Inday TrendingInday Trending
Inako ng Malayong Kamag-Anak ang Pagpapalaki sa Ulilang Magkakapatid: Kinalauna’y Magandang Buhay ang Ganti ng mga Ito

Inako ng Malayong Kamag-Anak ang Pagpapalaki sa Ulilang Magkakapatid: Kinalauna’y Magandang Buhay ang Ganti ng mga Ito

Labis ang pagdadalamhati ng apat na magkakapatid na sina Rolly, Vivian, Sonny, at Paul nang sabay na yumao ang kanilang mga magulang dahil sa isang aksidente. Parehong nagtatrabaho ang dalawa sa pabrika ng tsinelas nang magkaroon ng sunog. Sa kasamaang palad ay hindi na nakalabas pa nang buhay ang mag-asawa.

“Paano na tayo ngayon nito, Kuya Rolly? Paano na tayo mabubuhay pa?” pagtangis ng nakababatang kapatid na si Vivian.

“Gagawin ko ang lahat para hindi tayo magkahiwa-hiwalay. Hihinto muna ako sa pag-aaral nang sa gayon ay makapagtrabaho. Kahit anong trabaho ay papasukin ko para lang mabuhay ko kayo,” naluluhang saad naman ng panganay.

Labing limang taong gulang lang si Rolly ngunit nasa kaniyang mga balikat na ang responsibilidad sa mga maliliit pa niyang kapatid. Sa totoo lang ay hindi niya alam kung paano bubuhayin ang mga ito. Ang tanging nasa kaniyang isipan lamang ay matupad ang pangako niya sa kaniyang mga magulang na hindi sila maghihiwalay magkakapatid kahit ano ang mangyari.

Dahil sa awa ng ilang kamag-anak ay nag-usap-usap ang mga ito at nakapagdesisyon ang mga ito na tulungan ang magkakapatid.

“Ako na ang kukuha kay Vivian. Kailangan ko ng babae para makatulong sa karinderya ko,” saad ng isang tiyahin.

“Si Rolly na sa akin at si Paul para panganay at bunso,” saad naman ng isang kaanak.

Samantalang si Sonny ay mapupunta naman sa kaniyang lola.

“Hindi po kami makakapayag. Kung hindi po kami magkakasama ay mas mabuti pang huwag n’yo na po kaming ampunin. Nangako ako sa mga magulang ko na kahit anong mangyari ay hindi ko hahayaan na magkahiwa-hiwalay kaming magkakapatid,” saad ni Rolly.

“Hindi na namin mapapakain pa ang apat na sikmura nang sabay-sabay. Aba’y may mga anak din kami,” saad naman ng kapatid ng kaniyang ama.

Tumanggi rin ang ilang kapatid at malalapit na kamag-anak ng ama. Kaya muli ay nanatili sa bahay na iyon ang apat na magkakapatid.

Hanggang sa dumating ang tiyahin ng ina ng magkakapatid na si Nenita, isang balo. May edad na rin ito at pagtitinda sa palengke ang ikinabubuhay. Hindi man nakakariwasa sa buhay ay inako na lang niya ang responsibilidad sa magkakapatid dahil sa awa niya sa mga ito.

“Sa tingin ko naman ay kasya tayo sa bahay ko. Magtiyaga lang kayo dahil hindi rin maluwag ang buhay ko, pero gagawin ko naman ang lahat para mabigyan kayo ng magandang bukas. Basta tulung-tulong tayo. Totoo lang ay nais ko ring magkaroon ng kasama sa bahay,” saad pa ni Nenita.

Tuluyan nang inuwi ni Nenita ang magkakapatid. Ngayon ay kayod kalabaw siya upang mabuhay niya ang mga ito. Hindi niya pinahinto isa man sa mga ito sa pag-aaral. Hindi naman naging pabigat ang mga bata dahil pagkatapos ng eskwela ay tumutulong ang mga ito sa kanilang Nanay Nenita sa pagtitinda sa palengke.

Habang naglalakad pauwi ng bahay ay kinompronta ng isang kapitbahay itong si Nenita.

“Tingnan mo at napakalaking responsibilidad ang inako mo. nananahimik ang buhay mo noon at nag-iisa ka. Ngayon ay apat na problema ang bitbit mo! Pag-aaralin mo ang mga iyan tapos ay magiging sakit ng ulo pagdating ng panahon. Akala mo ata ay nakakuha ka ng mga mag-aalaga sa iyo sa iyong pagtanda! Iiwan ka rin ng mga ‘yan!” saad ng isang ginang.

“Nasa sa kanila naman iyon kung ano ang nais nilang gawin sa buhay nila. Basta ako’y ibibigay ko ang tulong na kaya ko. Hindi naman problema ang mga ito sa akin. Sa katunayan nga ay nagkaroon ng kulay ang buhay ko simula nang dumating sila,” depensa pa ni Nenita.

