Tinakbuhan ng Dalaga ang Kaibigang Inutangan; Isang Lalaking Nagpatibok sa Puso Niya ang Maniningil sa Kaniya

Tinakbuhan ng Dalaga ang Kaibigang Inutangan; Isang Lalaking Nagpatibok sa Puso Niya ang Maniningil sa Kaniya

KarmaLoveStories

Tagaktak na ang pawis ni Cathy. Tatlong oras na ang nakalipas mula nang makatanggap siya ng tawag mula sa isang estranghero. Mula noon ay kanina pa siya nagcha-chat sa mga kaibigan niya upang manghiram ng pera. Halos napadalhan na niya ng mensahe ang lahat ng mga kaibigan niya sa Peysbuk, ngunit kahit isa, walang nais magpahiram sa kaniya. Katwiran ng karamihan, wala silang ganoong kalaking pera – dalawandaang libong piso.

Maya-maya pa’y para siyang nakuryente nang mabasa ang mensahe ng kaibigang si Celestine.

“Sige, sis. Hindi ako pwedeng mag-online transfer nang ganoon kalaki e. Kita na lang tayo sa kapehan diyan sa may kanto, ‘yong katabi ng bangko. Let me know kung anong oras ka pwede,” sagot sa kaniya nito sa chat.

Sa isip-isip niya, napakabait talaga nitong kaibigan niya. Magmula nang magtungo siya sa Bulacan para sa kaniyang trabaho tatlong taon na ang nakalilipas ay isa ito sa mga unang naging kaibigan niya. Alam niyang may kaya ito at ang pamilya nito. Mabuti na lang at nais nitong pahiramin siya.

Pumayag siyang makipagkita kay Celestine, alas dos daw mamayang hapon sa naturang kapehan.

Ni hindi man lang siya tinanong ni Celestine kung bakit siya nanghihiram nang ganoon kalaking halaga. Nang magkita sila ay basta na lamang nito inabot ang pera. Matapos niyang tumugon sa paanyaya nitong magkape muna bago maghiwalay, agad na siyang nagtungo sa kailangan niyang puntahan.

“Salamat, sis. Pangako, ibabalik ko rin ito sa’yo agad. Pangako,” ani Cathy bago tuluyang lumabas ng kapehan at saka pumara ng taxi sa labas.

Ilang araw pa lamang matapos makuha ni Cathy ang perang inutang, napansin ni Celestine na naka-“block” na siya sa Peysbuk nito. Kahit subukan niya itong tawagan sa selpon ay hindi man lang ito nagri-ring. Nang tatlong buwan pa ring ganoon ang eksena’y naisipan na ni Celestine na puntahan sa inuupahang apartment sa kabilang kanto itong si Cathy. Nanlambot siya nang marinig ang sinabi ng kasera nito, “Hija, ilang buwan na rin mula nang umalis si Cathy. Ang sabi sa akin ay may mahalaga raw siyang kailangang puntahan. Wala namang kaso sa akin dahil binayaran naman niya ang lahat ng kulang niyang bayad sa upa.”

Mabilis na lumipas ang tatlong taon. Tatlong taon na ring hindi na nakita ni Celestine si Cathy at ang perang hiniram nito. Sa totoo lamang, napagod na siyang hagilapin ang babae. Hindi naman malaking kawalan sa kaniya ang dalawandaang libong piso, ang pinanghinayangan pa niya ay ang magandang samahan nilang magkaibigan. May kaunting pag-aalala rin sa kaniyang puso dahil tandang-tanda pa niyang bakas na bakas sa mukha nito ang matinding pagkabilasa noong sila’y huling nagkita sa kapehan. Hindi na lamang niya ito inusisa noon dahil pakiramdam niya’y kusa naman itong magsasabi sa kaniya ng pinagdadaanan niya, baka hindi pa lamang ito handa. Ngunit ngayon, ‘di niya inasahang bigla na lamang siyang tatakbuhan nito.

Sa kabilang banda naman, sa isang magarang syudad, nakaupo sa isang mamahaling restawran itong si Cathy. Sumisimsim ng wine habang hinihintay ang pagdating ng pagkaing kaniyang in-order.

“Hi, miss. Pwede bang maki-upo?” bungad ng isang makisig na lalaki, ikinagulat naman iyon ni Cathy.

Karaniwan ay hindi siya pumapayag sa mga ganoon, talaga naman kasing maganda si Cathy at madalas mangyari ang mga ganoong eksena, gayunpaman ay hindi niya alam kung ano’ng mayroon sa lalaking ito at agad siyang napa-oo.

