Inday TrendingInday Trending
Ibinigay Lamang ng Madrasta sa Binata ay ang Lumang Bahay at Lupa; Hindi Nila Akalain na Ito ang Magbibigay sa Kaniya ng Swerte

Ibinigay Lamang ng Madrasta sa Binata ay ang Lumang Bahay at Lupa; Hindi Nila Akalain na Ito ang Magbibigay sa Kaniya ng Swerte

Lubos ang lungkot na nadarama ni Lance nang sa huling pagkakataon ay nayakap niya ang kaniyang ama. Matagal-tagal na simula nang ito ay nagkaroon ng matinding karamdaman. Mula noon ay siya na ang nag-alaga dito. Laking takot kasi niya na mangyari muli ang nangyari sa kaniyang ina nang mawala ito nang maaga.

Kahit na nag-asawang muli ang ama ni Lance ay hindi siya nagtanim dito ng sama ng loob. Ang ikinasasakit lang ng kaniyang damdamin ay tila hindi humanap ang kaniyang ama ng kasing buti ng kaniyang ina sapagkat masama ang trato sa kaniya ng madrasta.

Parang naging masamang panaginip ang lahat ng muling magpakasal ang kaniyang ama. Ngayon nga na wala na ito ay hindi niya alam kung makakawala pa siya sa anino ng madrastang si Leah at ang dalawang mga anak nito.

“Ito lang daw lumang bahay at lupa ang iniwan sa’yo ng tatay mo. Ang lahat ng pag-aari niya ay ipinapamana na niya sa amin ng mga anak ko,” sambit ni Leah sa binata.

“Wala ka naman sigurong reklamo, ano?” dagdag pa ng madrasta.

“Ayos lang po sa akin,” tugon naman ni Lance.

“Simula ngayon ay maghihiwa-hiwalay na tayo ng landas. Doon na kami titira sa malaking bahay at ikaw dito. H’wag na h’wag ka nang maghahabol sapagkat pinal na ang desisyon na ito,” sambit ni Leah.

Sa katunayan nga ay kahit saan ay tatanggapin ni Lance mapalayo lamang sa mga walang pusong taong ito. Mantakin mo ba naman na hindi pa naililibing ang katawan ng kaniyang ama ay mana na agad ang inatupag ng mga ito.

Muling nagbalik si Lance sa dati nilang tinitirahang bahay na pamana daw sa kaniya ng nasirang ama. Nagbalik ang lahat ng masasayang alaala sa piling ng kaniyang mga magulang.

“Nagkita tayong muli,” saad nito.

“Ako na ang bahala sa iyo at pagagandahin kong muli ang lugar na ito,” sambit pa ng binata.

Agad na nilinis ni Lance ang loob ng bahay upang kaniyang matirhan. Pagkatapos ay saka niya inayos muli ang bakuran at binuhay ang hardin ng kaniyang ina. Sa kaniyang paglilinis ay natanaw niya ang isang puno na matagal ng tanim ng ina.

“Buhay pa pala ang punong ito. Natatandaan ko kung paano ka alagaan ng mama ko noon. Kung narito pa siya ay tiyak kong hindi ka mapapabayaan. Pero nandito na ako, aayusin ko ang lahat ng ito,” muling sambit ni Lance.

At ganoon nga ang kaniyang ginawa. Tinuon niya ang kaniyang lakas at atensyon sa pagsasaayos muli ng dati nilang bahay.

Samantala, wala namang pakundangan si Leah at mga anak nito na waldasin ang lahat ng naiwan ng asawa. Namuhay sila na tila hindi mauubos ang lahat ng kanilang pag-aari.

Lumipas ang mga buwan at nakita na rin ni Lance ang bunga ng kaniyang pinaghirapan. Muling nabuhay ang hardin ng kaniyang ina.“Malamang ko ay matutuwa ang mga magulang ko nito kung narito pa sila. Nanghihinayang ako,” saad ni Lance sa kaniyang sarili.

