Inday TrendingInday Trending
Wala raw Puwang sa Pagbebenta ng Mamahaling Sasakyan ang Dalagang Ito; Isang Matandang Gusgusin ang Una Niyang Kostumer

Wala raw Puwang sa Pagbebenta ng Mamahaling Sasakyan ang Dalagang Ito; Isang Matandang Gusgusin ang Una Niyang Kostumer

Parang butas ng karayom ang dinaanan ng dalagang si Wendy para lang makapasok siya na maging ahente ng isang sasakyan. Sa totoo lang ay matagal na niyang pinapangarap ang trabahong ito dahil tiyak na malaki ang komisyon na makukuha kapag nakabenta siya ng isang sasakyan.

Mas mabilis siyang makakaipon para sa pagpapagamot ng kaniyang ina na may malubhang karamdaman. Tanging siya na lang kasi ang inaasahan nito dahil yumao na ang kaniyang ama sa parehong sakit.

Kaya para kay Wendy ay hindi na niya hahayaan na mawalan pa siya ng isang magulang dahil lang sa wala silang pera na pampagamot.

Unang araw ng dalaga sa trabaho. Kinakabahan ngunit positibo ang kaniyang pananaw. Maaga siyang dumating sa opisina at matiyagang naghihintay ng pagbubukas nito. Ilang sandali ay nariyan na ang ibang kasamahan.

“Siya ata ‘yung bagong dating. Bakit kaya nakapasa ‘yan? Sa itsura pa lang ay mukhang hindi na makakabenta,” bulong ng isang babae sabay habang tinitingnan si Wendy mula ulo hanggang paa.

“Lalamunin lang natin ng buhay ‘yan dito. Siya na mismo ang aalis dahil sinisigurado ko na walang mabebenta ang babaeng iyan. Hindi katulad niya ang lalapitan ng nais bumili ng sasakyan. Itsura pa lang ay parang wala nang laman ang utak,” wika naman ng dalagang si Charise, ang empleyadong laging nakakabenta ng sasakyan.

Napayuko lang si Wendy dahil akala niya ay magiging kaibigan niya ang mga kasamahan. Ngunit hindi naging mainit ang pagtanggap sa kaniya ng mga ito. Araw-araw ay lagi na lang magkakasama ang mga ito at naiiwan palagi ang dalaga.

Isang araw ay nakita ni Charise itong si Wendy na inaaral ang mga katangian ng pinakamahal na sasakyan na kanilang ibinebenta.

“Sa tingin mo talaga ay makakabenta ka ng ganiyang klaseng sasakyan? Simula nang dumating d’yan dito ay isa pa lang ata ang nakakabili at kaibigan pa raw ng may-ari nitong opisina. Kaya kung ako sa iyo ay huwag ka nang mangarap nang mataas,” saad ni Charise sa dalaga.

“Nais ko lang aralin tutal wala pa namang tao. Isa pa, sa ganda nitong sasakyan ay hindi imposibleng may magtanong nito. Mabuti na ‘yung nakahanda ako,” paliwanag naman ni Wendy.

“Ikaw ang bahala. Pero ako na ang nagsasabi sa iyo na nag-aaksaya ka lang ng panahon! Kung may makakabenta man niyan ay hindi ikaw kung hindi ako!” dagdag pa ng mahaderang kasamahan.

Lagi nang ginagawang katatawanan ni Charise at ng ilang kasamahan itong si Wendy mula sa paraan ng pananamit nito hanggang sa paraan nito ng pagsasalita. Para sa dalaga ay walang puang sa trabahong iyon ang bagong saltang si Wendy.

Kalagitnaan na ng buwan at bukod tanging si Wendy na lang ang walang benta. Patuloy pa rin sa pag-aaral ng mga sasakyan ang dalaga habang pinag-uusapan lang siya ng mga kasamahan.

“Kawawa naman ‘yang si Wendy, hindi pa rin siya nakakabenta kahit isang sasakyan!” saad ng isang dalaga.

“Hindi nakakapagtaka na wala pa rin siyang benta! Kung ako man ang bibili ng sasakyan ay hindi ko siya kakausapin. Mas presentable pa nga ang itsura ng janitress natin kaysa d’yan kay Wendy!” natatawang tugon naman ni Charise.

