Inday TrendingInday Trending
Galit ang Ginang sa Lubos na Pag-Inom ng Mister ng Alak; Matatauhan Siya Nang Malagay ang Buhay sa Panganib

Galit ang Ginang sa Lubos na Pag-Inom ng Mister ng Alak; Matatauhan Siya Nang Malagay ang Buhay sa Panganib

“Mahal, tara na at uuwi na tayo,” sambit ni Jackie sa kaniyang asawang si Danny habang sinusundo niya ito sa inuman.

“Tara na at lasing na lasing ka na. Umuwi na tayo,” muling paanyaya ng ginang sa mister.

“Hindi ba sinabi ko sa iyo na h’wag mo akong pupuntahan dito sa inuman? Hinihiya mo naman ako, e. Baka isipin ng mga kumpare ko ay ander de saya ako!” pagpalag ni Danny sa misis.

“Walang nag-iisip sa’yo ng ganiyan kaya halika na. Lasing na lasing ka na, mahal. Tara na at iuuwi na kita,” muling giit ni Jackie sa asawa.

Naiinis man ay sumama na rin pauwi ang mister. Pagdating sa kanilang bahay ay labis ang yamot ni Danny sa asawa.

“Sa uulitin nga ay h’wag mo na akong susunduin sa inuman. Baka kung ano na ang iniisip sa akin ng mga kainuman ko! Baka akala nila ay napaptiklop lang ako basta sa tawag mo!” sambit ng mister.

“Lasing na lasing ka na, Danny. Ano ang gusto mo? Pabayaan kita na magpakalango pa roon? Hindi ka naman tulad ng iba na iinom lamang nang sapat. Kapag uminom ka ng alak ay wala ka nang katinuan na itinitira para pang-uwi,” paliwanag naman ni Jackie.

“Tingnan mo, babalikan ko pa tuloy ang motor ko dun kay kumpare. Ayoko pa naman na nawawaglit sa paningin ko iyon! Baka mamaya ay bigla na lang masira,” pahayag naman ng ginoo.

“O, siya, magpalit ka na ng damit at itulog mo na ang kalasingan mo na iyan. Sa susunod, Danny, hindi na talaga kita pupuntahan sa inuman. Bahala ka kung paano ka makakauwi!” naiinis na saad ng ginang.

Palaging umiinit ang ulo ni Danny sa tuwing sinusundo siya ng asawa kapag siya ay nakikipag-inuman kasama ang kaniyang mga kumpareng mga kapwa taxi drayber. Sa hirap at pagod daw kasi sa pagbyahe ay ito na lamang ang tanging libangan ng mga ito. Ngunit tutol dito si Jackie sapagkat kilala niya ang kaniyang asawa.

Malakas kung uminom ito at tila nakakalimot kapag nalango na sa alak. Nag-aalala si Jackie sa tuwing umiinom ito baka kasi madisgrasya ito pauwi. Kaya bago pa lumalim ang gabi ay sinusundo na niya ito sa inuman. At para na rin makabyahe pa ng maaga kinabukasan.

Pagkagising ni Danny ay handa na ang kaniyang kape at almusal.

“Danny, mag-usap nga tayo,” bungad ni Jackie sa mister.

“Mamaya ay hindi ka makikipag-inuman sa mga kaibigan mo. Tingnan mo, anong oras na at hindi ka pa nakakabyahe. Tiyak akong masakit din ang ulo mo ngayon. Napakarami niyong alak na iniinom gabi-gabi,” wika pa ng misis.

“Kailangan kong daanan ang motor o do’n kila Pareng Rey. Kung hindi ka kasi nagpumilit ay hindi sana ay deretso na akong uuwi rito,” tugon ni Danny.

“H’wag mong gawing dahilan ang motor mo, Danny! Naiinis na ako sa palaging pag-inom mo. Baka mamaya ay kung ano na ang nangyayari sa atay mo. O baka kung mapano ka na dahil sa kalasingan. Isipin mo naman kami ng anak mo!” sambit muli ni Jackie.

“Isipin niyo rin ako. Aba, iyon na nga lang ang tanging dibersyon ko sa lahat ng kinakaharap kong pagod sa pamamasada. Pinipigilan mo pa ako. Matanda na ako, Jackie, alam ko na kung ano ang gagawin ko sa sarili ko! H’wag kang umasta riyan na parang hawak mo ako sa leeg dahil kahit anong mangyari ay hindi ako magpapa-ander sa iyo. Tandaan mo ako ang bumubuhay sa inyo!” nayayamot na sambit ng ng mister.

