Sabi ng Dalaga, Nag-Iinarte Lang Daw ang Nanay Niyang Naghihingalo; Pinili Niya pang Makipag-Date Kaysa Puntahan Ito

“Hoy, Lei, nasaan ka na ba? Naghihingalo na ang nanay mo, nasa galaan ka pa!” sermon ni Toto sa pinsan niya sa pamamagitan ng pagtawag sa selpon nito, isang gabi nang iwan nito sa kaniya ang matanda.

“Ano bang pinagsasasabi mo riyan? Ang lakas-lakas pa niyan kanina, eh, bakit biglang maghihingalo? Nag-iinarte lang ‘yan! Lagi ‘yang gan’yan kapag nararamdaman niyang wala ako sa tabi niya!” inis na inis na sagot ni Lei habang nagkukunwaring masaya sa harap ng foreigner na ka-date.

“Hindi nag-iinarte ‘tong nanay mo, Lei, sadyang hindi na talaga siya makahinga! Isusugod na namin ‘to sa ospital!” sabi pa nito na lalo niyang ikinainis.

“O, sige, isugod niyo, basta kayo ang magbabayad, ha? Sinabi na ngang nag-iinarte lang ‘yan, eh!” giit niya pa saka nagpasiya nang lumayo sa binatang nagtataka na bakit siya nasiyaw. 

“Iba na ang itsura ng nanay mo! Umuwi ka na rito bago mo pa pagsisihan ang lahat!” payo nito na hindi niya inintindi.

“Uuwi naman ako, eh! Huwag niyo nga akong agarin! May ka-date akong foreigner ngayon! Kapag ‘to, nautakan ko, ang nanay din naman ang makikinabang!” bulyaw niya pa sa pinsan saka agad na binaba ang tawag. Isinarado niya rin ang selpon upang huwag na siyang maistorbo ng mga ito.

Simula noong bata pa si Lei, malayo na ang loob niya sa kaniyang ina. Nasaksihan man niya kung paano ito maghirap simula nang hiwalayan ito ng kaniyang ama, ni minsan, hindi siya nakaramdam ng awa rito.

Alam niya kasing ito ang dahilan kung bakit nasira ang kanilang pamilya dahilan para palagi niyang isaisip, “Dapat lang sa’yong magdusa! Karma mo ‘yan sa lahat ng mga kababuyang ginawa mo alang-alang sa pera!”

Advertisement

Pero dahil nga siya lamang ang tanging anak nito, ngayong baldado na ito at may malubhang sakit, walang ibang mag-aalaga rito kung hindi siya lamang dahilan para labis siyang mainis sa problemang hatid nito.

Pakiwari niya pa, palagi itong nag-iinarteng kinakapos ng hininga upang siya’y mag-alala. Kaya naman lagi niyang sabi rito, “Huwag kang mag-inarte, kahit kailan hindi ako mag-aalala sa’yo!”

Kaya naman, nang siya’y tawagan ng kaniyang pinsan noong gabing iyon, kahit na katiting na pag-aalala, wala siyang naramdaman. Sigurado siya na nag-iinarte lang ang kaniyang ina at hindi lang sanay ang mga kaanak nila na ganoon ang kaniyang ina.

Sabi niya pa bago bumalik sa lamesang pinagkakainan nila ng ka-date na foreigner, “Masamang damo ‘yon, baka mauna pa akong sumakabilang buhay dahil sa pagkainis sa kaniya, eh!”

Pagkabalik niya sa lamesang iyon, tuluyan na niyang nalimot ang ina. Masaya lamang siyang nakipagkwentuhan sa binata habang hawak-hawak ang mga kamay nito at lalo pa siyang sumaya nang yayain siya nitong mag-motel.Kinabukasan, nagising na lang siyang wala na ang foreigner na iyon. Nag-iwan lang ito ng tatlong libong piso sa lamesa dahilan para labis na mag-init ang ulo niya.

Habang nag-aayos ng sarili, napagdesisyunan niyang buksan na ang kaniyang selpon at laking gulat niya nang mabasa ang mensahe ng kaniyang pinsang si Toto.

“Wala na ang nanay mo. Nandito na kami sa punerarya,” na nagpatigil ng pagtibok ng puso niya. 

Dali-dali siyang nagpunta roon at nakita niya na lang na nilalagay na sa kabaong ang kaniyang ina.

Advertisement

Alam niyang galit siya rito pero hindi niya napigilang maiyak nang makitang wala na itong buhay.

“Hindi siya nag-iinarte lang, Lei. Iyong mga pagkakataong kinakapos siya ng hininga, iyon ang mga panahon na nilalaban niya ang buhay niya. Gusto niya raw kasing makabawi sa’yo bago siya mawala. Sinabi niya ‘yon sa akin pagkahatid mo sa kaniya sa bahay kanina,” sabi pa ng pinsan niya na talagang ikinadurog ng puso niya.

Gusto man niyang muling buhayin ito upang maparamdam niya rito kung gaano niya ito kamahal, wala na siyang ibang magawa kung hindi ang iiyak na lamang ang lahat ng pagsisising nararamdaman. 

“Kung pinatawad lang sana kita bago ka mawala, sana napasaya kita sa mga huling oras mo rito sa lupa. Salamat, mama, at pasensya ka na dahil nawala ka sa mundong ito nang may sama ng loob at malungkot,” bulong niya sa ina, ilang minuto bago ito tuluyang tabunan ng lupa.

Simula noon, palagi na niyang pinagdarasal ang ina. Hindi man niya ito naalagaan nang maayos noong nabuhuhay pa ito, inaalagaan niya naman ito sa panalangin ngayon upang tuluyang makasama ang Diyos.

“Ikaw nang bahala sa kaniya, pakisabing mahal na mahal ko siya,” panalangin niya habang nakamasid sa mga gamit na naiwan nito.