Inday TrendingInday Trending
Pinagbabawalan ng Asawa ang Isang Ginang na Magtinda, Isang Masakit na Lihim ang Kaniyang Natuklasan sa Likod nito

Pinagbabawalan ng Asawa ang Isang Ginang na Magtinda, Isang Masakit na Lihim ang Kaniyang Natuklasan sa Likod nito

“Mars, pansin ko lang pakaunti na nang pakaunti ang mga kinukuha mong items sa akin, ha? Huwag mong sabihing umiral na naman ang pagkapraning ng asawa mo sa mga lalaking nais bumili sa mga paninda mo?” tanong ni Eka sa kaibigan, isang umaga nang kumuha ito ng mga paninda sa kaniyang bahay.

“Ganoon na nga, mars. Naku, ewan ko ba roon! Ayos na naman sa kaniya noong nakaraang buwan na makipag-usap ako sa ibang lalaki, basta’t para lamang sa negosyo, tapos noong linggo, ayaw niya na naman at inaway pa akong maigi,” kwento ni Glenda, bakas sa mukha niya ang pagkadismaya at panghihinayang.

“Naku, kung hahayaan mo siyang palaging ganyan, sigurado akong hindi uunlad ang negosyo mo! Lalo na, ang mga panindang pinapasa ko sa’yo, kalahati ay para sa mga lalaki,” tugon ng kaniyang kaibigan dahilan upang siya’y mapakamot na lang sa ulo.

“Kaya nga, eh, hayaan mo, makukumbinsi ko rin iyon. Lalo na’t ngayon, maraming lalaking nagtatanong sa bago nating panindang mga sapatos, sa laki ng kikitain ko roon, tiyak papayag ‘yon,” sambit niya.

“Sana nga,” tanging sagot ng kaniyang kaibigan, mayamaya pa, tinawagan na siya ng kaniyang asawa at siya’y pinaghihinalaan na naman dahilan upang agad siyang umuwi sa kanilang bahay.

Sa tatlong taong pagiging may bahay ng ginang na si Glenda, hindi naging maging madali ang simula ng pagiging isang ilaw ng tahanan para sa kaniya. Bukod kasi sa napakakulit niyang anak na may sakit sa pag-iisip, sumabay pa ang palagiang paghihinala sa kaniya ng kaniyang asawa sa pagnenegosyo siya online.

Madalas kasi nitong makitang may kausap siyang mga lalaki sa isa niyang social media account kung saan siya nagtitinda ng samu’t-saring bagay. Para naman sa kaniya, wala lamang iyon dahil ang tanging layunin niya ay ang kumita upang makatulong sa gastusin sa bahay at sa gamot ng kaniyang anak, ngunit tila sa ibang perspektibo ito nakikita ng kaniyang asawa.

Palaging sinasabi nito sa tuwing nakikitang may kapalitan siya ng mensaheng lalaki, “Titigilan mo ‘yan o ilalayo ko sa’yo ang anak mo?” dahilan upang wala siyang magawa kung hindi ang sumunod dito dahil sa labis niyang pagmamahal sa kaniyang anak.

May mga araw namang nakukumbinsi niya itong hayaan siyang makipag-usap, lalo na kapag malaki ang kikitain niya, ngunit mas lamang pa rin talaga ang mga customer na natatanggihan niya dahil ayaw ng kaniyang asawa.

Noong araw na ‘yon, pagkakuha niya ng paninda sa kaniyang kaibigan, nagmadali na siyang umuwi. Halata kasi sa boses ng kaniyang asawa ang galit dahilan upang siya’y humangos at mag-isip kung mayroon na naman ba siyang ginawang ayaw nito sa kaniyang maliit na negosyo.

Pagkauwing-pagkauwi niya, nadatnan niyang palakad-lakad at parang hindi mapakali ang kaniyang asawa dahilan upang tanungin niya ito. Ngunit imbes na makatanggap ng sagot, tanging sambit lang nito, “Ikaw nang magbantay sa anak mo, ha, may aasikasuhin lang ako,” sabay alis sa kanilang bahay dahilan para labis siyang magtaka.

Nagtanong-tanong siya sa mga kaibigan nito at katrabaho kung may nangyari bang hindi maganda para magkaganoon ang kaniyang asawa. Lahat ng ito’y tumangging magbigay ng sagot kaya naman lalo pa siyang nangamba.

Minabuti na niyang magtungo sa bahay ng kaniyang biyenan kasama ang kaniyang anak at doon niya nakita ang kalokohan ng kaniyang asawa. Kitang-kita niya kung paano nito isakay sa kotse ang isang buntis na babae na tila ba manganganak na.

“Glenda, maniwala ka, mahal ka ng anak ko, nadala lang siya ng tukso,” sambit ng kaniyang biyenan habang siya’y hinihila papasok ng bahay, agad niya itong tinanggihan at umuwi ng kanilang bahay.

Doon niya inilabas ang sama ng loob niya. Umiyak siya nang umiyak habang yakap-yakap ang kaniyang anak na walang alam sa mga nangyayari.

“Kaya pala ayaw mong may kausap akong lalaki dahil ayaw mong magantihan kita sa panloloko mo sa akin!” sigaw niya habang humahagulgol.

Bago pa umuwi ang kaniyang asawa, inempake na niya ang gamit nila ng kaniyang anak. Buo na ang loob niya ngayon na makipaghiwalay sa asawa dahil sa panloloko nito.

Nagtungo siya sa bahay ng kaniyang kaibigan at sa kabutihang palad, pinayagan siya nitong makitira muna habang wala pa siyang ipon.

Imbes na ilugmok ang sarili sa sakit na nararamdaman, mas lalo niya pang pinursigi ang sarili na makabenta ng maraming gamit. Sinagot niya ang tanong ng lahat ng mga nais bumili sa kaniya, lalaki man o babae, dahilan upang hindi kalaunan, makapagpundar sila ng kaniyang kaibigan ng isang maliit na tindahan ng samu’t-saring gamit sa palengke at iyon na ang naging simula ng pagbangon niya sa buhay.

Magmakaawa man ang kaniyang asawa na bumalik siya, hindi na siya nag-aksaya ng panahon upang maniwala sa mga panloloko nito.

Advertisement