Naiinis ang Dalaga sa Ginang na Tila Nagpa-party pa Matapos Mawala ang Anak, Nadurog ang Puso Niya nang Malaman ang Dahilan Nito

“Hindi ba’t sumakabilang buhay kahapon ang anak ni Aling Minda, mama? Bakit parang nagkakasiyahan pa sila ng mga kaanak niya sa bahay nila? Nagkakantahan pa sila at nagsasayawan! Marami ring handang pagkain at may lechon pa! Birthday party ba ‘yon o burol? Parang masaya pa siyang nawala ang nag-iisa niyang anak!” sabi ni Karille sa kaniyang ina, isang gabi matapos niyang madaanan ang bahay ng kapitbahay nilang iyon.

“Oo nga, eh, ewan ko ba riyan kay Minda. Baka nasisiraan na ng ulo. Ikaw ba naman ang mawalan ng nag-iisang anak na nagbigay ng magandang buhay sa’yo sa murang edad, hindi ka ba mababaliw?” tugon naman ng kaniyang ina habang abala sa paghahanda ng kanilang hapunan.

“Sa bagay, pero sana, magluksa muna siya. Hindi ‘yong gan’yan! Nakakainsulto ‘yan para sa anak niya! Tiyak narito pa sa lupa ang kaluluwa no’n!” galit niya pang sabi habang sinisilip-silip pa sa kanilang bintana ang kasiyahang nagaganap sa bahay ng kanilang kapitbahay.

“Diyos ko, anak, bakit ba galit na galit ka? Hayaan mo nga sila, sila ang nawalan ng mahal sa buhay, hindi ikaw! Tumulong ka na nga lang dito kaysa pinoproblema mo ang problema ng iba!” sermon ng kaniyang ina dahilan para siya’y mapabusangot at mapilitang tulungan ang ina sa pag-aayos ng kanilang hapag-kainan.

Labis na naiinis ang dalagang si Karille sa kapitbahay nilang ginang na nawalan ng nag-iisang anak kahapon lamang. Ibang-iba kasi ang ginagawa nito kumpara sa mga nangulilang ina na kaniyang kilala.

Sa katunayan, kitang-kita niya kung paano ito ngumiti nang ilabas sa bahay nito ang walang buhay na anak at ngayong unang araw ng lamay ng anak na pumapaya, nagpatugtog pa ito ng mga pang-disco na tugtugin, niyaya ang kaniyang mga kumare at kaanak upang mag-inom, magkantahan, at magsayawan, at napakarami pa nitong hinandang pagkain na tila ba may idinaraos itong isang malaking pagdiriwang.

Ito ang dahilan para ganoon na lang siya mainis dito. Hindi man niya kasi kadikit ang yumaong anak nito, naging kaklase niya naman ito noong hayskul at paminsa’y nakakasabay pang sumakay ng traysikel. 

Naulit ang tila ba pagdiriwang na iyon hanggang sa huling lamay ng binata. Nagkaroon pa nga ng pasiklaban sa sayawan at kantahan bago idaos ang misa na pinangunahan pa ng ginang na ito.

Advertisement

Doon na siya hindi nakatiis. Nagtanong-tanong na siya sa kanilang mga kapitbahay kung bakit tila hindi man lang nalulungkot ang naturang ginang kahit pa siya’y labis na pigilan ng kaniyang ina.

Sa dinami-dami ng kapitbahay na kaniyang pinagtanungan, isa lamang ang naglakas-loob na sumagot sa kaniya. Ito ang kapatid ng naturang ginang. 

“Hiling kasi ng anak niya, magpapiyesta raw siya sa mga araw ng burol nito dahil sa wakas, kasama na niya ang Panginoon. Matagal na kasing nakikipaglaban sa malubhang sakit ang binatang iyon. Kaya sobrang saya nilang mag-ina na natapos na ang paghihirap niya,” kwento ng ginang na labis niyang ikinagulantang, “Kabilin-bilan din ng binatang ‘yon, ayaw niya raw makitang malungkot o uumiyak si Minda kaya ayan, sinusunod niya ang mga kagustuhan ng anak kahit na minsan, makikita mo siyang tulala sa kusina,” dagdag pa nito dahilan para labis na lumambot ang puso niya.

Dala ng labis na awa at pakikisimpatya ay nilapitan niya ito upang makiramay.

“Nakikiramay po ako. Hanga po ako sa katatagan niyo,” sabi niya rito, ngumiti ito sa kaniya at tinapik siya sa likuran.

“Alang-alang sa anak ko, hija, lahat gagawin ko kahit magmukha akong masama sa mata ng ibang tao,” tugon nito na talagang nagbigay ng matinding pangongonsenya sa kaniya.

Doon niya napagtanto kung paano talaga magmahal ang isang ina. Malamlam at malungkot man ang mga mata nito, kitang-kita niya kung paano nito pinipilit na ngumiti, tumawa, at makipagkwentuhan sa mga bisita para lamang huwag malungkot ang anak nitong paniguradong nagbabantay rito mula sa itaas.

Upang makabawi sa panghuhusgang ginawa niya, hanggang sa mailibing ang labi ng binatang iyon, siya’y tumulong sa pag-aasikaso sa mga nakikiramay na labis na ikinatuwa ng ginang na iyon.

Advertisement

“Hija, pupwede bang simula ngayon, anak na rin ang ituring ko sa’yo?” tanong nito sa kaniya habang winawalis niya ang mga kalat sa harap ng bahay nito.

“Opo naman!” masigla niyang sagot, napansin niya ring nakatayo sa tapat ng kanilang bahay ang kaniyang inang todo ngiti dahil sa kabutihang kaniyang ginagawa. 

Simula noon, mas napalapit at nakilala niya ang ginang na iyon na talagang hindi niya pinagsisihan dahil sobra itong maalaga hindi lang sa kaniya, pati sa kaniyang ina.