Madalas marinig ni Rolly ang mga sinasabing ito ng mga kapitbahay tungkol sa kanilang Nanay Nenita. Madalas din kasing magipit ang ginang kaya nakakautang ito sa iba.

Isang araw ay labis na nagkasakit ang bunso at kailangan nitong madala sa ospital. Parang hilong talilong na itong si Nenita sa kakahanap ng pera. Pinuntahan niya ang ilang kaanak ng mga bata upang humingi ng tulong ngunit pinagtabuyan lamang siya ng mga ito.

“Problema mo na sila ngayon. Ikaw ang umako sa kanila, hindi ba? Hindi naman namin pinagpilitan na kunin mo silang lahat! Marami rin kaming problema, sa iba na lang kayo humingi ng tulong!” saad ng kapatid ng ama.

Ang iba namang nilapitan ni Nenita ay malakas pa ang daing sa kaniya. Kaya walang nagawa ang ginang kung hindi mangutang sa bumbay. Mabuti na lang ay agad ding gumaling si Paul at nakalabas ng ospital. Ngunit dagdag na naman ito sa malaking pagkakautang ni Nenita.

Nakita ng apat na bata kung paano sila mahalin at alagaan ng kanilang Nanay Nenita. Kaya ipinangako nila sa isa’t isa na gagawin nila ang lahat upang makaganti naman dito balang araw.

Nagpatuloy ang buhay ng magkakapatid sa piling ni Nenita. Mahirap man ang buhay at tulong-tulong sila sa pagsusumikap.

Pinilit ng magkakapatid na galingan sa kanilang pag-aaral para magkaroon ng iskolarsyip sa malalaki at kilalang unibersidad at hindi naman sila nabigo. Pawang isa sa kanila ay nakapagtapos ng may karangalan.

Lahat sila ay nagkaroon ng magagandang trabaho dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.

Isang araw ay nag-usap-usap ang magkakapatid na magkaroon ng isang simpleng salu-salo para sa kaarawan ng kanilang Nanay Nenita. Inimbitahan nila ang lahat ng kanilang kamag-anak.

“Narito kayo dahil nais naming magbigay pugay sa isang taong ginawa ang lahat para mabigyan kami ng magandang buhay. Hindi nagdalawang-isip ang aming Nanay Nenita na kupkupin kaming apat kahit na mabigat at mahirap. Pinasan niya ang responsibilidad na hindi dapat sa kaniya. Hindi namin mararating ang lahat ng narating namin kung hindi dahil sa kaniya,” panimula ni Rolly.

“Kaya naman ngayong kaarawan niya ay nais naming ibigay ang isang regalong mula sa aming puso. Matagal tayong nanirahan na magkakasama sa isang maliit na bahay. Ngunit kahit kailan ay hindi namin naramdaman na may kulang. Kahit na nawala ang mga magulang namin ay natutunan namin muling maging masaya,” saad naman ni Vivian.

Inabot ni Sonny at Paul ang isang envelope sa kanilang Nanay Nenita.

Nang buksan ito ng ginang ay labis siyang nagulat nang makita ang isang titulo ng lupa na nakapangalan sa kaniya at ang plano ng bahay.

“Natutunan naming maging masaya sa loob ng isang simpleng bahay lalo na siguro ngayon na pagsasaluhan na natin ang bahay na mas malaki. Dahil kahit na may sari-sarili na kaming mga buhay at pamilya ay uuwi at uuwi pa rin kami sa inyo, nanay, dahil ikaw ang naging pamilya namin noong walang may gusto sa amin,” dagdag pa ni Paul.

Patuloy sa pagluha si Nenita dahil sa labis na kaligayahan.

“Hindi n’yo na ako kailangan pang bigyan ng ganitong regalo dahil makasama ko lang kayo ay sapat na. Kayo ang nagbigay ng dahilan sa akin upang muling magkaroon ng katatagan ng loob upang lumaban muli sa buhay. Kayo ang mga dahilan ko kung bakit nananatili akong masaya. Kayo ang nagbigay ng kulay sa buhay ko, mga anak,” pagtangis ng ina.

Mula noon ay lumipat na sa sariling bahay at lupa itong si Nenita at madalas siyang dalawin ng magkakapatid kasama ang mga pamilya nito. Hindi na rin niya kailangan pang magtrabaho dahil patuloy ang pagbibigay ng mga ito sa kaniya ng sustento. Para sa magkakapatid ay panahon naman ng kanilang Nanay Nenita na mabuhay nang masagana.

Labis na ipinagmamalaki ni Nenita ang kaniyang apat na anak-anakan sapagkat ang lahat ng mga ito ay may magagandang buhay na.

Ngunit lalong ipinagmamalaki ng magkakapatid ang kanilang Nanay Nenita dahil sa tapang nito na kunin ang responsibilidad na palakihin sila at bigyan ng magagandang hinaharap sa buhay.

Advertisement