Pasaway at Rebelde ang Dalagang Ito; May Pag-asa Pa Kayang Magtino Siya?

Patingkayad na naglakad si Bianca sa madilim nilang sala papunta sa kaniyang kwarto. Subalit tila aatakihin siya sa puso sa gulat nang marinig niya ang galit na tinig ng kaniyang ina. Kasabay ng tinig nito ang pagbukas ng ilaw sa sala.

“Saan ka na naman galing? Hatinggabi na, ngayon ka lang uuwi?”

Napangiwi na lang si Bianca. Akala niya kanina ay tulog na ito at makakaligtas siya sa sermon!

“Diyan lang ako naman sa bahay nina Maine, ‘Ma. Nakipagkuwentuhan lang,” pagdadahilan niya.

“Kwentuhan lang ba talaga? Amoy na amoy ko mula rito ang alak na ininom mo. ‘Wag mo akong lokohin, Bianca.”

Mariin na lang siyang napapikit at hindi na nakatanggi. Sa totoo lang ay nagkatuwaan silang magkakaibigan kanina. Naparami pa ang inom niya kaya’t pakiramdam niya ngayon ay umiikot ang paningin niya dahil sa hilo.

Suwerte na ngang nakauwi siya nang maayos at nakalakad nang tuwid.

“Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo na ayaw ko sa ginagawa mo, ha? Delikado ‘yan at baka kung ano ang mangyari sa’yo!” galit na sermon nito.

Advertisement

“Wag ngayon, ‘Ma. Pagod ako kaya bukas na lang tayo mag-usap,” sumusukong sabi niya sa ina.

Sa totoo lang ay napakarami nitong panuntunan sa loob ng bahay nila. Noong bata pa siya ay ayos lang ngunit habang tumatanda na siya ay napagtanto niya na hindi iyon normal.

Marami siyang gustong gawin na hindi niya magawa dahil sa higpit ng pamamalakad nito. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang ina. Kaya kalaunan ay hindi niya mapigilang sumuway sa mga nais nito.

Tatalikod na sana siya, ngunit muling nagsalita ito. Hindi pa pala tapos ang sermon.

“Mula bukas, hinding-hindi ka na pwedeng lumabas ng bahay. Hindi mo na kikitain pa ang mga barkada mo. Hindi maganda ang impluwensya nila sa’yo!”

Nagpanting ang tainga ni Bianca. Iyon na ang hangganan ng pasensya niya. Galit niyang hinarap ang ina.

“Hindi niyo pwedeng gawin sa akin ‘yan! Hindi niyo ‘ko pwedeng ikulong dito!” naghihimutok na lintanya niya.

“Hindi ako mapipilitang gawin ‘to kung nakikinig ka sa akin! Ayaw ko lang na mapahamak ka! Pinoprotektahan lang kita dahil matigas ang ulo mo. Hindi porke disiotso ka na ay pwede mo nang gawin lahat ng gusto mo!”

Advertisement

Sinalubong niya ang mata nito nang may matigas na ekspresyon.

“Nakakasakal na kayo! Pinoprotektahan saan? Hindi ko kailangan ‘yan! Matanda na ako at nasa edad na para magdesisyon para sa sarili ko. Kaya ko nang mag-isa!”

Sa galit niya ay hindi niya na nakontrol ang dila niya.

Nakita niya ang luhang namuo sa mga mata ng ina ngunit inignora niya iyon. Nagdadabog siyang pumasok sa sariling silid.

Buong maghapon siyang nagngingitngit. Nagkulong siya sa kwarto at hindi niya kinausap ang kaniyang ina kahit na panay ang katok nito para yayain siyang kumain.

Nang gabi na ay nakatanggap siya ng mensahe sa kaibigan. Iniimbita siya nitong magpunta sa isang bar na bagong bukas lang. Dahil sa inis, ginusto niyang mag-rebelde lalo kaya pumayag siya.

“Anak, lumabas ka muna riyan para kumain,” narinig niyang tawag ng kaniyang Mama mula sa labas.

Hindi siya sumagot.

Advertisement

“Iiwan ko na lang ang pagkain dito sa labas. Kunin mo kapag nagutom ka,” bilin nito.

Nang masiguro niyang wala na ito ay buong ingat niyang binuksan ang bintana. Doon siya dumaan para makatakas. Malaki ang ngisi niya nang makita ang mga kaibigan na naghihintay na sa kaniya sa hindi kalayuan.

Sa bar ay nagpakasaya si Bianca. Uminom siya na para bang walang bukas. Sa kalasingan ay halos hindi na siya makagulapay.

Habang dire-diretso ang pag-inom niya sa isang gilid ay isang lalaki ang lumapit sa kaniya. 

“Ayos ka lang ba?” tanong nito.

Tumango siya. Pilit niyang kinilala ang lalaking nasa harap niya gamit ang nanlalabo niyang paningin. Hindi niya ito kilala.

Nagulat siya nang hawakan nito ang kaniyang baywang at hinila siya para halikan. Nangilabot siya nang mapagtanto kung ano ang nangyayari.

Inipon niya ang buo niyang lakas bago ito tinulak, saka siya tumakbo palayo rito. Umiiyak siyang humingi ng tulong.

Advertisement

Sa kabutihang palad ay mabilis naman itong nahuli ng gwardiya. Dinala sila ng mga ito sa presinto para ilahad kung ano ang nangyari. Noon niya napagtanto na kilala pala talaga ang salarin bilang bastos at walang respeto sa mga babae. 

Ang mga kaibigan niya na kanina lang ay kasa-kasama niya ay tila walang pakialam na isa-isa na ring nagsiuwian.

“Ano ba naman ‘yan, panira ng gabi!” nakaismid pang komento ni Maine, na inakala niyang isang kaibigan.

“Naku, hija. Mabuti na lang at may malay ka pa. Kung hindi ay baka napahamak ka. Bawas-bawasan mo kasi ang pagsusuot ng maikli! ‘Wag ka na ring iinom,” paninisi naman ng pulis.

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Bianca sa mga narinig. Bakit tila galit sa kaniya ang mga ito, gayong siya ang biktima?

Napaluha siya. Nang mga sandaling iyon ay iisang tao lang ang pumasok sa isip niya. Nanginginig niyang tinipa ang numero ng ina at umiiyak na ikinuwento rito nangyari.

Nang makarating ito sa presinto, inaasahan niya na ang sermon nito ngunit nagkamali siya. Niyakap siya nito nang mahigpit habang umiiyak.

“Sorry kung sinaway kita, Mama. Hindi ko na uulitin,” pangako niya habang yakap-yakap ang nag-iisa niyang kakampi.

Advertisement

“Sino’ng gumawa nito sa’yo, anak? Sisiguraduhin ko na mabubulok siya sa kulungan!” matigas na pahayag ng kaniyang ina matapos nitong masiguro na ayos lang siya.

Nang makita nito ang lalaking nagtangkang gawan siya ng masama ay agad-agad itong sinugod ng kaniyang ina. Mabuti na nga lang at napakalma ito ng mga tao sa presinto.

Maging ang mga pulis na nanisi sa kaniya ay nakarinig ng sermon mula sa kaniyang ina.

“‘Wag n’yong sisihin ang anak ko sa kasalanang ginawa ng lalaking ‘yan!” mataray na bwelta nito sa mga pulis. 

Dahil sa nangyari ay isang aral ang natutunan ni Bianca. Gaano man kahigpit ang ating mga magulang ay ‘wag natin silang suwayin at bastusin. Dahil sa huli, sila lang ang tunay nating kakampi sa oras ng kagipitan.