Pinagbintangan ng Ina na Nagbebenta ng Aliw ang Binatilyong Anak; Papatak ang Luha Niya sa Matutuklasang Lihim Nito

Pinagbintangan ng Ina na Nagbebenta ng Aliw ang Binatilyong Anak; Papatak ang Luha Niya sa Matutuklasang Lihim Nito

FamilyStoriesSuccess

Pagod na pagod at nanlalata na si Aling Lilet sa maghapong pagtitinda sa palengke. Matumal ang paninda niyang tahong at tulya kaya bumubuntong-hininga na lamang siya at umaasang makakabawi ng benta sa susunod na araw. Nang sulyapan niya ang relong nakasabit sa kanyang puwesto ay mag-a-alas sais na ng gabi, kailangan na niyang magligpit para makauwi na.

Mayroong apat na anak ang ale at ang mga ito’y iginagapang niya ang pag-aaral. Nasa hayskul na ang kanyang panganay at nasa elementarya naman ang tatlo pa. Maaga siyang nabalo sa asawa na sumakabilang buhay dahil sa sakit na tuberculosis. Mag-isa tuloy niyang itinataguyod ang mga anak na kinakaya naman kahit sobrang hirap ng buhay.

“Uy, Lilet, hindi pa naubos ‘yang mga paninda mo?” pakantiyaw na tanong ni Aling Vita na isa ring tindera. Mabenta kasi ang paninda nitong sugpo at alimasag kaya pinaringgan siya. May pagka-mahangin ang matabang ale na ang palaging ipinagyayabang ay nakapagtapos na ang mga anak nito sa kolehiyo kaya kahit paano’y nakakaluwang na ang mga ito sa buhay.

“Oo nga, eh, ‘di bale, may awa ang Diyos at mauubos din ang mga paninda ko bukas. Wala eh, may araw talaga na malakas at may araw na matumal,” sagot niya na hindi nagpahalatang nainis sa sinabi ng babae.

Pagkatapos na makapagligpit ay umalis na siya roon at nagsimula nang maglakad pauwi. Gustuhin man niyang sumakay sa traysikel ay hindi niya ginawa, sayang pa ang beinte pesos na ipapamasahe niya kaya kahit hingal-kabayo na ay pinilit niyang makarating sa kanilang bahay.

Nang dumating siya sa maliit nilang inuupahang barung-barong ay hapung-hapo siya. Kinuha niya ang pitsel na nakapatong sa mesa, nilagyan ng tubig ang kinuhang baso sa paminggalan at ininom iyon. Uhaw na uhaw siya sa sobrang pagod.

Naabutan niya ang tatlong anak na nag-aaral ng leksyon ng mga ito kaya kahit paano ay gumaan ang pakiramdam niya. Masaya siya kapag nakikitang nag-aaral nang mabuti ang mga supling niya.

“Ang sisipag namang mag-aral ng mga anak ko. Sige, tapusin na ninyo ‘yan, maya-maya ay kakain na tayo ng hapunan. Magsasaing lang ako at magluluto ng ulam natin,” wika niya.

May napansin siya.

“Ang kuya ninyo? Bakit hindi ko yata nakikita rito sa bahay?” tanong niya.

“Hindi pa po umuuwi, inay, galing sa eskwela,” tugon ng bunsong anak na abala sa ginagawang homeworks.

“Ano? Saan na naman nagpunta ang batang iyon? Napapansin ko na araw-araw na lang ay ginagabi ng uwi. Ang sabi ko sa kanya ay pagkagaling sa eskwela’y umuwi nang maaga para may gumagawa rito sa bahay habang nasa palengke ako,” aniya.

Ilang minuto pa ay dumating na ang kanyang panganay na si Jopet. Nagulat pa ito nang makita siya.

“N-Nay?!”

“O, bakit ngayon ka lang? Alas tres ang tapos ng klase mo, ‘di ba? Mag-a-alas siyete y medya na. Kita mong pagod ako sa pagtatrabaho tapos ay kung saan-saan ka pa pumupunta. Sabi ko sa iyo ay dumiretso ka rito sa bahay pagkagaling sa eskwela para may nag-aasikaso rito at sa mga kapatid mo. Mabuti pa itong tatlo ay naabutan kong nag-aaral, eh ikaw? Kumusta ang eskwela mo? Baka nagbubulakbol ka lang ha? Naku, kapag nalaman kong naglalakwatsa ka lang at hindi nag-aaral ay tatamaan ka sa akin,” inis niyang sabi sa binatilyo.