“Ah… Eh… S-sure,” tugon niya rito. Agad namang naupo ang lalaki sa tabi niya.

“Marco nga pala, and you are?” pakilala ng binata sabay abot ng palad niya sa kaniya upang makipagkamay.

“C-cathy,” tipid na sagot niya rito, sabay abot din ng kaniyang kamay.

Matapos dumating ng mga pagkain ay nakipagkwentuhan sa kaniya ang lalaki. Sa mga hirit at biro nito’y hindi niya mapigilang mapangiti.

Dalawang oras ang lumipas. Naging malalim na ang kwentuhan ng dalawa. Nagkapalitan pa sila ng numero dahil napagkasunduan nilang magkitang muli sa susunod. Nang magkakilanlanan pa lalo ay napag-alaman ni Cathy na tiga-Bulacan pala itong si Marco. Pinawisan siya nang malapot. Nag-iba na ang timpla niya nang marinig iyon.

“It’s getting late, I’ll drive you home. You mentioned na tiga-QC ka, ‘di ba? Hatid na kita,” alok ni Marco sa dalaga.

“H-hindi, hindi na. ‘Wag na. May dadaanan pa rin kasi ako,” uutal-utal na sagot niya.

Dito na nag-iba ang timpla sa mukha ng lalaki.

“May dadaanan ka pa, o may iniiwasan ka?” ani Marco.

“Ha? What do you mean?” takang tanong ni Cathy.

“Nag-iba agad ang timpla mo nang mabanggit ko na tiga-Bulacan ako. Bakit? May iniiwasan ka ba roon, o baka naman may “utang” kang tinakbuhan kaya ka nagkakaganiyan?” nakangising sambit ng binata, inaabangan niya ang magiging reaksyon ng babae.

Kapatid ni Marco si Celestine. Katunayan, matagal na siyang may gusto sa kaibigan ng ate niya – kay Cathy. Kaya naman nang malaman niyang tinakbuhan ni Cathy ang perang inutang nito sa kapatid ay talagang ikipinanlumo niya. ‘Di niya inasahang sa likod ng mahinhin at magandang mukha ng dalaga’y kaya nitong gumawa ng ganoong bagay sa sarili nitong kaibigan. Dismayadong-dismayado siya.

Kaya naman hindi na niya pinalampas ang pagkakataong lapitan si Cathy kanina nang makasabay niya ito sa restawran na iyon. May business meeting kasi siya kanina malapit sa lugar na iyon kaya’t naisipan niyang kumain doon, ‘di niya naman inasahang makikita si Cathy roon. Kilala niya ito, ngunit ‘di pa siya nito nakikita. Noong mga panahong dumadalaw kasi ito sa kanilang bahay noon ay palagi siyang nakatanaw lang sa malayo at pinagmamasdan ang magandang kaibigan ng ate niya.

“S-sandali. Kilala mo ba si Celestine?” uutal-utal pa ring wika ni Cathy, may nagbabadya nang luha sa kaniyang mga mata.

“Oo, kilalang-kilala! Kapatid ko ang niloko at tinakbuhan mo! Grabe ka, ang akala ko’y mabuting tao ka. Hindi ko akalaing kaya mong gawin ang bagay na iyan sa kapatid ko! Magbayad ka!” bulyaw ng binata.

“L-let me explain, please. Kung maaari ay tawagan mo rin si Celestine, gusto kong magpaliwanag. At oo, magbabayad ako, ngayon din. Just please, hayaan niyo akong magpaliwanag,” ani Cathy.

“Matapos ang perwisyong dinulot mo, si ate pa ang papapuntahin mo kung nasaan ka para magbayad ka lang? Sumama ka sa amin, ikaw ang magpaliwanag sa kaniya. Personal kang magbayad!” giit ni Marco.

At doon na nga bumuhos ang mga luha na kanina pa pinipigilan ng dalaga. Magpapaliwanag na siya.

“Hindi pwede! Noong umaga bago ako pautangin ng ate mo, isang lalaki ang tumawag sa selpon ko. Pinagbantaan niya ako. Ang sabi niya, kapag hindi ako nagpadala ng dalawandaang libong piso bago mag-alas singko ng araw ring ‘yon, tatapusin niya ang buhay ko. Siyempre, hindi agad ako naniwala. Pero nang sabihin niya sa akin na tingnan kung ano ang nasa palikuran ko, doon na ako naniwala sa kaniya. Naroon ang labi ng aso kong wala nang buhay. Hindi ko alam kung paano siya nakapasok sa apartment ko at kung kailan niya ginawa ang karumal-dumal na bagay na iyon. Iyon ang dahilan kaya hindi ako makabalik-balik sa lugar niyo,” mahabang paliwanag ng dalaga, hanggang ngayon ay takot na takot pa rin siya.

