
Hagalpakan ang mga Kaklase ng Binata nang Malamang Isa Itong Konduktor sa Bus; Pagdating ng Araw ay Titingalain Nila Ito
Madaling-madali na ang binata papunta sa istasyon ng bus. Hindi para maging pasahero kung hindi upang magtrabaho. Umeekstra kasing konduktor si Marvin tuwing wala siyang klase. Lalo ngayon at simula na ng araw ng bakasyon.
Pagdating sa trabaho ay sinalubong agad siya ng isang drayber.
“Marvin, kanina ka pa hinahanap ni boss. Pinaalis na niya ang bus. Ililipat ka na lang daw sa iba pero bago daw ‘yun ay pumunta ka muna sa tanggapan niya at nais ka raw niyang makausap,” saad ng lalaki.
Kinakabahan na si Marvin. Ilang beses na rin kasi siyang nahuli. May mga pagkakataon pa nga na naaantala ang byahe dahil wala pa siya.
Nakayukong pumasok ang binata sa tanggapan ng amo.
“Mabuti naman at narito ka na, Marvin. Aba’y daig mo pa ako, a! Alam mo bang huli na sa nakatakdang oras ng byahe ang bus na sasakyan mo kaya pinaalis ko na! Tapatin mo nga ako, kaya mo pa bang magtrabaho?” nagtaas na ng boses ang boss.
“Pasensya na po at may kailangan lang po kasi akong asikasuhin sa eskwela kaya nahuli ako. H-hindi na po mauulit, pangako!” saad naman ni Marvin.
“Talagang hindi na ito dapat maulit, Marvin, dahil isang beses na mahuli ka pa ay tanggal ka na sa trabaho. Nauunawaan ko na pinagasabay mo ang pag-aaral at paghahanapbuhay. pero may sinusunod tayong panuntunan. Kung hindi ka makakasunod ay pasensyahan tayo,” muling saad ng ginoo.
Mula noon ay pinangako ni Marvin na hindi na siya mahuhuli sa trabaho dahil malaking tulong ang kaniyang pagiging konduktor para makapag-aral siya. Alam kasi ng lahat kung gaano katayog ang pangarap nitong si Marvin. Nais kasi niyang maging isang piloto.
Akala ni Marvin ay tapos na ang kaniyang kalbaryo hanggang sa makita niya sa loob ng bus ang ilan niyang kaklase. Mahigit pa doon ay naroon din si Kaye, ang babaeng matagal na niyang nililigawan.
Nahahalata ng binata na siya ang pinagbubulungan ng mga ito ngunit nagpakapormal na lamang siya at ginawa ang kaniyang trabaho.
Isa-isa niyang nilapitan ang mga paseho at saka niya binigyan ng tiket sabay singil sa kanilang mga pamasahe.
Paglapit niya sa mga kaklase ay hindi napigilan ng isa na magtanong.
“Nagkukundoktor ka pala, Marvin? Kaya pala madalas kang nagmamadali pagtapos ng klase ang akala talaga namin ay sira lang lagi ang tiyan mo,” sambit ng isang babae habang pinipigilan naman ng ibang kaklase ang kanilang tawanan.
“Siya nga pala, kasama namin si Kaye, pupunta kasi kaming resort. Baka naman p’wede mo kaming ilibre ng pamasahe?” kantiyaw pa ng isa.
Nahihiya si Marvin ngunit hindi niya malibre ang mga kaklase ng pamasahe. Iaawas kasi sa sahod niya ito at marami pa siyang iniisip na bayarin.
“Bibigyan ko na lang kayo ng diskwento. Pasensya na at hindi ko magagawang ilibre kayong lahat,” nakayukong saad pa ng binata.
Kinantyawan ng ibang kaklase ang nililigawang si Kaye. Mahina raw kasi ang dating nito kay Marvin kaya hindi man lang sila magawang ilibre ng pamasahe. Napahiya naman ang dalaga.
Makalipas ang dalawang araw ay muling nagkita-kita ang mga magka kaklase sa loob ng silid-aralan. Nagulat na lamang si Marvin nang pagpasok niya ay siya na pala ang pinag-uusapan ng mga ito.
“Natatandaan ko noong nagsulat tayo ng essay ay sinabi niyang nais daw niyang maging isang piloto? Piloto ang pangarap pero konduktor pala ang tunay na trabaho!” natatawang saad ni Kaye sa ilang kaklase.
“Baka magulat kayo, pagsakay n’yo sa eroplano ay may naniningil na rin at nagbibigay ng tiket. Naroon si Marvin at nagkukundoktor!” patuloy sa hagalpakan ang mga mag-aaral.
“Ang sarap siguro ng trabaho n’ya, ano? Akalain mo’t pa byahe-byahe lang siya tapos ang dami pa niyang dalang pera, pero bayad ng pamasahe ng mga pasahero,” wika pa ng isa.
