
Nagtataka ang Dalagang Ito dahil Palaging Hindi Kumakain sa Salu-salo ang Katrabaho, May Malalim pala Itong Dahilan
“O, tapos ka na agad kumain, Angelie? Ang sarap na naman ng biniling pagkain ngayon ni boss, ano? Sana araw-araw siyang walang toyo para araw-araw ding masarap ang meryenda natin!” masayang sabi ni Joy habang kinakain ang pagkaing bigay ng kanilang boss.
“Ah, eh, hindi ako kumain. Busog pa kasi ako, eh. Tinabi ko na lang sa bag ko ‘yong pagkain ko,” tugon nito na ikinapagtaka niya.
“Anong oras na, ha? Busog ka pa rin? Kanina pa tayo nakasubsob sa trabaho, Angelie, hindi ka talaga nagutom kahit saglit? Ni minsan, hindi pa kita nakitang kumakain dito sa opisina,” pang-uusisa niya pa rito habang patuloy sa pagkain.
“Hindi, ganito talaga ako kapag abala sa trabaho,” nakangiti nitong sabi habang inaayos ang mga dokumentong kailangang pirmahan ng kanilang boss.
“Naku, kumain ka! Baka nalilipasan ka na ng gutom! Sayang naman kung hindi mo matitikman ang masarap na pagkaing bili ni boss! Saktong-sakto ang mga ganitong klaseng pagkain kapag pagod ka,” payo niya rito na muli nitong ikinangiti.
“Hayaan mo, matitikman ko rin naman ‘yan mamaya pag-uwi ko. Sa bahay ko na lang ‘yan kakainin, tutal isang oras na lang, uwian na natin,” sabi pa nito na sinang-ayunan niya na lang dahil ramdam niyang ayaw talaga nitong kumain.
Likas sa dalagang si Joy ang pagiging mapang-usisa at mapagmasid. Kapag may nakikita siyang bagay o kilos na bago o masama sa mata niya, agad siyang gagawa ng paraan upang malaman kung ano ito o bakit ito ginagawa.
Ito ang dahilan para hindi na siya makatiis na hindi tanungin ang katrabaho niyang palagi na lang hindi kumakain sa kanilang opisina kahit pa napakasasarap ng mga binibigay na pagkain sa kanila ng kanilang boss.
Tandang-tanda niya pa nga ‘yong araw ng kanilang team building kung kailan napakaraming pagkain ang hinanda para sa kanila. May manok, lechong baka, hipon, alimasag, pizza, macaroni salad, at marami pang masasarap na pagkain. Kaya lang, napansin niya ni isang subo ng pagkain, hindi tumikim ang katrabaho niyang ito.
Panay lagay lang nito ng pagkain sa bag sa tuwing inaabutan ito ng makakain ng kanilang mga katrabaho dahilan para ganoon na lang siya mapaisip kung bakit ganoon ang katrabaho niyang ito.
Sabi niya pa, “Baka garapal siya kumain kaya ayaw niyang ipakita sa amin? O baka maarte lang talaga siya at ayaw niya ng mga binibigay na pagkain ni boss?”
Ilang minuto pa ang lumipas, tuluyan nang natapos ang trabaho nila noong araw na ‘yon dahilan para sila’y mag-uwian na. Naisipan niyang sundan ang katrabaho niyang iyon para malaman kung ano ang dahilan sa likod ng nakakapagtakang kilos nito.
Sinundan niya ito hanggang sa makarating sila sa palengke at siya’y labis na nagulat nang makitang dali-dali itong bumili at kumain ng tuhog-tuhog.
Kitang-kita niya sa paraan ng pagkain nito ang labis na pagkagutom at doon na siya nagpasiyang sabayan ito. Bumili rin siya ng tuhog-tuhog at kumain sa harapan nito.
“Akala ko ba busog ka, Angelie? Bakit parang nagsisinungaling ka? Aanuhin mo ‘yong mga pagkain sa bag mo? Bakit imbes na ‘yon ang ipanlamang tiyan mo, tuhog-tuhog ang kinakain mo?” sunod-sunod niyang tanong dito dahilan para mapakamot ito ng ulo.
“Hindi talaga ako makakaligtas sa’yo, ano?” sabi nito saka bahagyang tumawa, “Ni minsan kasi, hindi pa nakakatikim ng mga ganitong klaseng pagkain ang mga magulang ko. Ayaw ko na solohin ang oportunidad na makakain ng masasarap na pagkain kaya inuuwi ko sa bahay para pagsaluhan namin. Kumakain ako palagi ng tuhog-tuhog para mas malaki ‘yong parteng makain nila kaysa sa’kin,” nahihiyang kwento nito na talaga nga namang ikinatigil niya.
Wala siyang ibang nagawa noong pagkakataong iyon kung hindi ang pagmasdan ang katrabaho at ito’y hangaan sa taglay nitong kabaitan. Maluha-luha niya itong niyakap at sinabing, “Isa kang dakilang anak, Angelie,” na labis nitong ikinatuwa.
Napagdesisyunan niyang bumili ng mga pagkain para sa pamilya nito at ito’y sinamahan niya pauwi. Halos madurog ang puso niya nang makita kung gaano pala kahirap ang buhay ng dalagang ito.
Sa isang barung-barong pala ito nakatira sa tabi ng dagat, at payat na payat na ang mga magulang nito. Doon niya labis na napagtanto kung bakit ganoon na lang kung magsipag at magtiis ng gutom ang katrabaho niyang ito.
Simula no’n, patuloy niyang tinulungan sa abot ng kaniyang makakaya ang dalaga. Kung minsan pa, hinahati niya ang pagkain niya para lamang huwag malipasan ng gutom ang katrabaho na talagang nagpalalim sa pagkakaibigan nilang dalawa.