“Naku, Charise, ikaw na naman ang nangunguna sa benta ngayon. Baka naman sa pagkakataong ito ay p’wede ka nang manlibre! Baka nga ikaw na ang italagang store manager dito dahil patuloy pa rin ang paghahanap ng management ng manager, ‘di ba?” dagdag pa ng kasamahan.

“Tama kayo! Matagal ko nang inaasam ang promotion na ‘yan! Isang kotse na lang at kota na ako. Sa tingin ko naman ay maaabot ko ang kota ko dahil magaling akong kumilatis ng tunay na bibili ng sasakyan. Kung hindi man ay nabobola ko sa sila at napapabili. Sabi nga sa akin ni boss ay darating ngayong araw ang kaibigan niya at bibili ng sasakyan. Unahan na lang tayo kung sino ang makakapagbenta sa kaniya. Iyang si Wendy ay pupusta akong kahit isang kotse ay hindi ‘yan makakabenta kahit abutin pa siya ng isang taon!” pagmamalaki pa ng dalaga.

Maya-maya ay may isang matandang lalaki ang pumasok sa bilihan ng sasakyan. Simple lang ang porma nito. Nakasuot ng kupas na polo at pantalon na mayroon pang mantsa. Ang sapatos nito ay marumi at may dala pa itong lumang bag. Palinga-linga ang matanda at akmang naghihintay ng may aasikaso sa kaniya.

Sumigaw agad si Charise upang paalisin ang matandang ginoo.

“Hindi kami tumatanggap ng nagsosolisit! Bawal ang mamalimos dito! Umalis ka na, Tatang!” sambit ng dalaga.

Agad namang lumapit itong si Wendy upang tanungin ang pakay ng matanda.

“May maipaglilingkod po ba ako sa inyo, ginoo?” magiliw na sambit ni Wendy.

“Sa totoo lang ay naghahanap kasi ako ng sasakyan. ‘Yung anak ko kasi mahilig siya sasakyan, e. Para sa kaniya sana ito,” saad pa ng matanda.

“A-ano po bang klase ng sasakyan ang hinahanap n’yo, ginoo? Maaari ko po kayong tulungan,” wika pa ng dalaga.

Habang inaasikaso ni Wendy ang matanda ay patuloy sa pagtatawanan sina Charise at iba pang mga ahente.

“Walang-wala na ata talaga siyang mabentahan kaya pinatos na ang mahirap na matanda! Ibang klase ka talaga, Wendy, napapatawa mo kami!” hagalpak ni Charise.

Inilibot ni Wendy ang matanda sa buong warehouse para maipakita isa-isa ang mga sasakyan. Nang biglang huminto ang matanda sa pinakamaganda at pinakamahal na sasakyan na naroon.

“Itong sasakyang ito ang nais ng anak ko! Natatandaan ko na! Maaari mo bang sabihin sa akin ang mga espesyal na katangian nito para naman malaman ko,” wika pa ng matanda.

Walang kaabog-abog ay inilahad ni Wendy ang lahat ng kaniyang nalalaman tungkol sa sasakyang iyon. Habang nagpapaliwanag siya ay patuloy pa rin sa tawanan ang kaniyang mga kasamahan.

“Pinag-aaksayahan mo lang ang matandang iyan! Nais lang niyang makaranas na makasakay sa mamahaling sasakyan. Mamaya ay magpapakuha iyan ng litrato at saka ipapadala sa mga kamag-anak sa probinsya. Kilalang-kilala ko na ang ganiyang gawain!” kantiyaw pa ni Charise.

“Huwag n’yo na silang intindihin, ginoo. Ayos lang po sa akin kahit hindi naman kayo bumili. Masaya ako at kahit paano ay nakapag-ensayo ako. Talagang maganda ang sasakyan na ito. Kung ako rin po ay may malaking halaga ay bibili ako nito. Pero siyempre uunahin ko muna ang pagpapagamot ng nanay ko at pagbili sa kaniya ng bahay,” nakangiting kwento pa ni Wendy.

“Hindi nakakapagtaka na nagustuhan ito ng anak ko. Maganda ang katangian niya at maging ang itsura. Magkano ba ito?” tanong muli ng ginoo.

Nang marinig ito ni Charise ay grabe na naman ang tawanan nilang magkakaibigan.

