Imbes na Mag-aral, Nagpapapansin lang sa Propesor ang Dalagang Ito; Kailan Kaya Siya Magigising sa Kahibangang Ito?

“Hoy, Tiffany, hindi ka na naman ba papasok sa susunod nating klase? May pagsusulit tayo roon ngayon, ilang beses ka nang hindi nakakakuha ng eksam. Panigurado, ibabagsak ka na ng guro nating iyon,” pag-aalala ni Ange sa kaniyang kaibigan, isang tanghali habang tinitingnan lang nito sa isang bintana ang gwapong propesor na pinapantansya nito.

“Anong pakialam ko kung ibabagsak niya ako? Tiyak naman, masosolusyunan ‘yan ng mga magulang ko,” kumpiyansadong sagot ni Tiffany saka agad na inirapan ang dalaga dali-daling binalik ang tingin sa naturang propesor.

“Diyos ko, Tiffany! Hanggang kailan mo gagamitin ang rason na ‘yan para hindi ka magtino sa pag-aaral?” inis na tugon nito na ikinangiti niya pa.

“Hanggang sa mapansin ako ng propesor na ‘to. Ang tagal-tagal ko nang nagpapapansin dito, ni minsan, hindi man lang ako nginitian!” reklamo niya habang nilalaksan ang boses upang makuha ang atensyon ng propesor na abala sa pag-aaral ng leksyon.

“Kawawa ang mga magulang mo sa’yo, Tiffany, imbes na sulitin mo ‘yong binabayad nilang napakalaking tuition, lumalandi ka lang sa paaralang ito!” pangaral ng kaibigan niya na ikinataas ng kaniyang kilay. 

“Alam mo, mas kawawa ka kapag hindi ka tumigil d’yan! Umalis ka na nga! Kung gusto mo pumasok sa klase, edi pumasok ka! Dinadamay at pinakikialaman mo pa ako!” sigaw niya rito dahilan para siya’y tuluyan nitong iwan sa tambayang iyon.

Mag-aaral sa isang sikat at mamahaling paaralan ng kolehiyo ang dalagang si Tiffany. Kahit na may kamahalan ang matrikula na binabayaran ng kaniyang mga magulang para lamang siya’y makapasok dito, ni minsan, hindi niya naisip na ito’y panghinayangan.

Imbes na siya’y mag-aral nang mabuti, puro kalokohan lamang ang ginagawa niya rito. Kung hindi siya liliban sa klase at tatambay lang kung saan kasama ang mayayaman niyang barkada, magpapasama siya sa mahirap niyang kaibigan na iskolar sa paaralang iyon na tinuturing niyang alalay upang pagmasdan lang ang gwapong propesor na gusto niyang makuha. 

Advertisement

Kampante siyang kahit anong gawin niya, masosolusyunan ng kaniyang mga magulang gamit ang kanilang pera. Sinusundan niya ang gwapong propesor na iyon kahit saan pa ito magpunta noong araw na iyon at wala nang mas sasaya pa sa kaniya nang siya’y mapansin nito habang ito’y nagkakape sa kanilang cafeteria.

“Ms. Tiffany, ‘di ba?” sabi nito na ikinagulat niya.

“Kilala mo ako?” kinikilig-kilig niya pang sabi saka agad na tumabi sa kinauupuan nito.

“Oo naman, maraming nakakakita sa ginagawa mong pagsunod-sunod sa akin. Alam mo, mas maiging itigil mo na ‘yang ginagawa mo dahil pamilyado na akong tao. May makikilala kang lalaking para sa’yo talaga. Ngayong bata ka pa, itutok mo muna ang sarili mo sa pag-aaral dahil ang pag-ibig, kusa yang dadating sa’yo. Manghinayang ka rin sa perang pinaghihirapan ng mga magulang mo para mapag-aral ka sa ganitong klaseng paaralan,” tuloy-tuloy na pangaral nito sa kaniya na talagang ikinabigla at ikinadurog niya.

Dahil sa pag-uusap nilang iyon, tuluyan na niyang tinigilan ang pagsunod-sunod o kahit ang pagpapantasiya sa propesor na iyon. Napagtanto niya ring tama ang mga pangaral nito dahil bukod sa mali talaga ang ginagawa niyang pagpupumilit sa pag-ibig, kaniya pang naa*buso ang paghihirap ng kaniyang mga magulang sa pagtatrabaho.

Kaya naman, simula noon, siya’y nagpasiyang mag-aral nang mabuti. Hirap man siya sa mga leksyong pinag-aaralan nila, hindi ito naging rason upang lumiban siya sa klase. Bagkus, ito ang naging dahilan para siya’y magsunog ng kilay kasama ang iskolar niyang kaibigan na ngayo’y nagbibigay ng malaking tulong sa kaniya. 

Ilang taon lang ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakapagtapos ng pag-aaral na talagang ikinasaya ng kaniyang mga magulang.

Wala na siyang sinayang na panahon at agad nang nagtrabaho sa sarili nilang kumpanya. Binigyan niya rin ng trabaho ang kaibigan niyang si Ange roon dahilan para labis itong nagpasalamat sa kaniya.

Advertisement

“Kung pinagpatuloy ko ang pagsunod-sunod sa propesor na iyon, siguro hanggang ngayon, nasa paaralan pa rin ako at umaasang mapapansin no’n. Salamat naman, nabura sa pagkatao ko ang pagiging pasaway,” sabi niya sa sarili habang nagtatrabaho kasama ang kaniyang kaibigan.

“Oo nga, eh, kung nangyari ‘yon, wala akong magandang trabaho ngayon na tumutugon sa pangangailangan ng pamilya ko sa probinsya,” nakangiting tugon nito na talagang nagpataba pa lalo sa puso niya.

Wala pa man siyang natatagpuang lalaking iibigin ngayon, maraming tao naman siyang napapasaya at natutulungan ngayon.