Labis na Ininggit ng Babae ang Kaniyang Pinsan Nang Makapangasawa Siya ng Mayaman; Pahiya Siya Nang Makilala ang Hipag Nito

Labis na Ininggit ng Babae ang Kaniyang Pinsan Nang Makapangasawa Siya ng Mayaman; Pahiya Siya Nang Makilala ang Hipag Nito

HeartbreakingKarmaStories

Tuwang-tuwa si Carol nang makapangasawa ng mayamang negosyante. Mula noon ay taas noo na lagi siya. Pakiramdam niya ay bumuhos lahat sa kanya ang suwerte dahil nakakaangat na siya sa buhay. Natalbugan pa niya ang kanyang mga pinsan na mga titulado nga pero mga naghihirap pa rin.

Paborito niyang inggitin ang mga ito lalo na si Ada na pinakamatalino sa kanilang magpipinsan. Nakapagtapos sa kolehiyo ang babae at may permanenteng trabaho sa gobyerno, ‘di tulad niya na hayskul lang ang naabot ngunit ano na ang panama nito sa kanya ngayon? Hindi man siya nakatapos sa pag-aaral ay nakabingwit naman siya ng matabang isda sa katauhan ni Ronan. Natatawa na lang siya sa kinahantungan ng mga pinsan niya na maliliit ang suweldo lalo na si Ada na walang pinatunguhan ang pagiging matalino at sa pagiging sekretarya lang sa ahensiya ng gobyerno ang kinabagsakan.

Samantalang siya feeling donya na! May maganda at malaking bahay, de kotse at may mga kasambahay pa. Sa madaling salita, nakahiga na lang siya sa salapi.

Isang araw, nagyabang siya sa mga pinsan na gusto niyang magkaroon ng bonggang salo-salo sa mala-mansyon niyang bahay.

“Kung gusto ninyo ay sa bahay na lang namin tayo magsalo-salong magpipinsan. Malaki ang bahay namin ni Ronan, siguradong mag-e-enjoy kayo,” prisinta niya sa mga ito habang kausap sa chat.

“Nakakahiya naman. Baka kung anong isipin ng asawa mo,” wika ng isa sa mga pinsan niya.

“Naku, balewala ‘yon sa mister ko. Gusto nga niya na palaging may bisita sa bahay, eh. Kung gusto ninyo ay sa garden natin gawin ang salo-salo. Malaki rin ang garden namin at maganda pa. Mamahalin ang mga tanim naming halaman doon at mga imported pa ang mga iyon kaya matutuwa kayo. Puwede ninyong gamitin na pang-background sa profile picture sa Facebook,” aniya.

Natuwa ang mga ito kaya pumayag lahat. Mas lalo siyang nagalak nang pumayag rin si Ada na makisalo sa kanila.

“Isasama ko ang asawa kong si Thirdy ha? Ayos lang ba? Para makilala rin ng mister mo,” tanong ni Ada sa kanya.

“Oo naman. Mas okay nga ‘yon para makilala ko nang lubos ang napangasawa mo,” plastik niyang sagot.

Nagdidiwang na si Carol sa isip niya. Sabik na siya sa nalalapit nilang salo-salong magpipinsan lalo na nang malamang isasama ni Ada ang asawa nito na balita niya’y kagaya rin ng pinsan niya na kawani rin sa gobyerno na maliit lang din ang sahod. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at tinawagan ang pinakasikat na caterer para ipagluto sila. Nag-hire pa siya ng kilalang event organizer para mas bongga ang selebrasyon. Aba, kailangan ay sosyal ang salo-salo nila, ayaw niyang mapapahiya. Gusto na niyang pabilisin ang oras, atat na siyang pagmalakihan si Ada. Ipapamukha niya rito na mas angat na siya – mayaman at napakasuwerte sa asawa.

Mabilis na nagdaan ang mga araw at sumapit na ang salo-salo nila. Halos lumutang siya sa alapaap sa mga papuring natanggap niya sa mga pinsan niya nang makarating ang mga ito sa bahay nilang mag-asawa. Mas malaki iyon sa inasahan ng mga ito. Totoo nga na mala-palasyo ang bahay na may magaganda at mamahaling muwebles sa loob. Gusto ngang hubarin ng mga bisita ang mga suot na sapin sa paa dahil nahihiyang marumihan ang marmol na sahig. Kasama ng mga pinsan niya ang mga asawa at mga anak ng mga ito na manghang-mangha sa mga nakikita sa loob ng bahay.

Maya-maya ay natanaw na niya si Ada sa gate na may kasamang lalaki na tiyak niyang iyon ang mister nito kaya bigla siyang napangisi.

