Inday TrendingInday Trending
Hindi na Alam ng Mag-Asawa ang Gagawin sa Sakit sa Ulong Anak; Hindi Akalain ng mga Ito ang Pagbabagong Magaganap

Hindi na Alam ng Mag-Asawa ang Gagawin sa Sakit sa Ulong Anak; Hindi Akalain ng mga Ito ang Pagbabagong Magaganap

“Drake, anak, ano na naman itong ginawa mo? Nanghihingi na naman sa akin ng pera ang tatay mo dahil daw napagulo ka! Wala ka na ba talagang gagawing matino sa buhay mo?” bungad ng inang si Lumeng nang makausap niya ang anak sa telepono.

“Sila itong naghamon sa akin. Ngayong sila ang napatumba ko ay sila raw ang naagrabyado? Kasalanan ko ba na lampa silang lahat?” pabalang na tugon naman ng binata.

“Anak, bakit hindi mo na lang kasi ituloy ang pag-aaral mo. Iwasan mo na ang mga kaibigan mong may masamang impluwensya sa iyo. Matanda na kami ng papa mo at hindi sa lahat ng panahon ay narito kami para ayusin ang gusot mo. Huwag mo namang sayangin ang sakripisyo namin ng papa mo,” pakiusap pa ni Lumeng.

“Tigilan n’yo na nga ako sa pagda-drama n’yo, ‘ma! Magpapadala ba kayo ng pera o hindi? Kaya n’yo naman atang makita ako sa kulungan. Siguro mas mainam ngang nasa likod na lang ako ng rehas nang sa gayon ay wala na kayong sakit ng ulo,” pangongonsensya pa ni Drake.

Bilang ina ay wala nang nagawa pa si Lumeng kung hindi magpadala ng pera sa Pilipinas upang mabayaran ang danyos na ginawa ng anak.

Magtatatlong dekada na itong si Lumeng sa ibang bansa bilang domestic helper. Doon na sila nagkakilala ng kaniyang asawang si Rick. Ang tunay na plano ay sabay na silang uuwi ng Pilipinas at hindi na babalik pa ng ibang bansa. Ngunit dahil nga sa hirap ng buhay ay nagbalik-Saudi itong si Lumeng.

Hindi man lang niya nagawang alagaan ang kaniyang kaisa-isang anak. Lumaki tuloy si Drake na barumbado at laging nasasama sa gulo. Sa sobrang tigas ng ulo nito ay hindi rin masuheto ng kaniyang ama.

“Kung ako sa iyo, Lumeng, ay hindi na ako magpapadala ng pera. Hahayaan ko nang magtanda ‘yang si Drake. Aba’y akala ata niya ay sa kaniya umiikot ang mundo. Ginagawa lang niya kung ano ang sa tingin niyang magpapasaya sa kaniya. Hindi niya tayo iniisip,” saad ni Rick sa asawa.

“Hindi naman natin basta p’wedeng talikuran ang anak natin, Rick. Kung tutuusin ay may pagkukulang din naman tayo sa kaniya kaya siya lumaking ganiyan. Kausapin mo na lang muna baka sakaling makinig,” wika naman ni Lumeng.

Hindi na mabilang ni Rick kung ilang beses niyang kinompronta ang anak dahil sa mga maling ginagawa nito. Ngunit talagang walang pakialam si Drake. Gagawin pa rin niya ang gusto niya.

Isang araw ay muling napaaway itong si Drake. Sa pagkakataong ito ay labis na ang galit ni Rick.

“Drake, kailan mo ba aayusin ang buhay mo? Tumingin ka nga sa paligid mo! Hindi ka ba naaawa sa amin ng mama mo?” sambit ng ama.

“Kaya naman ako nagkaganito ay dahil laging wala si mama. Maski ikaw, wala ka! Kaya huwag n’yo akong sisihin sa pagkukulang n’yo sa akin!” tugon ni Drake.

“Alam mo kung bakit wala ang mama mo ngayon rito. Para sa iyo! Para mabigyan ka niya ng magandang buhay! Ako man, naghahanap buhay ako dahil gusto ko nang pauwiin ang mama mo at magkasama-sama na tayo! Paano mangyayari ‘yun kung hanggang ngayon ay wala pa rin kaming sapat na ipon. Hanggang ngayon ay nakasandal ka pa rin sa amin! Matanda ka na, Drake! Alam mo na ang tama at mali kaya huwag mong isisi sa amin ng mama mo ang mga maling desisyon mo sa buhay! Hindi kami nagkulang ng pangaral sa iyo!” sigaw pa ng ama.

Sa labis na sama ng loob nitong si Rick ay nanikip ang kaniyang dibdib. Hanggang sa tuluyan na itong nawalan ng malay.

Labis ang pag-aalalang naramdamang ni Drake. Habang walang malay ang kaniyang ama ay hindi siya mapakali. Dito niya napagtanto ang lahat ng sinabi ng kaniyang Papa Rick.

“Diyos ko, pagalingin n’yo lang ang papa ko at aayusin ko na ang buhay ko!” pagsusumamo ni Drake.

