Inday TrendingInday Trending
Nagkunwaring may Nakahahawang Sakit ang Babaeng Ito Upang Makaiwas sa mga Responsibilidad; Pagsisisihan Pala Niya Ito Nang Malaki

Nagkunwaring may Nakahahawang Sakit ang Babaeng Ito Upang Makaiwas sa mga Responsibilidad; Pagsisisihan Pala Niya Ito Nang Malaki

Napapakunot na lamang ang noo at nangangati ang ulo ni Cindy kapag nababasa niya ang mga mensahe ng kaniyang ina at mga kapatid sa probinsya. Lahat kasi ng ito ay umaasa lamang sa kaniyang padala mula sa kakarampot na sinasahod niya bilang isang empleyado sa isang pabrika. Aniya, lahat na lamang ng kailangan sa bahay ay siya ang inaasahan kahit na malalaki na ang kaniyang mga kapatid.

“Cindy, baka naman pwede mo akong tulungan sa mga pambayad ko sa mga requirements ko. Magtatrabaho na kasi talaga ako para naman makatulong sa bahay,” wika ng kapatid ni Cindy.

“Anak, magtatatlong buwan na ang kuryente natin pati tubig, nangangamba akong baka maputulan na naman,” wika naman ng kaniyang ina sa isang mensahe.

“Ate, may mga bayarin ako sa eskwelahan at saka baka pwede mo akong mabilhan ng laptop kasi kailangan ko sa iskul,” mensahe naman ng kaniyang bunsong kapatid.

Matapos ang mga tambak na mensahe ng mga kapatid at ina, inilabas ni Cindy ang natitirang pera niya sa kaniyang wallet. Binilang niya ito maski na mga baryang laman ng wallet. Subalit mas lalo lamang sumakit ang kaniyang ulo nang malamang kahit pamasahe sa mga susunod na linggo ay kakapusin na rin siya.

Sa murang edad na labing walong taon, lumuwas ng Maynila si Cindy upang magtrabaho bilang isang waitress sa isang kilalang hotel sa siyudad. Subalit dahil na rin sa pandemya, nagsara ang kaniyang pinagtatrabahuan. Naiwan ang dalaga na baon sa mga utang kakahanap ng trabaho at pambayad ng kaniyang renta sa kwartong tinitirhan. Makalipas lamang ng isang buwan, hindi pa man siya nakakaahon mula sa mga utang niya, nariyan naman ang kaniyang pamilya na panay ang hingi sa kaniya.

Isang tanghali, hindi na mapigilan ni Cindy ang mapaluha habang nakatulala sa kawalan. Nang bigla na lamang niya marinig ang pag-uusap ng dalawang babae sa kaniyang tabi.

“Alam mo bang nakakuha ng daang libo iyong kasamahan natin dahil nagkasakit siya?” ani isang katrabaho.

“Grabe naman. Ang laki naman niyan. Parang gugustuhin ko na ring magkasakit!” biro naman ng isa pang kausap ng babae.

Nang marinig ang pag-uusap na ito, isang ideya ang naisip ni Cindy upang matustusan ang malaking pangangailangan ng kaniyang pamilya at ng sarili. Kaya naman, pag-uwi pa lamang niya ay kinuha na niya ang kaniyang selpon at naghanap ng mga impormasyon kung paano siya makakakuha ng pera kung magkaroon siya ng nakakahawang sakit.

Lumipas ang tatlong araw, sinimulan na ni Cindy ang kaniyang plano. Hindi na pumasok sa kaniyang trabaho si Cindy at nagkulong na lamang sa kaniyang kwarto. Dito niya ipinaalam sa kaniyang kumpanya na siya raw ay mayroong sakit na dulot na dala ng pandemya.

Hindi rin nagtagal, agad na bumuhos ang tulong kay Cindy. Ang kaniyang kumpanya ay nagpaabot ng tulong na kalahating daang libo dahil raw siya ay kinakailangan ng oxygen. Ganoon din, dumating din ang isa sa mga opisyal ng kanilang barangay upang abutan siya ng mga pagkain. Ibinalita rin nito na mayroong tulong pinansiyal na manggagaling sa opisina ng alkalde upang tulungan ang dalaga.

Habang ang lahat ay nag-aalala sa kaniya, siya naman ay pahiga-higa lamang na kumakain sa kaniyang silid. Binibilang pa niya ang mga perang nakukuha niya mula sa gobyerno pati na sa kaniyang kumpanya. Lingid sa kaniyang kaalaman ang paparating na dagok sa kaniyang buhay.

“Magandang tanghali, Cindy,” isang malakas na bati mula sa isang opisyal mula s aopisina ng alkalde ang nadinig ni Cindy sa labas ng kaniyang kwarto.

“Hindi po ako maaaring lumabas. Baka po pwedeng sa selpon na lang po tayo mag-usap,” nagkuwaring mahina ang pananalita ni Cindy nang marinig ang boses na gumising sa kaniya umagang umaga pa lamang.

“Nandito lang po ako upang ipahatid ang balita na nasa amin na po ang tulong pinansiyal ninyo na isang daang libo. Subalit kailangan lamang po na maipakita ang test na positibo kayo. Kaya po magpapadala kami dito sa susunod na linggo upang maipasuri ho kayo nang maayos,” paliwanag naman ng opisyal.

Kinabahan si Cindy nang marinig ang balitang iyon. Subalit dito na niya napag-isip na kailangan ay makuha niya ang malaking halaga na iyon upang maging matagumpay ang kaniyang plano. Kung kaya naman, sa kalagitnaan ng gabi, tumakas si Cindy upang magtungo sa isang ospital kung saan mayroong mga pasyente na mayroong sakit. Pumuslit siya sa mga bantay at hinawak hawakan ang mga pasyente na naroon. Pagkatapos nito siya ay umuwi na muli na para bang walang nangyari.

Pagkalipas ng isang linggo, naramdaman na ni Cindy ang mga sintomas ng sakit. Kapos sa paghinga, nilalagnat, masakit ang katawan at walang panlasa’t pang-amoy. Dahil siya ay nagtitipid, simpleng gamot lamang ang kaniyang binibili. Subalit isang gabi ang dumating nang bigla na lamang magising si Cindy na hindi na makahinga. Buong gabi ay hinahabol niya ang kaniyang paghinga hanggang sa dumating ang umaga na naroon na muli ang mga opisyal upang siya ay masuri.

Nadatnan siya ng mga tao na hirap na hirap na sa paghinga. Kung kaya naman siya ay dinala na sa ospital at nagtagal siya roon ng napakaraming araw. Sa bawat araw na nagdaan, hinihiling na lamang ng dalaga na sana ay maging malusog siyang muli. ‘Di bale nang walang pera, ang mahalaga ay walang sakit.

Nakamtam nga ni Cindy ang perang tinatamasa ngunit hindi naman niya ito nagastos sa kaniyang personal na pangangailangan. Lahat kasi ng iyon ay kulang pa para sa mga gastusin niya sa ospital. Kung hindi lamang siya naging tuso at mas pinili na lamang sana na kumita ng pera sa marangal na paraan, ngayon sana ay hindi siya lalong baon na baon sa mga utang.

Advertisement