Bumiyahe ang Binatang Ito Kahit May Bagyo para Mapagyabang ang Bagong Motorsiklo, Pinagsisihan Niya Ito nang Husto

“Tingnan mo naman, pare, kung gaano kapogi ang bagong bili kong motorsiklo!” pagyayabang ni Jayson sa kaniyang kaibigan na sinadya niya pa talaga sa bahay nito.

“Hindi ka na talaga maabot, Jayson! Grabe, ito ang pinakabagong labas na motorsiklo ngayon, hindi ba? Diyos ko! Kagabi ko lang ‘to pinagpapantasiyahan tapos mayroon ka na pala nito!” tuwang-tuwa sabi nito habang iniikutan ang kaniyang motorsiklo.

“Syempre, kilala mo naman ako, hindi ba? Hindi ako nagpapahuli! Binayaran ko nga ng cash ‘yan, eh, kahit hinuhulug-hulugan ko pa ang kotse ng nanay ko,” sambit niya pa habang nakangisi.

“Talaga? Hindi ba’t kulang-kulang dalawang daang libong piso ito?” pang-uusisa pa nito.

“Oo, kayang-kaya ko naman, eh. Ang ganda kaya ng trabaho ko sa Maynila!” wika niya na ikinailing nito sa tuwa.

“Baka naman pupwede mo akong isama sa trabaho mo, pare, gusto ko ring makabili niyan kahit installment!” hiling pa nito na ikinangiti niya rin.

“Tingnan natin, balitaan kita, ha? Ikaw kasi, eh, dakilang palamunin na, babaero pa! Igagala ko lang ‘to ngayon para mapainit ko ang makina,” paalam niya na bahagyang ikinakunot ng noo nito.

“Mag-ingat ka naman sa sinasabi mo! Teka lang, may pagdating na bagyo mamaya, pare, hindi mo ba nabalitaan? Baka mapurnada agad ‘yan!” sabi nito na ikinatawa niya.

Advertisement

“Sa ganda ng motor ko, kailangan ko bang matakot sa bagyo?” pagyayabang niya pa saka agad na pinaharurot ang naturang motorsiklo.

Agad na pinagyayabang ng binatang si Jayson ang kahit ano mang bagay o tagumpay na kaniyang naabot. Halos ipagsigawan niya na nga sa buong mundo ang mga tagumpay na naaabot niya dahil bukod sa panay post niya sa social media, may pagkakataon pang pumupunta siya sa bahay ng kaniyang mga kaibigan, at kaanak para lamang ipagmalaki ang kaniyang mga natatamasang tagumpay.

Kung tutuusin, wala naman talagang mali sa ginagawa niyang pagmamalaki sa tagumpay na kaniyang naabot. Kaya lang kasi, minsan, kinukumpara niya pa ang buhay niya ngayong matagumpay sa kaniyang mga kaibigan at kaanak dahilan para marami ang mainis sa kaniya.

Katulad na lang ng ginawa niya sa kaibigan ngayong may bago siyang biling motorsiklo. Kahit pa pinigilan na siya nito sa balak na paggagala, siya’y nagtuloy-tuloy pa rin para lamang muling makapagyabang sa social media. 

Sa katunayan, simula nang makalabas siya sa kanilang siyudad, agad na siyang nagpasiyang mag-live sa kaniyang social media account habang bumibiyahe patungong Tagaytay.

Marami man siyang nababasang komento na nagsasabing mas maiging ipagpabukas niya na lang ang gagawing pagpapainit ng makina, siya’y nagtuloy-tuloy pa rin. Sabi niya pa, “Kayang-kaya ng motor ko ang darating na bagyo! Huwag kayong mag-alala!”

Katulad ng plano niya, matagumpay nga siyang nakarating sa Tagaytay na muli niya na naman niyang pinagmalaki. “Sa mga nagsasabi riyang hindi ako makakarating dito, maiyak kayo sa inggit ngayon!” sigaw niya sa kaniyang live habang tumawa-tawa pa.

Kaya lang, hindi pa man siya nakakapunta sa kainang kaniyang gustong kainan, siya’y nakaranasa na ng matinding pag-ulan at malakas na hangin na talagang nagpatumba at gumasgas sa kaniyang motorsiklo.

Advertisement

Dito na siya nagpasiyang humanap muna ng masisilungan ngunit dahil nga may bagyo, halos lahat ng restawran doon o kahit panuluyan ay sarado at walang tao dahilan para siya’y makaramdam na ng pag-aalala at takot.

Sa isang mall siya nagpasiyang magpalipas ng bagyo. Sarado man ito, siya’y nakisilong muna sa harapan nito. Lamig na lamig man siya sa simoy ng hangin at ulan, tiniis niya ito hanggang sa tuluyan matapos ang bagyo.

Kitang-kita niya ang pinsalang nagawa ng naturang bagyo na talagang ikinatakot niya. Sandamakmak na puno ang nakatumba’t nakaharang sa daan, at mga bahay na sira-sira.

Wala na siyang sinayang na oras noong panahong iyon at siya’y agad nang nagpsiyang bumiyahe pauwi. May mga baha man siyang nadaan, nilusong na niya rito ang bagong motorsiklo dahil sa kagustuhan na niyang makauwi. Kaya lang, habang siya’y mabagal na nagpapaandar ng motorsiklo sa gitna ng hanggang tuhod na baha, naramdaman niyang palalim nang palalim ang baha na talagang nagpatirik sa kaniyang sasakyan.

“Diyos ko! Pauwiin mo na ako!” sigaw niya dahil sa pagkainis.

Inakay niya ang motorsiklo niya hanggang sa siya’y tuluyan nang makauwi. Pagod na pagod siyang humiga at umiyak dahil agad na nasira ang motorsiklong pinaggastusan niya.

“Kung hindi lang sana ko nagyabang maigi, sana, maayos at bagong-bago pa rin ang motorsiklo ko!” pagsisisi niya.

At dahil nga wala na siyang pera, ilang linggo pa ang lumipas bago niya ito napagawa. Sa puntong iyon, napagpasiyahan niyang huwag nang masyadong magyabang dahil siya’y nakakaranas ng matinding karma.