumuntung-hininga tapos ay umupo silang mag-ina sa sofa at nagsimula nang magkuwento.

Ulilang lubos na si Tisay sa edad na siyam na taong gulang. Unang pumanaw ang kanyang ina sa sakit na tuberculosis. Ang ama naman niyang karpintero ay tinamaan ng malubhang sakit sa atay na ikinasawi rin nito. Naiwan siya sa pangangalaga ng kanyang tiyahin na si Alfonsa na napakasama ng ugali. Matandang dalaga ito na mainit ang dugo sa mga batang gaya niya.

Wala naman siyang magagawa, tanging ito na lamang ang natitira niyang kamag-anak kaya napakamalas niya.

Palagi siya nitong pinagagalitan at kung minsan ay pinagbubuhatan ng kamay. Hindi rin siya nito pinag-aral, ang dahilan ay mag-aasawa rin naman daw siya ng maaga’t lalandi rin at hindi makakatapos kaya hindi na ito nag-aksaya ng pera at panahon na i-enrol siya sa paaralan. Ginawa siyang utusan ng tiyahin habang nasa poder nito. Siya lahat ang gumagawa sa bahay kaya bata pa lang ay marunong na siyang magluto, maglaba at magplantsa. Ganoon ang naging buhay niya hanggang sa tumuntong siya sa edad na disi otso. Kahit dalaga na ay nakakatikim pa rin siya ng kurot, pingot, sampal at sabunot sa mala-bruha niyang tiyahing si Alfonsa.

“Kahit kailan ay wala kang pakinabang na g*ga ka! Maglalaba ka na nga lang ay peperhuwisyuhin mo pa ang blouse ko? Mahal ang bili ko diyan tapos ay sisirain mo lang? L*ntik ka!” galit na galit na sabi ng babae habang hinihila nito ang buhok niya, pinagpapapalo siya at kinukurot.

Hindi niya sinasadyang mapunit ang manggas ng paboritong blouse ng tiyahin habang kinukusot ito kaya abot-langit ang ngitngit nito sa kanya.

“Huwag po, tiya, masakit po! Tama na po, maawa po kayo sa akin. Hindi ko naman po sinasadya,” pagmamakaawa niya.

“Tama lang ‘yan sa iyo para magtanda kang l*tse ka!” gigil nitong sagot.

Nang magsawa sa kakasabunot, kakapalo at kakakurot ay nilubayan din siya nito.

“Hindi ka kakain ng hapunan bilang parusa,” dagdag pa ng tiyahin.

Kung titingnan si Tisay sa mga oras na iyon ay hindi man lang siya naiyak sa pananakit sa kanya ni Alfonsa. Tuyot na kasi ang mga mata niya at pakiramdam niya ay wala na siyang mailuluha pa sa lahat ng mga pinagdaanan niya sa mga kamay nito. Sa halip ay nanalangin na lamang siya na sana balang araw ay magbabago rin ang buhay niya at makakaalis sa lugar na iyon.

“Kailan kaya ako magiging masaya?” tanong niya sa sarili habang nakatingin sa mga bituin sa kalangitan. Naghihintay nga siya na may magdaang bulalakaw para hihilingin niya na iahon siya sa lahat ng kanyang pagdurusa ngunit walang dumating.

Isang hapon, napabalikwas siya nang bangon sa higaan sa pagdating ng tiyahin niya na padabog na binuksan ang pinto at inihagis sa kanya ang isang malaking sako.

“Ang walanghiyang ito, umalis lang ako sandali ay naging tamad na? Tumayo ka nga riyan at may ipapagawa ako sa iyo! “ inis nitong sabi.

Nagmamadali niyang inayos ang sarili at tinanong ang tiyahin.

“Ano po ang ipapagawa niyo sa akin, tiya? Ano po ang laman nitong sako?”

“Buksan mo nang malaman mo, g*ga!” paangil nitong sabi.

Nagulat pa siya nang bahagya dahil biglang may kumislot sa loob ng sako. May gumagalaw sa loob.

“A-ano po ang laman nito? Bakit may gumagalaw?”

Hinablot ng babae ang hawak niyang sako, inalis ang nakabuhol sa dulo niyon at inilabas ang nasa loob.

“K-kuneho! Apat na kuneho ito, tiya. Ano po ang gagawin natin sa mga ito?”

“Ano pa, eh ‘di kakat*yin!” bulalas ng babae.

Napamulagat siya sa narinig.

“Ho?”

Hindi ka naman siguro bingi ‘di ba? Ang sabi ko’y kakat*yin ang mga ‘yan. Kakat*yin mo at aalisan ng mga balahibo, pagkatapos ay ibebenta ko sa restawran ni Mr. Uy. Doon ay lulutuin ang mga ‘yan para gawing ulam. Masarap ‘yan na gawing adobo o ‘di kaya’y litson,” sabi ng tiyahin.