Ilang sandali lang ay nagising na rin si Rick. Mabuti at naagapan ng mga doktor ang pangyayari.

“‘Pa, simula ngayon ay magbabago na ako. Bigyan n’yo lang ako ng panahon ni mama at itatama ko ang lahat ng pagkakamali ko sa buhay,” wika pa ng binata.

Hindi na sinabi ni Rick ang nangyari sa kaniyang misis. Ayaw niya kasing mag-alala pa ito at baka naman ito ang malagay sa kapahamakan. Maging ang pagbabago ng kaniyang anak ay hindi na rin niya ikinuwento pa kay Lumeng. Ayaw rin kasi niyang umasa ito.

Makalipas ang isang taon at kalahati ay muling nakatanggap ng tawag itong si Lumeng mula sa kaniyang asawa.

“Kailangan mo nang umuwi rito sa Pilipinas. Hindi ko na maawat ang anak mo, Lumeng. Baka sakaling ikaw ay pakinggan niya. Suko na ako!” wika ni Rick.

“A-anong gulo na naman ba ang pinasok niya, Rick? Sige, uuwi ako sa susunod na buwan upang kausapin siya. Siguro nga ay panahon na para komprontahin ko ang anak natin. Kailangan ko nang imulat siya sa katotohanan,” pahayag naman ng ginang.

Makalipas ang isang buwan ay tuluyan nang umuwi sa Pilipinas itong si Lumeng. Naabutan niya ang tinutuluyan nilang apartment na halos wala nang laman.

Agad niyang hinanap ang anak. Nang makita niya si Drake ay pinagsisigawan niya ito.

“Drake, binenta mo ang lahat ng gamit natin? Ano ba ang pumasok sa isip mong bata ka? Pagod na pagod na akong magpakaalipin sa ibang bansa para lang makapag padala ng pera rito at nang mabuhay ka ng maayos! Sinakripisyo ko ang lahat maging ang makasama ko kayo ng papa mo para lang mabigyan ka ng magandang buhay. Ito pa ang igaganti mo sa amin? Saan ba kami talaga nagkulang sa iyo, anak? Ganyan ka na bang kasama?” umiiyak na sambit ng ina.

“‘Ma, huwag ka nang bumalik sa ibang bansa. Dito ka na lang. Hindi ko na hahayaan na bumalik ka pa doon!” tugon naman ni Drake.

“Paanong hindi ako babalik? Walang wala na tayo! Ni wala kaming ipon ng papa mo! Marami pa kaming binabayarang utang! Parang nawawalan na ako ng pag-asa na isang araw ay magkakasama-sama pa tayo!” patuloy sa pagluha si Lumeng.

“’Ma, hindi ka na babalik sa ibang bansa dahil ako na ang bahala sa inyo ni papa. Bayad na ang lahat ng utang ninyo. Hindi na rin natin kailangan pang mangupahan dahil may sarili na tayong bahay! ‘Ma, hindi mo na kailangan pang umalis dahil may magandang buhay nang naghihintay sa iyo rito!”

Hindi maunawaan ni Lumeng ang lahat ng nangyayari.

“Tama ang sinabi ng anak mo, Lumeng. Malaki na ang pagbabago ni Drake. Itong anak natin na ito ay isang magaling na negosyante na ngayon. Hindi ko akalain na mahusay pala talaga siyang magnegosyo!” saad naman ni Rick.

“Maraming salamat sa tulong ni papa dahil nakapagsimula akong muli. Pinahiram ako ni papa ng pera upang magtayo ng isang maliit na kainan. Napalago ko ito at nagtayo pa ako ng ilang mga negosyo tulad ng tindahan ng pyesa ng motor, sasakyan at bisikleta. Sa maikling panahon ay napalago namin ni papa ang negosyo. Kaya hindi mo na kailangan pang bumalik sa ibang bansa, ‘ma. Hindi na rin kailangan ni papa ang magtrabaho dahil sa pagkakataong ito ay ako naman ang bahala sa inyo,” saad pa ni Drake.

Unti-unting napalitan ng luha ng kaligayahan ang umaagos mula sa mga mata ni Lumeng. Hindi niya akalain na tuluyan na ngang nagbago ang kaniyang anak.

“Salamat at hindi n’yo ako sinukuan. Patawad sa lahat ng mga pagkakamali na nagawa ko. Pangako ko sa inyo na babawi ako, mama at papa!” dagdag pa ng binata.

Tinupad ni Drake ang kaniyang pangako sa kaniyang mga magulang. Talagang pinagbuti na niya ang kaniyang buhay. Bumalik din siya sa pag-aaral dahil matagal nang pangarap ng kaniyang ama at ina na makapagtapos siya ng kolehiyo.

Tuluyan nang umuwi sa Pilipinas itong si Lumeng at huminto na rin sa pagtatrabaho si Rick. Sa wakas ay sama-sama na silang mag-anak habang tinatamasa nila ang magandang buhay sa Pilipinas.

Advertisement