Ginawang katatawanan ng mga dalaga ang trabahong ito ni Marvin.
Sa buong semestre na iyon ay walang ginawa ang lahat kung hindi tuksuhin ang binata dahil sa kaniyang trabaho.
Isang araw ay nilakasan ni Marvin ang kaniyang loob upang humingi ng paumanhin kay Kaye at ipagtapat na rin ang tunay niyang nararamdaman. Ngunit imbes na magpakumbaba itong si Kaye ay sinungitan pa niya ang binata.
“Sa tingin mo ba talaga ay may pag-asa ka sa akin? Pasensya ka na, Marvin, kung iisipin mong mataas masyado ang tingin ko sa aking sarili. Pero maraming nanliligaw sa akin na mas matalino, mas gwapo at higit sa lahat ay may kaya ang pamilya. Hindi ako basta-basta pumapatol lang sa mga kagaya mo. Kaya simula ngayon ay huwag ka nang umasa pa sa akin dahil kahit kailan ay hindi ko magugustuhan ang isang tulad mo,” mariing sambit ng dalaga.
Mula noon ay naging tampulan na ng tukso itong si Marvin hindi lang dahil sa kaniyang trabaho kung hindi sa liit ng tingin sa kaniya ng iniibig.
Ngunit hindi nasiraan ng loob itong si Marvin. Kahit na madalas siyang pagtawanan at tuksuhin ng mga kamag-aral ay pinagpatuloy pa rin niya ang kaniyang pag-aaral hanggang sa isang araw ay hindi na lamang nila ito nakita.
“Siguro ay hindi na kinaya ang kahihiyan. O, hindi naman kaya ay pinili na lang ang pagiging konduktor niya,” saad ni Kaye.
Lumipas ang ilang taon at nagkahiwa-hiwalay na rin sila ng landas. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral itong si Kaye dahil nabuntis ng isang mayamang lalaki ngunit hindi naman siya pinanagutan. Upang matustusan ang pamumuhay ng kaniyang pamilya ay kinailangan niyang maging isang domestic helper sa Hong Kong.
Nasa paliparan si Kaye at hinihintay ang mga susundo sa kaniyang mga kamag-anak nang bigla niyang nasalubong ang isang pamilyar na mukha.
“K-kaye, ikaw ba ‘yan?” tanong ni Marvin.
“A-ako nga ito. Matagal na panahon rin, Marvin. Huwag mong sabihin sa akin na dito ka nagtatrabaho. At sa suot mong uniporme ay natitiyak kong –” napahinto si Kaye.
“Oo, isa na akong ganap na piloto. Hindi naging madali para sa akin pero heto at natupad na rin ang pangarap ko. ‘Yung boss ko kasi sa pinagtatrabahuhan kong bus company, nalaman niyang pinagsasabay ko ang pag-aaral at pagtatrabaho bilang isang konduktor. Napahanga ko raw kaya ipinasok nila ako sa iskolarsyip. Awa ng Diyos nakapagtapos ako at naging isang piloto na. I-ikaw? Kumusta ka na?”
Nahihiya si Kaye na sabihin ang tunay niyang trabaho.
“Isa akong domestic helper lang sa Hong Kong. Kakatapos lang ng kontrata ko kaya nakauwi na ako dito sa Pilipinas. H-hindi ko alam kung kailan ulit ang alis ko,” saad naman ni Kaye.
“Huwag mong minamaliit ang trabaho mo dahil bawat trabaho, maliit man o malaki, mahalaga ‘yan. O siya, kailangan na ako sa eroplano at baka mahuli ako. Ikinagagalak kitang makita muli. Hangad ko ang magandang buhay rin para sa iyo,” saad pa ni Marvin.
Hindi makapaniwala si Kaye sa naabot ng dating kaklase. Buong akala kasi niya ay imposible para kay Marvin na matupad ang pangarap na maging isang piloto. Nakonsensya siya sa kaniyang ginawa noon sa dating manliligaw. Kahit na kasi masama ang trato niya rito ay hindi man lang nito minaliit ang kaniyang trabaho.
Habang papaaalis si Kaye ay nakaramdam siya ng panghihinayang.
Samantala, hindi na sinabi ni Marvin kay Kaye na siya ang pinuno ng lahat ng piloto sa paliparang iyon upang hindi na bumaba pa ang tingin ng dating kaklase sa kaniyang sarili.
Ang tanging hangad na lang ng binata ay matutunan ni Kaye ang isang mahalagang aral ng na huwag maliitin at alipustahin ang kapwa dahil lang sa trabaho nito. Nais din ni Marvin na magsilbi siyang isang inspirasyon sa dating kaklase upang hindi ito huminto sa pagtupad ng pangarap at umasenso rin sa buhay.