Ikinasama ng kalooban ni Jackie ang kaniyang narinig sapagkat tila nanunumbat ang asawa.

“Bahala ka na. Kung gusto mong magpakalango sa alak ay ikaw na ang bahala. Basta, binalaan kita, Danny!” wika naman ni Jackie.

Pagkatapos mamasada ay dumeretso na naman si Danny upang makipag-inuman sa kaniyang mga kumpare. Mas marami ang kanilang iinumin ngayon sapagkat kaarawan ng isa nilang kaibigan.

Malalim na ang gabi at ang lahat ay lubos na ang pagkalango. Kinakantyawan si Danny ng mga kasamahan baka sunduin na naman daw ito ng kaniyang misis.

“Hindi na ako susunduin nun kasi kinastigo ko na siya kanina. Akala niya ay mas matigas siya sa akin e,” sambit ng lasing na lasing na si Danny habang nagtatawanan ang mga kumpare niya.

Maya-maya ay may naglabas na lamang bigla ng isang baril na rebolber.

“Matapang ba kayo?” sambit ng isang kainuman.

“Alam niyo ba ang larong ito? May isa akong bala at paiikutin natin ang rebolber na ito. Para mapakita ang tapang ay itututok natin ito sa ating sentido at saka natin kakalabitin ang gatilyo!” hamon nito.

Dahil mga pawang lasing na nga ay wala na sa tamang pag-iisip ang mga ito. Wala rin silang nararamdamang takot kaya kumasa sila sa hamon ng kaibigan.

Inilagay ng lalaki ang bala sa baril at saka niya ito ipinaikot. Isa-isa silang humawak ng baril at saka nila ito itinutok sa sentido.

Sa tuwing may kakalabit ng gatilyo at hindi pumuputok ang baril ay labis ang kanilang tawanan. Maya-maya ay pagkakataon na ni Danny.

Dahan-dahan niyang itinutok ang baril sa kaniyang sentido at tiningnan ang mga kasamahan. Ngunit bago pa man niya makalabit ang gatilyo ay inawat na agad siya ng kaniyang asawa na lubos ang taranta nang makita ang mister na may hawak na armas.

Pumutok ang baril at buti na lamang ay sa sahig ito tumama at walang natamaan.

“Ano ba ang ginagawa mo, Danny!” sigaw ng umiiyak na si Jackie.

Nanlalambot naman ang tuhod ng ginoo at tila nagising ito mula sa matinding kalasingan.

“Bakit mo ginagawa ang bagay na iyan, Danny? Ilang beses ko ba sinabi sa iyo na tama na ang pag-inom mo na ito. Paano na lamang kung hindi ako dumating dito at hindi kita napigilan!” walang tigil sa pagtangis ang misis.

“Simula ngayon ay hinding-hindi ka na makikisama sa mga kaibigan mo na ito. Ilalagay ka nila sa kapahamakan. Walang madadalang mabuti ang alak, mahal. Tara na at umuwi na tayo!” sambit muli ni Jackie.

Hindi na nakapagsalita pa si Danny sapagkat hindi pa rin siya makapaniwala sa kaniyang muntik nang gawin. Mabilis ang lahat ng pangyayari ngunit nagpapasalamat siya sa pagdating ng asawa. Kung hindi ay baka nakabulagta na siya at wala nang buhay ngayon.

Napayakap na lamang siya sa kaniyang misis.

“Patawarin mo ako. Tama ka, hindi ako nag-iisip. Hanggang ngayon ay nangangatog ang katawan ko, mahal. Nagsisisi na ako sa lahat ng ginawa ko. Simula ngayon ay hinding-hindi na sasayaran ng alak itong mga labi ko!” napaluha na lamang si Danny na sinasabi ito sa kaniyang misis.

Ginamit ni Danny ang kaniyang pangalawang buhay upang ituon ang pansin sa pagtataguyod ng kaniyang pamilya. Simula noon ay hindi na siya uminom pa ng alak at hindi na rin sumasama pa sa kaniyang mga kaibigan. Nagsilbing aral sa kaniya ang lahat ng pangyayari upang mas pahalagahan ang kaniyang buhay at kaniyang pamilya kaysa sa kaniyang bisyo.

Advertisement