Isa Siyang Hamak na Utusan Kaya’t Kay Bilis Lang Siyang Pinalitan Noon ng Nobya; Magbago Kaya ang Lahat Ngayong Sikat na Siyang Artista?

“Salamat sa pagpunta,” nakangiting kausap ni Joseph sa isang tagahanga na nagpapirma sa kaniya.

“Thank you rin.”

Kinikilig na tugon ng babae saka sumabay sa daloy ng iba pang fans na tapos nang magpapirma kay Joseph at sa kasama niyang babaeng artista.

Kaninang alas dyes ng umaga pa nagsimula ang pagpapapirma ng kanilang mga pumuntang fans. Alas dos na ngayon ng hapon ay hindi pa rin sila natatapos at mukhang hindi man lang nababawasan ang mga taong nakapila. Nakakaramdam na ngayon ng pagkahapo si Joseph at ang kaniyang ka-loveteam na si Bernadeth.

“Kaya pa?” ani Bernadeth, habang may malapad na ngiti sa labi.

Ngumiti na lamang si Joseph at saka muling hinarap ang fan na nakatayo sa kaniyang harapan ngayon, may dalang maliit na notebook upang magpapirma sa kaniya. Nang tuluyang maaninag ang mukha ng babae’y biglang nanlaki ang kaniyang mga mata sa labis na pagkabigla.

“Hi, magandang araw sa’yo, Joseph,” bati ng babae sa kaniya.

May matamis na ngiti sa labi siyang binati ng babaeng kahit ilang taon na ang nagdaan ay hindi niya pa rin nakalilimutan.

Advertisement

“C-cristal?” aniya. Nauutal at ‘di malaman ang gagawin o sasabihin.

“Matagal na rin mula noong huli tayong nagkita, Joseph,” anito. “Sino’ng mag-aakalang isa ka nang sikat na artista ngayon?”

Gusto niyang ngumiti pero hindi niya magawa. Biglang rumagasa ang alaala sa kaniyang isipan na matagal na niyang nais kalimutan, ngunit nahihirapan siyang gawin.

Si Cristal ang kaniyang unang pag-ibig, at ito rin ang pinangarap niya noong maging asawa’t maging ina ng kaniyang mga magiging anak. Ngunit ang lahat ng pinangarap niya noon ay biglang naglahong parang bula nang masaksihan niya ang panlolokong ginagawa nito walong taon na ang nakalilipas.

Nagtatrabaho si Joseph bilang isang boy sa kainan ng Binondo. Ang trabaho niya roon at taga-hugas ng pinggan, taga-linis ng mga pinagkainan ng kustomer, taga-linis ng buong kainan at sa kaniya rin nakatoka ang pagde-deliver ng inorder ng mga kustomer.

Isang maulang tanghali ay may tumawag sa kainan nila, umorder ito ng pagkain at nagbilin na ihatid mismo sa condo unit nito. Nag-iwan ng numero ng telepono, at ang pangalan ay Vern, upang mas mapabilis ang paghahanap kung sakaling mahirapang hanapin ang condo unit. Bilang trabaho niya ang maghatid ng pagkain ay siya na mismo ang naghatid sa order na iyon.

Sa pagdating niya sa mismong condo unit ng kustomer ay agad niyang pinindot ang nakitang doorbell at naghintay na pagbuksan ng taong nasa loob. Sa pagbukas ng pintuan ay labis siyang nagulat sa nasaksihan. Hindi lalaki ang nagbukas sa kaniya ng pintuan, isang babae at ang masaklap, ang babaeng iyon ay ang kaniyang pinakamamahal na si Cristal.

Gaya niya’y nagulat din itong makita siya. Ano’ng ginagawa ng nobya roon? Nasagot ang lahat ng katanungan sa kaniyang isipan nang magsalita ang lalaki sa loob, ito marahil si Vern.

Advertisement

“Babe, ‘yong in-order na ba natin iyan?” tanong nito.

“Oo, babe, nandito na,” sagot naman nito.

Gumuho ang buong mundo ni Joseph sa ginawa ni Cristal sa kaniya. Noong sinita niya ito ay wala man lang itong kahit kaunting pagsisisi sa sarili bagkus ay buong pagmamalaki at walang panghihinayang na inamin sa kaniya ni Cristal na matagal na siya nitong niloloko at totoong hindi na siya mahal ng nobya. Humahanap lamang ito ng tamang pagkakataong makipaghiwalay sa kaniya.

Siya lang pala ang nangarap na makasama ito hanggang sa pagtanda nila, siya lang pala ang nagmamahal rito nang labis. Kaya simula noong araw na iyon ay mas nagsumikap pa si Joseph sa buhay, hanggang isang araw ay may nakadiskubre sa kaniyang talent at inalok siyang mag-artista, na agad naman niyang tinanggap.

Hindi naging madali ang buhay niya bilang artista. Marami rin siyang pinagdaanang hirap bago narating ang kasikatan, at isa si Cristal sa naging inspirasyon niya upang mas pagyamanin ang sarili. Gusto niyang magsisi ito sa ginawa noon sa kaniya.

“Congratulations sa mga narating mo, Joseph. Isa ako sa mga taong labis na humahanga sa’yo,” ani Cristal.

Tama! Isa si Cristal sa naging inspirasyon niya upang mas magsikap at marating ang kaniyang mga pangarap. Ngunit kumpara sa nais niyang mangyari noon na pagsisihan nito ang ginawa sa kaniya’y hindi na iyon ang gusto niyang mangyari ngayon.

Masaya siyang nagkita silang muli at masaya siya dahil mukhang kagaya niya’y masaya rin ang babae sa kung ano man ang mayroon sa buhay nito ngayon.

Advertisement

“Salamat sa pagpunta, Cristal,” aniya.

Tumayo saka niyakap ang dating nobya. Wala nang sakit ng nakaraan. Wala nang paghihiganti at bigat sa puso niya. Basta ang alam niya sa ngayon ay pareho silang masaya sa kung saan man sila inilagay ng Panginoon sa kaniya-kaniya nilang mga buhay.

“Namiss kita,” dugtong niya.

Matamis na ngumiti si Cristal. “Ako rin, namiss kita,” tugon nito.

Hindi kailangang maging magkagalit ang dating magkarelasyon. Masakit man ang nangyaring paghihiwalayan, kahit papaano’y may pinagsamahan kayo at dati niyong minahal ang isa’t-isa. Karapatan mong paghilumin ang sugat, ngunit huwag habambuhay na mamuhi sa dating minahal. Mas masarap mabuhay na wala kang dinadalang bigat sa dibdib.