Maya-maya ay bigla na lamang dumating at mag-iina at pilit na kinakamkam ang lupa, ang tanging pag-aari ng binata. Naubos na kasi nila ang lahat ng kanilang naiwan dahil nabaon sila sa sugal at kung anu-ano pang mga bagay.

“Lahat ng pag-aari ng ama mo ay sa akin dahil ako ang asawa niya kaya lumayas ka dito!” saad ng madrasta.

“Bigla kayong dadating dito at saka niyo kakamkamin ang naiwan sa akin ng ama ko? Sa pamilya ko ang lupang ito kaya wala kayong karapatan dito,” sambit ni Lance.

Ngunit wala na siyang magawa pa dahil nagpakita ng titulo si Leah.

“Hindi naman ako masamang tao, Lance. Sige, hahatiin natin ang lugar na ito. Sa amin itong parte na mayroong bahay at diyan ka naman sa mga halaman mo! Magtayo ka na lang kahit ng isang maliit na kubo dahil doon ka naman nababagay!” sambit ng madrasta.

Napaalis muli sa sariling bahay si Lance. Binakuran na ito ng kaniyang madrasta upang hindi na siya makatuntong pa sa bahay. Masama man ang loob ay gumagaan ang kaniyang pakiramdam sa tuwing nakikita niya ang kaniyang mga halaman sa hardin.

Isang gabi ay bigla na lamang niyang nasilayan ang puno ng kaniyang ina na namulaklak. Hindi niya alam kung ano ang kaniyang mararamdaman sa lubos na kagandahan nito. Ngunit pagkalipas ng ilang oras lamang ay nalanta na rin ang halaman.

Naalala niya ang ina sa sinabi nito noon. Na sa pagbuka ng bulaklak nito ay maaari siyang humiling at ang kahilingan ay matutupad. Sa ganda ng mga halaman, ito ay kaniyang pinarami, upang kung darating man ulit ang pagkakataon na mamumulaklak ito, ay marami ang makakasaksi.

Pinagtatawanan ng mag-iina itong si Lance sa kaniyang ginagawang pag-uubos ng oras sa kaniyang mga halaman.

Isang araw ay may napadaan na isang eksperto sa kanilang lugar at nakita ang puno ng ina ni Lance na bihira lamang mamulaklak.

“Nahihibang po ba kayo, ginoo? Dalawang milyong piso para lamang po sa halamang ito?” gulat ni Lance.

“Kung gusto mo ay dadagdagan ko pa. Magkano ba ang kailangan mo? Alam kong bibihira ang ganiyang halaman at ayaw mo itong ibenta sa akin, pero matagal na akong naghahanap nito. Kaya ko iyang bilhin ng tatlong milyon o higit pa!” sambit pa ng ginoo.

Laking gulat ni Lance sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na ganito pala kamahal ang presyo ng halaman na ito.

Dahil na parami niya ito ay ipinagbili niya ang ilan sa nasabing ginoo. Nang malaman ito ng kaniyang madrasta at ng mga anak nito binalak na naman nila itong angkinin. Ngunit dahil mapera na si Lance, naprotektahan na niya ang kaniyang pag-aari.

Ikinunsulta din niya sa mga eksperto ang titulo na hawak ng kaniyang madrasta at napag-alaman na pineke lamang ito. Ang tunay na titulo ay ipinangalan sa kaniya ng kaniyang mga magulang. Kaya muli niya itong nabawi mula sa mga ito.

Namuhay nang masagana si Lance dahil lamang sa halaman na naiwan ng kaniyang ina. Hindi niya akalain na isasalba pa rin siya ng mga magulang mula sa pagmamalupit ng madrasta.

Samantala, lubos na naghirap si Leah at mga anak nito. Marahil ito ay ganti ng kapalaran sa lahat ng masasamang ginawa niya sa buhay ni Lance.

Advertisement