“Magbabayad naman ako kay Celestine e. Mula nang bumalik ako rito sa syudad kung nasaan ang pamilya ko, nakapagnegosyo ako at nakapag-ipon. Nais ko nang kontakin ang kapatid mo. Nilalamon lang ako madalas ng trauma at takot sa puso ko,” umiiyak pang dagdag nito, sabay abot ng tseke na naglalaman ng apatnaraang libong piso.

Pinakiusapan ng dalaga na pakiabot na lamang daw ang naturang tseke kay Celestine, ang sobra ay kabayaran sa sakit ng ulong naidulot niya rito. Tinanggap naman ng binata ang tseke, sa kapatid niya iyon at wala siyang karapatang tanggihan iyon kahit pa narinig niya ang kalunos-lunos na karanasan ni Cathy.

“Sana ay gumawa ka na lamang ng paraan upang magpaliwanag kay ate. O mas maganda, sana’y nagsabi ka sa kaniya. Natulungan ka sana namin. Alam mo namang pulis ang isa pa naming kapatid habang abogado naman si papa,” tila nanghihinayang na sagot ni Marco.

“Sa sobrang takot ay hindi na ako nakapag-isip nang ayos. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin kilala kung sino ang taong nagbanta sa akin, pero pinipilit ko nang kalimutan iyon. Hindi naman niya na ako nagambala pa mula nang bumalik ako rito at nagpalit ng numero,” sagot ni Cathy bago magpaalam sa binata na uuwi na siya.

Laking gulat niya nang pigilan siya ni Marco.

“T-teka, sandali!”

“B-bakit? Gumagana ang numerong ibinigay ko sa’yo. Kung sakaling magkaproblema sa tsekeng ibinigay ko’y tawagan niyo lang ako, pero sinisiguro kong wala naman kayo magiging problema r’yan. Pangako… at patawad ulit sa nagawa kong kaperwisyuhan,” nakatungong ani Cathy.

“H-hindi. Naniniwala naman ako sa’yo, at alam kong hindi naman nagtanim ng sama ng loob sa’yo si ate. P-pero, may gusto lang sana akong aminin sa’yo. Sa kabila ng lahat ng nangyari, hindi pa rin kita maialis sa isip ko. Matagal na kitang gusto, Cathy, matagal na panahon na. Nakakahiya man na sa ganitong pagkakataon tayo unang nakapag-usap at sa ganito tayo nagsimula, p-pero… maaari ba kitang ligawan?” namumula at hiyang-hiyang pag-amin ni Marco.

Nagulat ang binata nang biglang tumawa ang dalaga.

“Alam mo ba, akala ko’y ito na ang karma ko sa biglaang pagkawala ko? Nang magpakilala ka kanina, may kakaiba akong naramdamang ‘di ko maipaliwanag. Kaya naman parang nilukot ang puso ko nang marinig ko ang rebelasyon mo. Akala ko kasi’y hindi mo maiintindihan ang paliwanag ko. Akala ko talaga’y ito na ang kabayaran ko sa pagkakautang sa ate mo. Sa madaling salita – oo, pumapayag ako,” nakangiting sagot ni Cathy na ikinaliwanag ng mukha ng binata.

Doon na nga nagsimula ang matamis na pagtitinginan ng dalawa. Naibalik na rin kay Celestine ang perang hiniram sa kaniya tatlong taon na ang nakararaan, pero para sa kaniya’y bonus na lamang iyon dahil ang mas mahalaga’y bumalik na sa buhay niya ang kaibigang matagal na nawala sa kaniya.

Sinubukan pa rin nilang hanapin kung sino ang estrangherong tumawag at nagbanta sa buhay ni Cathy noon, ngunit bigo silang makuha ang hustisya sapagkat napag-alaman nilang sumakabilang-buhay na raw pala iyon. Gayunpaman, dahil doon ay nagkaroon na muli ng lakas ng loob itong si Cathy na bumalik sa lugar na iyon. Malawak nang muli ang mundong dati’y pinaliit ng masamang loob na iyon.

Sino nga bang mag-aakala na isang matamis na pag-iibigan ang magiging bunga ng dalawandaang libong pisong pagkakautang?

More Stories