Inday TrendingInday Trending
Walang Kaibi-kaibigan sa Ginang Kapag Utang ang Pinag-uusapan; Sa Panahon ng Kagipitan, May Kaibigan Kaya Siyang Malalapitan?

Walang Kaibi-kaibigan sa Ginang Kapag Utang ang Pinag-uusapan; Sa Panahon ng Kagipitan, May Kaibigan Kaya Siyang Malalapitan?

“Mare, tatapatin na kita. Kailangang-kailangan ko kasi ng pera ngayon dahil may kailangan akong bayaran. Baka naman pwede akong manghiram sa’yo? ‘Wag kang mag-alala, babayaran ko rin naman agad!” pakiusap ng kumare niyang si Josie.

Hindi na nagtaka pa si Melissa. Umagang-umaga pa lang kasi nang puntahan siya nito sa para magkwento. Natanggal daw sa trabaho ang asawa nito at hirap maghanap ng bago. Tiyempo naman na kailangang-kailangan nitong magbayad ng matrikula ng anak sa kolehiyo.

“Narinig ko kasi sa mga kumare natin na nagpapahiram ka raw. Baka naman pwedeng pahiramin mo rin ako?” pakiusap nito.

“Meron naman akong naitatabi rito, mare. ‘Yun nga lang, kung manghihiram ka ay may kondisyon,” aniya.

Nagliwanag ang mukha nito.

“Ano’ng kondisyon, mare?” tanong nito.

Kinuha niya ang papel na inihanda niya mismo para sa lahat ng nagnanais mangutang. Iniabot niya rito ang kasulatan.

“Heto’t basahin mo mare,” udyok niya.

Sa dokumento ay nakasulat ang lahat ng panuntunan niya para sa mga nangungutang. Kasama na roon ang paalala kung magkano ang interes ng pera na ibabalik nito sa kaniya.

“Limampung porsyento? Hindi ba’t masyadong malaki ‘yun, mare? Ibabalik ko rin naman agad,” komento nito.

Nagkibit balikat siya.

“Pasensya ka na! Ganyan talaga, alam mo na, negosyo,” sagot niya.

“Para namang hindi tayo magkaibigan niyan! Hindi naman kita tatakbuhan,” giit nito.

Nakapamewang siya nang sagutin ito. Hindi na niya nagugustuhan ang takbo ng usapan nila.

“Wala naman akong sinabing tatakbuhan mo ‘ko pero negosyo ko kasi ‘to. Walang kaibi-kaibigan pagdating sa negosyo. Alam mo naman ‘yan! Kung ayaw mo, sa iba ka na lang manghiram,” sansala niya.

Isang mabigat na buntong hininga ang pinakawalan nito, problemadong-problemado dahil sa sinabi niya.

“Hindi naman kita pinipilit. Pero kapag sa’kin ka nanghiram, kailangan mo lang pirmahan ‘yan at pwede mo nang iuwi ang pera ngayon din,” pangungumbinsi niya sa kumare.

Nakita niya ang pagdadalawang-isip nito ngunit sa huli ay pinirmahan din nito ang kasulatan.

Nang makaalis ito, sumilay ang isang malawak na ngiti sa mga labi ni Melissa. Mayroon na naman kasi siyang bagong tutubuin!

Aminado siyang mataas ang interes na kailangang bayaran ng mga nanghihiram. Sinadya niya iyon lalo na’t alam niyang wala rin namang magagawa ang karamihan. Manghihiram pa rin ang mga ito kahit na anong kondisyon niya dahil alam niya kung gaano kahirap humanap ng pera.

Sa totoo lang, ilang beses na rin siyang nakarinig ng reklamo sa iilan, ngunit nanatiling matigas ang puso niya. Katwiran niya, hindi naman siya namimilit.

“Hindi maganda ‘yang ginagawa mo. Imbes na tulungan mo kaming mga gipit, mas sinasamantala mo pa ang kahinaan namin. Sana balang araw maranasan mo rin ang ginagawa mo sa amin!” naalala niyang galit na pahayag ni Mang Isko, isa sa mga nangutang sa kaniya. Nang hindi makabayad, sinampahan niya ng reklamo ang matanda hanggang sa mapilitan itong ibayad sa kaniya ang sarili nitong bahay.