“Dumating ka na rin sa wakas,” natatawa niyang bulong sa isip.

“O, insan, tuloy, tuloy kayo!” sigaw niya sa plastik na tono. Napangiti naman ito nang masulyapan siya. Bineso-beso pa niya ang mga ito saka sinamahang pumasok sa loob.

“Insan, siya si Thirdy, ang mister ko,” masayang pakilala ni Ada sa kasama nito.

“Hello, Thirdy! Ano ang trabaho mo?” diretsang tanong niya.

“Hi, a, eh, office clerk ako sa ahensiya ng gobyerno,” tugon ng lalaki.

Natawa ng malakas si Carol.

“Ows? Pareho pala kayo ng trabaho nitong pinsan ko. Kumusta naman ang sahod ninyo?” usisa pa niya.

Nagkatinginan ang mag-asawa ngunit sinagot pa rin ng mga ito ang tanong niya.

“Hindi ganoon kalakihan ang sahod namin pero nagpapasalamat pa rin kami dahil sa hirap ng buhay ngayon ay may trabaho pa rin kami. Malaking tulong na iyon sa amin lalo na kapag nagkaroon na kami ng anak. B-bakit mo naitanong, insan?” anito.

Ipinagkibit-balikat niya ang sinabi ni Ada. Itinuloy niya ang pang-iinggit dito.

“Wala lang. Naitanong ko lang. ‘Yung asawa ko kasi, negosyante siya. Marami siyang hawak na negosyo ‘di lang dito sa Pilipinas, maging sa abroad ay may business din siya. May malawak nga siyang lupain sa probinsya, eh at may mga bahay din siya sa Amerika. Napakasuwerte ko talaga sa mister ko, ‘di ba?” sabi niya na may halong pagyayabang.

Napapatango lang sa kanya ang mag-asawa. Halatang manghang-mangha sa ikinukuwento niya.

“Pasensya na kayo kung hindi ako nakadalo sa kasal ninyo ha? Abala kasi kami ni Ronan sa pagbabakasyon, eh. Marami na nga kaming napuntahan. Nakarating na kami sa London, sa Paris, sa Tokyo at iba pa. Naalala ko nga nung nag-honeymoon kami sa Jeju Island, grabe ang saya namin,” pang-iinggit pa niya.

Napangiti lang ang mga-asawa.

“Okay lang iyon, insan. Simple nga lang ang kasal namin ni Thirdy noon na malalapit na kamag-anak lang ang inimbita namin. Naiintindihan naman namin kung hindi ka nakarating,” buong kababaang tugon ni Ada.

Lihim na napangisi si Carol. Alam niya naman iyon, gusto niya lang na hiyain ang dalawa.

Wala siyang ibang ginawa noong araw na iyon kundi tabihan ang mag-asawa at inggitin sa tinatamo niyang yaman. Pakiramdam niya ay waging-wagi siya at lugmok na lugmok naman ang mga ito sa mga birada niya.

Nang biglang tumunog ang selpon ni Thirdy. Nasa kabilang linya ang nakatatanda nitong kapatid na babae na si Cassandra. Nakakaangat sa buhay ang hipag na iyon ni Ada. Ang totoo’y magkapatid lamang sa ama ang lalaki at ang babae ngunit kahit ganoon ay mabait ito at palagi silang tinutulungang mag-asawa. Ipinapasok nga nito si Thirdy sa kumpanya nito ngunit tinanggihan ng mister. Gusto kasi ni Thirdy na huwag umasa sa kapatid at tumayo sa sariling paa. Tumawag ito dahil may mahalaga raw na ibibigay ngunit sinabi ni Thirdy na nasa bahay ito ng pinsan ng asawa. Hiningi nito ang address ng pinsan ni Ada upang ito na lang ang sasadya roon para iabot ang gustong ibigay.

Nang makarating ang babae sa kinaroroonan nila ay agad itong bumaba sa sasakyan. Pinindot ang doorbell at binuksan naman ng kasambahay ni Carol ang gate. Ipinaalam ni Thirdy na nasa labas ang kapatid nito at may nais lang na ibigay sa kanya. Napangisi na naman si Carol, balak niyang inggitin din ang kapatid ng lalaki sa taglay niyang yaman kaya inutusan ang kasambahay na papasukin ito para makilala na rin kung anong klaseng babae ang kapatid ng mister ng pinsan niya. Nang pumasok ito sa bahay ay agad na ipinakilala ng lalaki kay Carol na hindi pa nito nakikita, hindi nga kasi dumalo sa kasal noon ng mag-asawa ngunit nang masulyapan nito si Carol ay nawala ang ngiti sa mga labi nito at napalitan ng matinding galit ang mukha ng babae.