“Diyos ko po, ‘di po ba inaalagaan lang po ‘yan at hindi kinakain? Kawawa naman po sila kung kakat*yin,” aniya.

“Aba, ang arte mo naman! Hoy, sumunod ka na lang sa utos ko para ‘di ka samain sa akin. Huwag puro kaartehan ang nasa utak mong babae ka! Mas masarap pa nga ang karne ng kuneho kaysa sa ibang karne. Mas malasa ‘yan kaysa sa manok at baboy. Kung ako sa iyo ay simulan mo nang kat*yin ang mga ‘yan para mamaya ay maibenta ko na. Ikaw ang gumawa para matuto ka’t para may pakinabang ka ‘di ‘yung puro paghihilata ang inaatupag mo kapag wala ako.”

Pinaliwanag sa kanya ng tiyahin ang paraan ng pagkat*y sa kuneho ngunit maya maya ay nagpaalam ito.

“Aalis ulit ako ha? Pupunta ako sa palengke at bibili ako ng isda na lulutuin para sa hapunan kaya dapat pagdating ko’y k*tay na ang mga ‘yan para madala ko na dun sa matandang Intsik na may-ari ng restwaran sa bayan. Malaking halaga ang kapalit ng mga ‘yan, kapag hindi mo nagawa ang iniuutos ko sa iyo ay ikaw ang kakat*yin ko!” sambit nito saka kumuha ng bayong sa kusina at nagmamadaling umalis.

Naiwan siyang nakatulala at hindi alam kung paano sisimulan.

“Ano ang gagawin ko? Hindi ko kayang kat*yin ang mga kunehong ito. Ang ku-kyut nila at mukhang mababait. Hindi kaya ng kunsensiya ko ang ipinagagawa sa akin ni tiya,” sabi niya sa sarili habang nanginginig sa kaba.

Pagkakat*y nga ng manok ay hirap na hirap siyang gawin, kuneho pa kaya na mga mukhang maaamong mga paslit?

Ilang minuto na ang lumipas mamaya lang ay darating na ang tiyahin niya ngunit hindi pa rin niya nasisimulan ang iniuutos nito.

“Patawarin ako ni tiya pero hindi ko talaga kaya, hindi ko kayang pum*tay ng kaawa-awa at inosenteng mga kuneho.”

Nagdesisyon siya na pakawalan ang mga kuneho. Dinampot niya ang sako at mabilis na lumabas ng bahay. Dumiretso siya sa kakahuyan.

“Sige na, takbo na kayo! Umalis na kayo rito at magpakalayu-layo para wala nang taong manghuli sa inyo at balakin na gawin kayong pagkain,” sabi niya sa mga kuneho.

Parang may isip namang sinunod ng mga kuneho ang utos niya. Nagtatakbo ang mga ito patungo sa loob ng kagubatan.

Ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat nang makarinig siya ng mahinang tawa mula sa kanyang likuran. Mabilis siyang lumingon at nalaglag ang panga niya nang makita ang isang guwapong binata.

“Ay anak ng kuneho, inanakan ako ng kuneho, mukhang kuneho, ano ba ‘yan! Nakakagulat ka naman!”

Ngunit saglit lang iyon at napalitan ng paghanga. Simple lang ang pananamit ng binata na parang namasyal lang doon, pero ang mas pumukaw sa paningin niya ay ang mukha nito na ubod ng guwapo. Singkit na singkit ang mga mata nito na sa tingin niya ay may lahing Intsik.

“Miss?” nangingiting sabi ng binata.

“Ha?” napakurap namang sagot niya.

“Nakakatuwa ka naman. Para kang superhero na iniligtas ang mga kunehong iyon sa kapahamakan. Hmmm…alam ko na, ang itatawag ko sa iyo ay ‘Bunny Girl’, ang bagong tagapagligtas ng mga kuneho,” wika nito na hindi mapigil ang pagtawa.

Natawa na rin si Tisay sa tinuran nito.

“A, ganun? Pwes ikaw naman ang hari ng mga kuneho! Belat!” aniya na dinilaan ang kausap.

At nagtawanan ang dalawa sa gitna ng kakahuyan.

“Ano ang pangalan mo?’ tanong ni Tisay.

“Ako si Brad, Brad Uy,” sagot ng binata.

“Sabi na nga ba, eh, Intsik ka! Ang singkit-singkit kasi ng mga mata mo, eh. Ako naman si Tisay,” pakilala ng dalaga sa sarili.

“Kalahating Intsik at kalahating Pinoy ako. Ang papa ko lang ang Intsik pero ang mama ko ay Pinay,” paliwanag ni Brad.