Ipinagkikibit-balikat na lang niya ang mga reklamo. Katwiran niya, ang kasunduan ay kasunduan.

Isa pa, malabo namang sa kaniya ang sinabi ni Mang Isko. Hindi kagaya nito, marami-rami na rin siyang ipon, kaya sinigurado niyang hindi siya maghihirap basta-basta.

Ngunit hindi mo pala talaga masasabi ang takbo ng buhay dahil isang linggo lang ang nakalipas, kinailangan nilang isugod ang bunso niyang anak sa ospital.

“Misis, may sakit po ang anak n’yo. Kailangan natin siyang operahan kaagad. Pagkatapos ay mahaba-habang gamutan ang naghihintay. Ngayon pa lang, binabalaan ko na kayong malaking halaga ang kakakailangan niyo,” paliwanag ng doktor.

Natulala silang mag-asawa ngunit wala silang magawa kundi ang sumang-ayon sa nais mangyari ng doktor. Syempre ay gagawin nila ang lahat para sa anak.

Gaya ng babala ng doktor, hindi sa operasyon natapos ang lahat. Kabi-kabilang gamutan ang kailangan ng anak nila, hanggang sa unti-unting naubos ang ipon nila.

Ilang buwan lang ang itinagal ng pera nila sa bangko. Ngayon ay namomroblema na sila kung saan kukuha para sa susunod.

“Mahal, hindi ba’t may kaibigan kang nagpapautang? Baka naman pwedeng pakiusapan mo muna. Babayaran din naman natin kapag tuluyan nang gumaling si Mika,” isang araw ay suhestiyon ng asawa niya.

Marahan siyang tumango. Mukhang wala naman din silang ibang magagawa kundi ang manghiram, at manalig na makalabas na ng ospital ang kanilang anak.

Gaya ng payo ng asawa niya, sa araw ring ‘yon pinuntahan niya ang kaibigan para sabihin dito ang kaniyang sadya.

“Pwede naman mare, kaya lang may interes kang kailangang bayaran. Naiintindihan mo naman siguro ako, ‘di ba? Pareho lang tayo ng negosyo,” sagot nito bago iniabot sa kaniya ang kontrata na kailangan niyang pirmahan.

Isang mabigat na buntong-hininga ang pinakawalan niya nang mabasa iyon. Ang laki ng interes. Limampung porsyento.

“Hindi ba’t masyadong malaki ‘to, mare? Alam mo naman ang nangyari sa anak ko…” aniya, sa pag-asa na lalambot ang puso nito at mapapakiusapan.

Marahas itong umiling.

“Pasensya ka na, ‘yan kasi ang panuntunan ko. Walang kaibi-kaibigan pagdating sa negosyo,” nakangising sagot nito.

Noon umalingawngaw sa isip niya ang mga salitang binitiwan nito. Paulit-ulit din kasing sinabi niya ang mga salitang iyon sa mga taong lumalapit sa kaniya dahil sa sobrang desperasyon.

Lumong-lumo si Melissa. Ganoon pala ang pakiramdam ng mga taong lumalapit sa kaniya sa tuwing sinasamantala niya ang sitwasyon ng mga ito.

Masakit. Para bang dapang-dapa na nga siya at nakabulagta ay walang awa pa rin siyang sinisipa.

Kung hindi niya pa naranasan, hindi niya maiintindihan.

“Ano, mare? Tutuloy ka pa ba o hindi na?” taas kilay na tanong ng nagpapautang.

Labag man sa loob ay pinirmahan niya ang papel para sa anak. Mabigat ang dibdib niya habang naglalakad paalis. Gustuhin man niyang magalit, wala naman siyang karapatan dahil minsan rin naman siyang nasa posisyon nito.

Isang bagay ang napagtanto niya dahil sa nangyari. Bilog ang mundo at ang lahat ng ginawa mo, babalik at babalik din sa’yo. Kaya magtanim ng kabutihan.

Advertisement