Bagong Lipat ang Mag-asawa ng Bahay Nang May Marinig na Misteryosong Kaluskok sa Bakuran; Kinilabutan Sila sa Natuklasan

Tok tok tok!

“Ay hon may kumakatok, pagbuksan mo muna dali!” sabi ng asawang si Marco kay Lyn. Bagong lipat lang silang mag-asawa sa bahay na iyon kaya’t abala sila sa pag-aayos ng mga gamit.

Mabilis naming tumalima si Lyn at bahagyang nagulat nang mapagbuksan ng pinto ang isang babaeng nakangiti.

“Hi! Ako nga pala si Nina, kapitbahay niyo. Pinaaabot nga pala ng papa sa inyo,” sabi ng magandang babae sabay abot ng isang pakete ng tsaa na mukhang mamahalin.

Nagpasalamat si Lyn sa babae at napag-alamang ito ang tanging anak na kasama ng may-ari ng katabi nilang malaking bahay. Natuwa naman ang mag-asawa dahil mukhang mababait ang kanilang kapitbahay.

Kinagabihan, pagod na pagod kaya’t kapwa sila nakatulog agad ng mahimbing. Ngunit naistorbo ang kanilang pahinga ng may marinig na ingay mula sa bakuran.

“Hon, hon. Naririnig mo ba ‘yon?” tanong ni Lyn sa asawa sabay marahang yugyog sa balikat nito. Umungol lang si Marco at sinabihan siyang matulog na lang at baka galang pusa lang.

Kinabukasan ay pumunta si Lyn sa kapitbahay at kumatok sa malaking gate. Naghanda din siya ng kakanin para naman masuklian ang pag-welcome nito sa kanilang mag-asawa. Ang nagbukas ng gate ay isang matandang hardinero na walang kangiti-ngiti.

Advertisement

“A-ahm, magandang umaga ho… nandyan ba si Nina? Ah, bagong lipat po kami d’yan sa kabila, dun po sa may malawak na bakuran. Eto ho’t may kaunting akong hinanda, paki-abot na lang po,” nag-aalangan na sabi ni Lyn sa matanda. Walang imik na kinuha lang nito ang pagkain at saka tumalikod at isinara ang gate.

Lumipas ang mga araw, napag-alaman ng mag-asawa na apat lang pala ang nakatira sa kabilang bahay. Ang mabait na Don ngunit may sakit na dahil sa katandaan, ang katulong, ang hardinero na si Mang Ambo na matagal na sa serbisyo, at ang 28 anyos nitong anak na si Nina. Wala pang asawa ang dalaga at mukhang ito ang nag-aalaga sa ama nito.

“Ah oo. Wala na kasi sila Kuya eh, nagsipag-abroad at nagsipag-asawa na. Kaya ako ang naiwan kay papa,” isang beses ay kwento ni Nina kay Lyn nang ito ay bumisita muli sa kanilang bahay. Nabanggit ni Lyn sa dalaga na nagpaabot siya ng pagkain noong nakaraan, ngunit isang matandang hardinero ang nagbukas sa kaniya ng gate.

“Ay naku, huwag mong pansinin si Mang Ambo. Ganun talaga yun, walang kibo. Parang parang laging may tinatagong sikreto,” sabi ni Nina atsaka tumawa pa. Magaang naman ang loob ni Lyn sa palakaibigang dalaga kaya’t gustong-gusto niya kapag bumibisita ito sa kanila. Napag-alaman niyang nurse din pala ito kaya’t nagpresinta na na personal na tumingin sa kalusugan ng ama nito.

Maayos naman ang naging takbo ng buhay nilang mag-asawa, pwera sa panaka-nakang pagkaistorbo ng tulog ni Lyn dahil sa kaluskos sa bakuran. Isang madaling araw ay hindi na siya mapakali kaya’t nagpasya siyang bumangon sa higaan at sumilip sa bintana. Nagsitayuan ang balahibo niya nang maaninag ang anino ng isang tao. Agad ginising ni Lyn si Marco at kinwento ang nakita. Dahil nag-alalang baka magnanakaw iyon ay kumuha ng batuta si Marco habang bitbit ni Lyn ang flashlight at pumunta sila sa bakuran. Nang buksan nila ang ilaw sa labas ay tila naalerto ang tila magnanakaw at may narinig silang kalampag sa bakuran at mga yabag ng isang taong kumaripas ng takbo.

