Inday TrendingInday Trending
Pasarap sa Buhay at Puro Pagbubulakbol ang Inaatupag ng Binata; Labis ang Pagsisisi Niya nang may Madiskubre Tungkol sa Magulang

Pasarap sa Buhay at Puro Pagbubulakbol ang Inaatupag ng Binata; Labis ang Pagsisisi Niya nang may Madiskubre Tungkol sa Magulang

Nag-iisang anak lamang ng mag-asawang Berna at Dante si Gerald. Simple lang ang pamumuhay nila at madalas nagigipit pa.

Pilit iginagapang ng mag-asawa ang pag-aaral ng anak. Para sa kanila kasi, eto lamang ang kayamanang pwede nilang ipamana sa anak. Kaya’t kahit hirap na hirap na at kayod-kabayo kung magtrabaho, hindi na nila iniinda ito.

Bukod sa tamad, mabisyo at batugan ang anak, lingid sa kaalaman ng mag-asawa na suki pala ng cutting classes at bulakbol ang anak sa eskwela.

“Anak, kumusta na ba ang pag-aaral mo? Hindi mo na kasi naipapakita ang grades mo simula nung unang semester mo sa kolehiyo,” mahinahong tanong ni Dante.

“Ayos lang…” malamig na sagot naman ng binata.

“Gerald, ang tanda mo na, pero pagliligpit lang sa pinagkainan mo, hindi mo pa magawa?! Aba naman anak! Paano na lang kapag wala na kami ng tatay mo?” sermon ni Berna habang inaayos ang makalat na pinagkainan sa lamesa.

“E ‘di ‘wag ninyong ligpitin! Kaysa naman nagbubunganga kayo diyan,” pabalang na sagot ni Gerald.

“Aba ay tingnan mo itong batang ‘to! Saan ka natututong sumagot ha?!” galit na tanong ng ginang.

“Hay!” inis namang sabi ng binata at saka tumayo sa sofa at pumasok sa loob ng kwarto niya.

Napakasama talaga ng asal ng binata lalo na sa kaniyang ama’t ina. Ngunit parang maamong tupa naman ito kapag may hihingiin na o kailangan na ng pera.

“Tay, yung mga kaklase ko bago ang damit, cellphone at rubber shoes. Nakakahiya naman na paulit-ulit lang ang isinusuot ko, ‘di ba?” saad ni Gerald.

“S-sige, anak. Kapag naman nakaluwag-luwag tayo, mabibilhan kita ng gusto mong mga gamit. Sa ngayon kasi, gipit pa talaga. Magbabayad pa tayo ng matrikula mo sa eskwela,” paliwanag naman ng ama.

“Lagi na lang walang pera! Nakakabwisit na sa pamamahay na ‘to! Bakit ba kasi pinanganak akong mahirap e! Sana hindi niyo na lang ako pinag-aral, tutal hindi niyo naman maibigay yung mga gusto ko!” pagmamaktol pa ng binata sa ama.

Napailing na lamang ang si Dante sa naririnig. Hindi niya alam kung saan sila nagkulang na mag-asawa sa pagpapalaki sa anak at ganoon ang asal nito.

Kinabukasan maagang umalis si Dante upang umekstra sa trabaho. Halos inabot na ito ng gabi bago pa nakabalik.

Bakas sa mukha ng lalaki ang matinding pagod sa dumaang maghapon. Ngunit pinilit niyang ngumiti at sinabi sa anak ang magandang balita.

“Eto ang pera, anak. Pinilit kong kumita ng triple ngayon para sa’yo. Puwede ka nang bumili ng mga bagong damit at sapatos. Hindi ka na mahihiya pang makisama sa mga kaklase mo,” saad ng ama.

“Ah, sige. Buti naman ang nakagawa ka ng paraan. Magda-drop na sana ako kung hindi ka nagbigay ng pera e,” tugon naman ni Gerald.