“Kung makapagtanong ng halaga ay kala mo’y bibili talaga! Masarap ang mangarap, tatang, pero baka kulang pa ang buhay mo para mabili ang sasakyan na ‘yan!” sambit pa ng dalaga.

“Hayaan n’yo na po siya, ginoo. Labing limang milyong piso po ang sasakyan na iyan. May iba pa po ‘yang kulay ngunit kailangan pa pong order-in at maghihintay pa kayo ng dalawang buwan. Pero kung ang kulay na ‘yan ang pipiliin n’yo, pagkaayos ng papeles at pagkabayad n’yo ay maiuuwi n’yo na rin ‘yan,” saad pa ni Wendy.

“O siya, ito na lang kulay na ito at iyo rin naman ang nais ng anak ko. Gusto kasi niya ang sasakyan na ito at nais ko siyang surpresahin sa kaniyang kaarawan,” dagdag pa ng matanda.

Buong akala ni Wendy ay nangangarap lang ang matanda. Hanggang sa muli siyang tanungin nito.

“Saan ba natin aayusin ang papeles at saan ako magbabayad? Tumatanggap naman kayo ng tseke, ano? Nais ko kasing mabili naito bago pa dumating ang anak ko. Gusto ko kasi siyang surpresahin. Kung hindi ay hihintayin ko na lang ang anak ko rito at magpapasama akong kumuha ng pera sa bangko,” dagdag pa ng matanda.

Hindi alam ni Wendy ang kaniyang sasabihin. Labis siyang nagulat dahil hindi siya makapaniwala na bibilhin ng matandang ginoo ang naturang mamahaling sasakyan.

Samantalang, ang tingin naman ni Charise at ibang kasamahan ay nasisiraan na ng bait ang matanda hanggang sa dumating ang anak nito.

‘’Dad, huwag mo sabihin sa aking binili mo ang mamahaling sasakyan na ‘yan? Hindi mo na ako kailangan pang bilhan ng regalo dahil kaya ko namang bilhin ‘yan! Saka bakit ganyan na naman ang ayos n’yo?” saad ng isang binata na nakasuot ng Amerikana.

“Parang hindi ka naman na nasanay sa akin, anak. Alam mo namang sa tuwing aalis ako ay ganito ang suot ko. Ayaw kong tratuhin ako nang maganda nang dahil lang sa alam nilang milyonaryo ako. Hayaan mo nang bilhan kita ng sasakyan dahil nais kong maging espesyal ang ika-apatnapung kaarawan mo. Isa pa, magaling ang pamamahala mo sa kompanya. Para sa iyo talaga ang sasakyang ito. Ito si Wendy, siya ang nais kong mag-ahente sa atin sa pagkuha ng sasakyang ito. Mabuti ang kaniyang pakikitungo sa akin at hindi niya hinusgaan ang isang tulad ko,” saad pa ng matanda.

“Salamat, miss, at inasikaso mo ang daddy ko. Nasaan si Ninong Fred, ‘yung boss n’yo dito? Nais ko siyang makausap dahil parang hindi ko na ata mapipigilan itong daddy ko na bumili ng sasakyan, e,” nakangiting wika naman ng ginoo.

Hindi akalain ng lahat na ang matandang ito pala ang kaibigan ng kanilang boss. Lumuwa ang mata nitong si Charise nang makita kung gaano kalaking halaga ang kokomisyunin ni Wendy sa sasakyang kaniyang naibenta.

“Hindi lang iyan ang makukuha mo, hija, dahil sa ubod ka ng bait at maganda ang iyong asal ay magbibigay rin ako ng tip. Sasabihin ko rin sa boss mo na kaibigan ko na ipromote ka dahil magaling ka at mabuti ang iyong ugali,” dagdag pa ng matanda.

Labis ang pasasalamat at tuwa ni Wendy. Hindi niya rin akalain na ang unang sasakyan na kanilang maibebenta ay ang pinakamaganda at pinakamahal sa lahat.

Dahil sa laki ng komisyon na kaniyang nakuha at sa tip na bigay ng matandang don ay hindi na problema nitong Wendy ang pagpapagamot sa kaniyang ina. Na-promote agad siya sa trabaho dahil sa rekomendasyon din ng ginoo.

Samantala, si Charise ay nanatili sa kaniyang posisyon at nagtatrabaho sa pamamahala ng baguhang dalagang kaniyang pinagtatawanan noon, si Wendy.

Advertisement