Hindi umimik si Jopet sa pagbubunganga niya. Tahimik ito na pumunta sa kusina, kinuha ang kaldero at nagsaing. Ito na rin ang nagprito ng isdang galunggong na ulam nila sa gabing iyon.

Pagkatapos nilang maghapunan ay nilapitan siya ng panganay na anak at may iniabot sa kanya.

“Limang daan? S-saan mo nakuha ito?” tanong niya.

“Kinita ko po sa trabaho,” sagot ni Jopet.

Ipinagtaka niya ang tinuran ng anak. Trabaho? Eh, ‘di pa tapos mag-aral sa hayskul ang batang ito? Anong trabaho ang pinagsasasabi nito?

“A-anong trabaho? T-teka, ito ba ang pinagkakaabalahan mo ha? Imbes na pumasok ka sa eskwela at mag-aral ay kung anu-anong kalokohan ang ginagawa mo?” gigil niyang tanong.

“Hindi ko naman po pinapabayaan ang pag-aaral ko, inay. Umeekstra po ako para kumita ng pera pagkatapos ng klase. Gusto ko lang naman pong makatulong sa inyo. Para may dagdag din na baon sa ekswela ang mga kapatid ko,” tugon ng binatilyo.

Imbes na matuwa ay ikinainis pa niyang lalo ang ibinunyag ng anak.

“Tigilan mo ‘yan! Hayaan mong ako ang maghanapbuhay para sa inyong magkakapatid dahil ito ang obligasyon ko bilang ina. Kayo, ang obligasyon ninyo ay ang mag-aral ng maige para sa kinabukasan ninyo. Huwag mo nang uulitin ito ha? Pagkagaling sa eskwela ay umuwi ka agad dito sa bahay at wala ka nang pupuntahan na iba,” wika niya sa anak.

Wala namang imik na humiga na sa papag ang binatilyo pagkatapos niyang sermunan. Naramdaman niya na sumama ang loob nito sa sinabi niya pero pilit niyang itinatak sa sarili na tama ang inihayag niya rito. Mas mahalaga ang mag-aral kaysa umekstra sa pagtatrabaho. Mas magandang buhay ang maaabot kapag nakapagtapos sa pag-aaral. Nakalimutan nga niyang itanong sa anak kung anong trabaho ang ginawa nito at kumita agad ng limang daan sa isang araw.

Kinaumagahan ay maaga siyang umalis sa kanila para magtinda sa palengke. Nagdasal pa nga siya ng taimtim na sana ay malakas ang benta niya ‘di tulad kahapon na matumal. Pagdating niya sa puwesto ay agad na inayos ang kanyang mga paninda, nang bigla siyang lapitan ni Aling Vita.

“Lilet, pagsabihan mo nga ‘yung panganay mo na umiwas sa pagpunta sa parlor ni Conchita. Bali-balita kasi na pugad ng kalaswa*n ang parlor na iyon. Doon daw pumupunta ang ilang binatilyo rito sa atin kapag gustong kumita ng pera. May ideya ka na siguro kung anong milagro ang ginagawa ng mga binab*eng parlorista roon. Nakita ko kasi ‘yung anak mong si Jopet na lumabas doon kagabi habang pauwi ako sa amin. Ang sumbong naman ng kapitbahay naming si Lolay ay palagi raw pumupunta roon ang binatilyo mo pagkagaling sa eskwela. Sabi nga ng anak kong babae na kaklase ng anak mo’y magaling pa naman sa klase si Jopet pero baka masira ang pag-aaral niyan kapag tuluyang nalulong sa alam mo na,” sumbong ng babae.

Kinabahan si Aling Lilet sa sinabing iyon ng tsimosang tindera.

Kaya kinagabihan ay inantay niya ang anak sa pag-uwi nito para komprontahin. Napansin niya na mag-a-alas otso na pero hindi pa rin ito dumarating sa bahay kaya nagpupuyos na siya sa galit.

