Halos Lahat ay Ibigay na ng Ginoo sa Kaniyang Pamilya; May Maaasahan Kaya Siya sa mga Ito Kapag Siya Naman ang Nagipit?

Halos Lahat ay Ibigay na ng Ginoo sa Kaniyang Pamilya; May Maaasahan Kaya Siya sa mga Ito Kapag Siya Naman ang Nagipit?

FamilyHeartbreakingStories

“‘Tay, papasok ka na sa trabaho ngayon? Hindi pa maayos ang pakiramdam mo!” saway ng anak niyang si Jayson nang makita siya nitong gumagayak.

Isang tipid na ngiti ang isinagot ni Jose sa binata. 

“Oo, anak. Hindi ba’t hanggang sa katapusan na lang natin pwedeng bayaran ang matrikula mo? Kailangan nating mag-ipon,” paliwanag niya. 

Kitang-kita niya ang pagtutol sa mukha nito.

“Hindi naman iyon ang mahalaga ngayon, ‘Tay! Mas mahalagang bumuti ang kalagayan mo. Ilang araw na akong nag-aalala sa’yo dahil sa pabalik-balik mong sakit pero wala naman akong magawa dahil ayaw mong magpapigil. Ayaw mong magpatingin sa doktor,” tila nag-aalalang komento nito. 

Napangiwi siya sa sinabi ng anak.

“Hindi na kailangan. Gastos lang ‘yun!” 

“Kung ang matrikula ko lang naman ang inaalala mo, ‘Tay, alam mo naman na kayang-kaya kong gawan ng paraan ‘yan. May iba ka pa bang iniisip na gastusin?” anito. 

Bumuntong-hininga na lang si Jose. Alam niya kasing hindi siya titigilan ng anak hangga’t hindi siya umaamin.

“Tumawag sa akin ang ang Tita Sally mo. Nanghihiram ng pera para sa bago niyang negosyo.” 

Agad itong napasimangot. Alam niyang hindi nito gusto ang narinig. 

Sa totoo lang, hindi lang naman ang kapatid na si Sally ang tumatawag sa kaniya para manghiram o manghingi ng pera. Halos lahat ng kamag-anak nila. 

Kapag nagigipit ang mga ito, sa kaniya agad lumalapit lalo pa’t likas na malambot ang kaniyang puso. Hindi siya tatanggi at hindi niya kayang tiisin ang mga ito. 

Ngunit iba ang pananaw ng anak niya, kaya madalas silang hindi magkasundo sa mga ganoong usapin. 

“Bakit naman sa’yo pa manghihiram, ‘Tay? Alam naman niyang naghihikahos din tayo sa buhay. Sila itong nakatapos ng pag-aaral, bakit sa’yo pa sila umaasa? Kung gusto pala nilang mag-umpisa ng negosyo, e ‘di sana nag-ipon muna sila ng puhunan,” inis nitong pagkontra.

“Hayaan mo na. Pamilya naman natin sila. Kapag tayo naman ang nangangailangan, sa kanila rin tayo tatakbo pagdating ng araw, hindi ba?” aniya. 

“Hindi ko alam, Tatay. Kasi hindi naman tayo ni minsan umasa sa kanila, sila lagi ang humihingi sa atin,” malamig na tugon nito bago ito nagpaalam na papasok na sa eskwelahan. 

Nagtungo na rin si Jose sa bukid. Mabigat ang loob niya dahil sa naging sagutan nila ng anak. Marahil ay napansin iyon ng kaibigan niyang si Fredo kaya ito nag-usisa. 

“Bakit nakasimangot ka? Nag-away kayo ng anak mo?” hula nito. 

Tumango siya. 

“Ano’ng nangyari?” muli ay tanong nito. 

Upang mabawasan ang bigat ng kaniyang damdamin, ikinuwento niya rito ang ugat ng argumento nila ng anak. 

“Naku, alam mo, pare, naiintindihan ko ang anak mo. Sabi mo nga huminto ka sa pag-aaral para makapag-aral ang mga kapatid mo, hindi ba? Nang makatapos sila, hindi ka man lang nila tinulungan. Tapos ngayon, ikaw pa rin ang nagbibigay. Parang hindi naman tama ‘yun?” komento nito. 

Nakaramdam siya ng inis sa narinig. Akala niya ay makakahanap siya ng kakampi. Ngunit gaya ni Jayson, mukhang makitid din ang isip ni Fredo. 

“Naiintindihan ko na mahalaga sila sa’yo. Ang punto lang naman namin ay ayos lang na tumulong paminsan-minsan basta’t hindi sobra. Magtira ka para sa sarili mo,” payo pa nito.

“Iba kasi ang pamilya, Fredo. Hindi sila pwedeng hindian. Hindi ka naman pamilyado, paano mo maiintindihan?” iritable niyang sagot sa kaibigan. 

Napayuko naman ito, tila napahiya.

