Inday TrendingInday Trending
Tanggap Pa Rin ni Mister Kahit Tatlong Beses Nang Nagpabalik-balik sa Piitan si Misis; Ano Kayang Magpapabago Rito?

Tanggap Pa Rin ni Mister Kahit Tatlong Beses Nang Nagpabalik-balik sa Piitan si Misis; Ano Kayang Magpapabago Rito?

“Pa, umuwi ka raw. Nasa gulo na naman si mama,” sabi ni Angela nang tawagan ang amang si Denis na nasa ibang bansa.

Napabuntong hininga na lamang si Denis nang marinig mula sa panganay na anak ang buong istorya. Sa pangatlong pagkakataon kasi ay nakulong na naman ang asawang si Nida dahil sa pangungutang nito. Hindi maiwasang madismaya ni Denis sa isiping nangungutang pa rin ito kahit na sobra-sobra na ang ipinapadala niya buwan-buwan. Saan siya nagkulang? Halos wala na nga siyang itinira sa sarili para lang sa pamilya.

Dahil sa sipag at tiyaga ay nakapasok si Denis sa isang magandang kompanya sa ibang bansa. Mapopromote na sana siya ngunit mukhang maaantala iyon dahil sa palagian niyang pag-uwi sa Pilipinas.

“Ewan ko ba naman diyan sa asawa mo p’re, kung ako sa’yo hiwalayan ko yan eh,” sabi ng lasing niyang kumpare na si Lino. Paminsan-minsan ay dumadaan iyon sa isipan niya lalo na’t paulit-ulit lang ang sitwasyon nilang mag-asawa. Ang pinakamalala ay noong unang beses iyong nangyari. Nagulat siya nang pag-uwi niya sa Pilipinas ay sa isang maliit na apartment na lang ang tirahan nila dahil naibenta nito ang kanilang ipinatayong bahay. Napatunayan naman na walang bisyo o lalaki si Nida ngunit sadyang maluho lang sa buhay.

Kahit noong panahon na iyon ay galit na galit siya, inisip niya na lang ang dalawang anak. Dalaga na si Angela at nakikita niyang maagang naging responsable sa buhay dahil sa mas isip bata pa ang ina nito. At mahal niya talaga si Nida kaya’t di niya maatim na iwan ito. Nang pangalawang pagkakataon ay pinatawad at tinanggap niya muli ito. Ngunit ngayong pangatlong beses nang nangyari, nahihirapan na siyang umintindi.

“Diyos ko kayo na po ang bahala sa pamilya ko, baguhin niyo po si Nida kahit para sa mga anak na lang namin…”

Umuwi siya sa Pilipinas at dumiretso sa presinto upang piyansahan si Nida. Nakayuko lang ito hanggang makauwi sila sa bahay. Pansin niya agad ang mga bagong sofa, bagong aircon, bagong mga kung ano-anong abubot. Pero wala na ang mga mamahaling cellphone na ibinigay niya dito, kay Angela, at sa bunso niyang si Bryce.

Silang dalawa lang ang nasa sala, ang mga anak ay nasa kwarto.

“Kung gusto mo na akong iwan… tatanggapin ko,” sabi nito na hindi na sinubukang magpaliwanag pa sa nangyari. Alam niyang luho at kawalan ng disiplina sa paghawak ng pera ang dahilan na naman.

“Ewan ko ba naman sa’yo Nida! Paano na lang ang mga anak natin kung ganyan ka ng ganiyan, ha? Hindi ka na ba talaga matututo?!”

Mahal niya ito ngunit nauuna ang galit sa kaniya, lalo na nang malaman niyang pati ang tuition ni Angela ay nagalaw rin nito.

“Oo inaamin ko pala-utang ako. Eh bakit sakin ka lang naggalit? Iyang nanay mo nga panay ang hingi sa’yo para lang pambayad din ng utang niya ‘di ba?! Sabi ko nga kung gusto mo kaming iwan ng mga anak mo, gawin mo!” galit din na sigaw nito.

Sasagot pa sana siya kung hindi lang gumalabog ang pinto at lumabas mula doon si Angela.

“Kung maghihiwalay kayo, lalayas ako,” iyon lang at mabilis itong lumabas ng pinto.

Naging malamig ang pakikitungo ng mag-asawa sa isa’t isa sa mga sumunod na araw. Nagbalik ibang bansa si Denis nang hindi man lang naayos ang lamat sa pagitan nilang mag-asawa. ‘Di na niya kasi alam ang gagawin pa kay Nida.

Isang linggo lang ang makalipas simula nang makabalik sa trabaho, dahil sa laging malalim ang iniisip, hindi napansin ni Denis ang nagaalboroton makina na kaniyang inaayos.

“Denis!” sigaw nang katrabaho niya ngunit huli na ang lahat at nahagip noon ang kamay ni Denis dahilan upang mamilipit ito sa sakit. Nagkandabali-bali ang buto nito s a kamay dahil sa pagkakaipit sa makina!

Agad itinawag sa Pilipinas ang masamang balita at iyak nang iyak si Nida sa pag-aalala. Umuwi si Denis sa Pilipinas dahil hindi na rin naman siya makakapagtrabaho sa lagay niyang iyon. Mabuti na lang at sinagot na ng kompanya ang pampaopera at gamot ngunit hirap na hirap si Nida na maghanap kung saang kamay kukuhanin ang pantustos sa kanilang pamilya.

Mga buwan ang lumipas at hindin pa rin kayang maghanapa-buhay ng asawa. Kahit malamig pa rin ang pakikitungo nito sa kaniya ay labis siyang nag-aalala para rito. Malamang ay nag-aalala rin ito dahil hindi na nakapagtatrabaho para sa pamilya. Nag-aaral pa naman ang kanilang mga anak, at isa pa, binabayaran pa rin nito ang mga utang niya. Baka makulong na naman siya kapag hindi iyon nahulugan man lang.

Dahil sa desperasyon ay si Nida na mismo ang nagkusang kumayod para sa kanila. unang beses niyang mararanasan sa buong buhay niya ang maglabada, maghugas ng pinggan ng ibang tao, at pagtitinda ng kung ano-ano para lamang kumita. Patang-pata ang kaniyang isip at katawan, ngunit hindi niya iyon ininda dahil sa pamilya.

Doon niya napagtanto kung gaano kabigat ang dinadala ng asawa. Ito lahat ang bumubuhat ng ganoong responsibilidad habang siya ay kung gumasta sa mga bags, sapatos, pakain-kain sa mamahaling restaurant, ay hindi niya naiisip ang paghihirap nito sa ibang bansa. Ngayon naiintindihan na niya si Denis, at nahihiya siya sa kaniyang mga nagawa.

Simula noon ay bawat pisong dumaan sa palad ni Nida ay talagang natutunan niyang pahalagahan. ‘Di nagtagal ay napansin din ng pamilya ang kaniyang pagbabago. Si Denis ay humingi ng tawad dahil sa hindi pa nito kayang magtrabaho.

“Huwag mo nang isipin iyon… magpagaling ka muna. Pasensiya na rin ha? Sa lahat ng nagawa ko dati. Ngayong alam ko na ang hirap mo, natuto na kong ilagay sa lugar ang paggasta,” mapagkumbabang sabi ni Nida.

Niyakap ni Denis ang asawa at napuno ng tuwa ang kaniyang puso. Kailangan pa palang literal na madurog ang buto niya para lang matutunan nila ang kanilang leksyon. Nagdesisyon silang sabay nilang pagsisikapang suportahan ang bawat isa, at bigyan ng respeto ang kani-kaniyang sakrispisyo para sa kanilang mga anak.

Advertisement