Ikinuwento ni Tisay sa binata ang lahat, kung bakit siya naroon. Hindi pa rin maalis kay Brad ang pagkamangha sa ginawa niya kaya sinamahan siya nito pauwi sa kanila para magpaliwanag sa kanyang tiyahin kung bakit niya pinakawalan ang mga kuneho ngunit nabigla siya sa sinabi nito sa tiya niyang si Alfonsa dahil ang sabi ng binata ay ito raw ang apo ni Mr. Uy na may-ari ng restawran na pagbebentahan ng mga kuneho. Pinapunta raw ito ng lolo roon upang kunin ang mga kinat*y na kuneho. Nagsinungaling ito at sinabi sa tiyahin niya na ito na mismo ang nagkat*y sa mga kuneho at dinala na sa lolo nito. Nagbalik lang ito roon para iabot ang bayad. Tuwang-tuwa naman ang tiyahin niya nang mahawakan ang malaking halagang ibinigay ni Brad at dahil doon ay hindi na siya nito pinagalitan at nakaligtas siya sa sermon nito. Laking pasasalamat niya kay Brad sa ginawa nitong pagbabalatkayo sa harap ng tiyahin niya. Ang galing umarte ng binata at nagkunwari pang apo ng mayamang Intsik na may-ari ng pinakamalaking restawran sa bayan nila ngunit laking gulat niya nang nagtapat ang binata.

“Ang pagkat*y lang sa mga kuneho ang kasinungalingan, pero ang sinabi kong ako ang apo ni Mr. Uy ay katotohanan, Tisay. Ako nga ang kanyang apo. Pupunta sana ako sa gubat para mangaso ngunit nang makita kita at ang ginawa mo ay ako’y iyong napahanga. Mas inuna mo ang kaligtasan ng mga hayop na ‘yon kaysa sa sasapitin mo sa iyong tiyahin kapag nalamang sinuway mo siya. Nagawa kong magsinungaling para iligtas ang Bunny Girl,” sinserong sabi ni Brad sa kanya.

Ikinamangha ni Tisay ang pagtatapat ng binata. Totoo pala na apo ito ng mayamang Intsik na negosyante. ‘Di siya makapaniwala na iniligtas siya ng isang tulad ni Brad na sa mga teleserye lang niya napapanood. Isa Itong tunay na prinsipe na sumagip sa kanya sa maaaring gawin sa kanya ng malupit niyang tiyahin.

Mula noon ay naging magkaibigan na sina Tisay at Brad at palaging magkasama.

“Ang ganda talaga ng kuwentong ‘yan, mama! Kaso hindi naman sinabi kung nagkatuluyan sina Tisay at Brad. Bitin ang kuwento, pero happy ending pa rin,” wika ni Faye.

“Nagkatuluyan sina Tisay at Brad. Hindi nagtagal ay niyaya ni Brad si Tisay na magpakasal at nagkaroon sila ng isang anak. Namumuhay sila ngayon nang masaya malayo sa malupit na tiyahin ni Tisay.”

Nagulat ang bata nang mapansing katabi na pala nila ang papa niya.

“Papa, paano mo nalaman na ganoon nga ang nangayari sa kuwento?” nagtataka nitong tanong.

Nakangiting niyakap ni Brandon ang mag-ina niya.

“Dahil ang kuwentong iyon ay kuwento namin ng mama mo. Ang mama mo ay si Tisay at ako naman ay si Brad. Ang mama mo ang pinakamamahal kong si Bunny Girl na tagapagtanggol ng mga kuneho, anak,” bunyag ng lalaki.

Ilang taon na ang nakakaraan nang aminin ni Brandon na ang palayaw noon ay Brad ang kanyang pag-ibig kay Beatriz na ang palayaw naman ay Tisay dahil sa maputi nitong kutis. Pinakasalan niya ito at pinag-aral hanggang sa nakatapos din ng kolehiyo at naging mahusay na negosyante gaya niya.

Kahit masama ang pakikitungo noon ng tiyahing si Alfonsa sa kanyang asawa ay pinatawad pa rin nito ang babae at tinulungan. Hanggang ngayon ay binibigyan pa rin nila ito ng tulong pinansyal dahil mahina na rin ito at uugod-ugod na. Dahil sa pagkakaroon ni Beatriz ng malinis na puso sa mga hayop at sa kapwa ay mas lalo niya itong minahal at hinangaan.

Tuwang-tuwa naman ang anak nilang si Faye sa nalaman nito.

“Kaya po pala Uy din ang apelyido ni Brad kasi si Brad at si papa ay iisa,” nakabungisngis na sabi ng bata.

“Tama ka, anak,” tugon naman ni Beatriz.

At muling sinariwa ng mag-asawa ang masasaya nilang nakaraan. Malaki ang pasasalamat nila sa mga kuneho dahil kundi dahil sa mga ito ay hindi sila nagkakilala at nagtagpo. Ang mga kuneho ang naglapit sa kanilang mga puso at nagbigay sa kanila ng magandang kuwentong pag-ibig.

More Stories