“Bastos ka talagang bata ka!” bulyaw ni Berna sa narinig.

Tumalikod lamang si Gerald at saka muling pumasok sa kwarto na dala ang perang pinagpaguran ng ama sa maghapon. Hindi man lang nito kinumusta ang ama o nagpasalamat sa perang ibinigay.

“H-hayaan mo na, Berna. Ako na ang kakausap sa anak natin,” pagkalma naman ni Dante sa asawa.

Winaldas ni Gerald ang lahat ng perang ibinigay ng ama. Hindi siya pumasok sa klase at inaya ang barkada upang mamili ng mga luho sa katawan. Tila ba mayaman at nakaaangat sa buhay kung magyabang at umasta ito.

Nakipag-inuman pa ang binata at lasing na lasing na umuwi. Hindi inaasahang mabubundol siya ng rumaragasang motor. Lumipad siya sa ere at tumilapon ang katawan sa poste. Nagdilim na lahat noon ang kaniyang paligid at tuluyang nawalan ng malay.

Gumising si Gerald na puro benda ang katawan, masakit at bali ang ilang mga buto at kasalukuyang naka-confine sa ospital. Mapalad ang binata dahil hindi ganoon kalaki ang pinsala na tinamo sa katawan.

Ilang araw pa ay nakauwi din naman si Gerald. Napakalaki ng nagastos para lamang maipagamot siya. Wala siyang ideya kung paano nakalikom ng ganoon kalaking pera ang magulang maipagamot lamang siya.

“G-Gerald… nagpunta kami ng papa mo sa eskwelahan mo noong nakaraan upang ipagpaalam ang panandaliang pagliban mo dahil sa nangyari. Napag-alaman namin na dropped ka na daw sa mga subjects mo.

Bakit ganun, anak? Lahat ginagawa naman namin para sa’yo. Lahat ibinibigay namin, pero bakit nagpabaya ka pa rin? Anak, halos pat*yin na ng tatay mo ang katawan niya mabigyan ka lamang ng magandang buhay, pero bakit sinasayang mo?” umiiyak na sabi ng ginang.

Hindi naman makakibo si Gerald, dahil totoo ang sinasabi ng ina. Pero imbes na humingi ng paumanhin, galit pa ito sa magulang.

“E ‘di sana hindi niyo nalang ako ipinanganak! Puro kayo sumbat!” sigaw ng binata.

Naluha na lamang si Berna dahil sa nagaganap. Tila ba walang pagbabago si Gerald. Ang binata na ang may kasalanan, siya pa ang galit.

Hanggang isang araw… Itinakbo sa ospital si Dante. Hinimatay daw ito habang nagtratrabaho sa konstruksyon. Hindi na kasi kumakain ito upang makatipid lang at may ipambili ng gamot ng anak.

“Nalagay na sa alanganin ang buhay ng ama mo! Lahat ginawa niya para sa ikabubuti mo, Gerald. Pero matigas ang iyong ulo. Hindi ka man lang magpasalamat sa lahat ng ginagawa para sa’yo.

Sana maisip mo minsan na anak ka lang namin at matuto kang rumespeto! Ngayon, pumasok ka sa kwarto ng ama mo at tingnan mo kung ano ang nabili niya para sa kaniyang sarili, dahil lahat napunta sa’yo at sa luho mo!” galit na pahayag ni Berna sa anak bago ito umalis at magtungo sa ospital kung saan naka-confine ang asawa.

Naiwan na mag-isa si Gerald sa kanilang tahanan. Halo-halong emosyon ang nadarama niya. Awa para sa ama, konsensiya dahil sa mga nagawa, lungkot dahil sa mga maling nagawa at galit, galit hindi sa magulang kundi sa sarili, dahil hindi niya matanggap na mali siya.

Kinuha niya ang saklay at pumasok nga sa kwarto ng kaniyang mga magulang. Napaluha siya sa mga nakita.