Akmang tatalikuran niya na ito nang maramdaman niya ang paninikip ng kaniyang dibdib. Bago pa siya makahakbang ulit ay nagdilim na ang kaniyang paningin. 

Nang magising siya ay nasa na ospital siya. Ang nag-alalang mukha ni Jayson ang bumungad sa kaniya.

“‘Tay? Anong nararamdaman mo?” tarantag usisa nito. 

Nang hindi siya makasagot ay agad nitong tinawag ang doktor. 

Nanlaki ang mata niya sa sunod na sinabi ng bagong dating na doktor. 

“Mayroon ho kayong sakit sa puso. Swerte at naisugod kayo sa ospital dahil kung hindi ay baka ano na ang nangyari. Base sa resulta ng pagsusuri, mukhang matagal nang sumasakit ang dibdib niyo. Tama ba?” 

Tumango siya sa sinabi nito. Nakita niya ang dismayadong tingin na ibinato sa kaniya ng anak. 

“Kailangan kang operahan sa lalong madaling panahon. Maghanda kayo ng malaki-laking halaga,” payo pa ng doktor. 

Nang makaalis ito ay nagkatinginan silang mag-ama. Kinuha niya ang kaniyang cellphone. 

“Tatawagan ko ang mga Tita at Tito mo. Hihingi ako ng tulong,” aniya sa anak. 

Isa-isa niyang tinawagan ang mga ito. Noong una ay maayos naman ang pakikitungo ng bawat isa ngunit nang banggitin niya ang pakay ay kaniya-kaniya nang dahilan ang mga ito. 

“Naku, wala kaming ekstra, Kuya.” 

“Alam mo naman na bago lang ang negosyo ko, Kuya, hindi ba?” 

“Kay Edna ka na lang magsabi, Kuya, ‘wag sa akin kasi wala naman akong pera.”

Wala man lang nakapagtanong kung kumusta na ba ang pakiramdam niya. 

Hindi niya maiwasan ang malungkot lalo na’t gayon na lang kung ipagtanggol niya ang mga ito sa anak at sa mga kaibigan. Tama naman pala talaga ang mga ito.

“Anong sabi, ‘Tay?” usisa ni Jayson. 

Dismayado siyang umiling.

“Hayaan niyo na at gagawa na lang ako ng paraan. Magpahinga na muna kayo,” ani Jayson. Kalmado ang mukha nito ngunit gaya niya, alam niyang dismayado rin ito. 

Isang maghapon ang lumipas. Nang bumalik si Jayson sa ospital ay bagsak ang balikat nito. 

“Mahirap manghiram ngayon, ‘Tay. Hayaan mo’t susubok ulit ako bukas,” pilit ang ngiting sabi nito. 

Halos hindi makatulog si Jose dahil sa pag-iisip. Alam niya kasi na si Jayson ang nahihirapan sa sitwasyon niya. 

Bago siya matulog ay isang desisyon ang nabuo niya—hindi na siya magpapagamot. 

Ngunit kinabukasan, isang nakagugulat na balita ang bumungad sa kanila. May nagbayad na raw para sa operasyon niya! 

“Paano po nangyari ‘yun, Dok? Wala pa ho kaming pera,” gulat na tanong niya sa doktor. 

Ngumiti ito. Bago pa ito makapagsalita ay may kumatok na sa pinto ng silid niya. 

“Ayan na yata sila,” sabi ng doktor. 

Noon pumasok ang mga kasamahan niyang magsasaka na pinangungunahan ni Fredo. May bitbit pa itong isang basket ng prutas. 

Hindi maiwasan ni Jose na makaramdam ng hiya. Naalala niya kasi ang huli niyang sinabi rito. 

Awtomatikong tumulo ang ilang butil ng luha mula sa mga mata ni Jose. 

Kung sino pang hindi niya kadugo, sila pa ang maaasahan. 

“Salamat, maraming salamat sa inyo!” galak na galak na sambit niya sa mga kasamahan. 

Nang lumapit sa kaniya ang kaibigan ay hinawakan niya nang mahigpit ang kamay nito. 

“Maraming salamat. Pasensya na sa mga nasabi ko. Tama ka, may hangganan ang pagiging pamilya,” aniya. 

Tinapik ni Fredo ang balikat niya. 

“Hindi. Dahil ang tunay na pamilya, hindi ka tatalikuran sa oras ng kagipitan,” anito. 

Noon niya napagtanto na tama ito. 

“‘Wag mo nang isipin ‘yun. Magpagaling ka, dahil kailangan ka namin sa bukid!” dagdag pa nito. 

Sa sinabi nito ay nagkatawanan sila.

Kung may natutunan man si Jose sa nangyari, iyon ay hindi dugo o materyal na bagay ang sukatan ng pagiging pamilya. Ito ay ang walang hanggang malasakit sa isa’t-isa sa hirap man o sa ginhawa.

More Stories