Nalapnos ng Mainit na Kape ang Balat ng Dalaga, Katapusan na Nga Ba ng Kaniyang Pagmomodelo?

Nalapnos ng Mainit na Kape ang Balat ng Dalaga, Katapusan na Nga Ba ng Kaniyang Pagmomodelo?

InspiringStoriesSuccess

Mga magagandang salita at papuri tungkol sa kaniyang pagkatao at itsura ang humubog sa dalagang si Mariel simula pagkabata. Ni hindi siya nakarinig ng masasakit na salita mula sa kaniyang mga magulang, kaanak, at ilang kalaro dahil kung tutuusin, wala talaga siyang kapintasan. 

Maganda ang porma ng kaniyang mukha, matangkad, balingkitan, matalino, palakaibigan, at higit sa lahat, makinis ang balat niya na para bang gatas dahilan para ganoon na lang siya papurihan ng kaniyang mga tiyahing nagpapakapagod hilurin at sabunin ng pangpaputi ang balat ng kaniyang mga pinsang morena.

Ang kagandahan niya pang ito ang nagbigay sa kaniya ng isang malaking oportunidad sa larangan ng pagmomodelo.

Sa katunayan, sa edad niyang dalawampu’t isa, nakapunta na siya sa hindi na mabilang na bansa upang maging modelo ng ilan sa mga kilalang brand ng bag at sapatos na talagang tumuldok sa kahirapang nararanasan ng kaniyang buong pamilya. Ito ang dahilan para lalo niyang pag-ingatan ang kaniyang itsura. Ni hindi siya kumukuha ng make-up artist o taga-ayos ng buhok upang masiguro niyang walang mangyayaring masama sa kaniya. 

“Hindi ka pwedeng pumangit, Mariel, ha? Tandaan mo, ikaw na ang bumuhay sa mga magulang mo. Higit pa roon, siguradong mawawala ka sa industriya ng pagmomodelo kapag nawala ang ganda mo!” sabi niya sa sarili, isang araw habang siya’y nagkukulot ng buhok sa harapan ng salamin, ilang minuto bago siya kuhanan ng litrato ng ilang kilalang photographer. 

Matapos niyang ikulot ang sariling buhok, bigla siyang nakaramdam ng antok at dahil nga hindi siya pupwedeng matulog, agad siyang nagpabili ng kape sa kaniyang ina na kasama niya palagi sa kaniyang trabaho. 

Ilang minuto lang ang lumipas, nakabalik na ito dala ang umuusok pang kape.

“May gusto ka pa ba, anak? Kumain ka muna kaya bago ka kuhanan ng litrato para hindi ka magutom mamaya,” sabi nito. 

“Hindi na po, mama, ayos na ako sa kape. Lalaki ang tiyan ko kapag kumain ako,” sagot niya rito dahilan para mapailing ito, “Pakipatong na lang po riyan sa lamesa ‘yong kape ko, magbibihis lang po ako saglit,” wika niya na agad nitong sinunod. 

Pagkatapos na pagkatapos niyang magbihis, agad siyang naupo sa harapan ng lamesa para sana uminom ng kape habang pinagmamasdan ang kagandahan niya sa salamin. 

Kaya lang, kukuhanin niya pa lang sana ang kapeng nakapatong doon, bahagya siyang napadikit sa pangkulot ng buhok na hindi niya pala natatanggal sa pagkakasaksak at dahil siya’y nagulat sa init na naramdaman, hindi niya sadyang matabig ang baso ng kape na agad na natapon sa hita niyang walang kahit anong telang nakapatong. 

“Mama!” tangi niyang sigaw nang maramdaman ang hapdi sa katawan. 

“Diyos ko, anak, anong nangyari? Tulong!” natataranta nitong sabi saka muling lumabas ng kaniyang dressing room upang humingi ng tulong. 

Sa kabutihang palad, agad siyang naisugod sa ospital at nabigyan ng paunang lunas. 

“Huwag kang mag-alala, anak, maghihilom din ‘yan. Babalik din ang dating kinis ng hita mo,” sabi ng kaniyang ina nang makita siya nitong nakatitig sa hita niyang may mga nakalobong balat. 

Doon na siya simulang nawalan ng pag-asa sa buhay. Kinulong niya ang sarili habang pinahihilom ang sugat. Wala siyang tinanggap na kahit anong proyekto at buong buwan lang na nagpakalubog sa kalungkutan.

Ngunit paglipas ng isang buwan, nagpeklat ang pasong kaniyang natamo. Pilit man niya itong ikubli sa pamamagitan ng patong-patong na make-up, kitang-kita pa rin ito.

“Hindi na ako tutuloy sa pagmomodelo! Ang pangit-pangit ko na!” sigaw niya matapos lagyan ng make-up ang hita. 

“Hindi mo ikinapangit ang peklat na ‘yan, hija. Ginawa ng Diyos ang lahat ng tao nang hindi perpekto. Kaya, ayos lang ‘yan! Hindi nabawasan ng kahit katiting ang kagandahan mo!” sabat ng manager niyang dumalaw pala sa kanilang bahay para siya’y pabalikin na sa pagmomodelo. 

“Kaso po…” tugon niya na pinutol nito kaagad. 

“Wala nang kaso-kaso pa! Kapag muli kang nagmodelo, tiyak, maraming kababaihan ang magkakalakas loob na humarap sa ibang tao kahit na may mga kapintasan sila katulad mo,” sabi pa nito na talagang muling nagbigay pag-asa sa kaniya.

Sinunod niya nga ang payo ng kaniyang manager at tila nagkatotoo nga ang sinabi nito dahil matapos mailabas ang litrato niyang kita ang peklat at ilang kapintasan sa katawan niya dulot ng pagkapaso, dumami ang mga kababaihang humanga at gumaya sa kaniya na naging dahilan para lalo siyang sumikat.

Simula noon, siya’y pinag-agawan ng mga kilalang iba’t ibang negosyo sa bansa upang siya’y gawing modelo at syempre, kapalit no’n ay ang lalong pag-alwan ng buhay ng kaniyang pamilya.

“Hindi ko pala talaga kailangang maging perpekto para magustuhan ng tao, ang kailangan ko lang, magpakatotoo kung sino ako,” sabi niya sa sarili habang pinagmamasdang ang sarili sa salamin.

More Stories