
Mangkukulam daw ang Mag-amang ito, Sinunog ng Taong-bayan ang Kanilang Bahay Dahil Dito
“O, tatay, bakit ka humahangos?” tanong ni Kaymie sa kaniyang ama, isang hapon nang makita niya itong nagmamadaling pumasok sa kanilang bahay, “Te-teka, tatay, bakit may dugo ka sa ulo?” pang-uusisa niya pa nang mapansin ang dugo sa ulo nito.
“Magtago ka, dali!” tanging tugon nito saka siya dinapa sa ilalim ng kanilang papag.
“Bakit po ba tatay? Ano po bang nangyayari?” pang-uusisa niya maigi.
“Inaakala ng mga kapitbahay natin na mangkukulam tayo! Kilala niyo ‘yong kainuman kong nakaaway ko, hindi ba? Bigla raw nagdugo ang mata at ilong noon at tayo ang sinisisi! Kinulam daw natin ‘yon kaya nagkaganoon!” kwento nito sa kaniya dahilan upang mapakunot ang noo niya.
“Wala naman ‘yong katotohanan, tatay, ha? Paano naman nila nasabing mangkukulam tayo sa ganoong paraan?” tanong niya pa habang sila’y nakadapa pa rin ng kaniyang ama sa ilalim ng naturang papag.
“Nakita raw nila ang mga manika mo rito sa bahay,” sagot nito dahilan upang siya’y mapailing, dedepensa pa lang sana siya ngunit bigla na siyang hinala palabas ng kaniyang ama, “Mas mabuti sigurong lumikas na tayong dalawa, tiyak may masama silang balak. Halika na, dali, kuhanin mo lang ang mga importanteng gamit mo,” utos nito na agad niyang sinunod.
Sa piling ng kaniyang ama lumaki ang dalagang si Kaymie. Bata pa lamang siya noong mawala ang kaniyang ina dahil sa isang hindi malamang sakit sa balat. Simula noon, pinahalagahan niya maigi ang mga gamit na bigay nito lalo na ang mga manikang bunga ng dugo’t pawis nito sa pagsasaka.
Dahil nga sila’y naninirahan sa probinsya, hindi maiwasan ng mga taong bayan na sila’y pag-usapan dahil sa iba’t ibang tsismis na kumakalat tungkol sa kanilang mag-ama. Sa katunayan, may mga tao pa ngang nagsasabing kinulam daw ng kaniyang ama ang kaniyang ina upang maikasal sa isang duwende na magbibigay yaman sa kanila at imbis na magpaapekto, ginagawa na lang nila itong katatawanan ng kaniyang ama dahil ito’y pawang mga kasinungalingan. Ika niya, “Mahal na mahal ng tatay ko ang nanay ko. Saksi ako sa wagas niyang pagmamahal sa aking ina,” dahilan upang mas lumapit pa ang kaniyang loob sa ama.
Lumipas ang mga taon, tila nalaos ang kwentong bayan na iyon at nagsimula nang makipaghalubilo sa iba ang kaniyang ama. Ngunit ilang buwan lamang ang nagdaan, nasangkot naman ito sa away dahil sa pagbabalik ng isa nitong kainuman sa gawa-gawang tsismis sa likod nang pagkawala ng kaniyang ina.
At hindi nila inasahan ang sumunod na nangyari dahil bigla raw nilabasan ng dugo ang kaaway nito dahilan upang ito’y mabugbog at pagbantaan silang dalawa.
Noong hapon na iyon, pagkatapos niyang mailagay sa supot ang mga importante niyang gamit, agad na silang nagtago sa gubat sa likod ng kanilang bahay.
Maya maya lang, narinig na nila ang ingay ng mga taong bayan at kitang-kita niya kung paano liyaban ng mga ito ang kanilang munting bahay na punong-puno ng alaala ng kaniyang ina.
Wala siyang magawa kung hindi ang maiyak na lamang habang takip-takip ng kaniyang ama ang kaniyang bibig upang huwag umingay ang kaniyang paghikbi.
Ngunit wala pang limang minuto, lumaki na ang naturang sunog dahilan upang magtakbuhan ang mga ito at kumalat ang apoy sa kalapit na kagubatan kung saan sila nagtatago mag-ama dahilan upang sila’y muling tumakbo palayo hanggang sila’y mapadpad sa paanan ng bundok.
Mangiyakngiyak lang siyang nakayakap sa kaniyang ama habang hinihimas-himas nito ang kaniyang ulo.
“Ang hirap talaga maging mahirap, ano? Hindi natin magawang malinis ang pangalan natin kaya pasensiya ka na, anak, ha? Gipit na buhay ang naibibigay ko sa’yo,” iyak ng kaniyang ama dahilan upang lalo niya pa itong yakapin.
Nagising na lang siya kinabukasan nang marinig niyang may kausap ang kaniyang ama. Agad siyang napabalikwas nang makita ang lalaking kausap nito na nakasuot ng magarang kasuotan.
“Magandang umaga, hija, nabalitaan ko ang ginawang pagsunog sa bahay niyo na kumalat sa kagubatan, andito ako para tulungan kayo,” sambit nito dahilan upang siya’y mapangiti.
Doon niya nalamang ito pala ang kanilang mayor at isa sa mga layunin nito ang pagpepreserba ng kagubatan sa kanilang lugar dahilan upang magalit ito sa sunog na nangyari.
Tinulungan nga sila nitong muling maitayo ang kanilang bahay at bukod doon, sinigurado nito ang kanilang kaligtasaan sa mga taong bayan. Simula noon, muli na silang nabuhay nang payapa.