“Hindi rin niya ako sinunod na tigilan na ang ginagawa niyang pag-ekstra. At doon pa talaga sa parlor ng mga binab*e siya rumaraket? Diyos ko! Ang bata pa ng anak ko para malulong sa pr*stitusyon,” napapaluhang sambit niya sa sarili habang inip na inip na sa paghihintay.

Maya-maya ay dumating na si Jopet na may dalang lutong ulam at paper bag na may laman na kung ano.

Makahulugang tinitigan niya ang panganay, nagulat ang binatilyo nang bigla niyang ihampas ang hawak na bilao rito.

“’Nay! B-bakit po?!” gulat nitong sabi sabay ilag.

“Ikaw na tarant*do ka! Nagp*p*ta ka ano?! Ano?! Saan mo ba talaga kinuha ‘yung perang ibinigay mo sa akin kagabi? Anong pinaggagagawa mo sa parlor ng binab*eng si Conchita? Akala mo siguro ay hindi ko malalaman ang mga kalokohan mo ano? Nakita ka ng tinderang si Vita na lumabas sa parlor na iyon na kilalang puntahan ng mga kabataang lalaki na gustong kumita ng pera kapalit ng panandaliang aliw. Paano mong nagawang ipagbili ang sarili mo sa halagang limang daan? Iginagapang ko kayo sa hirap, dignidad na lang ang maibibigay ko sa inyo! Hindi ko matatanggap na magkaroon ng anak na p*ta!” gigil na gigil na sabi niya, walang tigil sa paghampas ng bilao sa anak.

Nang matigil siya ay lumuluhang tinitigan siya ni Jopet, puno ng hinanakit ang mga mata nito. Maging siya ay natigilan, sumobra yata siya ng paghampas rito.

“Sana ay inalam niyo po muna ang totoo, inay, bago niyo ako hinusgahan,” sagot nito sa kanya sabay naglakad palabas ng barung-barong na masama ang loob.

Nang sumunod na araw ay malungkot si Aling Lilet habang nagtitinda sa palengke. Iniisip pa rin niya ang nangyari kagabi. Hindi umuwi ang anak niya na nakitulog sa matalik nitong kaibigan. Nag-text ang nanay ng kaibigan nito na naroon si Jopet na nagpapalipas ng sama ng loob. Hinayaan na lang niya ito dahil baka mas lumala pa ang away nilang mag-ina kung pinilit niya itong umuwi.

“Mare, bakit para kang nalugi riyan? Kay aga-aga nakabusangot ang mukha mo, paano ka makakabenta niyan?” nag-aalalang tanong ng suki niyang si Aling Monique nang makita siya.

“A, eh, wala suki. Medyo problemado lang sa panganay kong anak,” aniya.

“Ah, si Jopet? Bakit naman, mare? Ang sipag-sipag ngang magtrabaho ng batang iyon, eh. ‘Di ka ba proud na may working student kang anak?” tanong ng ale.

Napakunot ang noo ni Aling Lilet. Paano nasabi ng suki niya na masipag ang anak niya, eh, ginagabi nga sa parlor ng mga binab*e pagkagaling sa klase? Ano iyon, masipag sa pagp*p*ta ang anak niya? Nag-init tuloy ang ulo niya sa tinuran ng babae at sasagutin sana ito ngunit…

“Alam mo ba na si Conchita mismo na may-ari nung parlor sa kabilang kanto ang nagsabi na napakasipag magtrabaho ng anak mo? Bukod sa parlor ay nagbebenta ng milk tea, burger, fries at sari-saring meryenda ang matandang binab*eng iyon. Malakas nga raw ang benta ng food stall na nasa likod mismo ng parlor ni Conchita. Naroon ang maliit na puwesto niya na dinarayo ng mga kabataan. At isa sa mga staff niyon ay ang anak mong si Jopet. Nagse-serve siya ng mga order, dahil sa guwapo ang anak mo’y mas lalong naging mebenta ang mga paninda ni Conchita sa mga kababaihan at kab*klaan dito sa atin. Yung anak ko ngang dalagita ay palaging bumibili roon para makita lang ang anak mo, crush niya kasi ang binatilyo mo, eh na matalino na ay ubod pa ng sipag. Sabi pa nga sa akin ng anak ko’y nabalitaan niya na first honor daw ang anak mo sa klase. Doon din kasi nag-aaral ang anak kong si Cherry sa eskwelahan ng panganay mo,” bunyag ng babae.

