
Laging Kinukupit ng Katulong ang Bayad Sana sa Basurero; Muntik Nang Pulutin sa Kangkungan ang Ganid na Babae nang Malaman Ito ng Mayamang May-ari
“Oh Mang Emil, bayad mo raw,” sabi ni Menchin sabay abot sa basurerong si Mang Emil ng buong singkwenta pesos.
“Ah salamat, Menchin. Naku kung maaari lang ay pwede bang makahingi ng tubig?” sabi ng matanda sa kaniya.
“Naku wala! Napaka naman nitong matandang ito, oo!” masungit na sabi ni Menchin. Saktong dating naman ng kaniyang amo na si Don Francisco.
“Oh Emil! Naku kamusta?” magiliw na sabi ng 60 anyos na lalaki sa basurero.
Limang buwan pa lamang si Menchin sa trabaho kaya ‘di niya alam kung ano ang relasyon ng dalawang matanda ngunit mukhang malapit ang mga ito sa isa’t isa. Tuwing darating ang Huwebes at mangongolekta ng basura si Mang Emil, laging itong pinaaabutan ni Don Francisco ng isang libong piso. Napakalaki niyon kung bayad lang sa pagkuha ng mga basura. Kaya’t si Menchin ay kinukupitan ang Don at imbes na isang libo ay hamak na singkwenta pesos lamang ang nakakarating sa pobreng matanda. Sa isip-isip niya ay malaki na nga iyon!
“Eto, ganun pa rin!” saglit na nagkamustahan ang dalawang matanda at iniwan niya muna ang mga ito para makapag-usap, hanggang sa natanaw niya mula sa bintana na nagpaalam na ang basurero.
Nang kasunod na Huwebes ay tuwang-tuwa na naman si Menchin dahil makakakupit na naman siya ng pera kay Don Francisco. Sakto naman na tinawag siya ng Don sa kwarto nito. Binilinan na lang siya nito dahil umaatake na naman kasi ang sakit nito kaya hindi ito makakabangon ng araw na iyon para makalabas at makipagkwentuhan sa kaibigang basurero. Nagulat si Menchin nang iabot nito ang lilibuhing pera.
“Oh Menchin, ibigay mo muli kay Emil ang isang libo, tapos ang iba ay ilagay mo sa isang sobre at ipuslit na lamang sa kaniyang kaha, malamang kasi ay hindi niya iyan tatanggapin kung iaabot mo lahat.” Opo at tango lamang ang sagot ni Menchin at paglabas ng kwarto ng Don ay dali-daling pumasok sa kaniyang kwarto. Natatarantang isinilid nito ang lilibuhing pera sa pitaka at saka humugot doon ng singkwenta pesos.
Tumunog na nga ang doorbell at doon nag-aabang si Mang Emil ng basura. Nakataas ang kilay na inabot ni Menchin ang singkwenta pesos dito at nang makitang mukhang wala pa itong balak umalis ay parang aso itong tinaboy.
“Nandyan ba si Pikoy?” tanong ng matandang tila ba wala ang karaniwang sigla at ngiti na nagpapakita ng bulok-bulok nitong ngipin.
“May sakit ang Don! Bawal kausapin,” sabi niya lang at nandidiring tumingin sa maduming hitsura ng matanda. Lumo na umalis si Mang Emil ngunit walang pakialam si Menchin dahil ang isip niya ay sa libuhing pera na nakaipit ngayon sa kaniyang pitaka. Hindi niya mapigilang magtaka kung bakit kaya sobrang laki ng binigay ng Don ngayon. Ngunit tinanggal niya iyon sa isip, ang mahalaga Jackpot siya ngayon!
Ilang Huwebes ang lumipas na libo-libo ang binibigay ng may sakit na Don kay Mang Emil, ngunit ilang lingo na ring hindi nagpapakita ang basurero. Dahil sa pagkaganid ay hindi iyon binaggit ni Menchin sa amo, bagkus ay panay tanggap lang siya ng pera dito.
Hanggang isang araw may isang binata na nagpakilalang anak daw ni Mang Emil, dito niya inabot ang singkwenta pesos na bayad.
“May sakit ho si tatay kaya’t ako na po ang maghahakot ng basura simula ngayon,” sabi ng magalang na binata.
Nagulat si Menchin nang biglang marinig ang boses ng Don sa likuran, akala niya ay nakaratay pa rin ito sa kama nito.
“Napano kamo si Emil?” tanong ni Don Francisco na nakaupo sa wheelchair tulak ng nurse nito.
“Eh hirap na po maglakad dahil sumasakit ang tagiliran dahil sa ulcer niya. Kayo po ba si Don Francisco? Nangangamusta po si tatay. Lagi niya po kinukwento na kayo ang pinakamalaki magbigay, karaniwan ho ay bente lang ang bayad sa amin kada bahay, sa inyo ay singkwenta pesos, salamat po ng marami,” nakangiting sabi ng binata sa Don.
“Ano kamo?! Singkwenta pesos? Menchin alam mong lilibuhin ang ipinaaabot ko kay Emil lingo-linggo, anong ibig sabihin nito?!” galit na galit na sabi ng Don.
Halos matulos naman sa kinatatayuan si Menchin nang mabunyag ang kaniyang pangungupit. Sinubukan niya pang magpaliwanag ngunit walang lumalabas na salita mula sa kaniyang matabil na bibig.
“Alam mo bang malaki ang utang na loob ko kay Emil?! Ang ama niya ay kababata ko na palaging inuuna ang kapakanan ko kaysa sa sarili niya! Lumayas ka ngayon din sa bahay na ito! At kung ayaw mong makulong ay iwan mo ang lahat ng perang kinupit mo!” pinal na sabi ng Don na hinihingal na sa galit.
Pahiyang-pahiya sa sarili si Menchin. Sa takot na makulong ay iniwan niya ang lilibuhing pera sa kama at saka halos patakbong lumabas ng malaking bahay. Ang akala ng ganid na katulong ay malulusutan niya ang ginawang kasalanan, hindi niya inaasahan na ganoon pala ang kwento sa pagitan ng dalawang matanda kaya lubos ang galit nito sa kaniya.
Ang totoo ay malupit ang ama ng Don, bata pa lang ay laging parusa ang abot nito sa mumunting pagkakamali. Dahil magkaedad sila ni Emil na anak ng silbidor nila ay naging magkaibigan ang dalawa. Tapat na kaibigan si Emil, madalas ito pa anga ang sumasalo ng palo para sa mga kalokohan ng Don. Nang bumagsak ang kompanya ng ama ni Don Francisco noon ay kinailangan nilang tanggalin sa trabaho lahat ng silbidor at hindi na sila nagkita pa ni Emil. Nang magkita sila muli ay matatanda na, at ang pagbibigay ng tulong pinansyal na lang ang nakikitang paraan ni Don Francisco para man lang matulungan ang kababatang naghihirap sa buhay.
Tila hinabol ng karma dahil ang sunod na naging amo ni Menchin ay napakakuripot, minsan ay masakit pa magsalita at napakahigpit. Lubos man siyang magsisi sa nagawa noon ay hindi na siya makakabawi. Ang tanging magagawa niya na lamang ay matutunan na mas mahalaga ang tiwala ng tao kaysa sa nakakasilaw na salapi.