“I-ikaw? H-hindi ako maaaring magkamali, ikaw ang kabit ng asawa kong si Ronan!” bunyag nito sabay duro sa kanya.

Ikinagulat ng lahat ang sinabi ng babae lalo na ang mag-asawang Ada at Thirdy.

Hindi naman nakakibo si Carol na biglang natulala sa panduduro sa kanya ng babae.

“Kaya pala bihira nang umuwi sa akin ang walanghiya kong mister, ibinabahay na pala niya ang haliparot niyang kabit. Akala mo siguro ay hindi kita makikilala, ano? Nakita ko kayong magkasama at naghaharutan pa ng asawa ko sa casino nung nakaraang gabi. Balak ko sana kayong sugurin pero naisip ko na may pinag-aralan akong tao kaya hinayaan ko na lang muna. Lihim ko kayong pina-imbestigahan na dalawa, ngayon ko nga rin sana kukunin sa imbestigador ang resulta, eh kaso hindi ko naman akalain na hindi ko na kailangang makita iyon dahil heto na, dinala na ako rito ng pagkakataon para magkaharap tayo, malanding babae! Salamat sa kapatid ko at sa aking hipag, kundi dahil sa kanila ay hindi kita matutunton dito. Kaya pala malaking pera ang nawawala sa kumpanya ko ay dito winaldas ng magaling kong asawa sa bahay na ito? Ang suwerte mo rin, ano? Alam mo ba na sarili kong pera ang ginastos dito ni Ronan? Ang lahat ng ito ay galing sa pera ko. Ang karangyaang tinatamasa mo ay mula sa yaman ko!” diin ng babae.

“T-teka, anong sinasabi mo? A-asawa ko si Ronan, p-pinakasalan niya ako,” nauutal niyang sagot.

“Anong kasal? Hindi ka maaaring pakasalan ni Ronan dahil kasal pa rin kami. Malamang ang sinasabi mong kasal ninyo ng asawa ko ay peke. Naloko ka ni Ronan at nagpaloko ka naman,” natatawa nitong sabi.

“H-hindi…”

Halos sumabog ang dibdib ni Carol sa sobrang pagkapahiya. Wala siyang kaalam-alam na may asawa na pala ang ipinagyayabang niyang mister. Isa pala siyang kabit. Hindi pala totoo na pinakasalan siya ng lalaki. Agad na tinawagan ni Cassandra ang imbestigador at natiyak nga nito na walang bisa at pineke lang ang kasal nila. Si Cassandra pa rin ang legal at tunay na misis ni Ronan.

“Wala naman talagang sariling negosyo ang ga*go kong asawa. Tauhan ko lang siya, wala naman siyang kaalaman sa pagnenegosyo dahil hindi siya nakatapos sa pag-aaral. Ang mga ari-arian at negosyong ipinansilaw niya sa iyo ay pagmamay-ari kong lahat. Galing sa hirap si Ronan na dati naming drayber. Minahal ko siya ng labis, binihisan, hinango sa putik na pinanggalingan niya ngunit ‘di ko akalain na lolokohin lang niya ako at huhuthutan, kaya ngayon ay katapusan na ng maliligayang araw ninyong dalawa. Ibabalik ko siya sa pusali kung saan siya nagmula,” dagdag pa ni Cassandra.

Sa labis na kahihiyan ay dali-daling umalis sa bahay na iyon si Carol na bitbit ang isang maleta na ang laman lang ay mangilan-ngilang damit. Walang ibang gamit na dinala dahil wala naman itong pag-aari sa mga iyon. Humingi naman ng despensa si Ada at iba pa nitong pinsan sa ginawa ni Carol. Sinabi naman ng babae na wala silang dapat na ihingi ng paumanhin dahil wala naman silang kasalanan, saka mabuti na rin ang nangyari dahil desidido na si Cassandra na hiwalayan ang asawa para hindi na nito magamit pa ang kanyang pera sa pambababae.

Buhat nang mabunyag ang katotohanan ay hindi na nagpakita pa sa kanila si Carol. Pinalayas na rin ni Cassandra sa bahay nito ang babaerong mister. Ang maganda at malaking bahay na ipinatayo ni Ronan na galing sa pera ni Cassandra ay ibinigay na lamang ng babae sa mag-asawang Ada at Thirdy na nanghihinayang pa rin sa kinasapitan ni Carol.

Laging tandaan na ang panghahamak sa kapwa ay may kaakibat na kabayaran, tulad ng nangyari kay Carol na walang ginawa kundi inggitin at yabangan ang pinsan niya. Sa kanya tuloy tumalbog ang karma.

More Stories