“A-ano? I-ibig sabihin ay hindi totoo ang…”

“Na ano? Na pugad ng kalasw*an ang parlor ni Conchita? Naku, napakabait nga ng matandang iyon, eh. Pati yung mga binab*e niyang staff sa parlor ay mga disente at mababait din. At isa pa, may dyowang ‘Kano si Conchita na ang balita ko’y mapera. Hindi totoo ang tsismis na may prost*tusyong nagaganap doon. Nagtatrabaho nang marangal ang anak mo, mare, para may kita siya’t makatulong sa iyo,” wika pa ni Aling Monique.

Hindi na nakapagsalita pa si Aling Lilet. Nagsisisi siya sa mga masasakit na sinabi niya sa anak na wala naman palang ginawa kundi ang magtrabaho ng marangal para kumita ng pera’t makatulong sa kanya. Hindi dapat siya naniwala sa mga sabi-sabi at sanay tinanong niya muna ang anak bago ito hinusgahan.

Kinagabihan sa kanyang pag-uwi ay naabutan niya si Jopet na naghahain sa mesa. Nakauwi na pala ito. Tahimik pa rin ito at walang kakibo-kibo.

Bumuwelo muna siya.

“A-ako na ang gagawa niyan, anak. Magpahinga ka na muna, alam kong pagod ka sa pag-aaral at sa trabaho mo,” aniya sa nanginginig na boses.

Tumango ang binatilyo, “Huwag po kayong mag-alala inay hindi ko naman po pinapabayaan ang pag-aaral ko, katunayan ay pumasok po ako kanina. Nanghiram na lamang po ako ng uniporme sa kaibigan kong si Luigi para may maisuot ako sa klase. Basa na po kasi ng pawis ‘yung uniporme kong ginamit kahapon, ‘di po kasi ako nakapagpalit ng damit sa dami po ng kustomer sa pinagtatrabahuhan kong food stall na pagmamay-ari ni Aling Conchita. G-gusto ko lang naman pong makatulong sa inyo, inay. Wala po akong ginawang masama. Malinis po ang tra..”

Hindi na niya pinatapos magsalita ang anak dahil niyakap niya na ito ng ubod higpit.

“Alam ko na ang totoo, anak. Patawarin mo sana ako,” paulit-ulit na sabi niya habang humahagulgol na sa pag-iyak.

Napayakap na rin sa kanya ang binatilyo na hindi na rin napigilang maluha. Pinagbintangan niya pang p*ta ang sariling anak na kumakayod ng maayos para sa kanya at sa mga kapatid nito.

Maya-maya ay may iniabot ito sa kanya.

“Nga po pala, para sa iyo ‘yan, inay. Hindi ko po naibigay kagabi. Binilhan ko po kayo ng bagong damit na pambahay. Malaki po kasi ang kinita ko kagabi kaya naisipan ko kayong bigyan ng regalo. Mga gamit naman po sa eskwela ang binili ko para sa mga kapatid ko. Arawan po ang sahod doon inay at malaking magbigay si Aling Conchita dahil nga malakas nga po ang benta sa puwesto na iyon,” sabi ng binatilyo sabay bigay ng paper bag sa kanya.

Mas lalong naiyak si Aling Lilet sa regalong handog sa kanya ni Jopet.

“A-anak, salamat, anak,” tangi niyang nasabi.

Dahil sa pagsisikap, ‘di nagtagal ay nakaahon din ang pamilya nila sa hirap. Nakapagtapos sa kolehiyo si Jopet at isa nang ganap na abogado. Siya na ang nagpapa-aral sa tatlo niyang kapatid. Pinahinto na rin niya sa pagtitinda sa palengke ang ina. Nakapagpatayo na rin siya ng sarili nilang bahay at hindi na sila umuupa.

Laking pasasalamat ni Aling Lilet dahil binigyan siya ng Diyos ng mapagmahal, matalino, masipag, at madiskarteng anak na nagbigay sa kanila ng magandang buhay.

More Stories