Habang komportable siyang nakahiga sa malambot na kutson, natutulog ang kaniyang magulang sa matigas na papag at banig. Habang nagpapasarap siya sa lamig na dinudulot ng air cooler sa kaniyang kwarto, nagtitiis sa maliit na electric fan ang kaniyang ama’t ina.

Napalingon siya sa sira-sira at lumang damitan ng mga magulang. Dahan-dahan siyang lumapit at napahagulgol.

Isang pirasong t-shirt at isang pantalon lamang ang maayos na damit ng kaniyang ama. Ang iba ay puro kupas at halos naninilaw na sa kalumaan. Ang sapatos nito’y idinikit lamang dahil ngumanganga na sa sobrang luma.

Ang kaniyang ina nama’y may isang maayos na bag lamang, isang bestida at isang pares ng pang-alis na damit. Ang iba’y butas-butas na rin at luma na.

Habang ang binata’y nagpapakasaya at nilulustay ang perang pinaghirapan ng magulang para sa luho, ang nanay at tatay pala niya’y nagtitiis lamang sa kung anong mayroon para lamang sa kaniya.

Napakasakit na makitang walang kahit anong naipundar ang mag-asawa para sa mga sarili nila, mabili lamang ang mga luho ng anak, pero tanging pambabastos at pagbubulakbol lamang ang isusukli nito.

Napaupo at humagulgol na lamang si Gerald. Grabeng pagtitiis pala ang ginawa ng kaniyang nanay at tatay, pero napakawalang utang na loob pa niya.

Dali-dali siyang pumasok sa kwarto at binuksan ang laptop na regalo ng ama bago magkolehiyo. Dahil magaling siya sa mga digital artwork, nag-alok siya ng pag gawa ng mga ito kapalit ang maliit na halaga.

Habang nagpapagaling ay iyon ang pinagkaabalahan ni Gerald. Pinilit niyang kumita at makaipon. Kinausap rin niya ang mga magulang nang makalabas na ito sa ospital.

“Tay, nay… patawad po. Naging makasarili ako at bulakbol na anak. I’m sorry po. Alam kong ang daming pagkakamali ang nagawa ko, sana ay mapatawad niyo ako. Pangako, magiging mabuting anak na ako magmula ngayon,” naluluhang sabi ng binata.

“Mahal na mahal ka namin ng nanay mo, anak. Gusto lamang namin mapabuti ang buhay mo kaya lahat ay ginagawa namin para sa’yo,” tugon naman ng ama ni Gerald.

“Gusto kong magpasalamat din po sa inyo. Lahat na mayroon ako ngayon, dahil iyon sa inyo. Kaya nay at tay, maraming salamat sa pagmamahal at pag-intindi ninyo sa akin. Babawi ako, pangako po iyan,” sabi pa ng anak.

Yumakap ng mahigpit si Gerald sa kanyang mga magulang. Ang hindi alam ng mag-asawa ay may surpresa pa lang nag-iintay sa kanila.

Pagbukas nina Dante at Berna ng kwarto’y tumambad sa kanila ang bagong aparador na may mga bagong damit at sapatos. Mayroon din mga bag, sinturon at wallet.

“S-saan galing ito?” naluluhang tanong ni Dante.

“Nag sideline po ako ng pag gawa ng digital arts habang nagpapagaling. Gusto ko pong makabawi sa inyo kahit sa maliit na paraan. Para sa inyo po lahat ng iyan!” masayang sabi pa ni Gerald.

Nang tuluyang gumaling ang binata, bumalik siya sa eswekla at nagpursigi. Iginapang niya ang pag-aaral at sa awa ng Diyos ay naging maayos na ang takbo nito at nakatapos.

Ngayon, Operations Manager na si Gerald sa isang call center company. Nakabili na sila ng simpleng bahay kung saan may naipatayo siya negosyong kainan para sa ama’t ina.

Advertisement