Kinabukasan ay napag-alaman ng mag-asawa na may nakawan ngang naganap, hindi sa kanilang bahay kung hindi sa malaking bahay sa kabila.

“Satin-satin lang Lyn ha?” bulong sa kaniya ni Nina sa nag-aalalang boses. “Nawawala ang mga alahas ni papa, pati na rin mga maliliit na gold bars na nakatago sa vault niya. Dati eh maraming pera na rin ang nawala sa kaniya, ewan ko lang ha… pero pinaghihinalaan ko na yang si Mang Ambo eh.” Napaisip naman si Lyn sa sinabi ng dalaga. Madalas nga ay makita niya si Mang Ambo na laging seryoso ngunit tila laging nakamatyag.

Lumipas naman nang matiwasay ang ilang linggo hanggang sa muli’y isang madaling araw ay naramdaman na naman ni Lyn ang kaluskos sa bakuran. Napag-usapan na nilang mag-asawa ang gagawin kapag muling bumalik ang magnanakaw. Tahimik silang tumawag ng tanod at guard sa subdivision at saka gugulatin ang magnanakaw para tiyak na mahuli ito. Nang handa na ang lahat ay maingat na lumapit ang mag-asawa sa bakuran. May naririnig silang tila pagtama ng bakal sa lupa – may naghuhukay.

Advertisement

Kinikilabutan man, sabay na kumilos ang dalawa. Nariyan na raw sa labas ang mga tanod kaya’t ayon sa plano ay biglang binuksan ni Lyn lahat ng ilaw sa bahay habang si Marco naman ang bahalang humabol sa magnanakaw. Nagulat silang lahat nang biglang buksan ang ilaw pati na sa bakuran at makita ang isang pigura na nakaitim, may hawak itong pala at ang hinuhukay nito – ilang bag ng mamahaling alahas, gold bars, at salapi!

Mabilis na kumaripas ng takbo ang magnanakaw ngunit dahil handa ay nahuli ito ni Marco at ng mga tanod. Gulat na gulat silang lahat nang matanggal ang nakatakip sa mukha at makilala ito. Si Nina! Ang mabait na kapitbahay na anak ng Don!

Hindi makapaniwala si Lyn sa nakita. Dinala sa police station ang dalaga at doon ipinagpaliwanag.

Napag-alaman na lang ng mag-asawa na ito pala ang salarin sa lahat ng nakawan sa sarili nitong pamamahay. Pati si Mang Ambo ay siniraan nito sa ama para lang mapagtakpan ang kri*men. Iyon pala ay galit na galit ito sa pamilya. Ang mga kapatid ay kapwa masasaya na sa buhay habang ito ang naiwang nag-aalaga sa ama. Nang malaman ni Nina na pati ang manang maiiwan sa kaniya ay maliit kumpara sa matatanggap ng ibang kapatid ay nagsimula itong magplano na kupitan na ang ama. Ang tanging paraan na naiisip nito ay ibaon ang mga nakaw sa bakanteng bakuran sa tabi. Biglaan namang may ibang tao nang tumira doon, kaya’t hindi agad nakuha ni Nina ang mga ibinaon. Ngayon ay pabalik-balik ito sa bakuran upng muling kuhanin ang mga iyon. Malas nito dahil ang mga bagong kapitbahay pa pala ang magbubuking sa kagagawan nito.

Si Lyn naman ay sising-sisi dahil sa naging matabang na pakikitungo kay Mang Ambo. Pinaghihinalaan na niya kasi ito noon. Ang totoo pala ay inosente ito sa lahat ng pangyayari. Natutunan ng mag-asawa na huwag basta-basta manghusga ng mga tao base sa kanilang hitsura, lalong-lalo na kung base lang din sa mga kwento-kwento ng iba.